The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
Mga Pangakong Natatanaw Mula sa Malayo

Mga Pangakong Natatanaw Mula sa Malayo

ANNE C. PINGREE
Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency

Ang pananampalataya, ang espirituwal na kakayahang mahikayat ng mga pangakong "natatanaw mula sa malayo" . . . , ay isang tiyak na sukatan ng mga yaong tunay na naniniwala.

ANNE C. PINGREEHindi ko malilimutan ang napakaalinsangang araw sa masukal na kagubatan ng timog-silangang Nigeria. Nilakbay naming mag-asawa ang isa sa mga pinakamalayong lugar sa aming misyon upang mainterbyu niya ang mga miyembro sa Ikot Eyo district para sa rekomend sa templo. Ilan sa lumalagong district na ito ay miyembro ng Simbahan nang di lalampas sa dalawang taon. Tatlong libong milya ang layo ng tirahan ng lahat ng miyembro sa pinakamalapit na templo sa Johannesburg, South Africa. Wala pang nakatanggap ng kanilang endowment sa templo.

Alam ng mga miyembrong ito ang takdang araw kada buwan ng pagbisita namin sa kanilang district, ngunit maski kami ay hindi alam ang eksaktong oras ng dating namin; ni hindi kami makatawag dahil bihira ang telepono sa bahaging iyon ng West Africa. Kaya ang matatapat na Aprikanong Banal na ito ay maaga pang nagtitipon sa umaga upang maghapong maghintay kung kailangan mainterbyu lang para sa rekomend sa templo. Nang dumating kami, napansin kong kasama sa naghihintay sa tindi ng init ang dalawang kapatid sa Relief Society. Nakasuot sila ng mga paldang may malalaking disenyo, puting blusa, at ang tradisyonal na bandanang Aprikano.

Pagkalipas ng maraming oras, nang matapos mainterbyu ang lahat, habang nagmamaneho pabalik ang asawa ko sa mabuhangin at masukal na gubat na iyon, nagulat kaming makitang naglalakad pa rin ang dalawang kapatid na ito. Nalaman naming naglakad sila mula sa nayon nila—nang 18 milya balikan—para lang makakuha ng rekomend sa templo na alam nilang kahit kailan ay hindi nila magagamit.

Naniwala ang mga Banal na ito sa payo ni Pangulong Howard W. Hunter: "Ikalulugod ng Panginoon na ang bawat miyembrong nasa hustong gulang ay maging marapat sa—at magkaroon ng—balidong rekomend sa templo, kahit na sa layo ng templo ay hindi nila kaagad o madalas na magamit ito."1 Sa kamay nila, dala ng mga kapatid na ito ang kanilang itinatanging rekomend sa templo na maingat na ibinalot sa malinis na panyo. Dala-dala ko ang kanilang halimbawa ng pananampalataya na maingat na nakabalot sa aking puso.

Ang dalawang nakipagtipang kapatid na ito sa Relief Society ang naglalarawan ng kahulugan ng turo ni Alma "hinggil sa pananampalataya—ang pananampalataya ay hindi ang pagkakaroon ng ganap na kaalaman sa mga bagay; kaya nga, kung ikaw ay may pananampalataya, umaasa ka sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo."2

Ang pananampalataya ang pinakapersonal na pagpapahayag ng pagsamba—at katapatan—sa ating Ama sa Langit at Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo. Matatag na nakasalig sa una at napakahalagang alituntuning ito ng ebanghelyo, umaasa tayo sa Tagapagligtas, nalalamang: "si Jesus [ang] gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya."3

Ang tiyahin ko sa tuhod na si Laura Clark Phelps, ang unang miyembro ng pamilyang Clark na sumapi sa Simbahan. Nagpakita siya sa Panginoon ng matibay, walang pag-aalinlangang pananampalataya.4

Ang pamana ni Laura ay nagtuturo nang lubos tungkol sa doktrina ng pananampalataya bilang "kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita."5 Tinanggap niya ang kanyang patriarchal blessing mula kay Joseph Smith, Sr. Pinayuhan siya nito na maging tapat at magkakaroon siya ng mana sa Sion." Sinabi pa sa kanya na "tumawag sa Diyos nang may pananampalataya, at kung gagawin mo ito mapapasaiyo ang lahat ng naisin ng iyong puso."6

Kilala ni Laura at ng kanyang asawa si Propetang Joseph Smith. Noong minsan, napadpad ang Propeta at kapatid niyang si Hyrum sa kanilang bukid sa labas ng Far West, Missouri, na kung saan itinago sila ni Laura sa likod ng kurtina. Mahinahong hinarap ni Laura ang mga pinuno ng mga mandurumog na agad dumating na hanap ang Propeta.

Naranasan ni Laura ang mga saya at hirap ng mga naunang miyembro ng Simbahan sa dispensasyong ito. Tumatag ang kanyang pananampalataya noong itaboy siya sa kanyang mga tahanan at mahiwalay sa kanyang asawa sa iba't ibang pangyayari. Bilang magaling na komadrona, nagtrabaho at naglakbay siya gabi't araw anuman ang klima ng panahon upang tumulong sa pagtaguyod ng kanyang pamilya. Nagkasakit siya dahil sa sobrang pagod at madalas na paglalakbay. Namatay siya sa batang edad na 34, at naiwan ang kanyang asawa at limang anak. Hindi na niya nakita ang kanyang mga anak, apo, o apo sa tuhod na sumusunod sa kanya nang may pananampalataya. Hindi niya naranasan ang biyaya ng pagkakaroon ng sarili niyang rekomend sa templo sa buhay na ito, mga biyayang alam kong pakahahalagahan niya.

Nagpapatotoo ang matapat na buhay ni Laura sa talatang ito mula sa Mga Hebreo: "Nangamatay ang lahat ng mga ito, na hindi kinamtan ang mga pangako, ngunit kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo, at kanilang ipinahayag na sila'y pawang taga ibang bayan at manglalakbay sa ibabaw ng lupa."7 Ang pananampalataya ay buhay kay Laura, at ipinamuhay ni Laura ang kanyang pananampalataya.

Mahal ko ang aking tiya Laura at dinadala sa aking puso ang kanyang halimbawa. Siya, tulad ng mga kapatid sa Relief Society sa Nigeria, ay nagpapaalala sa akin na "Ang lahat ng bagay ay may pangyayari sa [kanila] na [naniniwala]."8

Ang pananampalataya, ang espirituwal na kakayahang mahikayat ng mga pangakong "natatanaw mula sa malayo" ngunit maaaring hindi makamit sa buhay na ito, ay isang tiyak na sukatan ng mga yaong tunay na naniniwala. Ipinahayag ni Elder Bruce R. McConkie ang katotohanang ito sa mga salitang: "Ang pananampalataya sa ganap at dalisay na anyo nito ay nangangailangan ng di natitinag na katiyakan at . . . ganap na tiwala na diringgin ng [Diyos] ang ating mga pagsusumamo at igagawad ang ating mga hiling"9 sa Kanyang sariling panahon. Kung paniniwalaan natin iyan, tayo rin, ay "mangag[pa]pakatibay sa pananampalataya"10 ngayon at sa hinaharap.

Hindi mahalaga kung saan tayo nakatira o ano ang kani-kanya nating kalagayan. Araw-araw maipapakita sa ating matwid na pamumuhay ang pananampalataya natin kay Jesucristo sa kabila ng ating mga dalamhati, kabiguan, at di nakamtang pangako. Napakasayang magtaglay ng pananampalatayang asamin ang araw na iyon "kapag ang mga pangako ay maibigay na."11

Habang naglalakad sila nang may pananampalataya sa bawat hakbang sa mabuhanging kagubatan sa West Africa, maaaring hindi naisip ng magigiting na kababaihang iyon sa Nigeria na ang banal na templo ng Diyos ay itatayo sa sarili nilang bansa balang araw. Maaaring hindi nila naisip na ang mga inspiradong turo ng isa pang propeta ng Diyos, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ang magdadala ng mga ipinangakong biyaya na inaasam at natatanaw nila mula sa malayo. Ang tanging alam nila ay ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo sa mga panahong ito, at ang patotoo sa ebanghelyong iyon ay nag-aalab sa kanilang puso, at pananampalataya ang tanglaw nila sa buhay. Pagkatapos ay kumilos sila ayon sa payo ng propeta na maging marapat at mag-angkin ng rekomend sa templo.

Magiliw naming naalala ng aking asawa ang mga kapatid na ito at pati na ang marami pang banal sa West Africa sa di malilimutang araw na iyon ng Abril 2000 nang sabihin ni Pangulong Gordon B. Hinckley na, "Ipinaaalam namin sa kumperensyang ito na umaasa kaming makapagtayo ng bahay ng Panginoon sa Aba, Nigeria."12 Mga kapatid, pinatototohanan ko na kung minsan "ang mga himala . . . ay nagpapatibay ng . . . pananampalataya."13 Ang mga templo sa Africa ay kamangha-manghang pagpapakita ng mga himalang nagmula sa pananampalataya ng napakaraming Banal sa maliliit na nayon at malalaking lungsod sa malawak na kontinenteng iyon.

Nagpapasalamat ako nang lubos na nakita ko ang pananampalatayang naghikayat sa dalawang tagabunsod sa Africa na maglakbay mula sa napakalayong lugar upang mainterbyu para sa rekomend sa templo. Nagagalak ako na ang templong itinatayo sa Nigeria ay magdudulot ng higit na pagkakataon sa mga kababaihang ito, sa kanilang pamilya, at sa libu-libo pa na magamit ang kanilang mga rekomend bilang simbolo at pagpapakita ng kanilang pananampalataya.

Kung minsan ang mga biyaya sa buhay na hindi pa natin natatanggap ay hindi natin halos mabanaagan. Nagpapatotoo ako na pananampalataya ang siyang nagpapahintulot sa atin na matanaw mula sa malayo nang may espirituwal na pananaw ang lahat ng nais ng Diyos para sa Kanyang mga anak.

Tulad ng alam ng mga kapatid na babaing iyon—na naglakbay sa masukal na kagubatan—alam ko na buhay ang Diyos. Mahal Niya ang bawat isa sa atin saan mang kontinente tayo naroroon at nais Niyang basbasan tayong isa-isa. Alam ko na ang pananampalataya natin kay Jesucristo ang magpapalakas sa atin araw-araw kapag ating "[ginagawa] ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya," nalalaman nang may "lubos na katiyakan"14 na ang mga pangakong maaaring ating "natatanaw mula sa malayo" ay maghahatid sa atin balang araw ng lahat ng inaasam nating biyaya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. "A Temple Motivated People," Liahona, Mayo 1995, 5.

2. Alma 32:21; idinagdag ang pagbibigay-diin.

3. Sa Mga Hebreo 12:2.

4. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 16:13; Santiago 1:6.

5. Sa Mga Hebreo 11:1.

6. Morris Calvin Phelps, Life History of Laura Clark (Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, n.d.), microfilm, 3.

7. Sa Mga Hebreo 11:13.

8. Marcos 9:23.

9. A New Witness for the Articles of Faith (1985), 187.

10. I Mga Taga Corinto 16:13.

10. "Tayo'y Magalak," Himno, blg. 3.

12. "A Time of New Beginnings," Liahona, Hulyo 2000, 107.

13. Bible Dictionary, "Faith," 669.

14. D at T 123:17.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy