The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Sa Pakikipagtipan sa Kanya

Sa Pakikipagtipan sa Kanya

KATHLEEN H. HUGHES
Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency

Kasama sa ating kapatiran ang lahat, anuman ang kanilang edad at kalagayan sa buhay; magkakaugnay tayo dahil sa mga tipan na ating ginawa.

KATHLEEN H. HUGHESMga minamahal na kapatid, ang bilis ng taon, at natutuwa akong nagkita-kitang muli ang kababaihan ng Relief Society ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Anuman ang kalagayan natin, mapapalad tayong kababaihan. Nakipagtipan tayo sa Ama sa Langit na gagawin natin ang Kanyang gawain— at ginagawa nga natin ito! Gaya nina Maria at Marta, pinaglingkuran natin ang Panginoon at pinili ang "magaling na bahaging iyon."1 Pinili natin si Cristo, at ang Relief Society.

Nag-iisip ako minsan kung alam nga ba natin ang buong layunin ng Relief Society. Nang basahin ni Joseph Smith ang mga patakarang isinulat ni Eliza R. Snow, sinabi niyang ito ang pinakamainam na dokumentong nakita niya, pero "mas maganda pa rito" ang pangarap niya. "Kanyang isasaayos ang kababaihan sa ilalim ng priesthood ayon sa pagkakaayos ng priesthood."2 Nang "pihitin [ni Propetang Joseph] ang susi"3 at itatag ang "The Female Relief Society of Nauvoo," sinabi niyang noon lang ganap na nabuo ang organisasyon ng Simbahan.4 Mga kapatid, mahalagang maunawaan natin ang pangungusap na iyon. Ang Diyos ang nagtatag sa Relief Society, sa pamamagitan ng propeta, sa kapangyarihan ng awtoridad ng priesthood; kinakailangang bahagi ito sa organisasyon ng Simbahan. Nagtutulungan ang mga kalalakihan at kababaihan sa priesthood at Relief Society sa pagsisikap na ilapit ang mga pamilya kay Cristo. Bilang kababaihan, huwag nating isiping higit ang papel ng mga kalalakihan sa Simbahan kaysa sa atin. Tulad ng paggalang natin sa priesthood bilang mabubuting babae, kailangan din nating panatilihing sagrado ang ating tungkulin bilang mga babae.

Habang pinagmamasdan ko ang ipinintang larawan nina Marta at Maria na kasama ang Tagapagligtas, naisip kong ang mga babaeng ito ay mga ninuno ko. Naisip kong baka sila rin ay "puspos ng mabubuting gawa at [pagkakawanggawa]."5 Nakakatuwang isipin na marahil sila at ang iba pang matatapat na babaing disipulo ni Cristo ay nagkitakita para alamin ang bahagi nila sa pagtatayo ng kaharian. Sila'y tulad nating mga kababaihan ng tipan. Handa nilang ibigay ang buong puso nila sa Tagapagligtas. Kaya nang itatag ang Relief Society, mula ito sa ating banal na tungkulin at hangaring paglingkuran, mahalin, at arugain ang bawat isa. Kung paanong kailangan ang mga ordenansa at pamamahala ng priesthood sa gawain ng Panginoon ay gayundin ang ating paglilingkod.

Para matupad ang mahalagang gawaing ito, pinipili nating makipagtipan: mga kababaihang gumawa ng mga sagradong pangako sa Panginoon. Tayong tumanggap na ng mga pagpapala ng templo ay nangakong lubos na ilalaan ang ating oras at talino sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon. Sa pamamagitan ng tipang ito makapaglilingkod tayo sa Simbahan sa maraming tungkulin.

Dalawampung taon na ang nakararaan nang tawagin akong Young Women president sa ward ko. Brown ang buhok ko, at ang katawan ko'y . . . sabihin na lang nating, mas masigla. Makaraan ang maraming taon ay muli akong natawag sa posisyong iyon, pero sa ibang ward. Tinawag nila akong muli sa tungkuling ito at natutuwa ako. Pagkakataon na iyon para mapanibago ko ang tipan ko sa Diyos na maglilingkod ako saan man Niya ako kailanganin. Pero ngayon ay puti na (halos lahat) ang buhok ko at nahihirapan na akong yumuko. Pero di naman ako ganoon katanda para di ko madama na muling mabiyayaan ng buhay ng kagila-gilalas na mga dalagitang matatapat, matatalino, at puno ng saya. Naisip kong sa sandaling iyon ay mas marami akong karunungang maibabahagi sa kanila, at mas malalim na patotoo sa ebanghelyo, at minsan pa'y natuto kami sa isa't isa. Kasama sa ating kapatiran ang lahat, anuman ang kanilang edad at kalagayan sa buhay; magkakaugnay tayo dahil sa mga tipan na ating ginawa.

At tandaan, hindi naglalaho sa atin ang mga tipang iyon. Maaari tayong maglingkod sa isa't isa sa anumang panahon ng ating buhay. Kailan lang ay narinig ko ang isang batang ina na ang asawang miyembro ng bishopric, ay nakaupo sa pulpito habang siya nama'y sinasaway ang malilikot niyang anak. Kinalong ng isang nakatatandang babae ang isa sa kanyang maliit na anak at tinulungan siyang patahimikin ito. Ang gayon kasimpleng gawain ay bahagi ng pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Ito ang ginagawa natin. Ganito tayo bilang magkakapatid sa Relief Society. Naglilingkod man tayo bilang president ng Relief Society o guro sa Primary o Young Women camp director, tinutupad natin ang ating sagradong tungkulin bilang magkakapatid sa Relief Society. Kapag tumatawag tayo para kumustahin ang isang matandang kapitbahay, o pinalalakas ang loob at tinutulungan ang isang batang ina, o isinasama ang ibang pamilya sa ating mga dalangin, tayo ay tumutupad sa ating mga tipan.

Kamakailan ay nakausap ng ating presidency ang isang lider ng Simbahan. Sinabi niya na sana sa mga miting ng Relief Society at priesthood ay masabi natin sa bawat isa na, "Mga kapatid, may problema ako ngayon. Puwede n'yo ba akong tulungan?"

Nakadalo na ako sa ganoong mga miting. Lagi kong maaalala ang Linggo ng umaga habang nagpapatotoo ang mga kababaihan at isang babaing walang asawa ang ikinuwento ang malungkot niyang buhay. Pinagtaksilan siya, diniborsyo, at dumanas ng hirap habang sinisikap na magtrabaho at palakihin ang kanyang mga anak sa kaunting kita. Batid niya ang sakit na dulot ng pag-iisa ngayong malayo sa tahanan ang mga anak niyang malalaki na. Matamis na alaala, damangdama ang Espiritu, at nakita kong pumaligid sa kanya ang mga kapatid para suportahan siya, na ginagawa ang pinakamahusay nating nagagawa: ang magmahal. Banal na lugar ang silid ng Relief Society noong araw na iyon. Dapat ay gayon ang bawat silid ng Relief Society para sa bawat kapatid.

Napakahalagang ibilang ang lahat ng kapatid na babae. Huwag nating kalimutan ang mga kababaihan naglilingkod sa Primary o Young Women. Kailangan nila ang pag-aaruga ng matatapat na visiting teacher at planado at madadaluhang mga miting ukol sa pagpapayaman sa tahanan, pamilya at sarili. Marami rin sa atin ang tumatanda—na gaya ko! Kayong mga kaedad ko o mas matatanda pa, hayaan ninyong "ma-recycle kayo." Kailangan ng Panginoon ang inyong paglilingkod, at kailangan namin kayo.

May kilala akong dalagita na hirap lumipat sa Relief Society mula sa Young Women. Siya'y tapat at matatag, pero malungkot siya ngayon. Bakit kaya? Kung tunay tayong magkakapatid malalaman natin ang kailangan ng bawa't isa. Hindi niya dapat isipin na ang panahong ito ay isang panahon ng pagbabago kundi karugtong ng kanilang pagsulong, sa samahan ng kapatiran ng kababaihan. Maraming ganitong sa mga dalaga sa ward natin. Hanapin, mahalin, at isama ninyo sila sa kapatiran. Sa inyong mga dalaga, ang masasabi ko'y huwag ninyong isiping alam ninyo kung ano ang Relief Society hangga't hindi ninyo nakakasalamuha ang mga kapatid at nagagawa ang inyong bahagi para makilala sila. Ang paglipat sa Relief Society mula sa Young Women ay hindi paglipat ng klase; pagkakataon ninyo ito para gumanap sa mas malaking papel sa paglilingkod sa Panginoon at paggawa ng Kanyang gawain.

Mga kapatid, hindi tayo basta-bastang samahan lamang, bagama't nagiging matatalik tayong magkakaibigan. Sabi nga ng isang dalagita, hindi tayo "matatandang babaeng nagkikita-kita tuwing Linggo." May kapangyarihan tayo kung gagamitin natin: kapangyarihang bigay ng Diyos para matupad ang Kanyang mga layunin. Tayo ang pinakamalaking samahan ng kababaihan sa mundo. Sa pagtulong natin sa ating mga komunidad, taglay ang kaalaman at inspirasyon ng Panginoon, makatutulong tayo sa pag-akay sa mundong nangangailangan ng patnubay. Iyan ang inaasahan ni Propetang Joseph Smith; iyan ang inaasahan ni Pangulong Hinckley sa atin ngayon.

Tila nga napakalawak ng ating gawain ngunit gaya ng agad sasabihin sa inyo ng kabibinyag pa lamang na apo kong lalaki, ang tipan ay palitan ng pangako. Alam natin ang turo sa banal na kasulatan na siya na "binigyan ng marami ay marami ang hihingin."6 Tandaan din na sa kanya na maraming hinihingi ay marami ring ibibigay. Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, at tinupad natin ang mga tipang iyon, magiging posible ang lahat ng bagay. Ibinibigay Niya ang kailangan natin para magawa ang Kanyang gawain.

Ngayong gabi ay iniimbita ko kayo bilang mga kababaihang nakipagtipan na muling mangako kay Cristo at sa Kanyang organisasyon para sa atin, na Kanyang mga anak. Piliin ang mabuting bahaging iyon. Piliing sundin si Cristo. Piliin ang Relief Society. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa Lucas 10:42.

2. Sinipi sa "Auto-biography," ni Sarah H. Kimball, Women's Exponent, ika-1 ng Set. 1883, 51.

3. George Albert Smith, "Address to the Members of the Relief Society," Relief Society Magazine, Dec. 1945, 717.

4. Tingnan sa "Story of the Organization of the Relief Society," Relief Society Magazine, Mar. 1919, 129.

5. Mga Gawa 9:36.

6. D at T 82:3.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy