The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Pinagkalooban ng Kapakumbabaan

Pinagkalooban ng Kapakumbabaan

BISHOP RICHARD C. EDGLEY
Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric

Ang lakas ng Simbahan ay nasa milyun-milyong miyembro na nagsisikap araw-araw na gawin ang kalooban ng Tagapagligtas.

BISHOP RICHARD C. EDGLEYMinsan sa miting ng korum ng mga high priest, sinimulan ng guro ang aralin sa pagpapasabi sa bawat isa sa amin kung sino ang aming idolo at bakit. Sa halinhinang pagsagot ng bawat miyembro, narinig namin ang inasahan naming marinig. Mangyari pa nabanggit ang Tagapagligtas, ang Manunubos ng daigdig. Nabanggit din si Abraham Lincoln, na nagpalaya sa mga alipin, namuno sa Estados Unidos sa digmaang sibil, at sa huli'y pinagkaisa ang bansa. Pinili ng iba si Propetang Joseph Smith at ang mahal nating propeta sa kasalukuyan, si Gordon B. Hinckley. Habang binabanggit ang bawat pangalan, tahimik kong natanto at kinilala na lahat sila'y karapat-dapat tularan at magiging mas mabuting tao ako kung taglay ko ang ilan sa mga katangiang nagpadakila sa kanila.

Nang ako na ang sasagot, lumingon ako sa nasa kanan ko, mga ilang silya mula sa upuan ko, at sinabing, "Si Ken Sweatfield at ang asawa niyang si Jo Ann ang idolo ko." Dalawampung taon ko nang minamasdan sina Ken at Jo Ann sa pag-aalaga sa anak nilang nacomatose, nang buong pagmamahal at tiyaga ng isang magulang. Madalas kong maisip ang naglaho nilang mga pangarap para kay Shane bago ang malubhang aksidente, mga dalawang linggo bago siya nagmisyon sa Leeds, England. Nakita kong ipinapasyal nila si Shane na naka-wheelchair para masikatan ng araw o kaya'y inililibot sa kapitbahayan, habang inilalarawan ang tanawin, nagbabaka-sakaling marinig niya't madama, at sa pag-asang mabigyang-sigla ng sariwang hangin at sikat ng araw ang nalulumbay niyang espiritu. Dalawampung taong pag-aaruga na walang pahinga, ilang gabing paglilibang, ngunit laging may pananampalataya, pag-asa, at pasasalamat— kailanma'y walang galit, kawalan ng pag-asa, o alinlangan sa layunin ng Diyos.

Nilingon ko ang nasa kaliwa ko at sinabing, "Ang idolo ko'y si Jim Newton at ang asawa niyang si Helen." Matapos matanggap ng anak nina Jim at Helen na si Zach ang tawag na magmisyon sa Peru, siya'y namatay sa isang aksidente. Nang marinig ko ito, nagpunta ako agad sa ospital na umaasang buhay pa si Zach at gagaling. Ang mga magulang, sa kagalang-galang at payapang paraan, ay nagpaliwanag na si Zach ay magmimisyon na ngayon sa kabilang buhay. Nang makita ko ang payapang kalooban ng matatag na mga magulang na ito, natanto ko na sa kabila ng sakit at dusa ay may kapayapaang madarama sa malalim at matibay na pananampalataya sa isang mapagmahal na Ama at sa nagbayad-salang Tagapagligtas. Tumatag ang pananampalataya ko, at sa inspirasyon nila ay lalong tumibay ang pasiya kong sundan ang kanilang halimbawa sa pagharap sa gayunding mga pagsubok at trahedya.

Puwede ko rin sanang isagot na ang idolo ko'y si Tom Abbott, ang matapat kong home teacher, na hindi pumalya sa kanyang tungkulin kahit mahirap madatnan ang aming pamilya sa bahay. Puwede ko rin sanang banggitin ang maraming iba pa na hinahangaan ko't matatawag kong mga idolo. Marami ang walang mataas na katungkulan sa Simbahan, ngunit lahat sila'y karapat-dapat humawak ng kahit anong katungkulan. Hindi sila kilala ng lahat ng miyembro ng Simbahan, pero natitiyak kong lahat sila'y kilala ng ating Ama sa Langit.

Kapag may pagkakataon akong dumalo sa sakrament miting ng aking ward, madalas akong mag-isip habang nakatunghay ako sa kongregasyon at nakikita ang mga dating mukha Linggu-Linggo. Ang ilan ay palagi kong nakikita sa sakrament miting sa loob ng mahigit 20 taon. Muli, karamihan ay hindi tanyag sa Simbahan, ngunit lahat sila'y palaging dumadalo sa kanilang mga miting at tahimik na hinaharap ang mga hamon sa buhay.

Sila ang mga miyembrong nakikita ko, hinahangaan, at pinasasalamatan. Hindi nila hangad ang mataas na posisyon o katanyagan, ngunit bawat isa'y may puwang sa kaharian ng ating Ama sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa mga gawain sa araw-araw. Patuloy nilang ginagawa ang di kapuna-puna, di kagila-gilalas, ngunit mapakumbaba at matwid na ginagawa ang mahalaga. Marami silang pagsubok, ngunit mula sa mapapait na pakikibaka ay naroon ang tamis ng gantimpalang madalas na kaakibat ng kahirapan. Ang ganitong tagpo ay daang beses na nauulit sa libu-libong ward sa buong mundo. Sila ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Oo, ang lakas ng Simbahan ay nasa milyun-milyong miyembro na nagsisikap araw-araw na gawin ang kalooban ng Tagapagligtas—bawat araw, sa paisaisang hakbang. Ang mapakumbabang mga miyembrong ito'y mula sa lahat ng bansa, lahat ng antas ng lipunan, at katayuan sa buhay. Kabilang dito ang mga mataas ang pinag-aralan at mga maralitang nakatira sa pinakamaliliit na dampa sa pinakaliblib na pook ng mundo—bawat isa'y may pusong puspos ng buhay na patotoo kay Jesucristo at ng hangaring maglingkod sa Panginoon.

Kapag iniisip ko ang matatapat na miyembrong ito, hanga ako sa dalawang katangiang tila taglay nilang lahat. Una, anuman ang katayuan o kalagayan sa lipunan o sa buhay, ang kapakumbabaan nila'y humahantong sa pagtanggap sa kalooban ng Panginoon. At ikalawa, sa kabila ng mga hirap at pagsubok sa buhay, nananatili sa kanila ang diwa ng pasasalamat sa mga biyaya ng Diyos at sa kabutihang dulot ng buhay. Ang kapakumbabaan at pasasalamat ay tunay na kambal na katangian ng kaligayahan.

May kuwento tungkol sa pagkikita nina Propetang Joseph Smith at Brigham Young. Sa harap ng malaking grupo ng mga kapatid, kinastigong mabuti ng Propeta si Brother Brigham sa ilang pagkukulang nito sa tungkulin. Sa tingin ko'y nagulat silang lahat at naghintay sa isasagot ni Brigham. Kunsabagay, si Brigham, na sa huli'y nakilala bilang Leon ng Panginoon, ay hindi naman mahiyaing tao. Dahan-dahang tumindig si Brigham, at sa mga salitang nagpapamalas ng kanyang tunay na pagkatao at kapakumbabaan, yumuko lamang siya at sinabing, "Joseph, ano ang gusto mong gawin ko?" Ayon sa kuwento, humihikbing tumakbo si Joseph at niyakap si Brigham, at sinabing, "Pasado ka, Brother Brigham, pasado ka" (tingnan sa Truman G. Madsen, "Hugh B. Brown—Youthful Veteran," New Era, Abr., 1976, 16).

Marami sa atin ang nabubuhay at nagtatrabaho sa kapaligirang madalas ay di nauunawaan at itinuturing na kahinaan ang kapakumbabaan. Iilan lang ang mga korporasyon o institusyon na nagsasama sa kapakumbabaan sa kanilang value statement o hangad na katangian ng mga namamahala sa kanila. Ngunit habang natututuhan natin ang gawain ng Diyos, lumilinaw ang bisa ng mapakumbaba at madaling turuang espiritu. Ang magkatuwang na katangiang ito ang unang mahahalagang hakbang sa pagbubukas ng pintuan sa mga pagpapala ng Diyos at sa kapangyarihan ng priesthood. Hindi mahalaga kung sino tayo o kung gaano kaganda ang ating mga sertipiko. Ang kapakumbabaan at pagsunod sa Panginoon, kasabay ng mapagpasalamat na puso, ang ating lakas at pag-asa.

Sa pagsasabi kung ano ang kailangan para maging miyembro sa Kanyang Simbahan, sinabi ng Panginoon, "Lahat ng yaong nagpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos . . . at humarap nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, . . . [sila] ay tatanggapin sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanyang simbahan" (D at T 20:37).

Kaya sa mga miyembro ng Simbahan ay makikita natin ang mga lalaki at babaeng iba-iba ang pinagmulan na mapakumbabang sumusunod sa payo ng Diyos. Nariyan ang tanyag na business executive na magiliw at mapakumbabang tumatanggap at tinuturuan ng hamak, at kung minsa'y takot na home teacher. Nariyan ang mga edukado na mapakumbabang sumusunod sa payo ng kanilang bishop, na kung minsa'y mababa lang ang pinag-aralan. May mga dating bishop at stake president na magiliw at mapakumbabang tumatanggap ng tawag na magturo sa Primary, umaalalay sa nursery, o nagbabalot ng ipadadalang tulong sa mga nangangailangan sa buong mundo. Nariyan ang libul-ibong may-edad nang mag-asawa na iniiwan ang maginhawang tahanan para mamuhay sa mga lugar na di nila nakasanayan, para mapakumbabang maglingkod sa mga maralita sa buong mundo—at paulit-ulit na naglilingkod. Nariyan ang mga maralita sa mundo na mapakumbabang isinasakripisyo at ibinabahagi sa mas mahihirap ang kaunting ikinabubuhay. At bawat isa, sa kanilang kapakumbabaan, ay naglilingkod at nagbibigay nang may pasasalamat sa puso at papuri sa Diyos.

Nagbabala si Haring Benjamin na dapat tayong "[maging] tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [atin]" (Mosias 3:19).

Ang mapakumbabang pagsunod sa kalooban ng Ama ang naghahatid sa atin ng kaloob ng Diyos—ang kapangyarihan ng kapakumbabaan. Ito ang kapangyarihang harapin ang mga problema sa buhay, ang kapangyarihan ng kapayapaan, ng pag-asa, ng pusong puspos ng pag-ibig at patotoo sa Tagapagligtas na si Jesucristo, maging ang kapangyarihan ng pagkatubos. Dahil dito, ang Tagapagligtas ang ating dakilang halimbawa ng kapangyarihan ng kapakumbabaan at pagkamasunurin. Kunsabagay, ang pagsunod Niya sa kalooban ng Ama ang nagbigay-daan sa pinakadakila at maging sa pinakakagila-gilalas na pangyayari sa buong kasaysayan. Marahil ang ilan sa pinakasagradong salita sa buong banal na kasulatan ay, "Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo" (Lucas 22:42).

Kaya libu-libo tayong mga tao, maging milyun-milyon, na tumitibok ang puso—na masasabi nating mga idolo, ngunit tila mas angkop na sabihing mga mapakumbabang alagad ng Tagapagligtas na si Jesucristo. At, tulad ng hiling sa atin ni Pangulong Hinckley, ginagawa lang nila ang lahat ng abot-kaya nila—sa paisa-isang hakbang.

Nawa'y mapakumbaba at masunuring puso ang ipagkaloob sa atin ng Diyos pati ang lahat ng kaakibat na biyaya nito ang aba kong dalangin. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy