ELDER NEAL A . MAXWELL
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Kung si Joseph Smith ay naging daluyan ng kahit isang gayon kabanal na
paghahayag, sasapat itong mag-isa upang patunayan ang kanyang kadakilaan
bilang propeta.
Mula 1820, walang tigil ang dating ng paratang kay Joseph Smith—na
sa huli'y nabalewalang lahat. Patuloy ang ganitong pangyayari.
Tulad ng ipinropesiya, nilibak siya ng mga hangal, kinapootan ng impiyerno,
at ang kanyang pangalan ay binanggit "sa kabutihan at kasamaan" (Joseph
Smith—Kasaysayan 1:33). Ang walang katuturang gawaing ito ay pinapatulan
ng iilan na mas gusto pang pulaan ang Simbahan kaysa sumapi at tamasahin
ang mga biyaya ng paghahayag na alok nito. Inilalayo nito ang pansin ng iba
mula sa misyon ni Joseph bilang "isang piling tagakita" (tingnan
sa 2 Nephi 3:6-7).
Tulad ng aral sa karanasan ni Ammon, ang tagakita ay may kapangyarihang
magsalin ng sinaunang mga talaan, at "ang tagakita ay higit pa kaysa
propeta." Ngunit, sabi ni Ammon, "ang
tagakita ay . . . propeta rin" (tingnan sa Mosias 8:11-16). Dahil tinawag
ngang maging propeta, si Joseph ay naging "malaking kapakinabangan sa
kanyang kapwa" (Mosias 8:18).
Inilabas ng "piling" tagasalin—sa pamamagitan ng "kaloob
at kapangyarihan ng Diyos" (D at T 135:3)—ang Aklat ni Mormon,
na mahahawakan, masusubukan, at mapatutunayan. Sa lahat ng nakikinig, ang
Aklat ni Mormon ay tila pagbubukas ng malaon nang nakakandadong pintuan na
ipinalalagay na kumpletong koleksyon ng mga banal na kasulatan.
Nasa mismong pahina ng pamagat ang espesyal na papel ng aklat sa "panghihikayat" ng
mga tao "na si Jesus ang Cristo" (tingnan din sa
2 Nephi 25:18). Sa panahon ng kawalang-paniniwala at kawalangkatiyakan hinggil
sa dakilang katotohanang ito, kailangang-kailangan ang "panghihikayat" na
ito! Kay liwanag ng pangakong iyan!
Ang Aklat ni Mormon ay "babasahin sa mga bubungan" (2 Nephi
27:11). Kahit tanggihan, mananatili itong nag-aanyaya "habang nakatindig
ang mundo" (2 Nephi 25:22).
Hindi kataka-takang "ang mga dulo ng mundo ay magtatanong tungkol sa
pangalan [ni Joseph]" (D at T 122:1). Ipinahayag pa ng nagbibigay-katiyakang
mga propesiya na ang mga kalaban ni Joseph ay "malilito" at ang
mga tao ni Joseph ay hindi "tatalikod sa [kanya]" nang dahil
sa patotoo ng mga taksil (tingnan sa 2 Nephi 3:14; D at T 122:3).
Tulad ng ipinaalala sa atin ni Pangulong Faust kahapon, sa sarili niyang
mga kahinaan, sinabi ni Joseph, "Kahit kaila'y hindi ko sinabi sa inyo
na perpekto ako—subalit walang mali sa mga paghahayag na itinuro ko" (Andrew
F. Ehat at Lyndon W. Cook, The Words of Joseph Smith [1980], 369).
Taliwas dito, nagtungo ang batang si Joseph Smith sa kakayuhan para alamin
lang kung aling simbahan ang sasapian—hindi para hangaring mahirang
na tagakita, tagapaghayag, tagasalin, at propeta (tingnan sa D at T 21:1).
Sa kakahuyan at pagkaraan, bumuhos ang mga pagpapala! Ang dumating na mga
paghahayag at pagsasalin ay hindi lang basta mga haka-haka, kaisipan, o kasabihan,
kundi mga pahayag mula sa langit.
Napakarami ng dumating na mga paghahayag at pagsasalin, na nagbibigay-diin
sa mga katagang "piling tagakita." Ngunit hindi lang ito ukol sa
dami ng natanggap ni Joseph na ibinabahagi ngayon sa sanlibutan; kundi sa
pag-iral ng "mga panggulat" sa gitna ng saganang paghahayag.
Sa maraming paghahayag at pagsasalin, halimbawa, naroon ang paglalarawan
ng sansinukob na malayong-malayo sa pang-unawa at kakayahan ng astronomiya
noong bandang 1830, isang sansinukob na may "mga daigdig na di mabilang" at
ipinaalam pa sa atin na ang "mga naninirahan dito ay mga isinilang na
anak na lalaki at babae ng Diyos" (Moises 1:33; D at T 76:24).
Noong sinauna, ang lawak ng magiging angkan ni Abraham ay inihambing sa
mga buhangin ng dagat, isang nakakagulat na pangako (tingnan sa Genesis 22:17).
Ang mga paghahayag at pagsasalin ng Panunumbalik ay naglalarawan ng napakalawak
na sansinukob; kaya nga hindi nakakagulat sa atin na ang huling bilang ng
mga
siyentipiko sa mga bituin sa sansinukob ay mga 70 sextillion—"mas
marami pang bituin," sabi nila, "kaysa mga butil ng buhangin sa
lahat ng baybayin at disyerto sa Daigdig" (Allison M. Heinrichs, "The
Stellar Census: 70 Sextillion," Los Angeles Times, 26 Hulyo 2003;
tingnan din sa Cosmos [1980], ni Carl Sagan, 196).
Dumating din ang mga paghahayag at pagsasalin hinggil sa pangunahing layunin
ng Diyos na "isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang
hanggan ng tao," na nagpapakita ng malinaw na katiyakan mula sa langit
(tingnan sa Moises 1:39). Hindi pa nagbabago ang mga plano ng Diyos para
sa pag-unlad ng mga kaluluwa. Nailarawan ito sa sinaunang Israel, na ang
40 taon sa ilang ay para "mapangumbaba ka, at subukin ka, na maalaman
kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong gaganapin ang kaniyang mga utos
o hindi" (Deuteronomio
8:2). Kung gayon, mauunawaan ng mga tagasunod ngayon kung bakit sinusubok
ang ating pananampalataya at pasensiya paminsan-minsan— upang makapaghanda
tayong makabalik sa Kanya (tingnan sa Mosias 23:21).
Mga kapatid, hindi magtatagal at magpapasiya tayong muli kung "ano
ang susundin natin" at kung ihaharap natin ang ating tolda sa Sodoma
o sa banal na templo (tingnan sa Genesis 13:12; Mosias 2:6).
Walang ibang pinagkakaabalahan ang Diyos sa sansinukob. Tayo ang pinakasentro
ng Kanyang mga alalahanin at layunin. Ang laking kabaligtaran nito sa paniniwalang
namumuhay ang tao sa "isang sansinukob na walang malay" (Bertrand
Russell, "A Free Man's Worship," sa Mysticism and Logic and
Other Essays [1917], 50), sa "isang sansinukob . . . na walang
namamahala" (Albert Camus, The Myth of Sisyphus and Other Essays,
isinalin ni Justin O'Brien [1955], 123).
May mga paghahayag ding dumating noong tayo ay mga espiritung anak ng Diyos,
sapagkat "ang tao rin sa simula ay kasama ng Diyos"—isang
paghahayag na sinamahan pa ng mga kaalaman tungkol sa likas na kawalang-hanggan
ng tao (tingnan sa
D at T 93:29). Malawak ang mahahalagang pahiwatig sa mga pahayag na ito,
na humahamon, halimbawa, sa turo na ang tao ay nilikha sa isang iglap "mula
sa wala."
Isa pang katotohanan na kasama natin ang Diyos "mula sa simula" ay
nangangahulugang umiiral ka na noon pa man. Kaya nga tama ang isinulat ni
Apostol Juan na "[ang Dios ang] unang umibig sa atin" (tingnan
sa I Juan 4:19). Gayundin, sa kabila ng kaguluhan sa mundo, nalalaman natin
kung sino talaga ang iba pang mortal—na ating mga kapatid sa espiritu,
hindi mga laruan, kaagaw, o kaaway. Bukod dito, dapat nating gawing sagrado
at igalang ang buhay ng tao.
"Mga panggulat" na lahat, ang tatlong paghahayag at pagsasaling
ito ay lalong tumutugon sa pinakamasidhing pag-asam at iniisip ng tao. Hinuhubog
nilang muli ang ating pang-unawa sa kalikasan ng Diyos, ng sansinukob, at
ng ating pagkatao at ng kahulugan ng buhay! May mas personal pa ba kaysa
sa maiikli ngunit malalawak na paghahayag?
Kung si Joseph Smith ay naging daluyan ng kahit isang gayon kabanal na paghahayag,
sasapat itong mag-isa upang patunayan ang kanyang kadakilaan bilang propeta.
Subalit kahit nais tayong bigyan ng Diyos ng "lahat ng mayroon [Siya]," nagdurusa
tayo sa kakulangan ng pag-unawa! (tingnan sa D at T 84:38).
Kaya pala pinuri ni Pablo si Abraham, na "hindi nag-alinlangan . .
. [sa] di pananampalataya" (Mga
Taga Roma 4:20). May panganib kapag pinagbubulay-bulay natin ang mga doktrina
ng Panunumbalik dahil baka "mag-alinlangan" tayo sa harap ng gayon
katindi at maasahang mga katotohanan.
Sa mga ganitong kagila-gilalas na mga paghahayag at pagsasalin, pakinggan
natin, kung gayon, ang payo ni Haring Benjamin: "Maniwala sa Diyos;
. . . maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan
ng Panginoon" (Mosias 4:9).
Binibigyang-laya ng makapangyarihang Diyos ang mga tao na pumili, ngunit
dapat tayong magpasalamat nang lubos na pinili ng Diyos noon pa man na iligtas
at buhaying mag-uli ang lahat ng Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala
ng Kanyang Anak. Gayunpaman, tinatanggihan ng ilan at binabalewala ng marami
ang mga ito at iba pang banal na mga paanyaya, na kadalasa'y dahil labis
silang abala sa mga alalahanin ng mundo. Dayuhan sila sa Tagapagligtas, na
malayo sa isipan at layunin ng kanilang puso (tingnan sa Mosias 5:13).
Sa gitna ng plano ng Diyos at labis na lawak ng sansinukob ay ang personal
na malasakit niya sa atin. Halimbawa, "pinagmamasdan [ng Diyos]
ang lahat ng anak ng tao; at nalalaman niya ang lahat ng saloobin at layunin
ng puso" (Alma 18:32; tingnan din sa Isaias 66:18).
Dahil lubos tayong mananagot sa Kanya, sa Araw ng Paghuhukom hindi tayo
makakatangging sumaksi laban sa ating sarili!
Inihuli ko ang dakilang paghahayag na talaga namang nangunguna: ang mga
pagpapakita ng Diyos sa tao na nagpapatunay na nabuhay na mag-uli si Jesucristo
na ating Tagapagligtas! Simula sa Sagradong Kakahuyan, agad sumunod ang iba
pang patunay sa mga di-tanyag na lugar na tulad ng Kirtland at Hiram, at
natanggap ng buong sangkatauhan ang lubos na kailangang pagpapatunay na ito.
Sa wakas, itinuturing ng marami sa daigdig na si Jesus ay walang malasakit
sa atin; himahamak pa Siya. Kagilagilalas, kung gayon, na pinatutunayan ng
mga paghahayag sa Panunumbalik ang walang-hanggang katotohanang ito: "Sapagka't
gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang
kaniyang bugtong na Anak" (Juan 3:16).
Sa gayon, si Jesus, na nagsagawa ng "walang hanggang Pagbabayad-sala," ay
nagdusa nang walang katapusan at isang maunawaing Tagapagligtas, na "nagpakababa-baba
sa lahat ng bagay," at "nauunawaan ang lahat ng bagay" (2
Nephi 9:7; D at T 88:6). Oo, tulad sa mga titik ng nakaaantig na awitin noong
araw, "Sa dusa ko'y walang may talos, maliban kay Jesus."
Mga kapatid, ang mga tauhan sa mundong ito kung kanino nakaukol ang mga
paghahayag at pagsasalin ay kinabibilangan ng mga tao, sa pamilyar na taludtod
na iyon, na "tahimik na namimighati" (tingnan sa Walden,
ni Henry David Thoreau [1965], 7). Hinaluan na sila ngayon ng mga nagpapakasasa
sa kamunduhan, sa maling paggamit ng kanilang pakiramdam hanggang sa tuluyan
silang maging manhid (tingnan sa Moroni 9:20; Mga Taga Efeso 4:19; 1 Nephi
17:45). Sa gayo'y dinidilaan nila ang kanilang pinggan sa hangad na may malasahan
pa roon. Gayunpaman, hindi pa sila nakararami ngayon, kundi "kakaunting
bahagi" ng mga tao (tingnan sa Mosias 29:26-27).
Kapansin-pansin na sa huling araw, "hindi itataguyod" ng kalaban
ang mga sumunod sa kanya (tingnan sa Alma 30:60). Hindi niya ito magagawa.
Magtatagumpay nang maringal si Jesus, at ang mga katusuhan ng kalaban, na "kasiya-siya
sa makamundong isipan," ay babagsak din, at "ang pagkakabagsak
nito ay napakalakas" (Alma 30:53; 1 Nephi 11:36). Kahit ngayon, makikita
pa rin sa pamumuhay ng mga alibughang iyon na nakapag-isip na walang halaga
at tuluyang maglalaho ang mga doktrina ng diyablo (tingnan sa Lucas 15:17).
Marami, na dumanas ng kahungkagan ng kapabayaan, ang "handa nang pakinggan
ang salita" at ngayo'y naghihintay na makaalam tungkol sa nakapagliligtas
na mga paghahayag at pagsasalin (tingnan sa Alma 32:6).
Mga kapatid, huwag nating tangkaing pigilin ang mga ipinahahayag ng ipinanumbalik
na ebanghelyo! Huwag nating tangkaing pigilin ang nagbibigay-katiyakang mga
paghahayag at pagsasaling naglalahad ng katotohanan tungkol sa "mga
bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging
ito." Labis na kailangan ang mga ito ng mga napapagal dahil sa kakulangan
nila sa doktrina, na magagamot ng Panunumbalik (tingnan sa Jacob 4:13). Ang
pagpigil dito ay pagpigil sa pagsisisi at pagtatago ng mas kaaya-ayang espirituwal
na gawain na nag-aanyaya sa mga tao, na magiging "maganda gaya ng araw,
at maliwanag gaya ng buwan" (tingnan sa D at T 105:31).
Samantala, asahan natin na maraming magbabalewala sa atin. Ang iba'y ituturing
tayong kakatwa o naliligaw ng landas. Tiisin natin ang mga panlilibak ng
mga yaong sa huli'y matatagpuan na totoong masikip at marumi ang "malaki
at maluwang na gusali" (tingnan sa 1 Nephi 8:31-33). Huwag nating kutyain
ang mga nangungutya, at huwag silang pakinggan (tingnan sa D at T 31:9).
Sa halip, gamitin natin ang ating lakas para humawak ng kalasag ng pananampalataya
upang harangin ang nag-aapoy na sibat ng kalaban—sa tulong ng ebanghelyo
(tingnan sa 1 Nephi 15:24).
Mga kapatid, sa lahat ng nabanggit, "ano pa ang masasabi ko" maliban
sa "Purihin ang siyang kaniig ni Jehova!" (Jacob 6:12; "Purihin
ang Propeta," Mga Himno, blg. 21). Sa ngalan ni Jesucristo, amen!