Mga Banal na Kasulatan: Mga Pinipitang Higit kay sa Ginto at Lalong Mainam kay sa Pulot
Sister Susan W. Tanner
Young Women General President
CES Fireside para sa mga Young Adult • Setyembre 11, 2005 • Brigham Young University
Salamat sa kahanga-hangang koro. Napakaganda ng musika, at naanyayahan nito ang Espiritu. Pinasasalamatan ko rin ang pambungad na panalangin. Napuna ko lalo na hiniling sa dasal na madama nating lahat ang Espiritu ngayong gabi at mabigyang-inspirasyon tayo ayon sa pangangailangan natin. At iyan naman talaga ang dalangin ko. Labis ang pasasalamat ko sa pagkakataong makasama kayo ngayong gabi. Kung ako lang sana ang masusunod, gusto kong maging makalumang fireside ang debosyonal na ito kung saan maipapasok ko kayo sa aming sala at makakapag-usap tayo nang masinsinan—gaya ng gagawin ko sa sarili kong mga anak na kaedad ninyo. Siguro’y magsisimula ako sa pagkukuwento sa inyo tungkol sa anak kong misyonera. Hindi ba’t iyan ang ginagawa ng mga nanay na misyonera? Isinulat ko sa kanya kailan lang na magsasalita ako ngayong gabi tungkol sa pagmamahal ko sa mga banal na kasulatan. Ganito ang sabi niya:
“Natutuwa po ako’t magsasalita si Inay tungkol sa pag-aaral ng banal na kasulatan! Sa palagay ko malaking dahilan ng pagbabago ko ang paraan ng pag-aaral ko ng aking mga banal na kasulatan. Gustung-gusto ko pong pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan ngayon. Tuwang-tuwa ako sa tuwing may pagkakataon akong mag-aral. Mahirap pong ipaliwanag, maliban sa gaya lang ito sa Alma 32:28, kung saan nagiging masarap ang salita. Mahal ko ito! Palagay ko dati’y gusto ko ang mga banal na kasulatan pero ngayo’y mahal ko na ang mga ito! Sabi ng kompanyon ko alam daw po niya lagi kung magtuturo na kami at babaling na ako sa banal na kasulatan dahil kumikislap ang mga mata ko at sinisimulan kong buklatin ang mga pahina. Gustung-gusto ko pong sinasagot ang tanong ng mga tao gamit ang mga banal na kasulatan.”
Sana may pagkakataong makinig sa mensaheng ito ang anak ko sa Australia at lalo pa siyang mahikayat, kung maaari, sa pag-aaral niya ng banal na kasulatan. Gayundin, sana’y maging masarap din sa inyo ang salita, tulad sa kanya at sa akin dahil ang mga banal na kasulatan ay tunay na “pinipitang higit . . . kay sa ginto . . . : lalong mainam kay sa pulot” (Mga Awit 19:10).
Kainaman ng mga Banal na Kasulatan
Naaalala ba ninyo si Tevye, sa musikal na Fiddler on the Roof, ang maralitang tindero ng gatas na may limang anak na babae at nangarap na yumaman? Ano ang nais ninyo kung mayaman kayo? Siguro’y katulad din ng ilan sa nais niya. Gusto niyang maging kilala, magkaroon ng malaking bahay, hindi magpakapagod sa trabaho, at kung anu-ano pa. Pero hindi ito ang pinakamatitindi niyang hangarin. Ang talagang pangarap niya, kung yayaman nga siya, ay maaaring pambihira sa atin. Alalahanin ang awit niya:
“Kung ako’y mayaman, may oras akong
Sapat na lumuhod at magdasal.
Umupo sa may dingding sa silangan.
At talakayin ang banal na aklat
sa mga paham araw-araw.
At ‘yan ang pinakamainam.”
(Titik ni Sheldon Harnick, “If I Were a Rich Man,” Fiddler on the Roof [1965].)
Kung mayaman kayo, gugulin kaya ninyo ang inyong libreng oras sa pag-aaral ng “mga banal na aklat,” o banal na kasulatan, araw-araw? Kung mayaman kayo, magagalak nga kaya kayo na magkaroon ng mas maraming oras para puspusang pag-aralan ang banal na kasulatan?
Para sa Orthodox na mga Judio, pinakamainam na pagpapala ang pag-aaral ng mga banal na aklat—isang malaking pribilehiyo. Katunayan, sa ilang tradisyon ng mga Judio kapag mag-aaral na ang bata sa Torah, pinatitikim ng pulot ang estudyante para maiugnay niya ang pag-aaral ng mga banal na aklat sa tamis nito. Layon nitong suportahan ang sinasabi sa Mga Awit: “Pagkatamis ng iyong mga salita sa aking lasa! Oo, matamis kay sa pulot sa aking bibig!” (Mga Awit 119:103).
Gayundin na inihahambing ng Mga Awit 19 ang mga banal na kasulatan sa ginto at pulot. Galak na galak ang Mang-aawit sa salita ng Panginoon, gaya ng sumusunod:
“Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa: ang patotoo ng Panginoon ay tunay, na nagpapapantas sa hangal.
“Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso: ang utos ng Panginoon ay dalisay, na nagpapaliwanag ng mga mata.
“Ang takot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man: ang mga kahatulan ng Panginoon ay katotohanan, at lubos na matuwid.
“Mga pinipitang higit kay sa ginto, oo, higit kay sa maraming dalisay na ginto: lalong mainam kay sa pulot, at sa pulot-pukyutan.
“Higit dito’y sa pamamagitan ng mga iyo’y mapagpapaunahan ang iyong lingkod: sa pagiingat ng mga yaon ay may dakilang ganting-pala” (Mga Awit 19:7–11).
Lahat ng kataga sa banal na kasulatang ito—batas, patotoo, tuntunin, mga utos, takot (o pagpipitagan), at kahatulan—ay mga magkakasingkahulugan sa salita ng Panginoon, o sa mga banal na kasulatan. Ang mga ito ay “pinipitang higit . . . kay sa ginto: [at] lalong mainam kay sa pulot at pulot-pukyutan.”
Kung minsa’y iniisip ko na dapat tayong higit na maging gaya ni Tevye at ng anak kong misyonera. Masarap ba sa atin ang mga banal na kasulatan— kasinghalaga ng ginto at mas matamis kaysa pulot? Nagpapakabusog ba tayo rito, nalulugod, at binubulay-bulay ito tulad ng turo ni Nephi? (Tingnan sa 2 Nephi 4:15–16.) Inihahalintulad ba natin ito sa ating sarili tulad ng payo ni Jacob? (Tingnan sa 2 Nephi 6:5.) Sinasaliksik ba natin ang mga ito para sa mga natatanging salita sa atin ng Panginoon—na naghahatid ng paniniwala, karunungan, kaliwanagan, paghahayag, ginhawa, at galak? Kinikilala ba natin ang mga ito bilang isa sa mga pinakamainam, at pinakadakilang pagpapalang nasa atin?
Pagkagutom sa mga Banal na Kasulatan
Siguro kung mas gutom tayo sa mga banal na kasulatan, magiging mas matamis at mas mahalaga ang mga ito sa atin. Ilang buwan na ang nakalilipas naglakbay ako sa Africa kung saan madalas ay gutom sa pagkain ang mga banal pero, ang nakakatuwa, mas sabik silang magpakabusog sa salita ng Panginoon. Sa bawat isa sa apat na bansang binisita ko nadama ko ang napakalakas na mga espiritu at malaking pananampalataya ng mga tao. Kakaunti ang kanilang kabuhayan, pero mayaman sila sa espirituwal na bagay. Nasa kanila ang mabuting balita ng ebanghelyo—ang mga simple at mahalagang katotohanan mula sa mga banal na kasulatan. Ang gamit na gamit na mga banal na kasulatan nila ang kasama nila sa lahat ng miting. Nagturo at nagbasa sila mula rito, alam at minahal nila ang mga ito.
Sa katunayan, sa isang sakrament miting ang kabataang magsasalita ay nagpunta sa pulpito na walang dala kundi mga banal na kasulatan niya. Marami siyang gawi na madalas ay gawi rin ng mga batang tagapagsalita, na para bang yumuyuko sila at hindi mapirmi sa kinatatayuan, pero makapangyarihan ang mensahe niya. Nagturo siya tungkol sa sakripisyo, at nagsimula sa mga talata sa Lumang Tipan tungkol sa pagsasakripisyo ng dugo. Pagkatapos ay walang kabang tumuluy-tuloy siya sa 3 Nephi sa Aklat ni Mormon at sinabi na nawala na ang mga lumang bagay nang dumating ang Tagapagligtas, na ngayo’y humihiling ng sakripisyong bagbag na puso at nagsisising espiritu. Wala siyang kodigo, tanging kaalaman lang niya sa doktrina. Magandang huwaran ito ng paraan kung paano tayo dapat magturo mula sa mga banal na kasulatan.
Muli kong inisip ang Mga Awit 19 kaugnay ng mga Banal na ito. Ang kautusan ng Panginoon ang ginamit nila sa pagpapabalik-loob. Patotoo sa Panginoon ang nagpatalino sa simple at intelihenteng mga taong ito. May kislap sa kanilang mga mata at galak sa kanilang puso dahil napasakanila ang batas, ang patotoo, mga tuntunin, at mga kautusan ng Panginoon. Sa isang lugar na dinalaw ko, apat na oras na naglakad ang mga tao para lang makadalo sa miting. Wala silang sasakyan, kung minsa’y walang sapatos, at kakaunti ang pagkain. Mga magsasaka silang isang-kahig-isang-tuka na ilang taon ding dumanas ng tagtuyot. Ngunit nagpakabusog pa rin sila sa mga salita ng Diyos. Ito’y “pinipitang higit . . . kay sa ginto, . . . [at] lalong mainam kay sa pulot.”
Sa isa pang bansa sa Africa, nakakita ako ng mas maraming taong sabik maturuan ng salita ng Panginoon. Noong araw na dumating kami doon walang masakyan dahil walang gas. Tiniyak ng stake president na 700 miyembro na nagplanong dumalo sa aming fireside ang walang masasakyan papunta roon. Sinigurado namin sa kanya na magtuturo kami marami man o kaunti ang dumating. Pagpasok namin sa maayos na silid mga dalawampung minuto bago magsimula ang miting, nakita namin ang mahigit 300 mapitagang mga Banal na nakatipon, na tahimik na nakikinig sa mga himnong pinatutugtog sa recorder. Naantig ako ng Espiritu. Habang nagmimiting, kahit paano, sa kung anong himala, 300 pang mga tao ang dumating. Sabik sila sa mga salita ng Panginoon. Dala nilang lahat ang kanilang mga banal na kasulatan at sabik na nagbasa habang tinuturuan namin sila mula sa mga pamantayang banal na kasulatan. Dahil sa kanilang halimbawa, nakita kong kailangan ko pang magpakabuti. Siguro marami sa atin ang nakatuon sa mga makamundong bagay. Iniisip ko ba baka nababalewala na natin o kampante na tayo sa pag-aaral ng salita at pamumuhay ng doktrina.
Nagsalita ang propetang si Amos ng Lumang Tipan tungkol sa taggutom sa pakikinig sa salita—o, sa madaling salita, espirituwal na pagkagutom. “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoong Dios, na ako’y magpapasapit ng kagutom sa lupain, hindi kagutom sa tinapay, o kauhawan man dahil sa tubig, kundi sa pagkarinig ng mga salita ng Panginoon” (Amos 8:11). Sa Africa, nakakilala ako ng mga Banal na hindi lang gutom sa tinapay at tubig, kundi sa pakikinig sa mga salita ng Panginoon. Dahil batid na nila ang espirituwal na pagkagutom, natutuhan na nila sa turo ni Nephi, kung paano sila “mag[pa]pakabusog . . . sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).
Isipin na lamang ang espirituwal na pagkagutom na daranasin natin kung wala tayong mga banal na kasulatan na magpapabusog sa atin nang husto. Sa paglipas ng panahon marami ang walang talaan ng kautusan. Isipin halimbawa ang pamilya ni Lehi nang una silang magpunta sa ilang, o ang mga Mulekita na “wala[ng] . . . dalang mga talaan” (Omni 1:17), o ang panahon sa Lumang Tipan nang ang mga tao’y walang dalang aklat ng kautusan o nakalimutan ito, tulad nang kailanganin nina Ezra at Nehemias na muling turuan ang mga Judio na bumalik mula sa pagkabihag sa Babylon sa aklat ng kautusan (tingnan sa Nehemias 8:1–13).
Pag-aralang Mahalin ang mga Banal na Kasulatan sa Inyong Kabataan
Ang paborito kong halimbawa sa Lumang Tipan ay si Josias, ang batang hari, na naupo sa trono sa edad na walong taon. Ipinaliliwanag nito ang epekto ng isang bata na nakabatid na ang mga banal na kasulatan ay mas mahalaga kaysa ginto at lalong mainam kaysa pulot. Lahat ng haring nauna at sumunod kay Josias ay masasama. Kung hindi man wala sa kanila ang kautusan, ayaw naman nila itong basahin at sundin. Pero noong si Josias ang hari, si Hilcias na dakilang saserdote ang nakakita sa nawalang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon (tingnan sa II Mga Hari 22:8). Binasa ito kay Josias. Naantig ang puso ni Josias at nagsisi siya at nanangis sa harapan ng Panginoon (tingnan sa II Mga Hari 22:19). Pagkatapos ay tinipon niya sa templo ang lahat ng kanyang tauhan at binasa ang mga salita sa kanila, at sama-sama silang nakipagtipan na susundin ang mga utos ng Diyos:
“At kanilang binasa sa kanilang mga pakinig ang lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.
“At ang hari [at ang kanyang mga tauhan] ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon, at upang ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, ng buong puso at ng buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito: at ang buong bayan ay nananayo sa tipan” (II Mga Hari 23:2–3).
Nakakawili ang kuwentong iyon. Madalas kong iniisip kung bakit napakagiting ni Josias na tumugon sa mga turo sa aklat ng kautusan. Bakit iba ang tugon niya kaysa sa mga haring nauna at sumunod sa kanya? May karanasan ba kayo sa kabataan ninyo tungkol sa pagpapahalaga sa mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagbabasa nito, pagsunod dito, pakikipagtipan na sundin ang mga utos dito, at pagkatapos ay paninindigan sa tipan?
Siguro ipinagunita ng mga banal na kasulatan kay Josias ang mga bagay na batid na niya bago pa siya isinilang. Sinabi ni Elder Maxwell sa isang CES symposium sa BYU noong 1991: “Siguro ang espesyal at nagpapasiglang kapangyarihan ng mga banal na kasulatan ay kaakibat ng mga munti nating alaala mula sa daigdig na pinanggalingan natin o kahit paano’y ipinaaalala ang mga ugaling taglay natin doon sa loob ng napakatagal na panahon” (Teaching by the Spirit—‘The Language of Inspiration,’ ” sa Old Testament Symposium Speeches, 1991 [1991], 1).
Siguro iyon ang dahilan kaya madalas nating makita sa mga banal na kasulatan ang payo na “tandaan, tandaan” (Mosias 2:41; Alma 37:13, Helaman 5:9, 12; 14:30). Hindi lang natin tinatandaan ang mga himala at biyaya sa buhay na ito, kundi pati na magagandang turo mula sa buhay bago pa tayo isinilang. Itinuro ni Elder Maxwell na marami tayong matututuhan mula sa ating pag-aaral at pag-iisip-isip, at sa gayo’y namumulat sa atin ang mga dating aral na natutuhan natin mula sa ating Ama sa Langit.
Nang minsang bisitahin niya ang isang mission president at pamilya nito sa Russia, masinsinang kinausap ni Elder Maxwell ang limang anak nitong babae. Ang una niyang tanong ay kung anong banal na kasulatan ang nasa isip nila sa araw na iyon. Nagulat ang mga bata sa tanong. Pero isipin ninyo. Ipinalagay lang ni Elder Maxwell na ang mga banal na kasulatan ay kasinghalaga ng ginto at mas mainam kaysa pulot sa kanila tulad sa kanya. Kung gagawin natin ang mungkahi niya at laging may isang banal na kasulatan sa isipan, mapag-aaralan natin ang banal na kasulatan habang naglalakad papunta sa klase, nagbibiyahe papunta sa tipanan, o naglilinis ng ating bahay. Maaga itong magsisimula sa buhay natin at magpapatuloy at palaging gagawin. Patuloy tayong magpapakabusog, iwawaksi ang personal na kasalatan at espirituwal na pagkagutom. Ang mga salita ng Diyos ay “[isusulat] . . . hindi sa mga tapyas na bato, kundi sa mga tapyas ng [ating] pusong laman” (II Mga Taga Corinto 3:3).
Kahit ang mga musmos na apo ni Elder Maxwell ay kilala siya sa pagbibigay-diin niya sa mga banal na kasulatan. Marami siguro sa inyo ang makakaalala sa huling mensahe niya sa pangkalahatang kumperensya nang ikuwento niya na minsan binisita niya ang kanyang mga apo nang hatinggabi. Nakahiga na ang apo niyang si Robbie. Nang dumating si Elder Maxwell, sinabi ng nanay niya, “Robbie, narito si Lolo Neal!” Narinig niya ang pagod at maliit na boses mula sa silid na nagsabing, “Dadalhin ko po ba ang banal na kasulatan ko?” (sa Conference Report, Abr. 2004, 48; o sa “Alalahanin Kung Paano Naging Maawain ang Panginoon,” Liahona, Mayo 2004, p. 44). Gaya ng batang-haring si Josias at ng munting apong si Robbie, dapat tayong matuto nang maaga sa buhay natin na mahalin ang mga banal na kasulatan, magpakabusog dito, at matuto mula rito.
Pinag-aaralang mahalin ng maliliit naming apo mismo ang mga banal na kasulatan sa panahong ito sa buhay nila at natutuwa kami sa pagtanggap nila rito. Halimbawa, ang tatlong-taong-gulang na si Joshua, na gustung-gusto ang mga bayani sa lahat ng kuwento, ay karaniwang napapabulalas ng ganito sa climax ng bawat kuwento sa banal na kasulatan: “Tapos, sino ang bayani? Si Jesus ang bayani!” Natututo si Joshua ng mahalagang aral: na talagang si Jesus ang ating Tagapagligtas. Pangalan pa lang Niya’y ‘ligtas’ na ang ibig sabihin. Ngayon sa pagdarasal niya, isinasama niya ang mga tauhang nakikilala niya sa araw-araw. Minsa’y ipinagdasal niya na huwag na ulit lumubog si Pedro, at pagkatapos ay ipinagdasal na huwag malunod ang mga baboy kapag tumakbo sila papunta sa dagat. Minsan naman ay ipinagdasal niya na maging mabait sana sina Laman at Lemuel kay Nephi. At narinig pa namin na ipinagdasal niya ang ama ni Jesus, ang Ama sa Langit. Kamakaila’y natanggap ni Joshua ang sarili niyang kopya ng Aklat ni Mormon mula sa kanyang nursery leader sa Primary. Ayaw na niyang pabasahin ang nanay niya mula sa pambatang babasahing Aklat ni Mormon. Sinabi niyang mas gusto niyang marinig ang mismong mga salita.
Isa pang apo, si Tanner, na anim na taon, ang nag-aral lumangoy ngayong tag-init. Noong una talagang takot na takot siya sa tubig. Noong araw na mag-isa na lang silang tatalon sa malalim na bahagi ng pool, hindi yata nakapagbasa ang pamilya ng banal na kasulatan sa almusal tulad ng dati. Kahit kinakabahan, tumalon si Tanner sa malalim na tubig. Pag-ahon niya tiniyak niyang alam ng nanay niya na galit siya. Sabi niya, “Kung naalala po sana nating magbasa ng mga banal na kasulatan kaninang umaga, hindi sana ako natakot tumalon.” Dama ng anak kong babae na pinagalitan siya pero nasiyahan siya dahil binigyang-halaga ng musmos niyang anak ang Espiritu at lakas na hatid ng mga banal na kasulatan sa buhay niya. Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay makapagbibigay sa atin ng lakas-ng-loob na tumalon sa malalim na tubig na kung minsan ay kailangan nating languyin (tingnan sa D at T 127:2)
Maaaring Baguhin ng Doktrina ang Ating Buhay
Pinuri ni Apostol Pablo si Timoteo sa pagkatuto nang maaga sa buhay niya na malaman at mahalin ang mga banal na kasulatan; at dahil dito, naipaliwanag din niya ang mga dakilang pagpapala ng mga banal na kasulatan sa ating buhay:
“At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
“Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran:
“Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti” (II Kay Timoteo 3:15–17).
Napakagandang mga biyaya ang dulot ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang mga ito’y “makapag[pa]padunong sa [ating] ikaliligtas.” Madaragdagan nito ang ating pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang plano. Maituturo nito ang ating mga kahinaan at pangangailangang magsisi. Maituturo nito sa atin ang doktrina.
Maraming beses na sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng asal at pag-uugali. Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis na makapagpapabuti sa pag-uugali kaysa sa mismong pag-aaral ng pag-uugali” (sa Conference Report, Abr. 2004, 80; o sa “Huwag Matakot,” Liahona, Mayo 2004, p. 77). Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan malalaman natin ang tunay na doktrina mula sa pinagmulan nito mismo, na tutulong naman sa atin na maging perpekto o kumpleto, tulad ng sabi ni Pablo. Hindi kailanman huli ang lahat para magsimulang tunay na magpakabusog sa doktrinang nasa mga banal na kasulatan. Sa katunayan, kahit ang gabing ito ay magandang panahon para makapagsimula tayong lahat.
Ngayon ang panahon ng malalaki at mahahalagang pagpapasiya sa buhay ninyo tungkol sa halos lahat ng bagay—sa eskuwela, trabaho, karera, misyon, mga kaibigan, pagdedeyt, pag-aasawa, mga anak, pananalapi, kabuhayan, katapatan sa paglilingkod sa Simbahan, at marami pang iba. Matagal at lubos kong pinag-isipan at ipinagdasal kung ano ang maaari kong sabihin na makakatulong sa bawat isa sa inyo sa mga taong ito ng mahahalagang pagpapasiya. Kailangan ng bawat isa sa inyo ang patnubay. Kailangan ninyo ng personal na paghahayag na tutulong sa inyo sa sarili ninyong kakaibang mga kalagayan. Itinuro ni Alma na “ang pangangaral ng salita ay may . . . higit na malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay . . . anupa’t naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5). Alam ko at pinatototohanan ko na habang “[sinu]subukan [natin] ang bisa ng salita ng Diyos,” ang kaaliwan, patnubay, at personal na paghahayag ay darating sa bawat isa sa atin.
Paano nagkakaroon ng ganito kalakas na epekto sa atin ang pag-aaral ng banal na kasulatan? Inaanyayahan ng mga banal na kasulatan ang Espiritu. Ang Espiritu ang nagbibigay kapanatagan at gumagabay sa atin. Ang Espiritu ang nagtuturo sa atin at naghahayag ng isipan at kalooban ng Panginoon para sa atin. Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball:
“Nalaman ko na kapag binabalewala ko ang mga pakikipag-ugnayan ko sa Diyos at parang hindi Siya nakikinig at sumasagot sa dalangin ko, parang ang layu-layo ko. Kapag ginawa kong abala ang sarili ko sa mga banal na kasulatan umiikli ang distansya at bumabalik ang espirituwalidad” (Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball [1982], 135).
Binibigyan Tayo ng Kapanatagan ng mga Banal na Kasulatan
Sa paglalarawan kay C. S. Lewis sa isang pelikula, ang gumanap na tauhan ay gumawa ng malawak na pahayag tungkol sa pagdarasal na sa palagay ko’y epektibo rin sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Sabi niya: “Nagdarasal ako dahil hindi ko mapigilan ang sarili ko. Nagdarasal ako dahil walang ibang tutulong sa akin. Nagdarasal ako dahil kailangan kong magdasal palagi, gising man ako o tulog. Hindi nito binabago ang Diyos; ako ang binabago nito” (William Nicholson, Shadowlands, [pagtatanghal sa entablado at pelikula, 1994]). Gayon din ang pakiramdam ko sa mga banal na kasulatan. Bumabaling ako sa mga ito dahil “kailangan ko ito palagi.” Alam kong kailangan ko talagang pakainin ng mga salita ng Diyos ang aking kaluluwa at maturuan ako ng lahat ng bagay na dapat kong malaman. Binabago ako ng mga ito.
Marami sa inyo ang makakaalala at magugustuhan ang nagbibigay-inspirasyong kuwento nina Betsie at Corrie ten Boom, ang magkapatid na Dutch na naging bilanggo ng digmaan sa Nazi Germany, at kung paano sila bumaling sa Biblia sa oras ng kanilang pangangailangan sa Ravensbrück, ang kilalang concentration camp ng kababaihan. Sinabi sa atin ni Corrie:
“Para sa amin, mula umaga hanggang sa magpatay ng ilaw sa gabi, sa tuwing hindi kami nakapila para sa roll call, ang aming Biblia ang sentro ng lumalawak na bilog ng tulong at pag-asa. Gaya ng mga batang walang tahanan na nakatipon sa paligid ng siga, nagtipon kami sa paligid nito, sumasamo ang aming mga puso ng init at liwanag mula rito. Habang dumidilim ang gabi, lalong lumiliwanag at mas nagkakatotoo at gumaganda ang salita ng Diyos. ‘Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? Ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutuman, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak? . . . Hindi, sa lahat ng bagay na ito higit tayong nanlulupig sa tulong niya na nagmamahal sa atin.’
“Tumitingin ako sa paligid habang nagbabasa si Betsie, at minamasdan ang pagliwanag ng mukha ng bawat tao” (The Hiding Place, [1971], 194–95).
Ang mga salitang ito ng Diyos ang nagpakain at nagpalakas sa mga kababaihang ito. Naghatid ang mga ito ng init at liwanag. Ang mga ito ay mas pinipitang higit kaysa ginto, at lalong mainam kaysa pulot.
Binibiyayaan Tayo ng Paghahayag ng mga Banal na Kasulatan
Kung minsan mismong mga salita sa mga banal na kasulatan ang sumasagot nang malakas sa ating mga dalangin. Ang pagbabasa din ng mga banal na kasulatan ang nagbubukas sa ating puso’t isipan sa mga kaisipang hatid ng Espiritu. Mas malamang tayong makatanggap ng gayong tulong kung maghahanap, maghahangad, at magtatanong tayo sa mga banal na kasulatan.
Paulit-ulit na dumating ang paghahayag kay Joseph Smith habang binabasa niya ang mga banal na kasulatan at nagtatanong ng mga inspiradong tanong. Alam nating lahat na napasaatin ang maluwalhating Unang Pangitaing iyon dahil sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at sa mahahalagang tanong ng 14-anyos na batang ito. Kinailangan niyang malaman kung aling simbahan ang totoo, at umasa siya sa pangako sa Santiago na sasagutin ng Panginoon ang mga taos-pusong nagtatanong sa Kanya. Alam din ba ninyo na inihayag ang Bahagi 76 nang pagnilay-nilayin ni Joseph ang mga nakasulat sa Ebanghelyo ni Juan tungkol sa kaligtasan ng tao? Nakita niya sa pangitain ang mga antas ng kaluwalhatian. Sa katunayan, tinataya ng isang LDS scholar na:
“Mahigit 50 porsiyento ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ang natanggap sa panahong nauugnay sa inspiradong rebisyon ng Biblia. . . . May buhay na leksyon tayo sa mga ginawang pagsasalin ni Joseph Smith tungkol sa kung paano tumatanggap ng mga paghahayag; nang ituon ng Propeta ang kanyang sarili sa mga banal na kasulatan, naglabasan ang mga isyu at pag-uusisa at pagtatanong, na madalas na nagbibigay ng higit na liwanag at kaalaman sa mga Banal sa mga Huling Araw sa anyo ng mga napapanahong paghahayag” (Robert L. Millet, “Joseph Smith’s Translation of the Bible and the Doctrine and Covenants,” sa Robert L. Millet at Kent P. Jackson, inedit, Studies in Scriptures: Volume One, the Doctrine and Covenants, [1984], 1:139).
Sinundan ito ng mga paghahayag ng iba pang mga propeta. Inihayag ang Bahagi 138 kay Pangulong Joseph F. Smith nang pagnilay-nilayin niya ang mga isinulat ni Pedro tungkol sa daigdig ng mga espiritu.
Bawat isa sa atin ay may karapatan sa personal na paghahayag. Mga banal na kasulatan ang maaaring pinakamalawak nating mapagkukunan nito. Isang propesor sa BYU ang nagkuwento tungkol sa isang babaeng ginabayan ng Espiritu sa kanyang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sinabi ng propesor:
“Isang babae ang ginabayang malaman kung paano diringgin ang tinig ng Espiritu habang nagbabasa ng mga banal na kasulatan. Naturuan siyang lumuhod sa pagdarasal, pasalamatan ang kanyang Ama sa Langit para sa mga banal na kasulatan, hilinging makapilingniya ang Espiritu habang nagbabasa, at pagkatapos ay sabihin sa Panginoon kung ano ang kailangan niya mula sa mga banal na kasulatan sa araw na iyon—isang tanong na kailangang masagot, siguro ay patnubay sa isang relasyon, siguro ay pagtiyak sa isang desisyon. Pagkatapos ay bubuksan na niya ang kanyang mga banal na kasulatan . . . at magsisimulang magbasa. Kahit kailan ay hindi niya kailangang magbasa nang matagal . . . bago ibigay ng Espiritu ang hinahanap niyang kasagutan. Sa pamamagitan ng araw-araw na tanong-at-sagot na ito sa banal na kasulatan at sa Espiritu, tumalas ang pandamdam niya sa mga bulong ng Espiritu—at natutuhan niyang mahalin ang mga banal na kasulatan.”
“Naikuwento ko ang karanasan niya sa iba na sinubukan ding gawin iyon; nakakagulat ang mga resulta. Lahat ng problema, mula sa pera hanggang sa pakikipag-ugnayan ay nalutas. At sa prosesong ito, nadagdagan ang kakayahan nilang dinggin ang tinig ng Espiritu Santo” (“Let Your Spirit Take the Lead,” ni Wendy L. Watson, sa The Power of His Redemption: Talks from the 2003 BYU Women’s Conference [2004], 326).
Natutuhan ko ring mahalin at pagtiwalaan ang mga banal na kasulatan sa buhay ko. Mas mahalaga sa akin ang mga ito kaysa ginto. Hindi laging madali ang pagdating sa akin ng mga sagot, pero dumarating naman ang mga ito. Kung minsan kapayapaan at kapanatagan ang dumarating habang hinihintay kong maunawaan ang kalooban ng Panginoon o ang takdang panahon Niya. Noong maging ina ako, hinikayat ni Pangulong Spencer W. Kimball ang kababaihan ng Simbahan na “magpakadalubhasa sa mga banal na kasulatan” (“The Role of Righteous Women,” Ensign, Nob. 1979, 102). Kung may oras nga lang, masasabi ko sa inyo sa maraming paraan na nakatulong sa pagiging magulang ko ang pagsunod sa kanyang utos. Kung makikita ninyo ang buong banal na kasulatan ko, makikita ninyo ang mga pangalan ng mga anak ko na nakasulat sa gilid ng maraming talata na dahil sa paghahayag ay alam kong kailangan kong ibahagi sa kanila.
Gayundin, pinagpala ako ng mga salita ng Panginoon sa paglilingkod ko sa Simbahan. Noong una akong matawag bilang Young Women president binuklat ko ang mga banal na kasulatan. Naghangad ako ng kapanatagan at patnubay sa nadarama kong kakulangan at nakakalulang responsibilidad na mas malaki kaysa limitadong kakayahan ko. Ang mga kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa mga propeta at lider na nakadama ng kakulangan sa kanilang mga katungkulan ay nagdulot ng kapayapaan at nagturo sa akin na tinutulungan ng Panginoon ang Kanyang tinatawag.
Isang gayong propeta, si Enoc, ang nagsabing: “Bakit ako naging kalugud-lugod sa inyong paningin, at ako ay isang bata lamang, at kinamumuhian ako ng lahat ng tao; sapagkat mabagal ako sa pagsasalita; dahil dito, ako ba ay inyong tagapaglingkod?
“At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Humayo at gawin mo gaya ng aking ipinag-utos sa iyo. . . . Ibuka mo ang iyong bibig, at ito ay mapupuno, at akin kitang bibigyan ng sasabihin” (Moises 6:31–32). Nakadama rin ng kakulangan si Moises, at nangako ang Panginoon, “Ako’y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain” (Exodo 4:12). At tinanggap ni Jeremias ang pagpapalang ito: “Huwag kang matakot . . . : sapagka’t ako’y sumasaiyo upang iligtas kita . . . [At] inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig” (Jeremias 1:8–9).
Habang nag-aaral ako, may espesyal na ginhawang dulot ang mga pangakong ibinigay sa Tagapagligtas. Nadama ko na gusto ng Ama sa Langit na ihalintulad ko ang mga pagpapalang iyon sa sarili kong pangangailangan. “Binigyan ako ng Panginoong Dios ng dila ng nangaturuan, upang aking maalaman kung paanong aaliwin ng mga salita siyang nanglulupaypay” (Isaias 50:4). Itinuro ako ng banal na kasulatang ito sa isa pa na ginawa kong tema: “Sapagka’t bibigyan ko kayo ng isang bibig at karunungan, na hindi mangyayaring masalangsang o matutulan man ng lahat ninyong mga kaalit” (Lucas 21:15). Bawat araw sa nagdaang tatlong taon ay nagdarasal ako na magkaroon ng bibig at karunungan. Pinakamalaking hangad ko (at palagay ko’y siya mismong kakulangan ko) ang malaman kung ano ang gusto ng Panginoon na ituro ko—ang magkaroon ng karunungan—at pagkatapos ay maipahayag ang mensaheng iyon—ang magkaroon ng bibig. Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan natagpuan ko ang personal na paghahayag na gumabay at nagbigay-kapanatagan sa akin sa katungkulang ito. Ang mga salita ng Panginoon ay “pinipitang higit . . . kay sa ginto . . . [at] lalong mainam . . . kay sa pulot” sa buhay ko (Mga Awit 19:10).
Binibiyayaan Tayo ng Patotoo ng mga Banal na Kasulatan
Ang isa sa mga dakilang biyayang nasa atin bilang mga miyembro ng Simbahan ay ang makabagong banal na kasulatan na nagdaragdag ng patotoo na si Jesus ang Cristo at ipinanunumbalik ang kaganapan ng mga doktrina ng Kanyang ebanghelyo. Hinikayat tayo ng bawat isa sa mga propeta natin sa mga huling araw na basahin ang Aklat ni Mormon at ipamuhay ang mga tuntunin nito kaakibat ang pangako na maraming pagpapala ang darating sa ating buhay.
Palagay ko naman alam na nating lahat ngayon na noong Agosto hiniling ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa bawat miyembro ng Simbahan na basahin o muling basahin ang Aklat ni Mormon hanggang sa katapusan ng taong ito ng pagdiriwang. Bakit kaya ito ipinagagawa sa atin ng ating propeta? Bakit? Dapat nating itanong sa ating sarili: Ano ang dapat kong matutuhan? Paano pa ako lalong magpapakabuti? Saan ko kailangan ng tulong? Makakahanap tayo ng mga personal na dahilan at pangangailangan sa pagbabasang ito ng Aklat ni Mormon. At ipinangako sa atin ni Pangulong Hinckley na “darating sa inyo at sa inyong tahanan ang Espiritu ng Panginoon, na lalong magpapalakas sa paninindigan ninyong sundin ang Kanyang mga utos, at lalong magpapatatag sa patotoo na tunay na buhay ang Anak ng Diyos” (Isang Patotoong Buhay na Buhay at Tapat,” Liahona, Ago. 2005, p. 2).
Kasama ng Aklat ni Mormon ang Espiritu ng Panginoon. Mga kaibigan ko, literal na nakita nina Wilford at Kathleen Andersen, na naglingkod bilang mga mission president sa Guadalajara, Mexico, ang impluwensya ng Aklat ni Mormon. Nadama ni Sister Andersen sa huling taon nila sa misyon na dapat papag-aralin ang tatlong anak nilang lalaki sa bahay sa halip na sa pampublikong paaralan. Gayunman, kailangan niya ng tulong sa pagtuturo sa kanila ng Espanyol. Nagdasal siya na makakita ng angkop na magtuturo. Natagpuan niya si Irma Encinas na 20 taon nang guro at kalilipat lang sa bagong lungsod na ito. Dalawang beses sa isang linggo pumupunta si Irma Encinas para turuan ang mga bata.
Tatlong linggo bago magpasukan, natanto ni Sister Andersen na maaaring interesado ang nakuha niyang guro na dagdagan pa ang kaalaman nito tungkol sa Simbahan. Kaya ikinuwento niya rito ang tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon. At nagdesisyon si Sister Andersen na gawing kurikulum ang Aklat ni Mormon sa wikang Espanyol para sa kanyang mga anak. Bawat isa sa mga bata ay nagbasa nang malakas sa Espanyol sa mga banal na kasulatan sa bawat pagbisita. At sinabihan niya ang guro na tanungin ang mga bata tungkol sa nabasa nila at pasagutin sila sa Espanyol. Habang natututo ng Espanyol ang mga bata, natututo naman si Irma Encinas tungkol sa Aklat ni Mormon.
Pagkaraan ng Pasko, lumapit si Irma Encinas kay Sister Andersen at nagsimulang umiyak. Kailangan niyang sabihin dito ang nangyayari. Sa tuwing magbabasa raw ang mga bata mula sa Aklat ni Mormon nagliliwanag daw ang mukha nila. Kapag isinara na nila ang aklat, bigla raw naglalaho ang liwanag. Ipinagtapat niya na ang kapatid niyang nakatira sa kanya ay nakatanggap ng kopya ng Aklat ni Mormon 11 taon na ang nakalilipas, pero hindi pa nila ito nabasa. Dahil sa kakaibang karanasang ito kapwa nila hinanap ang naalikabukang libro sa kanilang aklatan. Gusto nilang matuklasan mismo kung ano ang liwanag na nagmumula sa aklat na ito. Tiyak kong alam na ninyo ang sumunod na nangyari sa kuwento. Sinimulan nilang basahin ang Aklat ni Mormon at hinangad na maturuan sila ng mga misyonero. Dalawang linggo makaraan ang una nilang talakayan sa misyonero, sila ay nabinyagan.
Ang Aking Patotoo
Ipinangako ni Pangulong Hinckley sa ating lahat ang liwanag ding iyon sa pagbabasa natin ng Aklat ni Mormon. Nabasa kong muli ang Aklat ni Mormon nitong nakaraang ilang linggo. Muli nitong pinagningas ang patotoong nag-aalab sa puso ko na si Jesucristo ang Manunubos ng daigdig. Halos bawat talata ay nagpapatotoo sa Kanya. Sabi ni Pangulong Boyd K. Packer, “Sa mahigit 6,000 talata sa Aklat ni Mormon, mahigit kalahati nito ang tuwirang patungkol sa Kanya” (sa Conference Report, Abr. 2005, 8; o sa “Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo—Malilinaw at Mahahalagang Bagay,” Liahona, Mayo 2005, p. 9).
Umasa ang mga tao sa Aklat ni Mormon sa Kanyang pagtubos, at nilingon ang Kanyang ulirang buhay at mapagtubos na kamatayan nang umaasa sa Kanyang Pagbabayad-sala. Matagal pa bago isilang si Cristo, isinulat ni Jacob: “Naniniwala ka ba sa mga banal na kasulatan? . . . Sapagkat tunay na nagpapatotoo ang mga ito kay Cristo. Masdan, sinasabi ko sa iyo na walang sino man sa mga propeta ang nagsulat, ni nagpropesiya, maliban sa nangungusap sila hinggil sa Cristong ito” (Jacob 7:10–11). At matagal nang naparito si Cristo nang isulat ni Mormon ang: “At ang mga bagay na nasa mga laminang ito ay nakasisiya sa akin, dahil sa mga propesiya tungkol sa pagparito ni Cristo; at nalalaman ng aking mga ama na marami sa mga ito ang natupad na” (Mga Salita ni Mormon 1:4). Napakalawak at kahanga-hangang pananaw ng pagsaksi. Sa pagbabasa ko, nalaman ko na natiis ng mga tao ang pasakit at pahirap at nadaig ang kasalanan at tukso dahil sa pananampalataya nila kay Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Alam ko na si Jesus ang buhay na Cristo. Nadarama ko na gusto kong awitin ang awit ng Kanyang mapagtubos na pag-ibig (tingnan sa Alma 5:26).
Gayundin sa muling pagbabasang ito ay nagsimula kong maunawaan ang kahalagahan ng mga lamina—ang mga laminang tanso, ang 24 na laminang ginto, at ang talaan ng mga Nephita sa malalaki at maliliit na lamina. Natanto ko na mas mahalaga pa kaysa ginto ang mga ito para kay Lehi at sa kanyang mga inapo. Pinapupunta tayo ni Alma sa kanyang tahanan—tulad ng gusto ko sanang gawin ngayong gabi—at pakinggan natin ang mga turo niya sa anak niyang si Helaman. Isinalaysay niya rito kung bakit napakahalaga ng bawat talaang ito. Ipinagkatiwala niya rito ang malaking responsibilidad hindi lang sa pangangalaga sa mga lamina at patuloy na pagsulat dito kundi maging sa pagtuturo ng mga katotohanang narito. Sabi niya, “Sapagkat kasintiyak na inakay ng tagagabay na ito (ang Liahona) ang ating mga ama, sa pamamagitan ng pagsunod sa pagkilos nito, patungo sa lupang pangako, na ang mga salita ni Cristo, kung susundin natin ang mga aral nito, ay dadalhin tayo sa kabila nitong lambak ng kalungkutan tungo sa higit na mainam na lupang pangako” (Alma 37:45).
Natanggap ko ang mga pangakong biyaya ni Pangulong Hinckley—dagdag na pagbuhos ng Espiritu, hangaring magsisi at mas tapat na sumunod, at patotoo sa katotohanang buhay ang Anak ng Diyos. Dalangin ko na gamitin ninyo ang panahong ito ng inyong kabataan sa pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan, na magpakita ng huwarang susundan ninyo habambuhay, na mag-anyaya ng personal na paghahayag sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at pag-aaral ng mga doktrina ni Jesucristo.
“Mahal ko ang Panginoon; ang aking kaluluwa ay nalulugod sa kanya (John Tanner, “I Love the Lord” [Jackman Music Corp., 2000], 2; tingnan din sa 2 Nephi 4:15–16). Alam ko na buhay ang Ama sa Langit at sapat ang pagmamahal Niya sa atin para kausapin Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang mga banal na kasulatan. Kasama ako ni Nephi sa pagpapatotoo na, “Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan” (2 Nephi 4:15). Pinatatag ng mga banal na kasulatan ang aking patotoo, itinuro sa akin ang mga katotohanan, ginabayan ako sa aking landas, at inalo sa aking mga kalungkutan—tulad ng alam kong gagawin din ng mga ito sa inyo. “Sa pamamagitan ng mga iyo’y mapagpapaunahan [ako]: sa pagiingat ng mga yaon ay [tumanggap ako ng] dakilang ganting-pala” (Mga Awit 19:11). [Ang mga ito] ay mga pinipitang higit kay sa ginto, oo, higit kay sa maraming dalisay na ginto: [at] lalong mainam kay sa pulot at sa pulot-pukyutan” (Mga Awit 19:10). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.