The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2003
"Ang Pamantayan ng Katotohanan ay Naitayo Na"

"Ang Pamantayan ng Katotohanan ay Naitayo Na"

PANGULONG BOYD K. PACKER
Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol

Kahit tila di tayo sumusunod sa uso, kahit maliitin pa ang ating mga pamantayan, kahit bumigay sa tukso ang ibang tao, hindi tayo magpapatukso, at hindi tayo dapat magpatukso.

PANGULONG BOYD K. PACKERLayon ko na ipaliwanag sa kabataan at mga dalaga't binata, at sa kanilang mga magulang, kung bakit mahigpit nating sinusunod ang mataas na pamantayan ng kabutihang-asal; bakit natin iniiwasan ang nakalululong na droga at tsaa, kape, alak, at tabako; bakit itinuturo natin ang pamantayan ng disenteng pananamit, kaanyuan at pananalita.1 Kailangan ninyong malaman kung saan nagmula ang ating pamantayan at bakit hindi tayo dapat makibagay at sumunod sa daigdig.

May kalayaan kayo—"moral na kalayaan."2 Malaya kayong pumili ng pamantayan.

Mas mauunawaan ninyo kung babanggitin ko ang banal na kasulatan at doktrina sa halip na pag-uugali.

Ang Simbahang kinabibilangan ninyo, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay pinanumbalik na Simbahan.3 Kung alam ninyo ang ibig sabihin ng pinanumbalik, mauunawaan ninyo kung bakit gayon ang pamantayan ng pag-uugali.

Kasunod ng Pagkapako ni Cristo ay naganap ang pagtalikod sa katotohanan. Sinimulang ituro ng mga lider "bilang doktrina ang mga kautusan ng tao."4 Nawala ang mga susi ng awtoridad at isinara nila ang daluyan ng paghahayag. Ang nawalang awtoridad na iyon ay hindi basta na lamang nakukuhang muli. Kailangang maipanumbalik ito ng mga mayhawak ng mga susi ng awtoridad noon.5

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi binagong bersiyon ng ibang simbahan. Hindi ito pagbabago o pagwawasto o protesta laban sa alinmang simbahan. Mayroon silang "anyo ng kabanalan"6 at may kabutihan at pinahahalagahan.

Si Juan Bautista ay nagbalik at tumawid sa lambong para igawad ang Aaronic Priesthood na "may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan."7 Ang kasamang ordenansa, ang kumpirmasyon at paggawad ng kaloob na Espiritu Santo ay nangangailangan ng isang mas mataas na awtoridad.8

Kaagad matapos iyon, ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan, mga Apostol na kasama ng Panginoon, ang mas mataas o Melchizedek Priesthood9—"ang Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos."10

Ang Panunumbalik ay hindi nangyari nang minsanan lamang. Sa magkakasunod na pagdalaw, dumating ang iba pang mga propeta para ipanumbalik ang mga susi ng priesthood.11

Dahil naipanumbalik na ang awtoridad, inihayag na rin ang organisasyon. Naorden ang mga Apostol at nabuo ang Korum ng Labindalawa at ng Unang Panguluhan gaya noong una.12 Inihayag ang mga ordenansa at ibinigay ang awtoridad para isagawa ang mga ito.

Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo ay isinalin at nailathala. Nakapaloob dito ang "kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo."13

Inilathala ang iba pang mga paghahayag—ang Doktrina at mga Tipan at Mahalagang Perlas. Mula sa mga banal na kasulatang ito, nalaman natin kung bakit nilikha ang mundo at sino ang lumikha rito.14 Naunawaan ng mga sinaunang lider ng Simbahan ang kabuuan ng ebanghelyo, ang tungkol kay Jesucristo, at ang mga pamantayang hinihingi Niya sa Kanyang mga disipulo.

Nalaman natin ang tungkol sa plano ng pagtubos—"ang dakilang plano ng kaligayahan."15 Naparito tayo sa lupa para subukan at magkaroon ng karanasan, sa pangakong "sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo."16

Bago tayo naparito sa buhay sa mundo, nabuhay tayo bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit.17 "Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos. Ang kasarian ay isang mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan."18

Ang plano ng kaligayahan ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang buhay. Ang mga banal na ordenansa at tipan, na makukuha lamang sa templo, ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga taong makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan. Ang kasal, pamilya, at tahanan ang pundasyon ng Simbahan.19 Wala nang mahalaga pa sa Simbahan at sa sibilisasyon mismo kundi ang pamilya!

Para sa ilan ay hindi kumpleto ang buhay sa lupa dahil wala silang pagkakataong makapag-asawa at magkaroon ng pamilya. Ngunit ang dakilang plano ng kaligayahan at ang mga batas na sumasakop dito ay magpapatuloy hanggang sa kabilang buhay. Sa patnubay ng mabait at mapagmahal na Ama sa Langit, hindi sila, batay sa walang hanggang huwaran ng mga bagay, pagkakaitan ng mga pagpapalang kailangan nila sa kadakilaan, kabilang na ang kasal at pamilya. At ito'y magiging mas dakilang pagpapala dahil sa paghihintay at sa pananabik.

Nalaman natin sa mga paghahayag na hindi na namin kailangang sabihin sa inyong mga kabataan ang tama at mali hinggil sa moralidad at pag-aasawa. Itinuro ni propetang Lehi sa kanyang batang mga anak na "ang tao ay tinuruan nang sapat upang kanilang makilala ang mabuti sa masama."20

Dahil ang kapangyarihang lumikha ng katawang mortal ay kailangan sa ating kaligayahan at kadakilaan, nagtakda ang Panginoon ng matinding kaparusahan laban sa imoral na paggamit ng kapangyarihang iyon na lumikha ng buhay.21

Alam ni Satanas na kung mapasasama niya ang proseso ng paglikha ng buhay at mapayuyurakan ito sa mga lalaki at babae sa mahahalay na gawa, ay magagawa niyang sirain ang plano ng kaligayahan ayon sa ipahihintulot ng tao.

Itinuro ni Pablo, "[hindi itutulot ng Diyos] na kayo'y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito'y inyong matiis."22

Hindi ko gustong saktan ang maselang damdamin ninyong mga kabataan, subalit sa daigdig na inyong ginagalawan na puno ng kasamaan kailangan ay handa kayong lumaban.

May mga salitang mamarapatin nating hindi bigkasin. Inilalarawan ng mga ito ang mga bagay na mas gugustuhin nating huwag isipin. Ngunit hindi kayo makaiwas at lagi kayong nalalantad sa mga tuksong may kaugnayan sa pakikiapid, pangangalunya, pornograpiya, prostitusyon, paglabag, pagnanasa, pang-aabuso, mga labag sa batas ng Diyos, at lahat ng nagmumula sa mga ito.

Mahihirapan muna kayo bago kayo makaiwas sa kalapastanganan at masasamang biruan na kaakibat ng mga ito. Nakahelera ang mga ito sa inyong harapan sa di marapat na libangan—musika, aklat o magasin, dula, pelikula, telebisyon, at siyempre, sa Internet.

Alalahanin ninyo ang Unang Pangitain nang lumuhod ang batang si Joseph sa kakahuyan. Kaagad na nagtipon ang makapal na kadiliman sa kanyang paligid. Sinunggaban siya ng kapangyarihan ng kaaway, isang tunay na nilikha na mula sa hindi nakikitang daigdig. Ginawa niya ang magagawa ng bawat isa sa inyo. Nagdasal siya at iniwan siya ng masamang kapangyarihan.23

Makapangyarihan ang panalangin. Bilang anak ng Diyos, gaya ni Joseph ay maaari kayong manalangin sa Diyos sa pangalan ni Jesucristo na bigyan kayo ng lakas.24

Sisikapin ni Satanas at ng kanyang mga kampon na bihagin ang inyong isipan at kontrolin ang ginagawa ninyo. Kung magagawa niya iyan, sisirain niya ang lahat ng mabuti.25 Ganyan ang tingin niya sa Internet—isang lambat na sisilo sa inyo sa masamang pagkalulong sa pornograpiya. Kasunod nito'y kalungkutan.26

Ginagamit ng ilang tao ang pulitika, lipunan, at batas para baguhin ang ibig sabihin ng moralidad at kasal at gawin itong bagay na di-mapipigilan, di natural, at bawal. Ngunit hindi nila kailanman mababago ang disenyong namamayani sa buhay at kaligayahan ng tao mula pa noong una. Sinasalakay ng manlilinlang ang damdamin o hilig o kahinaan. Kinukumbinsi ni Satanas ang mga tao na hindi na mababago ang mga ito at ginaganyak silang makisali sa mga aktibidad na kung tutuusin ay hindi nila gagawin.

Gayunpaman sa malao't madali ay magniningas ang kislap na iyon ng kabanalan na nasa bawat isa. Maaari nilang gamitin ang kalayaan nila bilang mga anak na nilikha sa wangis ng Diyos27 at talikuran ang maninira. Ang damdamin, hilig, o kahinaan na sinabing di nila mababago ay magbabago, at madarama nila ang kapangyarihan ng pagtubos ni Cristo.28 Aalisin ang kanilang dalahin at mapapawi ang sakit.29 Iyan ang kahulugan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.

Maaangkin nila ang pamana sa kanila bilang mga anak ng mga magulang sa langit at, sa kabila ng pahirap at nakapagdadalamhating pagsubok ng buhay sa lupa, alam nilang hindi sila naligaw.

Sa Simbahan ay hindi isinusumpa ang isang tao dahil sa mga hilig niya o tukso. Pinapanagot ang isang tao sa kasalanang nagawa.30 Kung hindi mo pagbibigyan ang maling panghihikayat, hindi ka isusumpa o kaya'y sasailalim sa disiplina ng Simbahan.

Hindi tayo ang nagtatakda ng pamantayan, kundi inuutusan tayong ituro at sundin ang mga ito. Tulad pa rin ng dati ang pamantayan: huwag makipagtalik bago ikasal at buong katapatan kapag kasal na. Kahit tila di tayo sumusunod sa uso, kahit maliitin pa ang ating mga pamantayan, kahit bumigay sa tukso ang ibang tao, hindi tayo magpapatukso, at hindi tayo dapat magpatukso. Ang pagsunod sa pamantayan ng kabutihang-asal at sa Word of Wisdom ay mananatiling kailangan sa ordenasyon sa priesthood, sa misyon, at sa rekomend sa templo.

Iginawad sa inyo ang kaloob na Espiritu Santo. Magkakaroon ng mga bulong ng pagsang-ayon o babala kapag may gagawin kayong desisyon.31 Magagabayan kayo ng Espiritu at ilalayo sa masama at ibabalik kayo sa Simbahan kung maliligaw kayo ng landas. Huwag kalimutan na kayo'y mga anak ng Diyos. Hindi kayo maibibilanggo ni Satanas nang habampanahon. Lagi ninyong hawak ang susi ng pagsisisi para mabuksan ang pintuan ng bilangguan.

Kung nadarama ninyong mga kabataan na kayo'y nag-iisa, tandaan na milyun-milyon na kayo ngayon sa Simbahan. Laksa-laksa sa inyo ngayon ang nasa misyon. Kayo'y magandang halimbawa, kayo'y patotoo ng Panunumbalik, kahit doon sa mga ayaw makinig sa inyong mensahe. Saanman kayo naroon—sa eskwelahan, sa trabaho o naglalaro, sa militar—hindi kayo nag-iisa.

Ang mga salita ngayon ay maaaring gamiting sandata laban sa inyo. Kung sari-saring salita ang ibato nila sa inyo, tanggapin ninyo ito at sabihing, "Ganyan naman ako e, at paninindigan ko na 'to." Kung ang salita'y mapagbigay, gamitin n'yo rin ito at sabihing, "Kaya inaasahan kong pagbibigyan mo rin ang estilo ko—pagsunod, integridad, pag-iwas, pagsisisi." Kung ang salita'y pagpili, sabihin n'yo sa kanilang pinipili ninyo ang mabuti at makalumang moralidad. Pinili ninyong maging karapat-dapat na asawa o maybahay, o magulang.

Maaaring mag-isa ang buong Simbahan sa paninindigan sa mga pamantayang ito. Pero hindi tayo ang una. Sabi ni Moroni, sa nalabi sa kanyang mga tao, "Ako lamang ang nalabing mag-isa. . . . Tinutupad ko ang kautusan ng aking ama."32 Huwag matakot.33

Noong bata pa ako't bago sa aking tungkulin, ipinadala ako sa gawing silangan para makipagkita sa makapangyarihan at tanyag na mga pinuno na humahadlang sa ating gawain. Nang papunta na ako sa airport dumaan ako kay Pangulong Harold B. Lee at nagtanong, "May ipapayo ho ba kayo sa pag-alis ko?"

"Oo," sabi niya, "tandaan mo lang na hindi na ito 1830, at di lang tayo anim na katao."

Napawi ang takot ko. Ipinagtanggol ko ang mga pamantayan ng Simbahan. Nalutas ang problema.

Ang lipunan ay nasa landas na naging sanhi ng kapahamakan ng mga sibilisasyon, at ngayon ay nahihinog na sa kasamaan. Ang sibilisasyon mismo ay nanganganib. Kayong kagilagilalas na mga kabataan, ay halimbawa ng milyun-milyong mabubuting tao sa buong mundo.

Naiisip ko ang galak at ligayang naghihintay sa inyo sa buhay na ito at ang gawaing gagawin ninyo, at hindi ako panghihinaan ng loob.

Si Pedro, ang Apostol na kasunod ng Panginoon, ay nagsabi ng ganito sa inyo, "Kayo'y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios; upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan."34

Tandaan ang dakilang propesiyang ito:

"Ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; . . . ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may karingalan, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat bansa, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat lugar, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap."35

Noong mga bata pa tayo madalas nating awitin ang mga salitang ito:

Kabataan ba ng Sion,
Tama'y di 'paglalaban?
Sa pagsugod ng kaaway,
Sila ba ay aatras? Hindi!

Sa katotohana'y may katapatan
Pananampalataya'y ipaglalaban
Utos ng Diyos ay susundin
Buong puso ang katapatan.

Batid nating kadilima'y
Laban sa gawa ng Diyos
Kabataan bang pangako'y
Titigil sa pagsunod? Hindi!

Kaligtasan ay kamtin,
Totoo ay susundin.
Buong pusong magsisikap,
Laging mananalangin. Oo!

Ang kaharian ni Cristo'y
Ating pagsisikapan,
Upang maligtas sa piling
Ng Kanyang kinalugdan. Oo!

Ka katotohana'y may katapatan
Pananampalataya'y ipaglaban
Utos ng Diyos ay susundin
Buong puso ang katapatan.36

Pagpalain kayong milyun-milyong kabataan sa ating Simbahan na matwid na sinusunod ang mga pamantayan ng ebanghelyo at may matibay na patotoo—patotoong lahat tayo ay mayroon at ibinabahagi. Sa pangalan ni Jesucristo, Amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Pagtupad ng Ating Tungkulin sa Diyos (polyeto, 2001).

2. D at T 101:78.

3. Tingnan sa D at T 115:4.

4. Joseph Smith—Kasaysayan 1:19; tingnan din sa Mateo 15:9.

5. Tingnan sa D at T 27:12-13.

6. Joseph Smith—Kasaysayan 1:19.

7. D at T 13:1.

8. Tingnan sa D at T 20:41; 33:15.

9. Tingnan sa D at T 27:12-13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:72.

10. D at T 107:3.

11. Tingnan sa D at T 110.

12. Tingnan sa D at T 18:9; 20:1-2; 107:22, 29.

13. D at T 27:5.

14. Tingnan sa Moises 1:30-39.

15. Alma 42:8; tingnan din sa 2 Nephi 11:5; Alma 12:25; 17:16; 34:9; 41:2; 42:5, 11-13, 15, 31; D at T 101:22; Moises 6:62.

16. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3.

17. Tingnan sa Mga Bilang 16:22; Eclesiastes 12:7; Sa Mga Hebreo 12:9.

18. "Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo," Liahona, Okt. 1998, 24.

19. "Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo," Liahona, Okt. 1998, 24.

20. 2 Nephi 2:5.

21. Tingnan sa Jacob 3:12; D at T 42:24; 104:8-9.

22. I Mga Taga Corinto 10:13.

23. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15-16.

24. Tingnan sa Santiago 4:7.

25. Tingnan sa D at T 10:22; tingnan din sa Lucas 22:3; 2 Nephi 2:17-18, 27; 3 Nephi 18:18; D at T 50:3.

26. Tingnan sa Alma 41:10.

27. Tingnan sa Genesis 1:26-27; Moises 2:26-27; 6:9; Abraham 4:26-27.

28. Tingnan sa 2 Nephi 2:1-6.

29. Tingnan sa Alma 7:11-12.

30. Tingnan sa D at T 101:78; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:2.

31. Tingnan sa D at T 8:2-3; 9:7-9.

32. Mormon 8:3.

33. Tingnan sa II Kay Timoteo 1:7; D at T 68:6.

34. I Ni Pedro 2:9.

35. Joseph Smith, History of the Church, 4:540.

36. "Tapat sa Pananampalataya," Mga Himno, blg. 156.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy