ELDER LYNN A . MICKELSEN
Ng Pitumpu
Ang pangako ng Panginoon ay lilinisin Niya ng Kanyang dugo ang ating
mga kasuotan. . . . Matutubos Niya tayo sa ating sariling pagkahulog.
Habang nagmamaneho sa isang nayon sa Mexico, isang lalaki ang nakasagasa at nakapatay ng asong biglang humarang sa harapan niya. Mula noon, binansagan na siya sa nayon bilang mata perros [mamamatay-aso]. Hindi isinaalang-alang o inisip ang pinanggalingan ng bansag; basta "mamamatay-aso" siya. Sa mga bagong salta, na hindi alam ang mga pangyayari, naisip lang nila na nakakakilabot ang nagawa niya.
Ang mga reputasyong nabuo sa tsismis, katotohanan, o bansag ay halos imposibleng mabuwag. Matalinong payo ang kasabihang "Huwag mong hugasan sa publiko ang tagong kasalanan mo." Hindi kailangan, angkop, o makabubuti na ilantad ang mga pagkakamali o kasalanan natin o ng ating pamilya para usisain ng mga tao. Habang mas marami ang nakaaalam ng kasalanan, mas mahirap magsisi o magbago.
Hindi nito ibig sabihing dapat itago ang kasalanan, bagama't likas iyan sa sinumang nagkakasala. Sa halip na magsisi, gusto nating itago ang anumang pagkakamali o kasalanang nagawa natin. Ngunit tulad ng natuklasan ni Cain nang patayin niya si Abel, hindi niya maitago ang kasalanan niya sa Panginoon1 dahil lahat ng bagay ay alam Niya.2 Alam Niya ang bawat pagsuway natin, ngunit—kaiba sa karaniwang tao—Siya, sa pagkaalam ng ating mga kasalanan, ay may tiyak na pangakong hindi na Niya ito maaalala pa kung magsisisi tayo.3
Ang paghuhugas ng mga tagong pagkakasala natin at ang pagsisisi ay likas na magkaugnay. Nagdudulot ng karumihan ang kasalanan sa harap ng Panginoon, na kailangang hugasan.
Gayunman, may panahon at lugar para magtapat at humingi ng tawad. Kung kailan at saan dapat gawin iyon ay depende sa uri at laki ng kasalanan. Kung nagkasala sa publiko o nilabag ang tiwala ng publiko, dapat itong ipaalam at ihingi ng tawad sa publiko. Sagutin natin ang pagsisisi sa Panginoon, sa Kanyang mga lingkod, at sa mga pinagkasalahan natin.
May pagkakatulad ang paghuhugas ng ating mga kasuotan sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at kung paano natin nilalabhan ang marurumi natin. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo malilinis natin ang ating mga kasuotan. Sakop ng pagtukoy ng mga banal na kasulatan sa mga kasuotan ang buo nating pagkatao. Dumarating ang pangangailangang maghugas kapag narumihan tayo ng kasalanan. Karapatan ng Tagapagligtas ang humatol at magpatawad, dahil Siya lamang ang makapagpapatawad at makapaghuhugas sa ating mga kasalanan.4
Nang ibigay ni Haring Benjamin ang kanyang dakilang pangaral sa lupain ng Zarahemla,5 nagbago ang puso ng mga Banal,6 at pumayapa at umunlad ang buong lupain. Lumipas ang panahon at natawag si Alma na mamuno sa Simbahan. Yumabang sa kanilang pag-unlad, ilan sa mga miyembro ng Simbahan ang nagkasala. Naligalig ang puso ni Alma nang iharap ang mga ito sa kanya. Dahil hindi alam kung paano lutasin ang problema, iniharap niya sila kay Haring Mosias, ngunit ibinalik ng hari kay Alma ang paghatol.
Sa takot na magkamali sa paningin ng Diyos, ibinuhos ni Alma ang kanyang buong kaluluwa sa Diyos at nagsumamong ipaalam sa kanya kung ano ang gagawin sa mga lumabag. Dahil sa laki ng pagmamahal ni Alma sa kanyang kapwa at sa matinding hangaring gawin ang kalooban ng Diyos, lubos siyang pinagpala ng Panginoon, at pinangakuan ng buhay na walang hanggan. At ipinaliwanag ng Panginoon sa kanya kung bakit napakahalaga na isamo niya ang pang-unawa sa paghatol, na sinasabing: "Ito ay aking simbahan. Sa aking pangalan sila maliligtas, sa pamamagitan ng aking sakripisyo. Ako ang hahatol."7
Gaano kadalas nating malimutan kung sino ang may karapatang humatol? Nakasalalay sa Kanya ang kapatawaran ng kasalanan, hindi sa atin. Kaya sa susunod na matukso tayong maghugas ng kasalanan sa publiko, tandaan natin:
Una, kausapin ang Panginoon. Ikalawa, kausapin ang pinagkasalahan natin.
Ikatlo, kung kailangan, kausapin ang hukom natin sa Israel [bishop].
At ikaapat, huwag nang maligalig pa. Ang isa pang paglalantad ng kasalanan ay ang pagkahayok ng ilan na ipangalandakan ang pagkakamali ng iba. Hinamon ng Panginoon si Job dahil nababagabag siya sa kanyang pasanin: "Iyo bang hahatulan ako, upang ikaw ay ariing ganap?"8 Maaari rin itong mangyari sa pamilya, kapag iniisip ng isang tao na pinoprotektahan niya ang kanyang sariling magandang pangalan, inilalantad niya nang detalyado ang mga pagkakasala at pagkakamali ng kanyang mga kapatid, anak, o magulang upang pangatwiranan ang sarili niya sa hangad na maibsan ang kanyang sariling pasakit.
Sa talinghaga ng alibughang anak, ang alibugha ay muling tinanggap ng kanyang tapat na ama na binanggit ang kahalagahan, hindi ang mga pagkakamali, ng kanyang anak.
Tuwing babanggit tayo ng mga kasalanan o pagkakamali ng iba, para na natin silang hinahatulan. Narinig kong sinabi ng isang ama sa kanyang anak na hindi na niya uupahang muli ang isang tao dahil mas malaki ang siningil nito kaysa sa ipinagawa niya. Sumagot ang anak, "Hindi ko akalaing marinig ko iyan sa inyo, Itay, dahil iba ang turo ninyo sa amin."
Humuhusga ang ama nang walang batayan. Ano dapat ang ginawa niya? Kung may alinlangan siya sa bayad sa trabaho, dapat ay kinausap niya ang tao, nilutas ang problema nila, at tinapos ito nang walang iringan. Itinuro ng Tagapagligtas: "Huwag kayong magsihatol upang huwag kayong hatulan. Sapagka't sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo."9 Nang dalhin ng mga eskriba at Fariseo kay Jesus ang babaeng nangalunya, yumuko siya at isinulat ang Kanyang daliri sa buhangin upang hindi makita ni marinig ng iba. Pagkatapos ay sinabi niya, "Ang walang kasalanan sa inyo ang siyang unang bumato sa kaniya." Nang napahiyang tumalilis ang mga tagausig niya dahil makasalanan sila, sinabi Niya sa babae, "Humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo'y huwag ka nang magkasala."10
Ano ang dapat nating gawin kapag alam natin ang problema ng iba?
1. Huwag humatol. Hayaan ang paghatol sa Panginoon, ang perpektong hukom. Huwag nating uriratin o galugarin ang mga kasalanan ng iba bagkus ay hangaan ang kadakilaan nila. Huwag tayong manghimasok sa mga problema ng iba kundi tingnan natin ang laki ng kanilang kabutihan.
2. Kailangan nating magpatawad. Bagama't maaaring tayo mismo ang nasaktan, ang sabi ng Panginoon, "Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao."11
3. Lumimot. Pasasamain ng walang humpay na kaiisip ang pinakamatatag na espiritu. Hayaan ito; pabayaan; iwaksi.
Kung matindi ang tuksong ilantad ninyo ang mga kasalanan ng iba, huwag itong sabihin sa kapitbahay o kaibigan ninyo. Pumunta sa bishop ninyo. Iwanan ang pasanin sa kanya. Kung kailangan, ireport ito sa pulisya o tamang awtoridad, at pagkatapos ay hayaan ito. Naniniwala ako na para matanggap ang mahalagang pangakong natanggap ni Alma, kailangan natin ang diwa at pagtugon na ginawa niya hinggil sa tagong pagkakasala niya at ng iba.
Pero paano kung tama tayo at mali sila? Hindi ba tayo dapat manindigan sa publiko para hindi sabihin ng iba na tayo ang mali? Malinaw ang tagubilin ng Panginoon tungkol sa problemang ito. Wala tayong karapatang humatol. Hindi natin tungkuling punahin ang kasalanan ng iba dahil mas malaki ang pagkakamali natin para hatulan ang iba. Lahat ng isyu ay may dalawang panig. Kailangan dito ang simpatiya, ang kaloob na madama ang nadarama ng iba at unawain ang pinagdaraanan nila. Ang simpatiya ay bunga ng likas na pag-ibig sa kapwa. Ginigising nito at pinagbubuti ang kakayahan nating maglingkod. Ang simpatiya ay hindi pagkahabag, kundi pag-unawa at malasakit. Ito ang batayan ng tunay na pakikipagkaibigan. Ang simpatiya ay humahantong sa paggalang at nagbubukas ng pinto para sa pagtuturo at pagkatuto. Nauunawaan ng mga Sioux Indian ang dakilang alituntuning ito sa dasal nila, "Dakilang Espiritu, tulungan ninyo akong huwag hatulan ang iba hangga't hindi ko napagdaanan ang dinanas niya sa loob ng dalawang linggo."
Kaya ano ang ating gagawin sa marurumi natin? Nagsisimula ang proseso sa pagsisisi. Nakatayo ang Panginoon sa pintuan at kumakatok; handa Siyang tanggapin tayo kaagad.12 Ang responsibilidad natin ay magsisi. Kailangan nating talikdan ang ating mga kasalanan para masimulan ang paglilinis. Ipinangako ng Panginoon na lilinisin Niya ng Kanyang dugo ang ating mga kasuotan.13 Ibinuwis Niya ang Kanyang buhay at nagdusa para sa lahat ng kasalanan natin. Matutubos Niya tayo sa ating sariling pagkahulog. Sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na inialay ang Kanyang Sarili para tubusin ang ating mga kasalanan, binigyang-karapatan Niya ang Espiritu Santo na linisin tayo sa pagbibinyag ng apoy. Habang nasasaatin ang Espiritu Santo, sinusunog ng kanyang nakadadalisay na presensya ang dumi ng kasalanan. Sa sandaling tapat na nakapangako, nagsisimula na ang proseso ng paglilinis.
Nagsisimula ang tapat na pangako natin sa Panginoon sa pagtutuon natin sa Kanya. Kamakailan ay nasa stake conference kami sa Nauvoo, Illinois. Pambihira ang musika ng koro. Ang tagakumpas, na isang propesyonal sa musika at nagtuturo sa isang lokal na unibersidad, ay dalubhasa sa pag-akit sa koro at kongregasyon. Bawat kilos ng katawan niya ay likas na kaugnay ng musika. Gusto naming umawit sa kanyang kumpas. Sa kanya nakatingin ang lahat. Naisip ko ang Tagapagligtas. Hinamon Niya tayong tularan Siya. Kung lubos natin Siyang papansinin tulad ng pagpansin kay Brother Nelson, mabilis tayong magiging kawangis ng Tagapagligtas.
Ang transpormasyon nang umaawit kami ay pansamantala. Naroon kami sa dapat naming kalagyan at lahat ay hangad sumunod. Kung tayo ay nasa lugar na dapat nating kalagyan, na may masidhing hangaring sundin ang Panginoon, aantigin Niya ang ating buhay at lilinisin tayo upang makapiling natin Siya magpakailanman. Hindi kami sapilitang pinaawit ng tagakumpas, nagkaugnayan lang kami. Ang tunay na pagsisisi ay dumarating sa gayong pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas. Pag-isipan natin ang ating mga personal na dalangin at iniiisip araw-araw. Lahat tayo ay may dapat gawin upang makaugnay ang Panginoon.
Tinanong ko si Brother Nelson kung bakit napapaawit niya kami nang husto. Mapakumbaba siyang sumagot, "Kasi dalisay ang puso ninyo."
"Ano pa?" tanong ko.
Sumagot siya, "Dahil sa Espiritu. Sa gayong paraan lang tayo nakakaugnay sa ganoong antas."
Kung gayon saan tayo dapat tumuon? "At kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo; at yaong katawan na puno ng liwanag ay nakauunawa sa lahat ng bagay."14 Mangyayari iyan kung pananagutan natin ang ating mga tagong pagkakasala sa pagsisisi at pagtiyak na malinis ito.
Nawa'y matamasa natin ang pangako ng Panginoon na ipinahayag kay Moroni na "bumangon . . . at isuot mo ang iyong magagandang kasuotan. . . . Lumapit kay Cristo . . . at [ibigin] ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, . . . upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo; . . . sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo ni Cristo, na siyang nasa tipan ng Ama tungo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, upang kayo ay maging banal, na walang bahid-dungis."15 Sa ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa Genesis 4:9-10; Moises 5:34-35.
2. Moises 1:6.
3. Tingnan sa D at T 58:42.
4. Tingnan sa Alma 5:21-27; D at T 64:10.
5. Mosias 2-5.
6. Mosias 5:2.
7. Tingnan sa Mosias 26:10-24.
8. Job 40:8.
9. Mateo 7:1-2.
10. Juan 8:7, 11.
11. D at T 64:10; idinagdag ang pagbibigay-diin.
12. Tingnan sa Apocalipsis 3:20.
13. Tingnan sa Apocalipsis 7:14.
14. D at T 88:67.
15. Moroni 10:31-33.