The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Ipamuhay Natin nang mas Lubusan ang Ebanghelyo

Ipamuhay Natin nang mas Lubusan ang Ebanghelyo

PANGULONG GORDON B. HINCKLEY

Pambihira ang nagagawa ninyo, kayong matatapat na Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Kayo na may matatag at di-lumilihis na patotoo sa inyong puso.

PANGULONG GORDON B. HINCKLEY
  Napakasaya ng araw na ito na tayo ay sama-sama, mga minamahal kong kapatid. Tunay na napakasarap iwan pansamantala ang daigdig, at ilaan ang dalawang araw upang pag-isipang mabuti ang tungkol sa mga bagay na banal.

Lahat tayo'y abala sa ating mga gawain sa daigdig na humihila sa atin paroo't parito. Kailangan nating lahat, ng buong mundo, ng pagkakataon upang mapag-isipang mabuti ang mga bagay ukol sa Diyos at makinig sa mga salita na nagbibigay ng inspirasyon at tulong.

Ang ating mga patotoo ay napalakas, at mabuti iyon, gaya ng minsang sinabi ni Pangulong Harold B. Lee na kailangan ng ating mga patotoo ng pagpapanibago sa araw-araw.1

Nasisiyahan ako na nasa puso ng mga Banal sa mga Huling Araw ang hangaring gumawa ng mabuti, mamuhay nang naaayon sa plano ng Panginoon para sa atin. Ipinaalala sa atin ang maraming bagay tungkol sa kumperensyang ito.

Umaasa ako na sa pag-uwi natin sa ating tahanan, bago matulog ay luluhod tayo at magpapasalamat at hihingi ng lakas na maipamuhay nang lubos ang ebanghelyo na resulta ng kumperensyang ito.

Salamat sa napakagandang musika ng koro; kahanga-hanga ang kanilang pag-awit. Dakila at deboto ang organisasyong ito, at pinasasalamatan namin ang lahat ng laging nagbibigay ng kanilang panahon at talento sa dakilang gawaing ito. Salamat sa musika ng koro ng mga single adult kahapon; sila'y nagbigay-inspirasyon. At ang magaling na pag-awit ng mga binata sa Missionary Training Center, na dumating at inawitan tayo nang buong gilas, salamat nang marami sa ipinagkaloob ninyo sa amin.

Ngayon bilang pangwakas gusto kong basahin ang ilang salita mula kay Moroni:

"At gumising at bumangon mula sa alabok, O Jerusalem; oo, at isuot mo ang iyong magagandang kasuotan, O anak na babae ng Sion; at palakasin mo ang iyong mga istaka at palawakin ang iyong mga hangganan magpakailanman, upang ikaw ay hindi na malito pa, upang ang mga tipan ng Amang Walang Hanggan na kanyang ginawa sa iyo, O sambahayan ni Israel, ay matupad.

"Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo; at kung sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos kayo ay ganap kay Cristo, wala kayong dahilang magtatwa sa kapangyarihan [ni Cristo]" (Moroni 10:31-32).

Bilang resulta ng napakagandang kumperensyang ito bawat isa sa atin ay dapat maging mas mabuting lalaki o mas mabuting babae, mas mabuting bata. Maraming salamat, mga kapatid, sa inyong dakilang paglilingkod para maisulong ang gawaing ito. Pambihira ang nagagawa ninyo, kayong matatapat na Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Kayo na may matatag at di-lumilihis na patotoo sa inyong puso tungkol sa tunay na pagkatao ng Diyos na buhay at ng Panginoong Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos, at sa pagpapakita Nila sa dispensasyong ito upang simulan muli ang dakilang panahon sa kasaysayan ng mundo bilang paghahanda sa pagparito ng Anak ng Diyos para maghari bilang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari.

Nawa'y sumainyo ang mga pagpapala ng langit, mga mahal kong kaibigan. Dalangin ko na gumawa ng kaibhan sa inyong buhay ang inyong mga narinig at nakita. Dalangin kong maging mas mabait, mas maalalahanin, mas magalang ang bawat isa sa atin. Dalangin ko na mapigilan natin ang ating dila at huwag hayaang mangibabaw ang galit sa ating pagsasalita na pagsisisihan din natin sa dakong huli. Dalangin ko na magkaroon tayo ng lakas at hangarin na iharap ang kabilang pisngi, lumakad ng isa pang milya sa pagtulong sa mga tuhod na nanginginig ng mga taong nagdadalamhati.

Ang ebanghelyong ito'y personal na bagay. Ito'y konseptong abot-kamay natin. Maipamumuhay natin ito. Mababago nito ang ating likas na pagkatao.

Pagpalain kayo ng Diyos, magigilas at matatapat kong kasama sa dakilang gawaing ito. Sumainyo nawa ang Kanyang kapayapaan at pag-ibig at mapuno nawa ang inyong buhay ng diwa ng kabanalan.

Sa pag-uwi natin, dalangin ko na magkaroon sa ating puso ng pasiya na mamuhay nang sama-sama gaya ng dapat nating gawin bilang mga Banal sa mga Huling Araw. Iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at basbas sa dakilang pangalan ng Panginoong Jesucristo. Diyos nawa'y sumainyo hanggang sa muling pagkikita. Salamat, at amen.

TALA

1. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, Faith: The Essence of True Religion (1989), 93.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy