The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Isang Tumatagal na Patotoo sa Misyon ni Propetang Joseph

Isang Tumatagal na Patotoo sa Misyon ni Propetang Joseph

ELDER HENRY B. EYRING
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Si Propetang Joseph ay isang halimbawa at guro ng pagtitiis na may pananampalataya. . . . Pinasasalamatan at minamahal ko siya bilang propeta ng Panginoon sa Pagpapanumbalik.

ELDER HENRY B. EYRINGNoong gabi bago siya pinaslang sa Carthage, nagpatotoo si Propetang Joseph Smith sa kanyang mga bantay. Pinatotohanan niya ang banal na katotohanan ng Aklat ni Mormon. Pinatotohanan niya ang pangangasiwa ng mga anghel at na itinatag na muli ang kaharian ng Diyos sa lupa.

Iniisip ko kung nagdasal man lang kahit ang isa sa mga bantay noong gabing iyon. Handa ang Espiritu Santo na ipaalam sa kanila na totoo ang kamangha-manghang mensaheng iyon. Sa patotoo ng Espiritu nalaman sana nila na dapat silang magpabinyag. At sana'y natanggap nila ang walang katumbas na kaloob na Espiritu Santo matapos iyon. Sa kaloob na iyon, nalaman sana nila ang katotohanan ng lahat ng bagay. Iniisip ko kung may isa sa kanila na nakadama noong gabing iyon kung gaano sila kalapit sa pagtahak sa tanging landas na aakay sa kanila sa Tagapagligtas sa kabilang buhay, upang makaharap Siya nang may kasiyahan at marinig ang mga salitang, "Lumapit ka sa akin, ikaw na pinagpala, may isang pook na inihanda para sa iyo sa mga mansiyon ng aking Ama."1

Lahat tayo'y may mga mahal sa buhay. Isipin sila ngayon. Maaaring mga anak natin, o mga apo. Marahil iniisip ninyo ang inyong asawa. Marahil ang taong tinuturuan ninyo bilang isang misyonero. Maaaring isang kaibigan. Gustung-gusto ninyong marinig nila ang mga katagang iyon mula sa Panginoon balang-araw. At para dumating ang pagpapalang iyon, kailangan nila ang patotoong ibinigay ng Propeta sa Carthage na nag-aalab sa kanilang puso sa kabila ng lahat ng pagsubok sa buhay, tulad ng nadama niya.

Sa simula, maihahandog natin sa kanila ang patotoo ng mga saksi. Naglaan ang Panginoon ng ibang tao na susuporta kay Joseph sa pagpapatunay ng ginawa ng Panginoon. Kasama sila ng propeta nang mabuksan ang kalangitan.

Si Oliver Cowdery ang nagbigay ng unang pangangaral ng misyonero sa unang Linggo matapos itatag ang Simbahan. Nagmisyon siya upang ipahayag ang alam niya ayon sa kanyang nakita, narinig, at nadama. Kasama ang dalawa pa nilagdaan niya ang isang patotoo na hinding-hindi nila ikinaila. Nakalimbag ang kanilang pagsaksi sa mga unang pahina sa Aklat ni Mormon:

"Ipinaaalam sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, kung kanino makararating ang gawang ito: Na kami, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng ating Panginoong Jesucristo ay nakita ang mga laminang naglalaman ng mga talang ito, na tala ng mga tao ni Nephi, at ganoon din ng sa mga Lamanita na kanilang mga kapatid, at gayon din ng sa mga tao ni Jared, na nanggaling sa toreng nabanggit. At nalalaman din namin na ang mga ito ay naisalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, sapagkat ang kanyang tinig ang nagpahayag nito sa amin; kung kaya't nalalaman namin nang may katiyakan na ang gawa ay totoo. At nagpapatotoo rin kami na nakita namin ang mga nakaukit sa mga lamina; at ang mga ito ay ipinakita sa amin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at hindi ng sa tao. At aming ipinahahayag sa mahinahong salita, na isang anghel ng Diyos ang bumaba mula sa langit, at kanyang dinala at inilahad sa harap ng aming mga mata, na aming namasdan at nakita ang mga lamina, at ang mga nakaukit doon; at nalalaman namin na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng ating Panginoong Jesucristo, kung kaya't aming namasdan ito at nagpapatunay kami na ang mga bagay na ito ay totoo. At ito ay kamangha-mangha sa aming mga mata. Gayunpaman, ang tinig ng Panginoon ay nag-utos sa amin na kami ay magpatotoo nito; kung kaya't upang makasunod sa mga ipinag-uutos ng Diyos, ay pinatutunayan namin ang mga bagay na ito. At nalalaman namin na kung kami ay magiging matapat kay Cristo ay maaalis namin sa aming mga kasuotan ang dugo ng lahat ng tao, at kami'y matatagpuang walang bahid-dungis sa hukumang-luklukan ni Cristo, at maninirahang kasama niya magpakailanman sa kalangitan. At ang karangalan ay mapapasa-Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo, na iisang Diyos. Amen.

Oliver Cowdery
David Whitmer
Martin Harris"2

Higit pa sa nahahawakang ebidensya ng nakita at narinig ng mga saksing iyon ang maaaring taglayin ng mga mahal ninyo. May iba pang taglay ang tatlong saksing iyon na kailangan nating lahat. Pinatotohanan ng Espiritu Santo sa puso at isipan nila na totoo ang kanilang nakita at narinig. Sinabi ng Espiritu na ang anghel ay galing sa Diyos at ang tinig ay sa Panginoong Jesucristo. Ang pagsaksing iyon ng Espiritu ay ibinigay sa kanila at sa marami pang wala roon. Isa iyong pagsaksi na mapapasaatin at mananatili sa atin magpakailanman kung magiging marapat tayong makapiling ang Espiritu Santo.

Kailanma'y hindi itinatwa ng Tatlong Saksi ang patotoo nila sa Aklat ni Mormon. Hindi nila maatim dahil alam nilang totoo ito. Nagsakripisyo sila at nagpakahirap nang higit sa alam ng karamihan. Gayon din ang patotoo ni Oliver Cowdery tungkol sa banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon noong naghihingalo na siya. Ngunit sa oras ng pagsubok, atubili sila sa paniniwalang propeta pa rin ng Diyos si Joseph at ang tanging paraan para makalapit sa Tagapagligtas ay sa pamamagitan ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Ang patuloy nilang pagpapatunay sa nakita at narinig nila sa kamangha-manghang karanasang iyon, sa matagal nilang pagkakawalay sa Simbahan at kay Joseph, ang higit na nagpapalakas sa kanilang patotoo.

Ibinigay ng Panginoon ang pagsaksi ng Espiritu sa ilan na lubhang sinubok sa problema at pagdurusa nang walang nahahawakang ebidensyang tulad niyon. Nanatiling tapat sa kanilang patotoo sina Brigham Young, John Taylor, Heber C. Kimball at marami pang iba. Nagtiis sila nang may pananampalataya dahil gusto nilang makapiling ang Espiritu Santo at ang nag-aalab na patotoong Siya lamang ang tanging makapagdudulot.

Dahil dito, higit pa sa gunita ang napasakanila nang sandaling ibinulong ng Espiritu sa kanilang puso at isipan na ang Diyos ay buhay, na si Jesus ang Cristo, at si Joseph ay kanilang propeta. At higit pa sa gunita ng kapayapaan at kagalakan ang nakamit nila dulot ng pagsaksing iyon. Dahil marapat sila sa pagsama ng Espiritu Santo, masasabi nila sa bawat kalagayan, gaano man kahirap: "Batid ko ito noon. Dama kong totoo ito noon. Gayon din naman ngayon."

May ilang simpleng bagay silang ginawa para laging maningning at masigla ang patotoong iyon. Matuturuan natin ang mga mahal natin na gawin din iyon. Kung matapat itong gagawin, mananatili sa kanila ang Espiritu Santo. At mapapangakuan natin sila ng galak at kapayapaan sa pagpapatibay ng Espiritu sa katotohanan, kung hihilingin nila ito nang may pananalig.

Pinakamainam nating naituturo ngayon ang mga bagay ng Espiritu sa halimbawa at patotoo. Hindi ko masyadong maalala ang sinabi ng aking mga magulang tungkol sa Espiritu Santo, pero natatandaan ko ang nadama ko nang makita ko ang ginagawa nila na naghatid ng Espiritu Santo sa aming tahanan. Narito ang ilang bagay na maituturo ninyo sa mga mahal ninyo sa pagpapakita ng halimbawa at patotoo, na tiwalang isusugo ng Panginoon ang Espiritu upang pagtibayin ang katotohanan sa kanilang puso at isipan.

Turuan silang manalangin sa Ama nang may pananampalataya, sa ngalan ni Jesucristo. May pangako sa aklat ni Omni tungkol diyan.

"At ngayon, mga minamahal kong kapatid, nais kong lumapit kayo kay Cristo, na siyang Banal ng Israel, at makibahagi sa kanyang kaligtasan, at sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos. Oo, lumapit sa kanya, at ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa kanya, at magpatuloy sa pag-aayuno at pananalangin, at magtiis hanggang wakas; at yamang buhay ang Panginoon kayo ay maliligtas."3

Ipinamalas sa atin ng batang si Joseph Smith kung paano manalangin nang gayon. Naniwala siya sa pangakong nabasa niya sa aklat ni Santiago.4 Nagpunta siya sa kakahuyan sa paniniwalang siya'y sasagutin. Nais niyang malaman kung saang simbahan siya sasapi. Masyado siyang masunurin kaya naging handa siyang gawin lahat ng ipagagawa sa kanya. Kaya't siya'y nagdasal, tulad ng dapat nating gawin, at handa na siyang sumunod.

Kinailangan ang buong kaluluwa niya at sa huli'y ang kanyang buhay sa ipinagawa sa kanya. Tiniis niya ang 24 na taong sumunod sa patuloy na pagdarasal na may pananalig at pagpapakumbabang tulad ng sa bata. Maituturo natin sa mga mahal natin sa buhay na magdasal na may hangaring sumunod. Maipapangako natin na makakapiling nila ang Espiritu Santo. Magpapatotoo ang Espiritu sa kanilang puso tuwing babasahin nila ang mga banal na kasulatang napasaatin sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. At patutunayan muli ng Espiritu na nagsasalita ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang propeta.

Turuan silang pag-isipan ang banal na kasulatan araw-araw, na may pananampalatayang tuturuan sila ng Espiritu. Ngayon makinig sa mga salita sa banal na kasulatan na isinalin ni Joseph Smith. Asahang ituturo sa inyo ngayon ang dapat ninyong gawin. Madarama ninyo ang inspirasyon kung paano ninyo uunawain at ituturo ang mga banal na kasulatan sa mga taong mahal ninyo.

"Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan."5

Itinuro ni Propetang Joseph ang ibig sabihin ng magpakabusog sa banal na kasulatan. Sinabi niya na ang tao ay "malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin [ng Aklat ni Mormon], nang higit kaysa alin mang aklat."6 Malalapit kayo sa Panginoon at Siya'y mamahalin ninyo nang higit. Iyan ang pangako sa Jacob 3:2:

"O kayong lahat na may dalisay na puso, itaas ninyo ang inyong mga ulo at tanggapin ang kasiya-siyang salita ng Diyos, at magpakabusog sa kanyang pagmamahal; sapagkat maaari ninyong gawin ito, kung matatag ang inyong mga isipan, magpakailanman."

Tatanggapin ninyo at ng mga mahal ninyo ang salita ng Diyos sa pagsunod dito. Tutulutan sila nitong madama ang Kanyang pag-ibig. Isa iyan sa mga dakilang pagpapala ng kaloob na Espiritu Santo. Kapag nadama natin ang pag-ibig na iyon malalaman natin na ang landas natin sa buhay ay sinang-ayunan ng Diyos. Iyan ang pagpapakabusog sa masarap na prutas na inilarawan sa Aklat ni Mormon.7

Turuan silang magsakripisyo upang maitatag ang kaharian ng Diyos. Ang sakripisyong iyon ay maghahatid ng patotoo ng Espiritu. Isinalin ni Propetang Joseph Smith ang magandang pangakong isinulat ng isang propeta noon pa para sa ating panahon:

"At pagpapalain sila na mga maghahangad na maitatag ang aking Sion sa araw na yaon, sapagkat mapapasakanila ang kaloob at ang kapangyarihan ng Espiritu Santo; at kung sila ay makapagtitiis hanggang wakas sila ay dadakilain sa huling araw, at maliligtas sa walang hanggang kaharian ng Kordero; at kung sinuman ang maghahayag ng kapayapaan, oo, mga balita ng dakilang kagalakan, anong ganda nila sa ibabaw ng mga bundok."8

Maaangkin ng lahat ang pangakong iyan. Mahahangad ng pinakabata at pinakabagong miyembro na itatag ang kaharian ng Diyos. Ang Sion ay binubuo ng mga tao at mga pamilya. Kapag lumalago ang kanilang pananampalataya mas tumatatag ang kaharian. Makatutulong tayo diyan araw-araw. Pati pinakamaliit na magagawa para patatagin ang pananampalataya ng isa pang tao o pamilya ay nagpapamarapat sa atin sa kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sumasaksi sa katotohanan ang Espiritu Santo. Kung gayon, sa ating paglilingkod lumalago ang pananampalataya natin na si Jesus ang Cristo, na buhay ang ating Ama sa Langit at mahal Niya tayo, at na si Joseph ay kanilang propeta. Maaasahan ninyo iyan, sa tuwing pupunta kayo sa isang tahanan para magpalakas ng pananampalataya, bilang home teacher o visiting teacher o kaibigan.

Hindi madarama ng ilan ang pagpapalang iyan sa paglilingkod nila sa Simbahan. Ngunit iyan ay dahil sa nakatuon sila sa gawain sa halip na sa maluwalhating oportunidad na pagpapahayag ng kapayapaan, oo mga balita ng dakilang kagalakan" sa mga anak ng Diyos sa Kanyang kaharian. Kapag ganoon ang tingin natin sa paglilingkod, hindi lang tayo dadakilain sa huling araw kundi pananariwain at hihikayatin sa pagtahak sa landas. At magpapatotoo ang Espiritu na ito ang kaharian ng Panginoon na ipinanumbalik sa mga huling araw.

Turuan silang mahalin ang iba sa paglilingkod sa kanila. Naghahatid iyan ng Espiritu. Itinuro at ipinamuhay iyan ni Propetang Joseph. Sa maraming nakatalang halimbawa ng kanyang likas na pagmamahal, ang labis na umantig sa akin ay ang nangyari sa bilangguan sa Carthage, noong gabi bago siya pinatay. Isa sa mga lalaking kasama niya roon ay si Dan Jones. Nadama ng Propeta ang panganib sa mga mandurumog. May dahilan siya para isipin at iligtas ang sarili. Sa halip inisip niyang aluin ang iba.

"Nang ang lahat ay mukhang nahihimbing na, bumulong si Joseph kay Dan Jones, 'Takot ka bang mamatay?'

Sagot ni Dan, 'Palagay mo ba'y oras na? Dahil kabilang tayo sa layuning ito, palagay ko'y hindi nakakatakot mamatay.' Tugon ni Joseph, 'Makikita mo pa ang Wales, at tutuparin ang misyong itinalaga sa iyo bago ka mamatay.' "9

Nakaligtas si Dan Jones para magmisyon sa Wales. Libu-libong mga kasapi sa Wales ang nagtungo sa Sion. Ang ilan ay mahusay kumanta. Kabilang sila sa mga unang miyembro ng nabuong Tabernacle Choir. Kapag naririnig nating kumakanta ang koro, sana'y gunitain natin si Dan Jones, ang matapat na kaibigan ni Propetang Joseph. Turuan ang mga mahal ninyo sa buhay na gunitain ang pag-alo kay Joseph nang kinailangan niya ito. Kapag inaaliw natin ang iba dahil sa pananampalataya natin sa Panginoon, isinusugo Niya sa atin ang Mang-aaliw. At ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo, ang nagbigay-kapangyarihan kay Joseph na magbigay ng pampalakasloob na mula sa isang propeta.

Ipinakita ni Joseph sa magiliw niyang kabaitan ang katotohanan ng mga salita sa Aklat ni Mormon: "Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang—

"Datapwat ang pag-ibig sa kapwatao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya."10

Para sa akin si Propetang Joseph ay isang halimbawa at guro ng pagtitiis na may pananampalataya. Hindi ko siya sinasamba, ngunit pinasasalamatan at minamahal ko siya bilang propeta ng Panginoon sa Pagpapanumbalik. Tinulungan niya akong manalangin na may layong sumunod. Mas nagpapakabusog ako sa salita at sa pag-ibig ng Diyos. Dahil sa kanya mas madalas kong madama ang Espiritu Santo sa mga sandaling sinisikap kong patatagin ang pananampalataya ng isang tao sa kaharian ng Panginoon. At dahil sa alam ko ang tungkol kay Propetang Joseph at sa mga banal na kasulatang inihayag sa pamamagitan niya, mas madalas kong madama ang pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang mga anak at sa akin kapag tinutulungan ko ang iba.

Dalangin ko na tayo at ang mga mahal natin ay makatiis na may pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at sa Kanyang kaharian. Dalangin ko na tuparin natin ang pangako sa pakikibahagi ng sakrament upang lagi Siyang maalaala para lagi nating makapiling ang Kanyang Espiritu. Dalangin ko na sa mga family home evening at talakayan ng misyonero at sa lahat ng oras na sama-sama tayong sumasamba ay anyayahan natin ang Banal na Espiritu sa ating ginagawa, at sa ating sinasabi, at sa ating pagkatao.

Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay. Alam ko na buhay si Jesucristo at Siya ang ating Tagapagligtas. Ito ang Kanyang Simbahan. Si Joseph ay Kanyang propeta. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang Kanyang propeta ngayon. Alam ko ito dahil sa Espiritung nagsasabi sa akin na ito'y totoo. Ito ang patotoo ko, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Enos 1:27.

2. "Ang Patotoo ng Tatlong Saksi," Aklat ni Mormon.

3. Omni 1:26.

4. Tingnan sa Santiago 1:5.

5. 2 Nephi 31:20.

6. History of the Church, 4:461; tingnan din sa 3 Nephi 5:18; D at T 17:6; D at T 20:6-10.

7. Tingnan sa 1 Nephi 11:21-23; 15:36.

8. 1 Nephi 13:37.

9. History of The Church, 6:601.

10. Moroni 7:46-47.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy