ELDER QUENTIN L . COOK
Ng Pitumpu
Kung nais nating maging mga Banal sa ating panahon, kailangang ihiwalay
natin ang ating sarili sa masasamang ugali at nakapipinsalang gawain na
talamak na sa mundong ito.
Ilang
taon na ang nakararaan nasa Atlanta, Georgia ako bilang abogado ng taong
bumibili ng kalakal. Matapos ang ilang araw na usapan nagkasundo kami
at nagkapirmahan. Nang gabing iyon inimbita kaming maghapunan ng isa sa mga
nagbenta upang ipagdiwang ang nangyaring "sarahan." Inalok niya
ako ng alak pero tumanggi ako. Pagkatapos ay sinabi niya, "Isa ka bang
Banal?" Hindi ko gaanong naintindihan ang ibig niyang sabihin. Inulit
niya ito, "Isa ka bang Banal sa mga Huling Araw?" sumagot ako, "Oo," at
sabi niyang matagal na niyang inoobserbahan ang mga kilos ko noong nag-uusap-usap
kami at inisip na kung di ako BHA, baka masama lang ang sikmura ko. Pareho
kaming natawa. Pagkatapos ipinaalam niya na iisang miyembro pa lang ng Simbahan
ang kilala niya nang personal, si David B. Haight. Pareho silang executive
sa Chicago sa isang malaking kumpanya matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sinabi niya na napakalaki ng naging
impluwensiya ni Elder Haight sa kanyang buhay at nirerespeto niya ito.
Nang lumipad ako pauwing San Francisco, iniisip ko ang nangyari, lalo na
sa dalawang aspeto: Nagulat ako sa naramdaman ko nang matanong kung isa ba
akong Banal, at humanga ako sa napakagandang impluwensyang magagawa ng mabuting
halimbawa— si Elder Haight—sa mabuting taong ito.
Ano ang ibig sabihin ng maging Banal? Sa Simbahan ng Panginoon, ang tawag
sa mga miyembro ay mga Banal sa mga Huling Araw, at sinisikap nilang tularan
ang Tagapagligtas, sundin ang Kanyang mga turo, at tanggapin ang mga nakapagliligtas
na ordenansa upang mamuhay sa selestiyal na kaharian kasama ng Diyos Ama
at ating Tagapagligtas, si Jesucristo.1 Sinabi ng Tagapagligtas, "Ito
ang aking ebanghelyo; at alam ninyo ang mga bagay na kinakailangan ninyong
gawin sa aking simbahan; sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko
ay siya rin ninyong gagawin."2
Hindi madaling maging Banal sa mga Huling Araw. Sadyang mahirap ito. Ang
pinakamimithing mamuhay kasama ng Diyos Ama at Kanyang Anak, si Jesucristo,
ay pribilehiyong halos di natin maarok.
Isa sa pinakamatitinding pagsubok na nakaharap ng Simbahan ay ang Pagkamatay
ni Propetang Joseph Smith, at ang huli'y nang itaboy ang mga Banal sa Nauvoo.
Noong naglalakbay sila patawid ng mga kapatagan sa napakasamang kalagayan,
isinulat ni William Clayton ang dakilang himno na "Mga Banal, Halina." Ito
ang himnong pumukaw sa kanilang mga kaluluwa at nagpaalala sa kanila ng kanilang
sagradong misyon. Sino sa atin ang hindi nababagabag kapag dinarama natin
ang kanilang sakripisyo, tapang at katapatan kapag inaawit natin ang: "At
masawi man sa 'ting paglakbay, / Masaya! Mainam!"3
Ang himnong ito ay nagbigay sa kanila ng aliw, kapanatagan, at pag-asa sa
isang mahirap na panahon na may di matawarang hadlang. Pinagaan nito ang
kanilang pakiramdam at binigyang-diin ang katotohanang ang buhay na mortal
ay paglalakbay sa pagitan ng buhay bago ang buhay na ito at sa darating na
buhay na walang hanggan—ang dakilang plano ng kaligayahan. Mariing
ipinahahayag ng nakapagbibigay-inspirasyong himno ni Brother Clayton ang
mga sakripisyo at tunay na kahulugan ng pagiging Banal. Natugunan ng mga
tagabunsod ang mga paghamon sa kanilang panahon upang maging mga Banal.
Ang kahulugan ng salitang "Banal" sa Griyego ay "italaga,
ihiwalay at [sagrado]."4 Kung nais nating maging mga
Banal sa ating panahon, kailangang ihiwalay natin ang ating sarili sa masasamang
ugali at nakapipinsalang gawain na talamak na sa mundong ito.
Madalas tayong napapakitaan ng karahasan at imoralidad. Patuloy na kinukunsinti
ang mahahalay na musika at pornograpiya. Talamak na ang pagdodroga at pag-inom
ng alak. Hindi na gaanong pinahahalagahan ang katapatan at pagkatao. Hinihingi
ang kani-kanyang karapatan, ngunit pinababayaan ang tungkulin, pananagutan,
at obligasyon. Lumalala ang magagaspang na pananalita at pagkalantad sa kabastusan
at kahalayan. Walang tigil ang kalaban sa kanyang mga pagtatangkang wasakin
ang plano ng kaligayahan. Kung ihihiwalay natin ang ating sarili sa makamundong
asal na ito, mapasasaating buhay ang Espiritu at mararanasan ang galak ng
pagiging mga matwid na Banal sa mga Huling Araw.
Bilang mga Banal, kailangan din nating iwasan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan.
Ipinahayag ni Pangulong Hinckley ang hangaring "ang bawat isa ay magkaroon
ng ilang magagandang bagay sa buhay" ngunit nagbabala, "Ang pagkagahaman
sa yaman ang nagpapasama at nagwawasak."5
Noong 1630 nagbigay ng pananaw si John Winthrop hinggil sa bagong lupain
(Amerika) alang-alang sa kanyang kapwa pasahero habang naglalayag siyang
sakay ng Arbella. Nakilala ito bilang sermon ng "The City upon
a Hill." Sa huling talata, binanggit ni Winthrop ang Deuteronomio 30
at nagbabala laban sa pagsamba at paglilingkod sa ibang diyos—lubos
na binigyang-diin ang "mga kasiyahan at mga pakinabang."6 Ipinayo
noon ni Pangulong Kimball na maging ang mga tahanan, barko, kredensiyal,
titulo at iba pang katulad nito ay masasambang tulad ng mga diyus-diyosan
kapag inaakit tayo nitong palayo sa pagmamahal at paglilingkod sa Diyos.7
Ang propetang si Moroni, na tinutukoy ang ating panahon, ay nagbabala tungkol
sa pagmamahal sa pera at ari-arian at sinabing mamahalin natin ang mga ito
nang higit sa ating ". . . pagmamahal sa mga maralita at nangangailangan,
sa may karamdaman at sa naghihirap."8
Kung nais nating maging marapat na mga Banal, dapat nating paglingkuran
ang iba at sumunod sa utos ng Tagapagligtas na mahalin ang Diyos at ating
kapwa.
Ang paghiwalay sa kasamaan ng daigdig ay dapat samahan ng kabanalan. Mahal
ng isang Banal ang Tagapagligtas at sinusunod Siya sa pagkilos nang may kabanalan
at katapatan.9 Makikita ang uring ito ng kabanalan at katapatan
sa paglalaan at pagsasakripisyo. Itinuro ni Pangulong Hinckley, "Kung
walang sakripisyo walang tunay na pagsamba sa Diyos."10 Ang
pagsasakripisyo ang pinakamatinding pagsubok ng ebanghelyo. Nangangahulugan
ito ng paglalaan ng panahon, talino, lakas at ari-arian para mapaunlad ang
gawain ng Diyos. Sa Doktrina at mga Tipan 97, talata 8, ay sinasabi, "Lahat
. . . na . . . handang tuparin ang kanilang mga tipan sa pamamagitan ng paghahain—oo,
bawat paghahain na ako, ang Panginoon, ay ipag-uutos—sila ay tinatanggap
ko."
Ang mga Banal na tumutugon sa mensahe ng Tagapagligtas ay hindi maliligaw
ng nakagagambala at nakawawasak na gawain at maihahandang gumawa ng mga angkop
na sakripisyo. Ang kahalagahan ng pagsasakripisyo sa nais na maging mga Banal
ay makikita sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, na siyang sentro
ng ebanghelyo.11
Sa tanong ng aking kakilala sa Atlanta na, "Isa ka bang Banal?" Maaari
bang magmungkahi ako ng tatlong tanong para masuri ang ating sarili.
Una, tumutugma ba ang pamumuhay natin sa pinaniniwalaan natin, at makikita
ba ng mga kaibigan at kakilala natin, tulad ng nakita ng kaibigan ni Elder
Haight, na inihiwalay natin ang ating sarili sa mga kasamaan ng daigdig?
Ikalawa, inilalayo ba tayo ng makamundong kasiyahan, pakinabang, at ibang
kahalintulad nito sa pagsunod, pagsamba, at paglilingkod sa Tagapagligtas
sa ating pang-araw-araw na buhay?
Ikatlo, upang mapaglingkuran ang Diyos at maging banal, nagsasakripisyo
ba tayo na tugma sa ating mga tipan?
Isang napakagandang pagpapala ang maging Banal sa mga Huling Araw. Gustung-gusto
ko ang mga salita sa huling dalawang linya sa himnong "Halina, mga Banal:"
Mga Banal, tahakin
Landas ng matatapat.
Magpasalamat nang lubos
Paglingkuran ang Diyos!12
Pinatototohanan ko na ang pagiwas sa kasamaan at nakawawasak na gawain at
pagsasakripisyo para maglingkod ay magpapaging marapat sa atin na maranasan
ang kagalakan ng pagiging matatapat na Banal sa mga Huling Araw at, tulad
ng ipinangako ng mga banal na kasulatan, ay magdudulot ng "kapayapaan
sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating."13 Sa
ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa 2 Nephi 9:18.
2. 3 Nephi 27:21.
3. Mga Himno, blg. 30.
4. Daniel H. Ludlow, editor, Encyclopedia
of Mormonism, 5 tomo (1992),
3:1249.
5. Gordon B. Hinckley, "Thou Shalt Not Covet," Tambuli ,
Peb. 1991, 6.
6. "A Model of Christian Charity," sa Robert
L. Ferm, editor, Issues
in American Protestantism (1969), 11.
7. Tingnan sa The Miracle of
Forgiveness (1969), 40-41.
8. Mormon 8:37.
9. Tingnan sa Wm. Grant Bangerter, "What It Means
to Be a Saint," Ensign,
Mayo 1987, 11.
10. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 565.
11. Tingnan sa Alma
34:8-16.
12. Mga Himno, blg. 39.
13. D at T 59:23.