The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Samakatwid ay Piliin Mo si Cristong Panginoon

Samakatwid ay Piliin Mo si Cristong Panginoon

ANNE C. PINGREE
Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency

Kapag pinili ng isang babae na isentro kay Cristo ang kanyang puso, . . . ang Panginoon ang nagiging sentro ng kanyang tahanan at pamilya.

ANNE C. PINGREEMga kapatid, napakagandang doktrina para sa akin ang piliing ilaan ang buong puso natin kay Cristo—na piliing gawing sentro ng puso natin ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa bawat isa sa atin, ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring "hindi isinulat ng tinta, kundi ng Espiritu, ng Dios na buhay, hindi sa mga tapyas ng bato, kundi sa mga tapyas ng pusong laman."1 Pinili nating sundin si Cristo sa una nating kalagayan. Kaygandang balita na mapipili natin Siya sa bawat araw dito sa lupa.

Bilang mga babae ng tipan na nakatira sa maraming bansa, mahalagang isentro ang ating buhay kay Cristo. Sa "mapanganib na panahong"2 ito, kailangan natin Siya! Siya ang pinagmumulan ng lakas at kaligtasan. Siya ang ilaw. Siya ang buhay. Ang kapayapaan niya'y "di masayod ng pagiisip."3 Bilang ating personal na Tagapagligtas at Manunubos, isa-isa tayong inaanyayahan ng bukas niyang mga bisig na "lumapit sa kanya"4 sa napakapersonal na paraan. Mga kapatid, kapag tinanggap ng isang babae ang imbitasyon ng Tagapagligtas, siya mismo ay napalalakas at pinagpapala ang iba dahil sa mabuti niyang impluwensiya.

Naniniwala ako na kapag pinili ng isang babae na isentro kay Cristo ang kanyang puso, na sentro ng kanyang mundo, ang Panginoon ang nagiging sentro ng kanyang tahanan at pamilya, mag-isa man siya o kahit marami sila sa pamilya. Saanman siya nakatira at anuman ang kalagayan niya, bilang puso ng tahanan at pamilya, mababanaag ang puso ng bawat babae sa kapaligiran at diwang namamayani sa kanyang tahanan.

Habang nakadestino kami sa Japan, isang lider ng Simbahan ang nag-imbita sa amin sa kanyang tahanan. Ikinarangal namin ang oportunidad na ito ngunit nag-alala kami kung ano ang iisipin ng kanyang maybahay sa biglaang pag-iimbita nito sa mga bisita mula sa Salt Lake City. Habang pauwi'y tumawag siya sa asawa, at binigyan ito ng sa tingin ko'y mga 15 minuto para maghanda sa pagdating ng di-inaasahang mga bisita.

Mula sa pagpasok sa pinto, paghuhubad ng sapatos at magiliw na pagbati ng batang kapatid sa Relief Society, dama ko na ang diwa ng kaayusan, kapayapaan at pagmamahal. Mabilis na nagsiakyat ang maliliit na bata dala ang kanilang mga laruan. Sa pamilyang ito ng walo, na pito pa ang nasa bahay, maliwanag na mahalaga ang pamilya. Makikita sa paligid ang Panginoon— mga larawan ng Tagapagligtas sa dingding, retrato ng buong pamilya at larawan ng templo sa lugar na kitangkita, mga kopya ng gamit-na-gamit na mga banal na kasulatan at video ng Simbahan na maayos na nakasalansan sa estante. "Ang bunga ng Espiritu, . . . pagibig, katuwaan, kapayapaan, . . . kagandahang-loob, kabutihan, pananampalataya"5 ay tila nasa tahanang iyon. Wari ko'y puno ng mga batang iba-iba ang edad ang maliit na kuwarto habang nakaupo sa paligid ng mababang mesa ang mga magulang para "[mangusap] tungkol kay Cristo, [magalak] kay Cristo, [mangaral] tungkol kay Cristo, [magpropesiya] tungkol kay Cristo, . . . para malaman ng [kanilang] mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan."6 Nadama ko ang isasagot ng mga bata sa tahanang ito sa tanong ni Elder Jeffrey R. Holland. "Alam ba ng mga anak [natin] na mahal natin ang Diyos nang buong puso at umaasam na makita ang mukha—at yumukod sa paanan—ng Kanyang Bugtong na Anak?"7 Palagay ko'y malakas na oo ang isasagot ng tahanang ito sa Japan!

Kapag pinipili ng isang babae na isentro si Cristo sa kanyang puso, hindi lang niya pinipiling ipamuhay ang pag-uugali ni Cristo bawat araw kundi itinuturo din sa kanyang pamilya na gawin ang gayon. At tulad ng alam ninyo, minamahal na mga kapatid, sa araw-araw nating pamumuhay sa pag-uugali ni Cristo ay nahaharap tayo sa ilan sa pinakamalalaking hamon.

Ginawa ng isang ina ang pinakamainam para maituro ang mga hakbang sa pagsisisi sa kanyang tahanan. Dumating ang araw na tinulungan niya ang limang-taong gulang na anak niyang lalaki na ipamuhay ang mga alituntunin nang samahan niya ito sa tindahan para magpaliwanag tungkol sa ninakaw nitong kendi. Hinding-hindi ito malilimutan ng batang iyon.

Natutuhan niya mismo na panagutan ang kanyang mga kilos. Dama ang takot, ibinalik niya ang kendi, humingi ng tawad sa namamahala, at nangakong hindi na muling magnanakaw. Nasisiyahan akong ipaalam—na tinupad niya ang pangakong iyon. Alam ko—dahil ako ang ina, at anak ko ang limang-taong-gulang na batang iyon.

Ang gayong mga karanasan ay dumarating sa bawat pamilya, kahit pilit nating pinalalaki ang mahal nating mga anak, apo, at pamangkin sa ebanghelyo. Ang "sinisikap kong tularan si Jesus"8 ay kailangang ipamuhay, para makaugalian. Ang pagpiling isentro si Cristo sa puso natin ay nakatutulong sa atin sa maraming paraan sa pagsisikap nating turuan ang iba na isapuso nila ang Panginoon. Kung minsan akala nati'y wala tayong pagbabago, pero sa mga araw na iyon na nakapanghihina, naaalala ko ang mapang-along mga salita ng Tagapagligtas: "Huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain."9

Kapag pinipili natin ang mabuting bahaging iyon at isinentro sa Tagapagligtas ang ating buhay sa araw-araw na pagdarasal para sa Kanyang gabay at tulong, binibigyan tayo ng Diyos ng "kapangyarihan at karunungan."10 Binigyan tayo ng espirituwal na mga ideyang magpapalakas sa ating pamilya. Nang mawalan ng trabaho si Doug, na ama ng tatlong musmos, ang kanyang unemployment benefits pati ang kaunti nilang naipon at tulong mula sa mga kamag-anak ang sumuporta sa pamilya. Pinilit maging positibo ng asawa niyang si Lori habang tumatanggap sila ng mga pansamantalang trabaho para maipambayad sa gastusin. Nagpatuloy silang gawin ang lahat ng tama—nagdasal, nagbasa ng mga banal na kasulatan, dumalo sa templo, at nagbayad ng ikapu. Pero sa kabila ng daan-daang resume, at maraming pagtatanong, kakaunti ang nag-interbyu at walang nag-alok ng trabaho.

Isang araw makaraan ang halos anim na buwang paghahanap ng trabaho, tinawagan ni Lori ang nanay niya. Lumuluha at medyo galit siyang nagsabi: "Parang hindi kami pinakikinggan ng Ama sa Langit. Hindi ko na yata kayang magdasal. Wala namang silbi ito."

Sa pag-uusap na iyon sa telepono, nabigyang-inspirasyon ang nanay ni Lori nang patotohanan at ipaalala niya sa anak ang mga bagay na alam na niya: "Lori, alam mo ang tama. Alam mong mahal ka ng Ama sa Langit at alam niya ang pangangailangan mo. Pero kung minsan ay kailangan mong maghintay. Ito marahil ang apoy na magpapadalisay sa iyo. Ewan ko. Pero ang tanging alam ko'y ito: Kailangan mong pumasok sa kuwarto mo ngayon din at lumuhod at magdasal, at hilingin mo sa Panginoon na panatagin ka at payapain. Makakakita ng trabaho si Doug, pero baka matagalan pa. Tandaan mo ang lahat ng nagmamahal sa iyo at ipinagdarasal at tinutulungan ka. Mapalad ka."

Nalaman ni Lori na nang lumuhod siya at nanalangin—dahil nakatuon siya sa Panginoon—ay doon nabaling ang kanyang isipan. Napasakanya at kanyang tahanan ang pag-ibig ng Tagapagligtas.

Mahal kong mga kapatid, lagi kong nadarama sa buhay ko ang pag-ibig ng Panginoon. Sa masasayang araw at sa mga araw na parang hindi ko kaya ang mga hamon, bumaling ako sa Panginoon at humingi ng tulong. Saksi ako na lagi Siyang naroon, bukas ang maawain at mapagmahal Niyang mga bisig sa akin at sa inyo. Buong puso kong ipinahahayag na si Jesucristo ang aking lakas. Siya ang aking pag-asa. Siya ang aking Tagapagligtas at Manunubos. Sinasabi ko sa inyo, "Sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon."11 Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. II Mga Taga Corinto 3:3.

2. Gordon B. Hinckley, "Sa Panahon Natin Ngayon," Liahona, Ene. 2002, 83; Ensign, Nob. 2001, 72.

3. Mga Taga Filipos 4:7.

4. Omni 1:26.

5. Mga Taga Galacia 5:22.

6. 2 Nephi 25:26.

7. "Isang Dalangin para sa mga Bata," Liahona, Mayo 2003, 85 at Ensign, Mayo 2003, 87.

8. "Sinisikap Kong Tularan si Jesus," Aklat ng mga Awit Pambata, 40.

9. D at T 64:33.

10. Alma 31:35.

11. Josue 24:15; idinagdag ang pagbibigay-diin.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy