The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast Archives CES Fireside

Pananampalataya at mga pamilya

Elder Russell M. Nelson
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Fireside Ng CES Para Sa Mga Young Adult
Pebrero 6, 2005
Brigham Young University

Elder Russell M. NelsonMga kapatid, natutuwa akong makasama kayo sa espesyal na okasyong ito. Nalulungkot akong hindi makasama si Sister Nelson dahil may ubo’t sipon siya. Kaylaki ng kongregasyong ito ng mga young adult. Marami pang nakatipon sa buong North America, Central America, South America, Europa, Asya, Aprika, at sa mga pulo sa karagatan. Dalangin kong mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon. Dahil isinasalin ito sa 28 wika, ipinagdarasal din namin ang ating mga tagapagsalin.

Hatid ko sa bawat young adult ang pagbati at pagmamahal nina Pangulong Gordon B. Hinckley, Pangulong Thomas S. Monson, Pangulong James E. Faust, at mga Kapatid ko sa Korum ng Labindalawang Apostol. Salamat sa inyong pananampalataya, katapatan, at hangaring maglingkod sa Diyos. Mahal namin kayong lahat.

Tumigil muna kayo sandali sa pagsulat, at suriin ang inyong sarili. Bata pa kayo’t sabik sa buhay. Karamihan sa inyo’y mga estudyanteng matataas ang pangarap. Gusto kong mag-isip kayo ngayon. Isipin ang inyong sarili, hindi kung sino kayo ngayon, kung hindi ang kahihinatnan ninyo—50 taon mula ngayon. Ilarawan sa isipan ninyo ang inyong sarili pagsapit ng panahong iyon. Nagkapalit na ng puwesto ang malawak ninyong isipan at makipot na baywang. Pahinga na kayo sa pagtatrabaho. Retirado na kayo—wala nang hahabuling oras o kokolektahing sahod. Nakakasabay ba kayo?

Heto naman ang mga tanong ko: Ano ang nakikita ninyo sa inyong sarili 50 taon mula ngayon? Ano ang gusto ninyong kahinatnan 50 taon mula ngayon? Ano ba ang talagang gusto ninyo, higit sa lahat, 50 taon mula ngayon?

Para ko nang narinig ang iniisip ninyo. Sabi siguro ng ilan, “Gusto ko lang, buhay pa ako 50 mula ngayon.” Hindi masama. Bahagi ng mortalidad ang maaksidente at magkasakit, na ibig sabihi’y mawawala rito ang ilan sa inyo 50 taon mula ngayon. Pero karamihan sa inyo’y narito pa. Kaya magplano para sa mangyayari, huwag magbakasakali. Ilan sa inyo’y tatanyag at yayaman. At karamihan sa inyo’y gustong magkapamilya.

Kung narito lang si Sister Nelson, aanyayahan ko siyang tabihan ako rito. Alam naman ninyong walang lalaking walang babae, sa Panginoon.1 Siguro ang pagsasama namin ay makakatulong sa pagpaplano at pagkakamit ninyo ng nais ninyong kahinatnan. Ang pamagat ng mensahe ko ngayong gabi ay “Pananampalataya at mga Pamilya.” Sadyang una kong inilista ang pananampalataya. Iyan ang naging gabay naming mag-asawa: ang manampalatayang hanapin muna ang kaharian ng Diyos. Nalaman namin na ang matatag na pananampalataya sa Diyos ang nagpapatibay sa pagmamahalan ng mag-asawa. Ang pananampalataya sa Kanya ay nagpapaibayo sa kakayahan ng isang tao na magmahal, sa marami at nang mas matindi.

Mahigit 50 taon na ang lumipas young adult pa kami noon, tulad ninyo ngayon. Kinunan ang retratong ito noon. Kapwa kami nasa kolehiyo. Sophomore pre-medical student ako noon; siya nama’y iskolar sa first year. Mahal na mahal namin ang isa’t isa. Kita naman ninyo sa retrato. Mga kapatid, hindi ninyo ako masisisi kung umibig ako sa kanya, di ba?

Salamat sa pagpapakita ng retrato. Hindi na ganyan ang hitsura namin ngayon. Pero para sa akin, mas maganda pa ngayon si Sister Nelson!

Tapos na ako sa panggagamot. Lahat ng operasyong dapat kong gawin ay nagawa ko na. Hirap din si Sister Nelson sa mga responsibilidad niya bilang ina ng sampung anak. Nalimutan kong banggitin na puro babae ang unang siyam na anak namin. Parang dormitoryo ng babae ang bahay namin, hanggang sa dumating ang kaisa-isa naming anak na lalaki. Kawawang bata! Hindi niya alam kung sino ang tunay niyang ina sa unang dalawang taon niya.

Ngayo’y matanda na si Sister Nelson. Hindi na gayon kabigat ang maging lola ng aming mga apo, at marami sa kanila ang narito ngayong gabi. Tumayo nga sandali ang lahat ng miyembro ng aming pamilya? Gusto kong ipokus kayo ng mga cameraman para makita rin kayo ng iba. Nabiyayaan kami ng 56 na apo at 14 na apo sa tuhod. Narito ang pinakahuling apo namin—dadalawang linggo pa lang siya. Madaragdagan pa iyan.

Naisip kong ipakita ang retrato ng bawat miyembro ng 106 naming mga kapamilya. Pero naisip ko ang lolang sakay ng eroplano katabi ang isang estranghero. Ang kuwentuhan nila tungkol sa kanyang pamilya ay nauwi sa tanong niyang, “Ipinakita ko ba sa iyo ang retrato ng mga apo ko?”

Sagot ng katabi, “Hindi po! Salamat na lang!”

Hindi na ako magpapakita ng retrato sa inyo. Hindi naman makatutulong iyon. Higit pa sa pisikal ang kagandahan ng pamilya namin. Ito’y espirituwal. Walang dalawang kapamilyang magkatulad. Bawat isa ay kakaiba at espesyal.

Ano ang pinakamahalaga ngayon sa amin ni Sister Nelson? Na kami’y mag-asawa, na ikinasal sa panahon at sa buong kawalang-hanggan. Ang mga anak namin ay isinilang sa tipan at ibinuklod sa amin. Kaylaking galak ang dulot nito!

Nang ikasal kami sa templo, wala kaming gaanong alam sa mga banal na kasulatan. Pero alam namin ang Mateo 6:33: “Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” Tulad ng nabanggit kanina, iyan ang naging gabay sa pagdedesisyon naming dalawa. Ilang taon ang lumipas bago namin nalaman na mas nakahihikayat at malinaw ang Pagsasalin ni Joseph Smith sa talatang iyon: “Huwag hangarin ang mga bagay ng mundong ito kundi hangarin munang itayo ang kaharian ng Diyos, at itatag ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (PJS Mateo 6:38). Nagabayan kami nito nang husto! Lubha akong nagbigyang-inspirasyon ng sumasampalatayang babaeng ito na sumuporta sa akin sa pagdaan ng mga taon. Dumating ang pagpapalang pinakamahalaga sa akin dahil sa kanya.

Nagbago ang panahon sa loob ng kalahating siglo. Espirituwal ang sakit ng mundo. Ang sakit na iyon ay mabilis pang kumakalat. Mas matitindi ang tukso ngayon kaysa noong panahon namin. Pumapasok kayo sa kultura ng mga mamimiling sobrang materyalistiko. Maraming tao ang sumasamba sa kasakiman. Ipinagtatanggol ng malalakas na boses ang maling doktrina na lahat ng uri ng pamumuhay ay pantay-pantay. Gusto ng mga tao ng higit na karapatan kaysa responsibilidad. Parang mas mahalaga sa kanila ang karapatan kaysa kaliwanagan. Lingguhang pagbisita at suportang pinansyal na lang ngayon ang ibig sabihin ng responsableng pagkaama. Sa madaling salita, nakapagtataka ang pagbaligtad ng moral ng mundo.

Sa espirituwal na kabulukang ito, pumapasok kayong mga young adult ng Simbahan sa eksena. Matatag ang pundasyon ng inyong pananampalataya. Kayo ang huwaran, kapwa sa ligawan at pag-aasawa. Alam ninyo ang tama at mali! Matatag kayo sa katotohanan! Alam ninyo ang mga turo ng Panginoon. At ituturo ninyo ito sa inyong mga anak at apo. Kayo ang “Kabataang hukbong Sion, pag-asa ng Israel.”2 Higit ang inyong espirituwal na lakas kaysa sa amin noong kaedad ninyo kami. Sa pakikibaka ninyo sa buhay, kabilang kayo sa “mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa . . . mundo; at nasasandatahan . . . ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” (1 Nephi 14:14). Labis namin kayong ipinagmamalaki!

Sa paggunita namin ni Sister Nelson, tapat naming masasabi na ang aming pamilya at pagiging miyembro sa Simbahan ang pinakamahalaga sa amin. Salamat at nakinig kami sa payo ng mga lider ng Simbahan na magpakasal sa templo, magkaanak, at maglingkod sa Panginoon! Kung inuna namin ang pag-aaral kaysa aming pamilya, hindi kami ganito kapalad ngayon. Matagal kaming nag-aral. Natagalan akong makatapos ng dalawang doctor’s degree. Ilang taon pa kaming nagpakadalubhasa sa pag-oopera. Hindi ako naningil sa pag-oopera hanggang matapos ko ang 12 taong pag-aaral ng medisina! Lima na ang anak namin noon. Pero nakaraos din kami kahit paano.

Pinupuri ko si Sister Nelson, na di nagreklamo kailanman dahil kinailangan niyang pagkasyahin ang kakaunting pera. Naaalala ko ang karanasan ko isang gabi sa bayan ng Boston. Ginagaygay namin ang Boylston Street. Doo’y nadaan kami sa isang tindahan ng kasangkapan. Sumilip si Sister Nelson sa salamin ng bintana at nagtanong, “Makabili kaya tayo ng lampara?”

Mga kapatid, ipinapayo ko na humanap kayo ng mapapangasawang malayo ang tanaw, gaya ni Sister Nelson. Sa bawat babae’y ipinapayo ko na engganyuhin ninyo ang inyong asawa na abutin ang kaya niyang marating, kahit abutin pa ito ng siyam-siyam.

Nakatikim kami ng tagumpay at pighati sa buhay. Dumanas kami ng lungkot, sakit, at kamatayan sa aming mga anak. Pero hindi mapaghihiwalay ng kamatayan ang mga pamilyang nabuklod sa templo. Pansamantala lang ang paghihiwalay na iyon. Salamat sa dakilang plano ng kaligayahan ng Panginoon, makakaya nating harapin ang kinabukasan nang may malaking pananampalataya at pag-asa.

Nalaman namin ni Sister Nelson na ang buhay ay hindi dulang may iisang yugto. Talagang may buhay bago tayo isilang. At talagang may kabilang buhay. Ang buhay bago tayo isilang at ang buhay na ito ay panimula lang ng kabilang buhay. Ang kaalaman sa tatlong antas ng kaluwalhatian, ayon sa inihayag sa mga propeta, ay isang sulyap sa potensyal natin sa kabilang buhay.3 Maluwalhati ang buhay na walang hanggan at sulit ang pagsisikap na makamit ito.

Ang buhay bago tayo isilang ay may mahalagang elemento ng doktrina na nagpapatibay sa ating pananampalataya. Sa gayo’y naitatag ang walang hanggang ebanghelyo. Bago nilikha ang mundo, handa na ang plano ng kaligtasan.4 Kasama rito ang maluwalhating posibilidad ng banal na pamana sa atin sa kaharian ng Diyos.5

Sentro sa plano ng kaligtasan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa mga kapulungan sa buhay bago tayo isilang inorden na Siya ng Kanyang Ama upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan at kalagin ang tanikala ng pisikal at espirituwal na kamatayan.6 Sabi ni Jesus, “Ako ang . . . inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig upang tubusin ang aking mga tao. . . . Sa akin ang buong sangkatauhan ay magkakaroon ng buhay, at yaong walang hanggan, maging sila na maniniwala sa aking pangalan” (Eter 3:14). Kalauna’y idinagdag ni Pablo na ang Simbahan ay “itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Mga Taga Efeso 2:20).

Napakahalaga rin ng pamilya sa plano ng Diyos. Katunayan, isang layon ng plano na dakilain ang pamilya. Nilikha ang mundo para makababa tayong mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit sa lupa at magkaroon ng pisikal na katawan. Narito tayo para subukan at patunayan.7 Narito tayo para “[piliin ang] kalayaan at buhay na walang hanggan, . . . o piliin ang pagkabihag at kamatayan” (2 Nephi 2:27). At higit sa lahat, maaari tayong umibig, mag-asawa, at magkaanak sa ating pamilya.

Ilang biyaya ang ilalaan para sa mga huling araw. Plano ng Panginoon na ihayag “ang mga natatagong bagay buhat nang itatag ang sanglibutan” (Mateo 13:35). Kabilang sa mga iyon ang mga paghahayag na nakatala sa Aklat ni Mormon.8 Kasama rin dito ang mga ordenansa at tipan ng banal na templo.9 Ipinahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, “minarapat ko na ihayag sa aking simbahan ang mga bagay na pinanatiling nakatago bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, mga bagay na nauukol sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon” (D at T 124:41).

“Ang ordenansa ng pagbibinyag para sa mga patay ay . . . itinatag [din] bago pa ang pagkakatatag ng daigdig” (D at T 124:33). Sa gayo’y maliligtas ang mga “patay na mamamatay na walang kaalaman sa ebanghelyo” (D at T 128:5). Napagdugtong ang mga henerasyon upang mabuo, makumpleto, at mapaganap ang pag-iisa ng mga dispensasyon, susi, kapangyarihan, at kaluwalhatian.10 Napakahalaga ng pagdurugtong na ito ng mga henerasyon kaya mawawalan ng saysay ang mga layunin ng daigdig at Simbahan kung hindi mabubuklod ang mga pamilya sa mga banal na templo.11

Ang paghahanda para sa mortal na buhay natin ay nagsimula bago pa tayo isilang. Bago nilikha ang daigdig, bawat isa sa atin ay nabuhay bilang mga espiritung anak sa piling ng mga magulang natin sa langit. Kasama natin doon ang mararangal at dakila.12 Sina Abraham,13 Jeremias,14 Joseph Smith,15 at iba pa16, ay nakatakdang maging mga propeta ng Diyos, na ang ilan ay magiging martir para sa Kanyang banal na layunin.17 Ang paraan ng paggagawad ng priesthood ay darating “mula sa mga ama, mula sa simula ng panahon, . . . maging . . . bago pa ang pagkakatatag ng mundo” (Abraham 1:3).

Itinuro ng Panginoon na para “matamo ang pinakamataas [na antas ng selestiyal na kaluwalhatian], ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihi’y ang bago at walang hanggang tipan ng kasal];

“At kung hindi niya gagawin, hindi niya ito matatamo” (D at T 131:2–3).

Ang mga babae ay binigyan ng natatanging kaloob. Binigyan sila ng kakayahan, ayon sa Panginoon, “upang magpakarami at kalatan ang lupa, . . . at upang tuparin ang pangakong ibinigay ng aking Ama bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, . . . para sa kanilang kadakilaan sa walang hanggang mga daigdig, upang sila ay magsilang ng mga kaluluwa ng tao; . . . dito ang gawain ng aking Ama ay nagpatuloy, upang siya ay luwalhatiin” (D at T 132:63). Isipin ang karingalan ng pahayag na iyon. Kapag ang isang ina ay nagdalantao at nag-alaga ng isang anak, hindi lang niya tinutulungang matupad sa mundo ang layunin ng pagkakalikha rito,18 niluluwalhati niya ang Diyos!

Pinili natin, bilang mga anak ng tipan, na maglingkod sa Tagapagligtas. Itinuro ni Apostol Pablo na “[pinili tayo ng Panginoon] sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan” (Mga Taga Efeso 1:4).19 Bilang bahagi ng ordenasyong iyon noon, ibinigay ng Diyos ang mga kundisyong naging daan para matanggap natin ang Kanyang mga pagpapala. Ang mga pagpapalang iyon ay ipagkakaloob ayon sa pagsunod sa mga batas kung saan nakasalalay ang Kanyang mga pagpapala.20

Isa sa mga kundisyong iyon ay tungkol sa pangangailangan nating labanan ang mga tukso ng mundo.21 Bago hinubog ang daigdig, hinayaang kumalaban si Satanas.22 Lagi niyang kinakalaban ang sagradong gawain ng Tagapagligtas at patuloy niya itong gagawin. Kinalaban niya ang mga propeta at mga banal na kasulatan ng Panunumbalik. At sa ating panahon pinili ni Satanas na direktang kalabanin ang sentro ng plano ng Diyos, ang pamilya. Nakapaligid sa atin ang mga tanda ng kanyang pagsalakay. Nababawasan ang mga nasa-edad na nag-asawa,23 gayundin ang pag-aanak.24 Dumarami ang mas matanda nang nagpapakasal,25 at ang hindi pa kasal.26 Laganap at mapaminsala ang imoralidad at pornograpiya.27

Sa gayong espirituwal na karamdaman sa ating paligid, kailangan ang tunay na pananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo upang malabanan ang mga pagsalakay ng kaaway. Hinihimok ko kayo na ilayo ang inyong sarili ang lahat ng kasamaan, kapwa sa pisikal at espirituwal.28 Kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal ng ebanghelyo!

Mga kapatid, bago nilikha ang mundo, ang ebanghelyo ang sentro ng walang hanggang plano ng Diyos. Ito’y walang katapusang ebanghelyo—na ngayo’y ipinanumbalik ang kabuuan.29 Sa gayong pundasyon, hindi matitinag ang Simbahan sa kinalalagyan nito,30 kahit pa sa buong Milenyo.31 Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tiyak na pundasyong masasandigan ng ating pananampalataya. Ilan sa ati’y mahina; ang ilan ay malakas. Maaari tayong matangay “katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad” (Santiago 1:6), o umangkla sa lubid ng espirituwal na bakal, na matatag na nakaugat at nakabaon sa walang hanggang mga katotohanan ng ebanghelyo.32

Hindi mapipigil ng gayong pananampalataya ang mga problema sa buhay pero makakatulong ito kapag may maling nangyayari. Minamalas din ang mabubuting tao. Naaaksidente. Hindi magkaanak ang ilang mag-asawa. Hindi makapag-asawa ang iba, o napakasal sila sa taong hindi sumusunod sa mga utos ng Diyos. Alam ng Panginoon ang mga kalagayang ito. Ipagkakaloob Niya ang lahat ng biyayang inilaan Niya sa Kanyang matatapat na anak—sa sarili Niyang paraan at panahon.33 Magpakabait, magtiyaga, panatilihin ang walang hanggang pananaw, at kayo ay pangangalagaan.34

Sa paglipas ng mga taon mapapansin ninyo na itinuturo ng mga apostol at propeta ang mga patakaran. Hindi tayo nagtuturo ng mga eksepsyon sa batas. Ang mga eksepsyon ay ayon na sa pagpili at pananagutan ng tao. Batid ng Panginoon na di-perpekto ang daigdig na kinaroroonan natin. Alam Niyang ito ay “nahihinog na sa kasamaan” (D at T 18:6). Patas, makatarungan, at mahabagin ang gagawin Niyang paghatol.

Noong nakaraang dekada ang Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, nang makinita ang pagbagsak ng espirituwalidad, ay naghanda ng pagpapahayag sa mundo tungkol sa mag-anak. Mas napapanahon ito. Ipinapahayag natin na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inordena ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.

“Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos. Ang kasarian ay isang mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan. . . .

“Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa kanilang posibilidad bilang mag-asawa na maging magulang. Ipinapahayag namin na ang kautusan ng Diyos na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa. Amin pang karagdagang ipinapahayag na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae, na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.

“Ipinapahayag namin na ang paraan ng paglikha ng buhay na mortal ay itinakda ng Diyos. Pinagtitibay namin ang kabanalan ng buhay at ang kahalagahan nito sa walang hanggang plano ng Diyos.”

Ngayon, mahal na mga kaibigan, tandaan ang babalang ito: “Ang mga taong lumalabag sa mga tipan ng kalinisang puri, . . . o bigo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak ay mananagot sa harap ng Diyos balang araw. At gayon din, kami ay nagbababala na ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” 35538 893).

Kung susundin ninyo ang pagpapahayag na ito, mga kapatid, pagpapalain kayo. Ang Diyos ay buhay at mahal Niya tayo.35 Sa tulong Niya, mapauunlad natin ang ating pananampalataya at pamilya. Magiging karapat-dapat tayo sa pangako ng Panginoon: “Kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa pamamagitan ng aking salita, . . . at sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan, at ito ay ibinuklod sa kanila ng Banal na Espiritu ng pangako, . . . magmamana [sila] ng mga trono, kaharian, pamunuan, . . . kapangyarihan, [at] mga sakop” (D at T 132:19).

Pinatototohanan ko na magdudulot ng malaking galak ang inyong pananampalataya at pamilya, dito at sa kabilang buhay. Ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Naipanumbalik na ang Kanyang Simbahan. Pinamumunuan tayo ng Kanyang propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley. Sa bawat isa sa inyo, mahal kong mga young adult ng Simbahan, iniiwan ko ang aking pagmamahal at basbas, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

1. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:11.

2. Tingnan sa “Pag-asa ng Israel,” Mga Himno, blg. 161.

3. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:40–41; D at T 76:50–113; 88:17–32; PJS, 1 Mga Taga Corinto 15:40.

4. Tingnan sa 1 Nephi 10:18; Mosias 15:19; Alma 12:25, 30; 18:39; 22:13–14; 42:26; D at T 76:12–13.

5. Sa mga tao ng Lumang Daigdig, sinabi ng Panginoon, “Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan” (Mateo 25:34). Tinuruan din ang mga tao ng sinaunang Amerika na “sila na nangagsipaniwala sa Banal ng Israel . . . ay magmamana ng kaharian ng Diyos, na inihanda para sa kanila, mula pa sa pagkakatatag ng daigdig” (2 Nephi 9:18; tingnan din sa Eter 4:19).

6. Tingnan sa Juan 17:5, 24; I Ni Pedro 1:19–20; Mosias 4:6–7; 18:13; 3 Nephi 26:3–5; D at T 93:7–9; Moises 5:57; PJS, Genesis 5:43; 14:30–31.

7. Tingnan sa Abraham 3:24–25.

8. Tingnan sa 2 Nephi 27:10.

9. Tingnan sa D at T 124:40–41.

10. Tingnan sa D at T 128:18.

11. Tingnan sa D at T 138:47–48; tingnan din sa D at T 2:1–3; 110:14–16; Joseph Smith—Kasaysayan 1:39.

12. Tingnan sa Alma 13:3, 5, 7; D at T 132:28; 138:55–56; Abraham 3:22–23.

13. Tingnan sa Abraham 3:23.

14. Tingnan sa Jeremias 1:4–5.

15. Tingnan sa 2 Nephi 3:5–15; D at T 127:2; 138:53–55.

16. Tingnan sa D at T 138:53.

17. Tingnan sa Lucas 11:49–51.

18. Tingnan sa D at T 49:16–17.

19. Tingnan din sa Mga Taga Efeso 1:5. Itinuro din ni Pablo na ang Diyos “sa atin ay nagligtas, at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, . . . ayon sa kaniyang sariling akala at biyaya, na ibinigay sa atin kay Cristo Jesus buhat pa ng mga panahong walang hanggan” (2 Kay Timoteo 1:9; tingnan din sa D at T 38:1–4; Abraham 3:22–26). Mahalagang tandaan na Ang Aklat ni Mormon ay ginawa “upang ipakita sa mga labi ng sambahayan ni Israel kung anong mga dakilang bagay ang ginawa ng Panginoon para sa kanilang mga ama; at nang kanilang malaman ang mga tipan ng Panginoon” (pahina ng pamagat ng Ang Aklat ni Mormon).

20. Tingnan sa D at T 130:20–21; 132:5, 11–12.

21. Tingnan sa 2 Nephi 2:11–13.

22. Tingnan sa PJS, Apocalipsis 12:6–8.

23. Tingnan sa The State of Our Unions: The Social Health of Marriage in America, 2004, nina David Popenoe at Barbara Dafoe Whitehead, (Rutgers University: The National Marriage Project, Hunyo 2004), 16–18 (http://marriage.rutgers.edu/).

24. Tingnan sa The State of Our Unions, nina Popenoe at Whitehead, 21–23.

25. Jason Fields, “America’s Families and Living Arrangements: 2003,” U.S. Census Bureau, Nob. 2004, 12–13 (www.census.gov/prod/2004pubs/ p20-553.pdf).

26. Tingnan sa The State of Our Unions, nina Popenoe at Whitehead, 20–21.

27. B. J. Sigesmund, “XXX-ceptable,” Newsweek Web Exclusive, Hulyo 2, 2003 (www.keepmedia.com/ pubs/Newsweek/2003/07/02/309790). Malaking negosyo ang pornograpiya sa Estados Unidos, na may iniulat na $12 bilyon taun-taon (tingnan sa www.internetfilterreview.com/internet- pornography-statistics.html).

28. Tingnan sa Moroni 10:32; PJS, Mateo 16:26.

29. Tingnan sa Mga Gawa 3:20–21.

30. Tingnan sa Daniel 2:28, 31–44; D at T 65:2–6; 124:45.

31. Tingnan sa The Millennial Messiah, ni Bruce R. McConkie (1982), 672.

32. Tingnan sa Mga Taga Efeso 3:17–19; Mga Taga Colosas 2:6–7; Helaman 5:12. Tandaan ang taong matalino ay nagtatayo ng bahay niya sa ibabaw ng bato at hindi sa gumuguhong buhangin (tingnan sa Mateo 7:24–27).

33. Tingnan sa D at T 130:20–21.

34. Dapat maging pangwalang-hanggan ang sakop ng pananaw ng isang tao. Itinuro ni Pablo, “Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag” (I Mga Taga Corinto 15:19).

35. Tingnan sa 1 Nephi 11:16–17.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy