The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Piliing Ibigin ang Kapwa: Ang Magaling na Bahaging Iyon

Piliing Ibigin ang Kapwa: Ang Magaling na Bahaging Iyon

BONNIE D. PARKIN
Relief Society General President

Inaanyayahan ko kayo na huwag lamang higit na mahalin ang isa't isa, kundi mahalin ang isa't isa nang mas matindi pa.

BONNIE D. PARKINMasarap magsama-sama bilang magkakapatid sa Relief Society, mga babae ng tipan sa pinanumbalik na ebanghelyo ng Panginoon. Kayo—anuman ang edad, yugto ng buhay, o kalagayan—ay kailangan, mahalaga, at minamahal sa Relief Society. Salamat sa kung ano kayo; salamat sa lahat ng ginagawa ninyo.

Sa opisina ko'y nakasabit ang magandang larawan ni Jesus kasama sina Maria at Marta.1 Sa tuwing makikita ko ito, naiisip ko ang mga hamon nating mga babae. Kami nina Sister Hughes at Sister Pingree ay binigyang-inspirasyon na gawing tema ang kuwento nina Maria at Marta sa miting na ito. Itinuro ng Panginoon na isang bagay ang kailangan: piliin ang magaling na bahagi.2 Iyan ang tatalakayin natin ngayong gabi, ang pagpili sa magaling na bahaging iyon.

Nakatira si Marta sa munting bayan ng Betania, at doo'y "tinanggap [si Jesus] sa kaniyang bahay. At siya'y may isang kapatid na tinatawag na Maria, na naupo rin naman sa mga paanan ng Panginoon, at pinakikinggan ang kaniyang salita."3 Mahal nila kapwa ang Panginoon. At "iniibig nga ni Jesus si Marta, at [si Maria]."4 Ang totoo, kakatwa ang kanilang relasyon, dahil ang babae noon ay hindi karaniwang nakikipag-usap sa mga lalaki tungkol sa ebanghelyo.

Minsan, naghahanda ng hapunan si Marta, at, tulad ng sabi sa banal na kasulatan, "naliligalig sa maraming paglilingkod."5 Sa madaling salita, abala siya!

Si Maria naman ay "naupo sa mga paanan ng Panginoon, at pinakikinggan ang kaniyang salita,"6 habang naiinis si Marta dahil walang tumutulong sa kanya. Pamilyar, di ba? Marahil inisip niyang, "Bakit uupu-upo lang si Maria samantalang ako, pagod sa kaluluto?" Kaya kinausap ni Marta si Jesus at sinabing, "Panginoon, wala bagang anoman sa iyo, na pabayaan ako ng aking kapatid na babae na maglingkod na magisa? Iutos mo nga sa kaniya na ako'y tulungan niya."7

Nagulat siguro si Marta sa mahinahong imbitasyon ng Panginoon sa kanya. "Marta, Marta naliligalig ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay: Datapuwa't isang bagay ang kinakailangan: sapagka't pinili ni Maria ang magaling na bahagi, na hindi aalisin sa kaniya."8

Nilinaw ng Tagapagligtas kung ano ang pinakamahalaga. Nang gabing iyon sa tahanan ni Marta, ang magaling na bahagi'y wala sa kusina; nasa paanan ito ng Panginoon. Makapaghihintay ang hapunan.

Gaya ni Maria, nais kong makinig sa ebanghelyo sa paanan ng Tagapagligtas, pero, gaya ni Marta, kailangan kong maglaba, tapusin ang mga gawain, at hainan ang asawa ko hindi lamang ng malamig na pizza. May 15 apo ako na maliliit pa at gusto kong lalong makilala pa, ngunit medyo mahirap din ang katungkulan ko sa Simbahan! Kulang ang oras ko. Gaya ninyo, kailangan kong pumili. Lahat tayo'y nagsisikap piliin ang magaling na bahaging hindi maiaalis sa atin, para mabalanse ang ating espirituwal at temporal na buhay. Di ba madali kung ang pagpipilian ay mag-visiting teaching o magnakaw sa bangko? Pero madalas na mas mahirap ang pinagpipilian natin. Kailangan nating pagpilian ang maraming makabuluhang bagay.

Sina Maria at Marta ay ikaw at ako; ang bawat kapatid sa Relief Society. Minahal ng dalawang ito ang Panginoon at gusto nila itong ipakita. Dito, sa tingin ko'y ipinakita ni Maria ang kanyang pag-ibig sa pakikinig sa Kanyang salita, habang si Marta naman ay sa paglilingkod sa Kanya.

Akala ni Marta ay tama ang ginagawa niya at dapat siyang tulungan ng kapatid.

Di ako naniniwalang sinasabi ng Panginoon na may mga Marta at may mga Maria. Hindi binalewala ni Jesus ang problema ni Marta, sa halip ay itinama Niya ang pananaw nito sa pagsasabing "piliin ang magaling na bahagi." At ano iyon? Itinuro ni propetang Lehi na "umasa sa dakilang Tagapamagitan, at makinig sa kanyang mga dakilang kautusan; at maging matapat sa kanyang mga salita, at piliin ang buhay na walang hanggan, alinsunod sa kalooban ng kanyang Banal na Espiritu."9

Ang kailangan ay piliin ang buhay na walang hanggan. Araw-araw tayong pumipili. Sa ating paghahanap, pakikinig, at pagsunod sa Panginoon, yakap tayo ng bisig ng Kanyang pag-ibig—ng pag-ibig na dalisay.

Itinuturo ni Mormon na "ang pagibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman."10 Ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Pag-aralan natin iyan. Ano ang kahulugan nito? Nasa Josue ang bahagi ng sagot: "Ingatan lamang ninyo . . . na ibigin ang Panginoon ninyong Dios . . at maglingkod sa kaniya ng [buo] ninyong puso at ng [buo] ninyong kaluluwa."11 Pag-ibig sa kapwa ang ating pagmamahal sa Panginoon, na nasa ating paglilingkod, pagtitiyaga, habag, at pag-unawa sa isa't isa.

Ang karagdagang ideya ukol sa dalisay na pag-ibig ni Cristo ay nasa Eter: "Iniibig [ni Jesus] ang sanlibutan, maging hanggang sa paghahain ng [Kanyang] buhay para sa sanlibutan, nang muli [Niya] itong makuha upang maghanda ng lugar para sa mga anak ng tao. At ngayon nalalaman ko na ang pag-ibig na ito na [Kanyang] taglay para sa mga anak ng tao ay pag-ibig sa kapwa."12 Pagibig sa kapwa din ang pagmamahal ng Panginoon para sa atin, na makikita sa Kanyang paglilingkod, pasensiya, habag, at pag-unawa.

Ang "dalisay na pag-ibig ni Cristo,"13 ay di lamang ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas, kundi sa Kanyang pag-ibig sa bawat isa sa atin.

Nasa kuwento rin nina Maria at Marta kung paano naglalaho ang kaloob na pag-ibig sa kapwa. Sa paghingi ng tulong ni Marta ay naroon ang di nabigkas ngunit malinaw na paghatol: "Tama ako; mali siya."

Hinahatulan ba natin ang isa't isa? Pinipintasan ba natin ang pagpili ng bawat isa, dahil iniisip na mas marunong tayo, ngunit bihira naman nating maunawaan ang kakaibang kalagayan o inspirasyon ng ibang tao? Nasabi na ba nating, "May trabaho siya." O, "Hindi nagmisyon ang anak niya." O, "Napakatanda na niya para sa tungkulin," o, "Hindi siya puwede— single siya." Ang gayong mga paghatol, at marami pang tulad nito, ang nag-aalis sa atin ng magaling na bahagi, ang dalisay na pag-ibig na iyon ni Cristo.

Nakakaligtaan din natin ang magaling na bahagi kapag inihahambing natin ang ating sarili sa iba. Mas maganda ang buhok niya, mas mataba ang binti ko, mas matalino ang mga anak niya, mas mabunga ang hardin niya—mga kapatid, alam n'yo na ang sinasabi ko di, ba? Huwag nating gawin 'yon. Huwag isiping may pagkukulang tayo dahil sa mga katangian ng iba sa halip na kung sino tayo! Tayong lahat ay magkakapatid sa Relief Society. Di tayo dapat mapamintas, mapagtsismis, o mapaghatol at taglayin ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Hindi ba't masuyong inutos ng Panginoon: "Marta, Marta . . . ?"

Maganda ang puna ni Elder Marvin J. Ashton: "Marahil ang pinakadakilang pag-ibig sa kapwa ay ang di natin paghatol o pagbansag sa isang tao, pagpaparaya sa isa't isa o pagtahimik na lang. Ang pag-ibig sa kapwa ay pagtanggap sa kaibahan, kahinaan, at pagkukulang ng isang tao; pagpapasensiya sa taong bumigo sa atin; o pagpipigil ng sama ng loob kapag di ginawa ng isang tao ang isang bagay sa paraang gusto natin. Ito ay hindi pagsasamantala sa kahinaan ng iba at kusang pagpapatawad sa taong nanakit ng ating damdamin. Ito ay pag-asa sa pinakamainam na magagawa ng isa't isa."14

Sa pag-ibig sa kapwa ay nalalaman natin ang damdamin ng isang kapatid. Kapag alam natin ang damdamin ng isang kapatid, tayo'y naiiba. Hindi natin siya hinahatulan. Basta't mamahalin natin siya. Inaanyayahan ko kayo na huwag lamang higit na mahalin ang isa't isa, kundi mahalin ang isa't isa nang mas matindi pa. Sa gayo'y tiyak na malalaman nating "ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang."15

Tulad ni Marta, isa sa mga unang bagay na nawawala sa akin kapag abala ako at ligalig ay ang pag-ibig ko sa kapwa. Gayon din ba kayo?

Nalaman ko na ang pinakamabuting paraan para mabalik ang pag-ibig sa kapwa ay kalimutan ang sarili at magmahal at maglingkod sa Panginoon. Paano natin ito gagawin? Simulan ito sa araw-araw na pagdalangin sa ating Ama sa Langit, pakikinig sa mga salita Niya sa pamamagitan ng pagbabasa ng banal na kasulatan araw-araw, pagsunod sa patnubay na natatanggap natin. Inuuna natin si Cristo kapag iniibig natin ang ating kapwa. "Tayo'y [umiibig sa Kanya], sapagka't Siya'y unang umibig sa atin."16 Ganito ang pagbibigayan ng pag-ibig sa kapwa. Mga kapatid, "ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang."17

Nang tanggapin ko ang tawag na ito, taimtim kong inasam na magkaroon ng sapat na pag-ibig sa kapwa para tunay kong mahalin ang bawat single sister sa Simbahan. Nais kong ang ibayong pag-ibig ko'y makatulong sa inyo para madama ninyo ang pag-ibig ng Panginoon. Nanalangin ako sa Ama sa Langit "nang buong lakas ng puso [ko] [na] mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo."18

Noong Disyembre sa Sunday School, iminungkahi ng aming guro na sa tithing settlement ay isulit namin sa Panginoon ang ginawa naming pag-aaral at pamumuhay ng alituntunin ng ebanghelyo. Nadama kong dapat kong pag-aralan ang pag-ibig sa kapwa. Napagtibay ang inspirasyong ito sa sakrament miting, at batid kong nakatanggap ako ng patnubay mula sa Panginoon.

Sa pakikisalamuha ko sa marami sa inyo, nakadama ako ng dalisay at ibayong pagmamahal sa inyo at sa inyong kabutihan. Napakumbaba ako ng inyong suporta. Lalo ko kayong gustong paglingkuran. Ito ang pakiramdam kapag may pag-ibig sa kapwa; ito ang sagot sa mga dalangin ko; ito ang ilan sa pinakamatatamis na sandali sa katungkulan ko. Marahil kahit paano ay nagagawa ko na nga ito, dahil itinatanong ilang mga anak ko sa akin kung bakit nitong mga nakaraang araw ay parang ang bait-bait ko. Ngayong Disyembre masasabi ko sa Ama sa Langit na sinikap kong unawain at ugaliin ang magpakita ng pag-ibig sa kapwa.

Tulad ng ginawa Niya kina Maria at Marta, ipakikita sa atin ng Panginoon ang magaling na bahaging iyon na hindi maiaalis sa atin. Bibigyan Niya tayo ng pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, dahil "ang pagibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang."

Mga mahal na kapatid, isang bagay ang kailangan, ang sumunod sa Kanya sa araw-araw. Piliin nga ninyo si Cristong Panginoon. Piliing magpakabusog sa mga salita ni Cristo. Piliing magtiwala sa Kanya na nasa langit. Piliing makamtan ang Kanyang pag-ibig. Piliing ibigay sa Kanya ang buong puso ninyo. Piliin nga ninyo ang magaling na bahaging iyon.

Ito ang dalangin ko, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Mary Heard His Word, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Museum of Church History and Art.

2. Tingnan sa Lucas 10:42.

3. Lucas 10:38-39, idinagdag ang pagbibigay-diin.

4. Juan 11:5.

5. Lucas 10:40.

6. Lucas 10:39.

7. Lucas 10:40.

8. Lucas 10:41-42.

9. 2 Nephi 2:28.

10. Moroni 7:47.

11. Josue 22:5, idinagdag ang pagbibigay-diin.

12. Eter 12:33-34, idinagdag ang pagbibigay-diin.

13. Moroni 7:47.

14. "The Tongue Can Be a Sharp Sword," Ensign, Mayo 1992, 19.

15. Moroni 7:46.

16. I Juan 4:19.

17. Moroni 7:46.

18. Moroni 7:48, idinagdag ang pagbibigay-diin.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy