ELDER ROBERT D. HALES
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Sundan ang halimbawa ni Joseph Smith at ang huwaran ng Panunumbalik.
Bumaling sa banal na kasulatan. Lumuhod at manalangin. Magtanong nang may
pananampalataya. Makinig sa Espiritu Santo.
Bilang mga lider ng Simbahan, madalas itanong sa atin: "Paano ako magkakaroon ng patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo?"
Ang pagkakaroon ng patotoo at pagbabalik-loob ay nagsisimula sa pag-aaral at panalangin, kasunod ng pamumuhay ng ebanghelyo nang may pasensiya at tiyaga, at pag-anyaya at tiwala sa Espiritu. Ang buhay ni Joseph Smith at ang huwaran ng Panunumbalik ay magagandang halimbawa ng prosesong ito. Habang pinakikinggan ninyo ang mensahe ko ngayon tungkol sa mga kaganapan sa Panunumbalik, hanapin ang mga hakbang na humahantong sa patotoo: hangaring malaman ang katotohanan, pagninilay-nilay sa ating puso, at pagdama at pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
Si Joseph Smith ay isinilang noong Disyembre 23, 1805, sa Sharon, Vermont. Napabilang siya sa pamilyang madasalin at palaaral ng Biblia. Bata pa'y interesado na siya sa relihiyon at natuklasan niya ang "malaking pagtatalo" ukol sa mga doktrina ni Cristo, na "nakikipagtalo ang mga saserdote laban sa saserdote, at mga nagbalik-loob laban sa kapwa nagbalik-loob."1
Ang pagkalitong ito'y karaniwan na sa kanyang komunidad. Ilang siglo na ang nagdaan nang magsimula ang tinatawag na Ganap na Pagtalikod [sa katotohanan]. Ang araw ni Cristo ay "hindi darating," sabi ni Apostol Pablo, "maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas."2
Ilang dekada matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, pinatay ang Kanyang mga Apostol, pinasama ang Kanyang mga turo, at inalis sa lupa ang priesthood. Ngunit nang makita ni Pablo ang nangyayari, siya'y nagpropesiya na "sa kaganapan ng mga panahon, [titipunin ng Diyos] ang lahat ng mga bagay kay Cristo."3 Ibabalik Niya sa lupa ang tunay na Simbahan ni Cristo.
Sa paglipas ng mga siglo, ang daigdig ay naihanda sa panunumbalik na iyon. Ang Biblia ay naisalin at nalathala. Natuklasan ang bagong lupain. Ang diwa ng pagbabago ay lumaganap sa daigdig ng mga Kristiyano, at isang bansa ang natatag sa mga alituntunin ng kalayaan.
Isinilang si Joseph Smith sa bansang iyon at, sa edad na 14, nakita niya ang sarili sa gitna ng "pagtatalutalo ng mga opinyon [ukol sa relihiyon]." Madalas niyang itanong sa sarili, "Kung mayroon mang tama sa [mga simbahang ito], alin ito, at paano ko ito malalaman?"4
Bumaling si Joseph sa Biblia para sa mga kasagutan. "Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo," sabi sa Sulat ni Santiago, "humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at ito'y ibibigay sa kaniya."5
Sa pagsunod sa bilin ni Santiago, nagpunta si Joseph sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan at nagdasal. Sa pagtawag sa Diyos, "isang haligi ng liwanag . . . [ang bumaba]," na higit pa sa liwanag ng araw, at "dalawang Katauhan" ang nagpakita. "Ang isa sa kanila ay nagsalita . . . , tinawag [si Joseph] sa [kanyang pangalan], at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!"6
Nakipag-usap kay Joseph ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Sinagot nila ang kanyang tanong. Itinuro nila sa kanya na nawala sa mundo ang tunay na Simbahan ni Cristo. Nalaman ni Joseph na ang mga miyembrong ito ng Panguluhang Diyos ay magkahiwalay na nilalang, kilala Nila siya sa pangalan, at handa Silang sagutin ang mga dalangin niya. Nabuksan ang langit, lumipas ang pagtalikod sa katotohanan, at nanumbalik ang espirituwal na kaalaman.
Gaya ni Joseph, marami sa atin ang naghahangad ng liwanag ng katotohanan. Tulad ng pagkahanda sa daigdig para sa Panunumbalik, bawat isa sa atin ay handang tumanggap ng espirituwal na kaalaman sa ating buhay. Kung minsan ang paghahandang iyo'y resulta ng pagbabago sa ating kalagayan—sa pagkakaroon ng bagong kaibigan, paglipat sa bagong komunidad, bagong trabaho, pagsilang ng sanggol, pagkamatay ng mahal sa buhay, karamdaman, kamalasan, at maging trahedya.
Sa panahong ito ng pagbabago, naghahanap tayo ng sagot sa mahahalagang tanong sa buhay: Sino tayo? Saan tayo galing? Bakit tayo narito sa mundo? At saan tayo pupunta pagkamatay? Walang alam dito si Joseph nang siya'y isilang, at gayundin tayo. Kailangan natin itong hanapin.
Gaya ni Joseph, dapat nating saliksikin ang mga banal na kasulatan at magdasal. Ang ibig sabihin nito para sa marami ay labanan ang pangamba at maging marapat, magpakumbaba, at matutong sumampalataya.
Sa loob ng tatlong taon kasunod ng kanyang Unang Pangitain, lubos na napakumbaba si Joseph. "Madalas," sabi niya, "[pakiramdam ko'y] isinumpa ako dahil sa aking kahinaan at mga kamalian."7 Ngunit hindi siya nawalan ng pananampalataya o nakalimot sa bisa ng dalangin.
Noong Setyembre 21, 1823, sa edad na 17, paluhod siyang humingi ng "kapatawaran ng lahat ng [kanyang] mga kasalanan at mga kalokohan, at para [tumanggap] rin sa isang pagpapatunay . . . [ng kanyang] kalagayan at katayuan sa harapan ng [Diyos]."8 Habang nagdarasal, muling nagliwanag, "hanggang sa ang silid ay magliwanag nang higit pa kaysa katanghaliang tapat."9 Sa liwanag ay may isang katauhang nakasuot ng bata na "napakatingkad ng kaputian."10 Tinawag niya si Joseph sa pangalan at nagpakilalang siya si Moroni. Sinabi nitong "ang Diyos ay may gawaing ipagagawa [kay Joseph],"11 at sinabi sa kanya ang tungkol sa sinaunang tala na nakasulat sa laminang ginto, na nang naisalin, ay naging Aklat ni Mormon. Nasa aklat ang kabuuan ng ebanghelyo, na itinuro ni Jesucristo sa mga ninuno ni Moroni. Inutusan si Joseph na kunin ang talaang iyon, na nakabaon malapit sa kanilang tahanan malapit sa burol na ngayo'y tinatawag na Cumorah.
Kinabukasan, natagpuan ni Joseph ang mga lamina, ngunit hindi pa panahon para ilabas ito. Sinabihan ni Moroni si Joseph na makipagkita sa kanya roon, sa gayunding araw bawat taon sa susunod na apat na taon.12
Sumunod si Joseph. Taun-taon siyang nagpunta sa burol kung saan "tinagubilinan"13 siya ni Moroni hinggil sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Cristo. Gaya ng pagkabata ng Tagapagligtas na inilarawan sa Bagong Tipan, "lumaki sa karunungan at pangangatawan"14 si Joseph at "lumakas sa Espiritu."15
Gayundin naman tayo. Ang ilang bagong binyag na miyembro ay nanghihina tungkol sa kanilang karunungan at kalagayan sa ebanghelyo—tungkol sa hindi nila nalalaman. Nalilimutan nila ang pagsunod, pag-aaral ng ebanghelyo, at espirituwal na kahandaan na bahagi ng mga karanasan ni Joseph noong una. Dapat ding tandaan ng matatagal nang miyembro na kailangan ang palagiang espirituwal na pagtuturo at pagkatuto upang lumakas sa Espiritu.
Makaraan ang apat na taon ng patuloy na pagsunod, natanggap ni Joseph ang mga lamina noong Setyembre 22, 1827, sa edad na 21. Natanggap din niya ang sinaunang instrumento sa pagsasalin nito, na tinawag na Urim at Tummim. Gamit ang sagradong tagapagsalin na ito, at sa tulong ng Espiritu Santo, sinimulan ni Joseph ang pagsasalin noong Disyembre ng taong iyon.16 Dumating ang panahon na sinamahan siya ng gurong si Oliver Cowdery, na nagsilbing eskriba niya.17
Sa edad na 23, isinasalin ni Joseph ang mga lamina nang mabasa nila ni Oliver ang isang talata hinggil sa pagbibinyag para sa ikapapatawad ng mga kasalanan. Gaya ng mga bagong investigator, gusto nilang matuto pa. Alam ni Joseph ang gagawin.
Noong Mayo 15, 1829, nagpunta sa kakahuyan ang dalawang lalaki para magtanong sa Panginoon. Habang nagdarasal, nagpakita si Juan Bautista sa "ulap ng liwanag."18 Siya ang nagbinyag sa Tagapagligtas noong nasa mundo ito. Hawak niya ang mga susi ng priesthood na kailangan para maisagawa ang ordenansa sa pamamagitan ng awtoridad ng Diyos.
Habang nakaluhod sina Joseph at Oliver sa harap ni Juan, ipinatong nito ang kanyang mga kamay sa kanilang ulo at iginawad sa kanila ang Aaronic Priesthood.19 Mula noon, taglay na nina Joseph at Oliver ang awtoridad na magbinyag at maggawad ng priesthood na iyon sa iba.
Ngayon lahat ng gustong malaman kung dapat silang mabinyagan ay inaanyayahang sumunod sa halimbawa nina Joseph at Oliver at magdasal. At lahat ng handa at marapat nang mabinyagan ay matatanggap ito mula sa isang napasahan ng patuloy na awtoridad mula sa mga kamay ni Juan Bautista sa dispensasyong ito.
Noong patapos ang Mayo o mga unang araw ng Hunyo 1829, ang Melchizedek, o mas mataas, na Priesthood ay iginawad kina Joseph at Oliver nina Apostol Pedro, Santiago, at Juan.
Ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay natapos din sa buwang iyon ng Hunyo, at nalathala ang aklat wala pang isang taon matapos iyon, noong Marso 26, 1830.
Labindalawang araw makaraang malathala ang Aklat ni Mormon, noong Abril 6, pormal nang inorganisa ang Simbahan sa tahanan ni Peter Whitmer, Sr., sa Fayette, New York. Tulad ng propesiya ni Pablo, ang sinaunang Simbahan ni Cristo ay muling naitatag sa lupa.20
Ngunit di pa tapos ang Panunumbalik. Tulad noong unang panahon, ang mga miyembro ng Simbahan ay pinagtayo ng isang templo, na inilaan sa Kirtland, Ohio, noong Marso 27, 1836. Makaraan ang isang linggo, Abril 3, isang pulong ang idinaos doon. Kasunod ng taimtim na dalangin, nakita nina Joseph at Oliver ang Panginoong Jesucristo na nakatayo sa kanilang harapan. Siya na nagsabing, "may lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon . . . ; datapuwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo,"21 ay dumating sa Kanyang banal na bahay. Sina Moises, Elias, at Elijah ay nagpakita rin at iginawad ang mga susi ng kaharian, ang nakapagliligtas na mga ordenansa, kay Joseph.22
Mga kapatid, nakikita ba natin ang huwaran? Bawat mahalagang pangyayari ng Panunumbalik—ang Unang Pangitain, ang pagpapakita ni Moroni at paglitaw ng Aklat ni Mormon, ang panunumbalik ng priesthood, ang pagpapakita ni Jesucristo kasunod ng dedikasyon ng Kanyang banal na templo—ay pinangunahan ng panalangin.
Simula noon, 116 na mga templo na ang nailaan. Nadaluhan ko ang marami sa mga sagradong pulong na ito. Nag-alay ng mga panalangin ng paglalaan. Sagana ang pagbuhos ng Espiritu Santo. Sa mga panahong ito, tulad ng iba, nadama ko ang di maitatatwang patotoo ng Espiritu ng Diyos, na nag-aalab sa aking puso, na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay totoo.
Paano ko nalaman ang mga bagay na ito? Nagbigay si Nephi ng malinaw at mabisang salaysay ng proseso, kasama na ang paghahangad, paniniwala, pananalig, at pagbubulay-bulay at pagsunod sa Espiritu. Pakinggan natin ito ayon kay Nephi: "Sapagkat ito ay nangyari na, na matapos kong naising malaman ang mga bagay na nakita ng aking ama [sa pangitain ng punungkahoy ng buhay], at naniniwala na ang Panginoon ay magagawang ipaalam sa akin ang mga bagay na yaon, habang nakaupo akong nagbubulay-bulay sa aking puso ay napasa-Espiritu ako ng Panginoon, oo, . . . sinabi sa akin ng Espiritu."23
Kapag natanggap natin ang patotoo ng Espiritu, lalakas ang ating patotoo sa pag-aaral, pagdarasal, at pamumuhay ng ebanghelyo. Ang lumalago nating patotoo ay nagdaragdag sa ating pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang plano ng kaligayahan. Nahihikayat tayong magsisi at sumunod sa mga utos na, lakip ang malaking pagbabago ng puso, ay hahantong sa ating pagbabalik-loob. At ang ating pagbabalik-loob ang nagdudulot ng banal na kapatawaran, paghilom, kagalakan, at hangaring magpatotoo sa iba.
Ngayon, marahil ay iniisip ninyo, paano sisimulan ang proseso?
Ipinapayo kong tanggapin ninyo ang paanyaya ni Moroni sa Aklat ni Mormon: "At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay."24 Para sa ilan, ito'y dagliang nangyayari. Sa iba, ito'y dahan-dahang dumarating sa paglipas ng mga taon.
Natatanggap natin ang espirituwal na pagpapamalas na ito dahil ang Espiritu Santo ay "personaheng Espiritu" na "makapananahanan sa atin."25 Ang misyon niya'y sumaksi sa Ama at sa Anak, ipaalam ang kalooban Nila sa atin, at ituro ang "lahat ng bagay na nararapat [nating] gawin."26 Maaaring paminsan-minsa'y madama sa buhay ng mga tao sa lahat ng dako ang impluwensiya ng Espiritu Santo. Ngunit tanging ang mga nabinyagan at nakumpirma lang ang makatatanggap ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng isang may awtoridad, na ginagawang posible na lagi natin Siyang makasama.
Para makasama Siyang lagi, kailangang taimtim na magsikap ang mga miyembro ng Simbahan. Kung hindi tayo masunurin sa mga batas, alituntunin, at ordenansa ng ebanghelyo, lalayo ang Espiritu Santo. Hindi Siya sasaatin kung may galit sa ating puso, nakikipagtalo tayo sa ating mga kasama, o pipintasan natin ang mga hinirang ng Panginoon. Umaalis siya kapag tayo'y suwail, imoral, mahalay manamit o kumilos, marumi ang isipan o lapastangan sa isip at katawan, tamad sa tungkulin sa priesthood, o nagkakasala, dahil "ang Espiritu ng Panginoon ay "hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo."27
Kung gayo'y dapat tayong patuloy na magsisi, makibahagi sa sakrament, maging marapat sa rekomend sa templo, at maglingkod sa Panginoon ng ating buong "puso, kakayahan, pagiisip at lakas."28
Kapag nasa atin ang Espiritu Santo, minamahal natin ang Diyos at lahat ng Kanyang mga anak. Pinapawi ng pagmamahal na ito ang takot at pinupuspos tayo ng hangaring buksan ang ating mga bibig. Wala tayong mas mahalagang maibibigay kaysa pagpapatotoo natin sa iba. Walang mas magpapasaya sa atin kaysa pagdadala ng kahit isang kaluluwa kay Cristo.29 At walang mas dakilang paraan na mapatatag ang ating patotoo kaysa pagpapatotoo natin sa Kanya sa buong mundo. Sa paggawa nito, tatatag ang ating pamilya. Mapupuspos ng kapayapaan at pag-ibig ang ating mga ward, stake, at komunidad, at magiging handa ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.
Alam kong totoo ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Alam kong Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Kanyang Simbahan sa lupa ngayon. Alam kong si Joseph Smith ay propeta ng Diyos at si Gordon B. Hinckley ang pumalit sa kanya, ang propeta at pangulo ng Simbahan ngayon.
Hinihimok ko kayo, ipinagdarasal ko kayo—kung hindi ninyo ito alam, sundan ang halimbawa ni Joseph Smith at ang huwaran ng Panunumbalik. Bumaling sa mga banal na kasulatan. Lumuhod at manalangin. Magtanong nang may pananampalataya. Makinig sa Espiritu Santo. Alamin na batid ng ating Ama sa Langit ang inyong pangalan at mga pangangailangan, tulad ng kay Joseph. Ipamuhay ang ebanghelyo nang may pasensiya at tiyaga.
At sa ngalan ni Jesucristo, ipinangangako ko, kung "magtatanong . . . [sa Ama sa Langit] nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, nang may pagsusumigasig sa pagsunod sa . . . mga kautusan [ng Panginoon], tiyak na ipaaalam sa inyo ang mga bagay na ito."30
Si Jesucristo ay buhay. Ito'y Kanyang gawain. Pinatototohanan ko ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Joseph Smith—Kasaysayan 1:6.
2. II Mga Taga Tesalonica 2:3.
3. Mga Taga Efeso 1:10.
4. Joseph Smith—Kasaysayan 1:10.
5. Santiago 1:5; tingnan sa Joseph Smith— Kasaysayan 1:11.
6. Joseph Smith—Kasaysayan 1:16-17.
7. Joseph Smith—Kasaysayan 1:29.
8. Joseph Smith—Kasaysayan 1:29.
9. Joseph Smith—Kasaysayan 1:30.
10. Joseph Smith—Kasaysayan 1:31.
11. Joseph Smith—Kasaysayan 1:33.
12. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:52-53.
13. Joseph Smith—Kasaysayan 1:54.
14. Lucas 2:52.
15. Lucas 2:40.
16. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:59, 62.
17. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:66-67.
18. Joseph Smith—Kasaysayan 1:68.
19. Tingnan sa D at T 13; Joseph Smith— Kasaysayan 1:68-69.
20. Tingnan sa Mga Taga Efeso 1:10.
21. Mateo 8:20.
22. Tingnan sa D at T 110.
23. 1 Nephi 11:1-2; idinagdag ang pagbibigay-diin.
24. Moroni 10:4-5.
25. D at T 130:22.
26. 2 Nephi 32:5.
27. Helaman 4:24.
28. D at T 4:2.
29. Tingnan sa D at T 18:15.
30. 1 Nephi 15:11.