Ang katapatang panghabambuhay
Elder Dallin H. Oaks
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
CES Fireside para sa mga Young Adult
Mayo 1, 2005
Oakland, California
Mga kapatid, nagpapasalamat ako sa koro sa nakaaantig at nakapagbibigay-inspirasyong musika, at salamat kay Pangulong Steven Edgren sa pagpapakilalang iyon.
Nasisiyahan akong maparito sa Oakland. Sa inyong nangarito at sa mga nasa ibang lugar, salamat sa inyong pagdalo.
Nagagalak akong magsalita sa grupong ito ng mga 18- hanggang 30-anyos na mga young adult. Kaedad ninyo ang bunso naming anak na babae. Gayundin ang 15 sa 28 apo namin. Kaya talagang interesado ako sa mga 18- hanggang 30-anyos.
Ipamuhay ang Ebanghelyo sa Araw-araw
Ang sasabihin ko sa inyo ay tungkol sa hinaharap. Kayo ang magiging mga lider ng negosyo; edukasyon; siyensya; mga lungsod, estado, at bansa; at ng Simbahan. At ang higit na mahalaga, kayo ang magiging mga lider ng mga pamilya ng Simbahan.
Sa paghahanda para ngayong gabi, pinag-aralan ko ang isang mensaheng ibinigay sa CES fireside para sa mga young adult kamakailan. Ang petsa ay Linggo, Pebrero 6, at ginanap ito sa Marriott Center sa BYU. Ang nagsalita ay si Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindawa. Para sa akin, nakasisigla at nakaaantig ang kanyang sinabi.
Matatandaan ninyo na pinakiusapan kayo ni Elder Nelson “na isipin ang sarili ninyo, hindi bilang kayo, kundi ang maaaring kahinatnan ninyo—50 taon mula ngayon.” Itinanong niya, “Ano ang gusto ninyong kahinatnan, 50 taon mula ngayon?” At nagbigay siya ng magandang mensahe tungkol sa “Pananampalataya at mga Pamilya.” Ikinuwento niya ang buhay nila ng kanyang asawang si Dantzel. Ikinuwento niya ang matagal nilang pagpupursiging makapag-aral. Ikinuwento niya ang mga pagpiling ginawa nila sa pagsasama nilang mag-asawa, na unang hinahangad ang kaharian ng Diyos. Pananampalataya, wika niya, ang naging “patnubay sa [kanilang] pagsasama.” Ginunita niya ang katotohanang hindi siya naningil sa pag-oopera hanggang makaraan ang 12 taon pagkatapos niya ng medisina. Noo’y lima na ang anak nila. Maiisip ninyo ang pananampalataya nila at ang mga sakripisyong ginawa nila para umunlad ang kanilang pamilya habang tinatapos ni Dr. Nelson ang mahabang panahon ng paghahanda sa kanyang propesyon. (Tingnan sa Pananampalataya at mga Pamilya [CES fireside para sa mga young adult, Peb. 6, 2005], 1–2.)
Kung narinig ninyo ang magandang mensahe ni Elder Nelson sa kumperensya noong Abril, alam ninyo kung bakit nakaaantig sa akin na mabasa ang mensahe niya sa CES noong Pebrero 6. Sa mensaheng iyon pinuri niya nang husto at marapat ang mahal niyang asawa, at anim na araw lang ang nagdaan ay biglang pumanaw si Dantzel. Tulad ng turo sa atin ni Elder Nelson, totoong may mga di-inaasahang sorpresa ang buhay, at makabubuti para sa atin na paghandaan hindi lang ang nais nating kahinatnan pagkaraan ng 50 taon kundi ang araw-araw na pamumuhay para lagi tayong handa kung bigla tayong pauwiin (sa langit).
“Tiyaking Ito ay Inyong Gagawin”
Noong isang linggo kausap ko ang isang miyembro ng Korum ng Labindalawa tungkol sa mga komentaryong natanggap namin sa mga mensahe sa ating kumperensya noong Abril. May nagsabi raw sa kaibigan ko na, “Nagustuhan ko ang mensahe mo.” Napagkayarian namin na hindi ito ang uri ng komentaryong gusto naming matanggap. Tulad ng sabi ng kaibigan ko, “Hindi ko sinabi iyon para magustuhan. Ano’ng palagay niya sa akin, tagaaliw?” Isa pang miyembro ng aming korum ang sumali sa usapan at sinabing, “Naalala ko tuloy ang kuwento ng isang mabuting pastor. Nang sabihin ng isang miyembro ng kongregasyon na, ‘Nagustuhan ko talaga ang sermon mo ngayon,’ sagot ng pastor, ‘Kung ganoon, hindi mo ito naintindihan.”
Maaalala ninyo na sa kumperensya nitong Abril ay pornograpiya ang paksa ko. Walang nagsabing “nagustuhan” nila iyon—kahit isa! Sa katunayan, walang nakakatuwa roon kahit para sa akin.
Nagsalita ako tungkol sa mga pag-uusap na ito kamakailan para ituro ang alituntunin na ang mensahe ng isang General Authority sa pangkalahatang kumperensya—na inihanda sa impluwensya ng Espiritu para itaguyod ang gawain ng Panginoon—ay hindi ibinibigay para magustuhan. Ibinibigay ito para magbigay-inspirasyon, magpasigla, magsilbing hamon, o magwasto. Ibinibigay ito para mapakinggan sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ng Panginoon, para matutuhan ng tagapakinig mula sa mensahe at sa Espiritu kung ano ang dapat niyang gawin tungkol dito.
Naunawaan at ipinaliwanag ni Haring Benjamin ang alituntuning iyon. Ang maganda niyang sermon na nakatala sa unang ilang kabanata ng aklat ni Mosias ay nagsisimula sa mga salitang ito:
“Aking mga kapatid, kayong lahat na sama-samang nagtipon ng inyong sarili, kayong nakaririnig ng aking mga salita na sasabihin ko sa inyo sa araw na ito; . . . hindi ko kayo inutusang magtungo rito upang paglaruan ang mga salitang aking sasabihin, kundi upang kayo ay makinig sa akin, at buksan ang inyong mga tainga upang kayo’y makarinig, at ang inyong mga puso upang kayo ay makaunawa” (Mosias 2:9).
Ayon sa turo ng propetang-haring ito, kapag nakinig tayo sa isang alagad ng Panginoon, hindi natin dapat “paglaruan ang mga salita” na kanyang sinasabi. Tungkulin nating buksan ang ating tainga para makarinig at ating puso para makaunawa. At dapat nating hangaring maunawaan ang dapat nating gawin tungkol sa mensahe. Natitiyak kong iyan ang ibig sabihin ni Haring Benjamin, dahil sinabi niya sa huli ng kanyang magandang mensahe, “at ngayon, kung kayo ay naniniwala sa lahat ng bagay na ito, tiyaking ito ay inyong gagawin” (Mosias 4:10). Tandaan sana ninyo ang alituntuning iyon sa pagsasalita ko sa inyo ngayong araw na ito ng Sabbath.
“Panatag at Matatag na Katapatang Panghabambuhay”
Pinamagatan kong “Ang Katapatang Panghabambuhay” ang aking mensahe. Hiniram ko ang pamagat na ito sa sinabi ni Governor Adlai E. Stevenson ng Illinois, na kandidato ng Democratic Party sa pagkapangulo ng Estados Unidos noong 1952 at 1956. Mabuti siyang tao at naging pangulo sana kung hindi napakapopular ng kalaban niya, si Dwight D. Eisenhower.
Sa pagsasalita sa isang American Legion Convention, matalinong nagpahayag si Stevenson tungkol sa pagkamakabayan. Sabi niya, ang kailangan natin ay “hindi panandalian at hibang na bugso ng damdamin, kundi ang panatag at matatag na katapatang panghabambuhay” (mensaheng ibinigay noong Ago. 27, 1952, sinipi ni John Bartlett, tinipon sa Familiar Quotations, ika-13 ed, [1955], 986). Gusto ko iyon—“hindi panandalian at hibang na bugso ng damdamin, kundi panatag at matatag na katapatang panghabambuhay.” Gagamitin ko ang paglalarawang ito ng pagkamakabayan bilang pormula kung paano natin dapat ipamuhay ang ebanghelyo.
Ipinamumuhay ng ilang tao ang ebanghelyo sa “panandalian at hibang na bugso ng damdamin,” kasunod ang mahabang pahinga o paminsan-minsan o manaka-nakang paggawa. Ang kailangan natin sa pamumuhay ng ebanghelyo ay “panatag at matatag na katapatang panghabambuhay.”
Kung gayon ano ang ibig sabihin ng sundin ang mga utos, tuparin ang ating mga tipan, at paglingkuran ang Panginoon sa “panatag at matatag na katapatang panghabambuhay”? Ito’y pagiging siyento-por-siyentong Banal sa mga Huling Araw, sa habampanahon. Sa mga kataga ng banal na kasulatan, ito’y pagsunod sa bilin ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao: “Nais kong kayo ay maging matatag at huwag matitinag, laging nananagana sa mabubuting gawa, upang si Cristo, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan, ay matatakan kayong kanya” (Mosias 5:15). Ito’y pagsunod sa pakiusap ni Amang Lehi sa kanyang suwail na anak: “O sana ay maging katulad ka ng lambak na ito, matibay at matatag, at hindi matitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon!” (1 Nephi 2:10).
Sa “katapatang panghabambuhay” kailangang maging panatag at matatag, matibay at di natitinag ang isang tao. Mahigpit tayong nanananganan sa ating mga tipan at sa pamumuno at mga turo ng mga alagad ng Panginoon upang tayo, ayon sa isinulat ni Apostol Pablo, ay “huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabi-kabila ng lahat na hangin ng aral” (Mga Taga Efeso 4:14). Iyan ang ating pamantayan at mithiin. Sa matatag na pamantayang ito kailangan nating iwasang magkulang o kaya’y lumampas sa kung ano ang nararapat. Dapat maging siyento-por-siyentong di nagbabago ang paggawa ng isang tapat na alagad, at hindi maging hibang at paminsan-minsa’y maging 120 porsiyentong panatiko.
Ibinigay ng isang magaling kong guro sa BYU maraming taon na ang kahulugan ng panatiko: “Ang panatiko ay isang taong nawalan ng mithiin, ngunit dinoble ang kanyang mga pagsisikap na marating ito.” Ang pakahulugang iyan ay naging magandang gabay ko sa buhay, at iminumungkahi ko ito sa inyo. Huwag hangaring patunayan ang inyong katapatan sa pamamagitan ng pagmamalabis o iba pang pagpapatunay na “mas magaling ako.” Nagbabayad tayo ng ikapu, pero tinatandaan natin na ang ikapu ay palaging 10 porsiyento—hindi 8 porsiyento at lalong hindi paminsan-minsan o bigla na lang nagiging 12 porsiyento.
Ipinaaalala nito sa akin ang mga pangamba ni Pangulong Harold B. Lee noong ako ang pangulo ng BYU. Bago inilaan ang Provo Temple, sabi niya sa akin, nag-aalala siya na baka masyadong dumalas ang pagpunta ng mga estudyante sa BYU sa templo dahil napakalapit nito at tuloy makaligtaan na ang pag-aaral nila. Hinimok niya akong tulungan ang mga stake president sa BYU na tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na kahit ang isang bagay na kasingsagrado at kasinghalaga ng paglilingkod sa templo ay kailangang gawin nang buong talino at kaayusan upang hindi malimutan ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral na siyang dapat nilang pag-ukulan ng panahon habang nag-aaral sa BYU.
Mga Panganib ng Sobrang Pagtutuon ng Pansin sa Mabubuting Alituntunin
Mahigit sampung taon na ngayon nang ibigay ko ang mensaheng pinamagatang “Our Strengths Can Become Our Downfall” (Ensign, Okt. 1994, pp. 11–19). Sinabi ko ang mangyayari kapag sinobrahan natin ang pagsunod sa isang alituntunin o utos. Nagbigay ako ng 20 halimbawa. Ginamit ko ang 5 rito sa kasalukuyan kong pakiusap na gawin natin ang panatag at matatag na katapatang panghabambuhay sa halip na ang tinawag ni Governor Stevenson na “panandalian at hibang na bugso ng damdamin.”
Tamang-tama naman na ang unang halimbawa ko ay pagkamakabayan. Kahit ang pag-ibig sa bayan, kung labis, ay nakakasama sa ating espirituwalidad. May ilang mamamayan na masyadong hibang sa pagiging makabayan (ayon sa pakahulugan nila) at nakakapagod na mukhang nasasapawan nito ang lahat ng iba pang responsibilidad, pati na pamilya at simbahan. Halimbawa, naririnig natin ang ilang (sinasabing) makabayan na sumasali o mayroong pribadong hukbo at may pribadong paghahanda para sa armadong labanan. Ang sobrang kasabikan nila sa isang aspeto ng pagkamakabayan ay nagpapahamak sa kanilang espirituwalidad at tumatalikod na sila sa Simbahan at hindi na nagpasakop sa awtoridad ng batas na namumuno sa atin ayon sa ating ikalabindalawang saligan ng pananampalataya.
Ang ikalawang halimbawa ko ay ang mga taong tapat sa iisang partikular na doktrina o utos ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ito’y maaaring sobrang pagtutuon ng pansin sa gawain sa family history, isang di-pangkaraniwan at matinding kaabalahan sa konstitusyonal na pamahalaan, o iba pang eksklusibong gawain.
Sa isang di-malilimutang mensahe sa kumperensya noong Oktubre 1971, inihalintulad ni Elder Boyd K. Packer ang kaganapan ng ebanghelyo sa mga teklado ng piano. Ipinaalala niya sa atin na maaaring “maakit sa iisang teklado” ang isang tao, tulad ng isang doktrinang gusto nilang marinig “nang paulit-ulit.” Ipinaliwanag niya na:
“Ang ilang miyembro ng Simbahan na dapat mas nakaaalam ay pumipili ng isa o dalawang libangang teklado at walang humpay itong tinitipa. . . . Nakakaligtaan nila na may kaganapan ng ebanghelyo, . . . [na tinatanggihan nila] at ipinagpapalit sa isang paboritong nota. Lumalabis ito at nagiging maling-mali, hanggang sa sila ay mag-apostasiya” (Teach Ye Diligently [1975], 44).
Masasabi natin na ang gayong mga tao, tulad ng sabi ng Panginoon sa mga miyembro ng sektang Shaker, “na sila ay nagnanais na malaman ang bahagi ng katotohanan, subalit hindi lahat” (D at T 49:2). Kaya nga, sinasabi ko, mag-ingat sa libangang teklado. Kung titipahin ninyo ang isang teklado nang hindi iniisip ang kasiraang maidudulot nito sa magandang tunog ng buong teklado ng ebanghelyo, lumalayo kayo sa inirekomendang panatag at matatag na katapatang panghabambuhay.
Sa mga halimbawang ito ng panganib ng sobrang pagtutuon ng pansin sa mabubuting alituntunin, ipagtatapat ko ang isa sa mga pagkukulang ko mismo. Narinig na ninyo ang kasabihang, “Huwag kang manguna sa pagsubok ng bago, ni magpahuli sa pagtatapon ng luma.” Pagdating sa kamangha-manghang teknolohiya ng henerasyong ito, gaya ng kompyuter, palagay ko’y ako ang pinakahuling magtatapon ng luma.
Gumagamit pa rin ako ng manwal na makinilya. Sa loob ng mahigit 50 taon, nakasulat ako ng mga liham at memorandum at binuo ang ilang bahagi ng aking mga mensahe sa ilang manwal na mga makinilya. Ilang taon pa lang ngayon ang pinakabago sa mga ito, ang pinagtitiwalaan kong lumang portable na makinilya, ay nasira na rin. Humanap na ako ng kapalit. Hindi naging madali ang paghahanap ng kapalit.
Ang henerasyon ng teknolohiya na sumunod sa manwal na makinilya ay ang makinilyang elektroniko. Nilampasan ko ang henerasyong iyon. Sumunod ang word processing equipment at mga kompyuter na naging mas kumplikado, gaya ng ginamit ng magaling kong sekretarya, si Margie McKnight, sa paggawa ng maraming draft ng mensaheng ito. Mga kompyuter ang ibinebenta sa mga tindahan ngayon, kaya hindi ako dapat magulat kapag tinitigan ako ng mga batang salesmen kapag naghanap ako ng portable at manwal na makinilya. Isang malikhaing lalaki ang may pagmamalaking nagpakita ng makinilyang elektroniko at napakagaan kaya’t maililipat-lipat sa mga saksakan ng kurdon, at nagtanong kung iyon ang gusto ko.
Sa huli, nakita ko ang isang maliit na tindahang pag-aari ng isang matanda na nakaaalam kung ano ang portable at manwal na makinilya. May isa pa siya sa bodega, at tuwang-tuwa akong binili ito. Nagtaka ang may-ari kung ano ang gagawin ko rito. Hiyang-hiya siyang magtanong, pero nanghula. Pag-abot niya sa akin ng bagong portable na makinilya sinabi niyang, “Kaunti lang ang ibinebenta naming ganito. Siguro lagi kayong nagkakamping.” Totoo nga naman!
Magpapatuloy ako sa ikatlong halimbawa ng pagkakaiba ng matatag na katapatan at ng panandalian at hibang na bugso ng damdamin. Ang kahandaang isakripisyo ang lahat ng pag-aari natin sa gawain ng Panginoon ay tiyak na tanda ng katapatan. Sa katunayan, ito’y isang tipan na ginagawa natin sa mga sagradong lugar. Ngunit kailangang ituon itong mabuti sa mga sakripisyo na ipinagagawa sa atin ng Panginoon at ng mga lider Niya sa panahong ito. Dapat nating masabi tulad ni Alma, “Bakit kailangang naisin ko ang higit pa kaysa sa pagsasagawa ng gawain kung saan ako ay tinawag?” (Alma 29:6). Ang mga taong nag-iisip na di sapat ang magbayad ng ikapu at mga handog at gampanan ang mga tungkuling ipinagawa sa kanila ay madaling maakit sa mga kultong nag-aalok ng “mga oportunidad” dahil sa kahandaan nilang magsakripisyo.
Ikaapat na halimbawa ang mga mithiin. May malaking kalakasan sa pagtutuon sa ating mga mithiin. Nakita nating lahat ang mabubuting bunga ng pagtutuon na iyan. Subalit dahil sa matinding pagtutuon sa mga mithiin ay maaaring malimutan ng tao ang kahalagahan ng mabuting pamamaraan. Kapag nangyari iyan, ang kapuri-puri at matatag na katapatan ay magiging mapanganib na kahibangan sa kalabisan.
Ang ikalimang bagay kung saan dapat tayong patuloy na maging matatag at umiwas sa hibang na kalabisan ay tungkol sa pera. Inutusan tayong magbigay sa mahihirap. Lumabis kaya tayo sa pagtupad sa pangunahing obligasyong ito ng Kristiyano? Oo, maaari. Nakita ko na ito. Siguro nakakita na rin kayo ng mga taong tumupad sa tungkuling magbigay nang labis sa mahihirap hanggang sa puntong naghihirap na ang pamilya nila dahil sa pagkaubos ng kabuhayan o panahon na kailangan para sa mga miyembro ng pamilya.
Wika nga ng lumang kasabihan sa agrikultura, huwag nating kainin ang itatanim na mais. Dahil sa gayong kalabisan, mawawalan tayo ng itatanim at aanihin para sa susunod na taon na siyang pagmumulan ng suporta ng ating pamilya at ng ibibigay sa mahihirap. Si Haring Benjamin, na nag-utos sa kanyang mga tao na pakainin ang nagugutom, damitan ang hubad, at bisitahin ang maysakit at tulungan silang maginhawahan (tingnan sa Mosias 4:26), ay nagbabala din sa kanila na “tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas” (t. 27; tingnan din sa D at T 10:4).
Sa pagtatapos ko sa limang halimbawa, kailangan kong magbabala. Ang alituntuning binanggit ko, na dapat tayong magpatuloy sa matatag na katapatan at umiwas sa hibang na mga kalabisan, ay maaaring isipin na pahiwatig na dapat tayong maging “katamtaman o mahinahon sa lahat ng bagay.” Hindi ganoon. Inutusan tayo ng Tagapagligtas na maglingkod nang ating buong “puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (D at T 4:2), na “hinahanap nang may pagsusumigasig ang mga yaman ng kawalang-hanggan” (D at T 68:31), at maging “matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” (D at T 76:79). Sinabi rin Niya sa atin na kung tayo’y maligamgam, isusuka Niya tayo (tingnan sa Apocalipsis 3:16). Ang binibigyan ko ng diin sa aking mga halimbawa ay na dapat tayong maging matatag at di nagbabago sa ating katapatan, pangako, at mga pagsisikap.
Pakikipagdeyt bersus Barkadahan
Sinikap kong magbigay ng mga halimbawa tungkol sa kahalagahan ng habambuhay na matatag na katapatan, at nagbabala na ako laban sa sobrang pagtutuon ng pansin sa mabubuting alituntunin. Kung hindi pa ako nagtatagumpay sa paghamon sa inyo na suriin ang inyong pag-uugali, siguro’y mahahamon kayo dito sa huling paksa ko.
Sa mensahe niya sa pagtatapos sa BYU dalawang linggo na ang nakararaan, binanggit ni Elder Earl C. Tingey ang isang artikulo sa huling isyu ng magasing Time tungkol sa mga kabataang kaedad ninyo. Sinabi rito na ang mga edad 18 hanggang 25 ay naging “bukod-tangi at hiwalay na estado ng buhay, kakaiba, mahirap pagdaanan sa pagitan ng kabataan at katandaan kung kailan ayaw tumanda ng mga tao sa loob ng ilang taon, [at ipinagpapaliban] . . . ang responsibilidad ng katandaan” (Lev Grossman, “Grow Up? Not So Fast,” Time, Ene. 24, 2005). Sinasabi sa artikulo na ang mga taong dumaranas nito ay mga “permanenteng kabataan, . . . mga nasa dalawampung taong gulang na mga Peter Pan” (42). Sa mga katagang mas pamilyar sa mga nagtapos sa BYU at mga pamilya nila, binanggit ni Elder Tingey ang “pag-aatubili ng mga nagtapos sa kolehiyo sa . . . pagtanggap sa mga responsibilidad ng pag-aasawa at pamilya” (mensahe sa pagtatapos, Abr. 21, 2005).
Ang tendensiyang ito na ipagpaliban ang mga responsibilidad ng katandaan, pati na pag-aasawa at pamilya, ay nakikita sa ating mga LDS na young adult. Ang karaniwang edad sa pag-aasawa ay tumaas sa huling ilang dekada, at nabawasan ang dami ng mga isinisilang sa mag-asawang LDS. Nabanggit ang paksang ito sa mensahe ni Elder Nelson sa fireside tatlong buwan na ang nakararaan, ang Pananampalataya at mga Pamilya, at bahagi rin ito ng tema ko, “Ang Katapatang Panghabambuhay.” Sa gayo’y magtatapos ako sa pagbabahagi ng ilang problema tungkol sa ilang kasalukuyang gawi sa relasyon ng mga kabinataan at kadalagahang LDS sa North America.
Inireport ng mga taong mapagmasid na halos naglaho na ang pakikipagdeyt sa mga kolehiyo at sa mga young adult. Napalitan ito ng tinatawag na “barkadahan” (tingnan sa “Hanging Out, Hooking Up, and Celestial Marriage,” ni Bruce A. Chadwick, Brigham Young University 2002–2003 Speeches [2003], 1–8). Mukhang alam ninyo kung ano ito, pero ipaliliwanag ko ito alang-alang sa ating medyo bata pa o nakatatanda at hindi nakaaalam. Ang barkadahan ay binubuo ng ilang mga kabataang lalaki at babae na nagsasama-sama sa ilang aktibidad ng grupo. Ibang-iba ito sa pakikipagdeyt.
Alang-alang sa ilan sa inyo na hindi pa matanda, kailangan ko ring ipaliwanag kung ano ang pakikipagdeyt. Di tulad ng barkadahan, hindi laro ng grupo ang pakikipagdeyt. Ang pakikipagdeyt ay pagpapares-pares para maranasan ang uri ng pagsasarilinan at pansamantalang katapatan na maaaring humantong sa kasal, sa ilang bibihira at natatanging mga pagkakataon.
Bakit bihira nang magkaroon ng pakikipagdeyt? Hindi ako sigurado, pero may nakikita akong ilang dahilan.
- 1. Ang mga kultura ng ating mundo ay lubhang salungat sa pagiging tapat sa pamilya. Halimbawa, madali nang magdiborsyo sa batas at hindi na uso ang panganganak. Ang mga pahirap na iyon sa pagiging tapat ay maliwanag na nakakatulong sa pagkalaban ng diyablo sa plano ng Ama para sa Kanyang mga anak. Nakasalalay ang planong iyon sa mga tipan o pangakong tinupad. Ang anumang bagay na nagpalayo sa atin sa ating mga pangako ay nagpapahina sa kakayahan nating makibahagi sa plano. Ang pakikipagdeyt ay nangangailangan ng katapatan, kahit ilang oras lang. Hindi kailangan ang katapatan sa barkadahan, lalo na sa mga lalaki kung ang babae ang naglalaan ng pagkain at tirahan.
- 2. Ang epekto ng pagtatrabaho ng kababaihan para makapantay sa kalalakihan ay nakadagdag sa pagkawala ng gana sa pakikipagdeyt. Nang dumami ang pagpipilian ng mga babae at naging mas agresibo ang ilan, ang ilang lalaki ay atubili nang manguna sa panliligaw, tulad ng paghiling ng deyt, sa takot na masabihang “male chauvinist” sila o mapanghamak ng babae.
- 3. Ginagawang kaakit-akit ang barkadahan ng mga binata’t dalaga sa mga programa sa TV.
- 4. Nagbago rin ang kahulugan at kabuluhan ng “deyt” dahil magastos na raw ngayong makipagdeyt. Nakikita kong nagsisimula ito sa mga anak nating kabataan. Sa kung anong dahilan, inakala ng mga binatilyo sa hayskul na kailangan nilang maging magarbo o gumawa ng bagay na kakaiba para makahiling ng deyt, lalo na sa isang pagtitipong gaya ng prom, at akala ng mga babae ay gayon din ang dapat gawin sa pagtanggap. Bukod dito, kailangang maging bongga ang deyt. Nakakita ako ng ganito sa kampus ng BYU noong ‘70s. Natatandaan ko na nakita ko ang isang magkasintahan na naghahapunan habang pinagsisilbihan ng mga kaibigan sa mismong island ng kalsada habang dumaraan ang mga sasakyan sa magkabila, diyan sa may timog ng BYU football stadium.
Lalong naging mahirap nang makipagdeyt dahil dito. At kapag mas bongga at mas mahal ang deyt, mas kaunti ang nagdedeyt. Habang nagiging kaunti at bumobongga ang pagdedeyt, parang iniisip tuloy nila na mukhang seryoso na o permanente na ang relasyon kapag may kasamang deyt. Lalong nakakawala ng ganang makipagdeyt ang pag-asa sa ganoon. Hindi na uso ang dati-rating murang pagtatawagan naming mga magulang at lolo’t lola ninyo sa telepono. Ganito ang karaniwang usapan: “Ano’ng gagawin mo ngayong gabi?” “Nood tayo ng sine?” O kaya’y, “Maglakad-lakad kaya tayo sa bayan?” Ang mga murang deyt na kagaya noon ay maaaring madalas at hindi mapanganib, dahil hindi naman ito nagpapahiwatig ng patuloy na katapatan.
Sa simple at mas madalas na pagdedeyt ang mga lalaki at babae ay “makakapili” at masusuri nila nang husto ang mga posible nilang mapangasawa. Ang makalumang pagdedeyt ay napakagandang paraan para magkakilala ang isang lalaki at babae. Naghihikayat iyon ng pag-uusap. Ipinakikita niyon kung paano ninyo tinatrato ang iba at paano kayo tinatrato kapag kayo lang dalawa ang magkasama. Nagbibigay iyon ng mga pagkakataon para malaman kung paano sisimulan at iingatan ang isang maayos na relasyon. Walang ganyan sa barkadahan.
Mga kapatid kong binata’t dalaga, sundin ang simpleng huwaran sa pakikipagdeyt at hindi mo na kakailanganing humanap ng mapapangasawa sa Internet sa mga chat room o serbisyong naghahanap ng makakadeyt—dalawang alternatibong maaaring maging lubhang mapanganib o kahit paano’y hindi kailangan o hindi epektibo.
May isa pang posibleng dahilan sa pagkawala ng gana sa pakikipagdeyt at sa paglitaw ng kultura ng barkadahan. Maraming taon nang ipinayo ng Simbahan sa mga kabataan na huwag makikipagdeyt kung wala pang 16 anyos. Siguro masyadong sinunod ng ilang young adult, lalo na ng kalalakihan, ang matalinong payo na ito at ipinasiyang huwag makipagdeyt kung wala pang 26 anyos o kaya’y 36 anyos.
Mga binata, kung nakabalik na kayo mula sa misyon at sinusunod pa rin ninyo ang ipinayong gawin ng mga batang lalaki’t babae noong 15 anyos kayo, panahon na para magkaisip kayo. Maglakas-loob kayo at humanap ng makakapareha. Simulang makipagdeyt sa iba’t ibang dalaga, at kapag may nakita kayong mabuting mapapangasawa, ligawan na ninyo. Panahon na para mag-asawa. Iyan ang layon ng Panginoon para sa Kanyang mga anak na binata’t dalaga. Mga lalaki ang magpapasimula, at dapat na ninyong simulan ito. Kung hindi ninyo alam kung ano ang deyt, siguro makakatulong ang paliwanag na ito. Narinig ko ito sa 18-anyos kong apo. Ang “deyt” ay dapat pumasa sa tatlong sukatan: (1) naiplano nang maaga, (2) babayaran, at (3) magkapareha (isang binata at isang dalaga).
Mga dalaga, iwasan ninyo ang sobrang pakikibarkada, at makipagdeyt sa paraang simple, mura, at madalas. Huwag ninyong gawing madali para sa mga binata na bumarkada at kayong kababaihan ang magpapakain. Huwag kayong pumayag na kayo ang magpapakain. Okey lang ang paminsan-minsang aktibidad ng grupo, pero kapag nakakita kayo ng mga lalaking gusto lang makibarkada sa mga babae, palagay ko’y dapat ninyong kandaduhan ang paminggalan at pintuan sa harap.
Kung gagawin ninyo ito, magsabit din kayo ng karatulang, “Bubuksan para sa gustong makipagdeyt,” o parang ganoon. At, mga dalaga, huwag naman ninyong pahirapan ang mahiyaing mga lalaking ito na maisama kayo sa simple at murang deyt. Para mas madali, huwag ipahiwatig na seryosong bagay ang makipagdeyt. Para mahikayat nating makipagdeyt nang mas madalas ang mga lalaki, kailangan nating pagkasunduan na hindi pahiwatig ng patuloy na katapatan ang pakikipagdeyt. At ang huli, mga dalaga, kung tatanggihan ninyo ang isang deyt, maging mabait naman kayo. Kung hindi’y baka madala ang isang nerbiyoso at mahiyaing manliligaw at hindi na makipagdeyt sa susunod, at maaapektuhan naman ang ibang dalaga.
Mga kaibigan kong binata’t dalaga, pinapayuhan namin kayong idaan sa pakikipagdeyt ang pakikihalubilo ninyo sa opposite sex, para may potensyal na mauwi sa kasalan, at hindi sa barkadahang mauuwi lang sa mga pangkatang laro na gaya ng touch football. Ang pag-aasawa ay hindi aktibidad ng grupo—puwera na lang kapag dumami na ang mga anak.
Mga sister, mukhang tuwang-tuwa kayo sa pagtutuon ko ng pansin sa mga responsibilidad ng mga binata. Ngayo’y may ilang bagay akong sasabihin sa mga dalaga.
Kung wala kayong ginagawa kundi ang maghintay lang ng mapapangasawa, huwag na kayong maghintay. Baka hindi na kayo makapag-asawa sa buhay na ito, kaya huwag na kayong maghintay at kumilos na. Ihanda ang inyong sarili para sa habambuhay—kahit sa pagtandang dalaga—sa pamamagitan ng pag-aaral, karanasan, at pagpaplano. Huwag ninyong hintaying dumating ang kaligayahan. Hangarin ito sa paglilingkod at pagkatuto. Mabuhay kayong mag-isa. At magtiwala sa Panginoon. Ang inyong katapatang panghabambuhay ay dapat sumunod sa payo ni Haring Benjamin na “nananawagan sa pangalan ng Panginoon sa araw-araw, at matatag na naninindigan sa pananampalataya sa kanya na paparito” (Mosias 4:11).
“Pinamamahalaan Nila ang Kanilang Sarili”
Ngayon, mga kapatid na dalaga, may ekspertong saksi akong inimbitahan dito ngayon. Ang asawa kong si Kristen, na, noong nasa edad na siya, ay nanatiling dalaga sa loob ng 35 taon bago kami ikinasal. Paaakyatin ko siya para sabihin sa atin ang nararamdaman niya.
Sister Kristen Oaks: Salamat, Elder Oaks. Mahigit 50 na ako nang mag-asawa, at pakiramdam ko’y nagiging simbolo ako ng “katandaan.”
Bago ako magsimula, nadarama ko na dapat kong sabihin sa inyo kung gaano kayo kamahal ng inyong Ama sa Langit. Nasa Oakland kami, at nadaanan ko ang visitor’s center kasama si Pangulong Robert Bauman ng misyon. Nakita ko ang Christus at ang mensahe ng buhay na Cristo, at naantig ang puso ko. Panahon ninyo ito. Gawin ninyo itong makabuluhan sa pamamagitan ng paglalaan ninyo ng oras sa inyong Ama sa Langit.
Gusto ko ang sinabi ni Pangulong Packer tungkol sa Pagbabayad-sala. Ang Pagbabayad-sala ay hindi isang bagay na nangyayari pagkamatay natin. Nangyayari ito araw-araw sa buhay natin. Kaya sinasabi ko sa ating mga kadalagahan, gawin itong makabuluhan.
Napakasaklap maging dalaga nang napakatagal, lalo na sa isang simbahan ng mga pamilya. Alam ko ang nadarama ninyo. Noong ika-50 kaarawan ko’y nagbabasa ng diyaryo ang bayaw ko. Sabi niya, “Oy, sabi rito sa diyaryo sa edad mong 50, mas malaki ang tsansa mong mapatay ng mga terorista kaysa makapag-asawa.” Alam kong mahirap makipagdeyt nang sabihin niya ‘yon, pero huwag kayong sumuko, hindi ito gawain ng mga terorista.
Sasabihin ko rin sa inyo na gawing balanse ang buhay ninyo. Noong dalaga pa ako, kinailangan kong magpatuloy. Nag-doctorate ako at naging masyadong abala ako sa trabaho kaya nalimutan kong magpakabait. Sasabihin ko sa lahat ng nasa silid na ito, laging tandaan na ang una ninyong tungkulin ay bilang ina o bilang ama. Pag-ibayuhin ang mga talentong iyon sa tahanan, mga talento ng pag-ibig at paglilingkod. Noong dalaga pa ako, humanap ako ng mga proyektong pangserbisyo, at ngayo’y may isa ako sa harapan ko gabi-gabi. Pinasasalamatan ko iyon.
Bilang pagtatapos, naiisip ko ang masasaklap na panahon sa buhay natin. Mangyayari ang mga ito may asawa man tayo o wala. Maaaring may anak kayong malubha ang karamdaman o taong malapit sa inyo na namatay o panahon sa buhay na napakalungkot. Maaari kayong mawalan ng anak o mapunta sa sitwasyong hindi ninyo kayang kontrolin, tulad ng sakit na hindi mapagaling. Hiling kong ipaubaya ninyo iyan sa Ama sa Langit. Mababasa natin sa Helaman 35:3 na kung isinusuko natin ang ating damdamin sa Diyos, lahat ng kilos natin ay nagpapabanal sa atin, kaya nga lahat ng oras ay pinagpapala.
Kayo ang paborito kong grupo sa mundo. Mahal na mahal ko kayo dahil nauunawaan ko ang pinagdaraanan ninyo, at napakahabang panahon kong dinanas iyon.
Gusto kong malaman ninyo na ito ang Simbahan ng buhay na Diyos, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ang Kanyang Simbahan. Labis akong nagpapasalamat na may buhay tayong propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley. At, higit sa lahat, alam ko na may Ama tayo sa Langit, na nagmamahal sa atin, dahil Siya ang pinakamatalik kong kaibigan noong walang ibang nagmamahal sa akin. Iniiwan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
Elder Dallin H. Oaks: Salamat, Kristen. Ngayon, mga kapatid, kung naguguluhan kayo sa isang bagay na kasasabi lang namin, makinig kayong mabuti sa sasabihin ko ngayon. Baka ikaw ay isang binatang napipilitan sa sinabi ko tungkol sa pangangailangang simulan ang pakikipagdeyt na hahantong sa kasalan, o isang dalagang naguguluhan sa sinabi namin na kailangang magpatuloy sa iyong pamumuhay.
Kung inaakala mong kakaiba ang kaso mo, kaya hindi angkop sa iyo ang payo ko, huwag mo sana akong susulatan. Bakit ko ito hinihiling? Nalaman ko na kapag nagbibigay ako ng ganoong tuwirang payo, dumadagsa ang sulat mula sa mga miyembrong akala’y kakaiba ang sitwasyon nila, at gusto nilang patunayan ko na hindi angkop sa kakaibang sitwasyon nila ang sinabi ko.
Ipapaliwanag ko kung bakit hindi ko mabibigyan ng kapanatagan ang gayong uri ng sulat sa pagkukuwento tungkol sa naging karanasan ko sa isang taong naguluhan sa isang karaniwang tuntunin. Nagbigay ako ng mensahe kung saan binanggit ko ang utos na “Huwag kang papatay” (Exodo 20:13). Tapos ay lumapit sa akin ang isang lalaking umiiyak at sabi niya, wala na siyang pag-asa dahil sa sinabi ko. “Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ko.
Ipinaliwanag niya na machine gun ang hawak niya noong Digmaan sa Korea. Sa isang sagupaan, napakaraming napatay na kaaway ng machine gun niya. Patung-patong ang maraming bangkay sa harap ng baril niya kaya kinailangan pa nilang itulak ng mga tauhan niya at hawiin ang mga ito para hindi makasagabal sa kanilang paningin. Ayon sa kanya, isandaang katao ang napatay niya, at ngayo’y malamang na impiyerno ang bagsak niya dahil binanggit ko ang utos ng Panginoon na, “Huwag kang papatay.”
Ang paliwanag na ibinigay ko sa lalaking iyon ay katulad ng paliwanag ko sa inyo kung inaakala ninyong kakaiba ang sitwasyon ninyo sa sinabi ko. Bilang General Authority, responsibilidad kong ipangaral ang pangkalahatang mga alituntunin. Kapag ginagawa ko ito, hindi ko pinipilit ipaliwanag ang lahat ng eksepsyon. May mga eksepsyon sa ilang tuntunin. Halimbawa, naniniwala tayo na hindi nalalabag ang utos sa pagpatay dahil sa makatarungang utos sa isang armadong labanan. Pero huwag ninyo akong hingan ng opinyon sa inyong eksepsyon. Pangkalahatang tuntunin lang ang itinuturo ko. Responsibilidad na ninyo kung angkop man sa inyo ang isang eksepsyon. Ito’y sa pagitan na lamang ninyo at ng Panginoon.
Itinuro din ito ni Propetang Joseph Smith sa ibang paraan. Nang tanungin siya kung paano niya pinamamahalaan ang magkakaibang grupo ng mga Banal, sabi niya, “Itinuturo ko sa kanila ang mga tamang alituntunin at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili” (sa “The Organization of the Church,” ni John Taylor, Millennial Star, Nob. 15, 1851, 339). Sa kasasabi ko, itinuturo ko lang ang mga tamang alituntunin at iniimbita kayong lahat na kumilos ayon sa mga alituntuning ito sa pamamagitan ng pamamahala sa inyong sarili.
Mga kapatid, tuwang-tuwa akong makapiling kayo. Dalangin ko na tumimo sa inyong puso ang mga bagay na nabanggit ngayong gabi at maunawaan ninyo ito sa kapangyarihan ng Espiritu Santo ayon sa layunin ng pagbanggit sa mga ito, at ito’y ang pagpalain ang inyong buhay, aluin ang nalulumbay, at paalalahanan ang mga taong komportable na sa kanilang katayuan.
Ito ang Simbahan ni Jesucristo. Nagdusa Siya at namatay sa matitinding pahirap ng Getsemani at Kalbaryo upang bigyan tayo ng katiyakan ng imortalidad at pagkakataon sa buhay na walang hanggan. Dalangin ko na basbasan tayong lahat ng Panginoon sa paghahangad na masunod ang mga utos ng Panginoon. Nawa’y mas taasan pa natin ang ating mga mithiin, na maisagawa sa ating pang-araw-araw na desisyon ang tinatawag kong panatag at matatag na katapatang panghabambuhay. Ito ang Simbahan ni Jesucristo, na ibinalik sa mga huling araw na ito, na may kapangyarihan ng priesthood at kaganapan ng Kanyang ebanghelyo. Pinatototohanan ko ito, habang hinihiling kong mapasainyo ang mga pagpapala ng Panginoon, mararangal kong kaibigan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.