The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast Archives CES Fireside

Mga pagsisimula

Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan
CES Fireside para sa mga Young Adult • Mayo 7, 2006 University of Utah Institute of Religion

Pangulong James E. FaustSalamat po, President Price, sa magagandang sinabi ninyo. Minsa’y sinabi sa akin ni President Hugh B. Brown, “Okey lang na marinig ang mabubuting bagay na ito tungkol sa iyo, basta’t hindi ka lang hihinga.”

Apat na linggo na ngayong gabi nang madapa ako. Pagaling na ako; ngunit kailangan ko pang mag-ingat nang kaunti sa pagkilos. Inihahatid ko sa inyo ang pagmamahal at pagbati nina Pangulong Gordon B. Hinckley at Pangulong Thomas S. Monson. Mabuti naman ang kalagayan ni Pangulong Hinckley, mabuti naman. Sa tingin ko sa edad at kalagayan niya, ang lakas pa niya. Siyempre pa, nakakatuwa na talagang matalino at malakas at matalas pa ang isip niya.

Hindi ko hahabaan ang mensahe ko ngayong gabi. Mas gusto kong bigyan kayong mga kabataan ng pagkakataong magkasama-sama, at hinihikayat ko kayong gawin iyon. Bibigyan namin kayo ng espesyal na pahintulot ngayong gabi, at iyan ay kapag nagpaalam kayo sa isa’t isa sa pagtatapos ng gabi, puwede kayong magkamayan. Marami akong nakikitang napakagagandang dalaga at makikisig na binata, at gusto kong sabihin sa mga binata, “Buksan ninyo ang mga mata ninyo!” At sasabihin ko pa sa mga binata: “Kung kikilos kayo, ako na ang bahala sa pananampalataya.”

Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makapagsalita sa inyong mga estudyante at mga kasama ninyo ngayong gabi sa satellite broadcast na ito. Kasiyahan ko ring mabati ang mga miyembro ng institute faculty at mga lider ninyo, na karamihan ay maraming taon ko nang kakilala.

“Gusto kong gawing paksa ng aking pananalita ang bahagi ng mensahe ni Pablo sa mga taga Tesalonica: “Mga . . . minamahal ng Panginoon, [hinirang kayo] ng Dios buhat nang pasimula sa ikaliligtas sa pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan” (II Mga Taga Tesalonica 2:13). Dito’y sinasabi ni Pablo na kayo ay hinirang sa simula pa lamang. Maraming pagsisimula. Ang ilan sa inyo ay nagsisimula sa mahalaga ninyong pag-aaral sa kursong napili ninyo. Napakahalaga kung paano kayo nagsimula at saan kayo papunta. Sabi ni Pablo hinirang kayong maligtas “sa pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan.” Pag-usapan pa natin ang mga pagsisimula.

Ang Simula

Maaari itong maging pagsisimula para sa inyo ngayong gabi.

Noong binatilyo ako mahilig akong lumaban sa karera ng takbuhan sa hayskul at kalaunan ay sa unibersidad. Lagi kaming nag-eensayo para sa karera. Pinipilit naming tumakbo nang mas malayo kaysa tatakbuhin namin. Maingat kami sa pagpili ng kakainin. Marami kaming ginawa para makapaghanda sa mga kompetisyon. At sa mga maikliang takbuhan, mas mahalaga ang simula. Pinagbubuti namin ang aming tindig—at titingnan itong muli bago ipuwesto ang aming starting blocks. Isusuksok namin ang starting blocks sa graba, at pupuwesto na, at isa o dalawang beses aakmang tumakbo para makagamay. Ang totoo’y dalawa o tatlong beses naming ineensayo ang simula. Alam namin na kung hindi kami naghanda at nagpakahusay sa simula, wala kaming pag-asang manalo. Maganda ang payo sa atin ni Apostol Pablo: “Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, nguni’t iisa lamang ang tumatanggap ng ganting-pala? Magsitakbo kayo ng gayon; upang magsipagtamo kayo” (I Mga Taga Corinto 9:24). Siyempre pa, ang gantimpala ay buhay na walang hanggan.

Nalaman ko na sa anupamang tagumpay, ang pinakamahirap na bahagi ay ang pagsisimula. Sabi ng isang pantas, “Siya na nakapagsimula na, ay nangangalahati na sa gawain.”1 Ang aking ama ay isang abugado at hukom. Nang mag-abugado na ako binalaan niya ako, “Sa simula pa lang ay itumpak mo na ang mga pangangatwiran mo. Kung tama ang mga katwiran mo magiging mas maayos ang takbo ng buong kaso.”

Mga Bagong Pagsisimula

Nagpapasalamat ako sa lahat ng bagong pagsisimula. Bawat oras, bawat araw, bawat buwan, bawat taon ay maaaring maging isang bagong pagsisimula. Totoong bawat sandali ay isang pagkakataong magpakahusay.

Maganda ang payong ito sa atin ni Dale Carnegie: “Huwag matakot gawin ang pinakamainam na magagawa ninyo sa mukhang magagaan na trabaho. Tuwing makukumpleto ninyo ang isang gawain mas tumatatag kayo. Kung mahusay ang pagkagawa ninyo sa magagaan na trabaho, madali nang magagawa ang mabibigat.”

Mga Bagong Pagkakataon

Sa nagdaang ilang taon may mga kumpanyang nagsama-sama, nalugi, at nagkaroon ng iskandalo sa larangan ng pagnenegosyo. Dito sa Estados Unidos tiniis natin ang nakahihindik na mga pangyayari noong Setyembre 11 at mga epektong dulot nito. Nagkaroon tayo ng mga baha, buhawi, lindol, at iba pang kapinsalaan sa buong mundo. Ito’y panahon ng pag-iingat at pagpipigil. Subalit para sa sapat ang lakas ng loob, handang magbago, malikhain, at matalino, napakaraming pagkakataong tulad ng dati. May pagkakataong hatid ang bawat trahedya. Nang masunog ang laboratoryo ni Thomas Edison, agad niyang sinimulang itayo itong muli kinabukasan, at pinaganda pa ito.

Sa Leicester, England, may nakaukit sa labas ng dingding ng isang lumang simbahan na maganda ang sinasabi. Nakasaad doon: “Noong taong 1653 kung kailan lahat ng sagradong bagay sa buong bansang ito ay winasak o nilapastangan, itinatag ni Robert Shirley Baronet ang simbahang ito. Purihin siya na gumawa ng pinakamaiinam na bagay sa pinakamahihirap na panahon, at inasam na magawa iyon kahit nahihirapan.”2

Kung minsan kapag nahaharap tayo sa mga bagong pagsisimula, kailangang baguhin o iakma ang ating mithiin o desisyon kapag wala nang ibang pagpipilian. Halimbawa, maaaring hindi ka matanggap sa paaralan na gusto mo talagang pasukan, o wala nang bakante sa trabahong gusto mong pasukan o kaya’y iba ang piniling pakasalan ng taong mahal mo. Sa gayong mga pagkakataon mahalagang matanto na puwede ka pang makapili ng iba at maaari kang makapagsimulang muli. Tiyak na kapag nawala ang isang pagkakataon, may darating pang ibang pagkakataon.

Ilang batang kaibigan namin ang natutong magpatakbo ng negosyong pag-aaspalto sa pagtatrabaho nang ilang taon sa isang malaking kumpanyang nag-aaspalto. Mukhang wala silang pagkakataong mamahala at maging kasosyo sa kumpanyang iyon, kaya nagpasiya silang magbukas ng sarili nilang kumpanya. Siyempre pa may malalaking balakid. Isa na rito ang limitadong puhunan. Kailangan nilang manghiram ng pera para sumapat ang kanilang puhunan. Kailangan din nilang kumita nang sapat para mabayaran ang interes sa utang. Humingi sila ng payo sa isang tiyuhing nagtagumpay sa negosyo, at sabi nito sa kanila: “Pagkakataon na ninyo ito. Wala nang mas magandang pagkakataong darating. Ang maipapayo ko ay kumilos na kayo.” Kumilos nga sila, at sa maingat at mahusay na pamamahala sa limitado nilang puhunan, nasimulan nila ang negosyo at nagtagumpay nang husto sa unang taon.

Mahal kong mga batang kaibigan, ang taong 2006 at bawat taon ay may mga bagong pagkakataon. Ibinatay ni Charles Dickens ang aklat niyang A Tale of Two Cities sa pambungad na ito: “Iyon ang pinakamainam na panahon, at pinakamasama; iyo’y panahon ng katalinuhan, at ng kahangalan, iyo’y panahon ng paniniwala, at ng pag-aalinlangan, iyo’y panahon ng Liwanag, at ng Kadiliman, noo’y sumibol ang pag-asa, na naglaho rin dahil sa taglamig, nasa atin na ang lahat, pero nawala rin ang lahat sa atin.”

Ang Tapang na Magbago

Walang bagay na permanente. Lahat ay nagbabago. Kailangan natin ng tapang upang magawa ang kailangang mga pagbabago sa ating buhay. Iminungkahi ng mapag-isip na pilosopong si Bruce Barton: “Bawat pagkilos ay may bunga, bawat pagkati ay may pag-apaw, bawat pagsubok ay may pagkakamali, pagbabago—ganito ang takbo ng buhay. Dahil sa labis na tiwala natin, natatakot tayo; dahil sa takot, higit tayong nakakaunawa, nagkakaroon ng bagong pag-asa. At dahil sa pag-asa, tayo’y umuunlad.”3

Sa mga marunong makibagay, yumukod, magpakumbaba, at magpakahusay, malaki ang pagkakataon. Kung minsan kailangan natin ng lakas na huwag padaig sa ating takot. Kailangan dito ang tapang.

Sabi ni Nehru, ang dakilang lider ng India: “Walang anumang buhay sa mundo na nananatiling permanente. Nagbabago ang buong Kalikasan araw-araw at minu-minuto, patay lang ang tumitigil sa paglaki at nananahimik. Ang tubig-tabang, kung inyong pipigilan sa pag-agos, ay babaho. Gayon din ang buhay ng lalaki [at ng babae] at ng bansa.”4

Mga Bagong Espirituwal na Pagsisimula

Dahil ang espiritu ang pinakamahalagang buod ng lahat ng ginagawa ng tao, lubhang mahalaga na madalas at regular tayong magpanibago sa espirituwal. Dapat natin itong gawin linggu-linggo sa pakikibahagi ng sakrament. Ang bawat linggo ay nagbibigay sa atin ng mga bagong pagkakataong magpakabuti, matuto, at magkaroon ng mga bagong kaibigan. Maaari nating samantalahin ang mga bagong hamon sa gawaing misyonero sa ating mga kaibigan at kapitbahay. Bawat araw ay nagbibigay sa atin ng bagong pagkakataong pag-aralan ang mga banal na kasulatan.

Nais kong magmungkahi ng anim na panimula at mahahalagang hakbang na lubhang maglilinis sa araw-araw na pagdaloy ng “tubig na buhay” mula sa mismong pinanggagalingan ng bukal, maging ang Tagapagligtas Mismo.

Nagbigay ng anim na mahahalagang hakbang si Pangulong Faust upang matiyak ang araw-araw na espirituwal na pagpapanibago at lakas na harapin ang mga hamon: (1) makipag-ugnayan sa Ama sa Langit sa panalangin, (2) maglingkod nang hindi iniisip ang sarili, (3) pag-ibayuhin ang pagsunod at pagiging perpekto, (4) kilalanin ang Kanyang kabanalan, (5) pag-aralan ang mga banal na kasulatan, at (6) kumilos.

1. Magkaroon ng araw-araw na komunikasyon sa pagdarasal. Ang maalab at taimtim na pagdarasal ay sagutang komunikasyon na malaki ang magagawa para padaluyin ang Kanyang Espiritu na parang tubig na nagpapagaling upang makatulong sa kinakaharap nating mga pagsubok, paghihirap, pighati, at pasakit. Ano ang kalidad ng ating mga lihim na pagdarasal kapag Siya lamang ang nakikinig? Kapag nagdarasal tayo, dapat nating isipin na nariyan lamang Siya; puno ng kaalaman, pag-unawa, pagmamahal, at habag; ang buod ng kapangyarihan, at malaki ang inaasahan sa bawat isa sa atin.
2. Magbigay ng araw-araw na di-makasariling paglilingkod sa iba. Ang mga alagad ng banal na Cristo ay dapat hatulan ayon sa kanilang ginagawa sa halip na sa taimtim na mga pagpapahayag ng paniniwala. Ang tunay na sukatan ng paglilingkod ay matatagpuan sa Mateo: “Yamang inyong ginawa sa isa dito . . . ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40). Ang mga taong mas iniisip ang iba kaysa sarili nila at naglilingkod sa iba ang pinakamasasayang tao sa tuwina. Tunay, tulad ng minsang sinabi ng isang pantas, “Ang taong nabubuhay nang mag-isa at para sa sarili ay malamang na mapahamak sa kanyang sarili.”5
3. Magpunyagi araw-araw na mapag-ibayo ang pagsunod at pagiging perpekto sa buhay. Ibig sabihin ay dapat tayong magpunyagi araw-araw na sundin ang mga utos ng Diyos. Ibig sabihin ay mag-ingat tayo sa ating iniisip at ginagawa at “sikaping tularan si Jesus” sa araw-araw, sabi nga sa awit sa Primary.6 Dahil sa perpektong Pagbabayad-sala ni Jesus, maaaring maging perpekto ang mga taong matwid (tingnan sa D at T 76:69). Ipinayo ni Jesus Mismo, “Anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27).
4. Araw-araw na kilalanin ang Kanyang kabanalan. Para magkaroon ng araw-araw at personal na kaugnayan sa Panginoon, dapat tayong maging mga disipulo Niya at kilalanin natin ang Kanyang kahalagahan sa ating buhay. Tulad ng paalala sa atin ni Haring Benjamin, “Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?” (Mosias 5:13).
5. Araw-araw na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Kailangan dito ang pagpaplano at disiplina, ngunit ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay magpapatibay sa ating pananampalataya at tutulong sa atin na maipamuhay ang ebanghelyo. Sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Natuklasan ko na kapag naging pabaya ako sa pakikipag-ugnayan ko sa Diyos at tila walang taingang banal na nakikinig at walang naririnig na tinig mula sa Diyos, na napakalayo ko. Kung magpapakabusog ako sa banal na kasulatan ang puwang ay kumikitid at bumabalik ang espirituwalidad.”7
6. Kumilos. Nahilig tayong manood dahil sa telebisyon. Libre nating napapanood sa ating tahanan ang pinakamagagandang paligsahan sa palakasan sa daigdig. Ang pinakamagandang musika ay napapakinggan natin sa mga istasyon ng radyo at telebisyon. Naririnig natin ang pagtugtog ng biyolin ni Itzak Perlman. Naririnig natin ang mahusay na tenor na si Pavarotti sa pagkanta ng mga paborito ni Caruso: “Torna a Surriento,” “La donna e mobile,” “Questa o quella,” at napapanood ang kanyang pagtatanghal. Gayunman, kakaunti o wala tayong kahirap-hirap sa panonood. Tulad ng sabi ni Apostol Santiago, kailangang maging “tagatupad [tayo] ng salita, at huwag tagapakinig lamang” (Santiago 1:22).

Ang ipinag-aalala ko ay naging henerasyon na tayo ng mga mapamintas. Mas mapagbibigyan ko ang patuloy na nagsisikap kahit madapa kaysa sa mga taong hindi man lang nagsikap. Ganito ang sabi ni Theodore Roosevelt tungkol sa mga mapamintas at mga nagsisikap: “Hindi pinahahalagahan dito ang mapamintas; hindi ang taong pumupuna sa pagkakamaling nagawa ng taong matatag, o saan pa dapat pagbutihin ng isang tao ang kanyang ginagawa. Ang papuri ay nararapat ibigay sa taong naroon mismo sa labanan, na ang mukha ay narumihan at pawisan at duguan; na magiting na nagpunyagi; na nagkamali, at paulit-ulit na nabigo, dahil walang nagsikap na hindi nagkamali o nabigo; ngunit talagang nagpupunyaging gawin ang mga gawain; na malaki ang kasabikan, dakila ang katapatan; na nag-uukol ng oras sa paggawa ng kabutihan; na sa huli ay nagalak sa malaking tagumpay, at kung mabigo man ay nabigong nagsisikap nang husto, upang hindi siya matulad sa mga taong sobra ang takot na magsikap at hindi dumanas ng tagumpay o kabiguan.”8

Buong buhay akong namuhay sa isang larangang hindi ko kinailangang makibaka sa mga problema sa buhay. Natutuhan ko sa karanasang ito na ang buhay ay mas ganap at makabuluhan at maganda para sa mga taong hindi takot magsimulang muli. Nalaman ko rin sa karanasan na kakaunti ang henyo, na karamihan sa malalaking gantimpala sa buhay ay dumarating sa mga nakapaghandang mabuti. Ang paghahanda at katatagan ay mas mahalaga kaysa katalinuhan. Buong pag-unawang sinabi ni Herbert George Wells, “Ang nakaraan ay simula lamang ng isang simula, at lahat ng nangyayari at nangyari na ay simula lamang ng maaaring mangyari.”9

Kailan lang ay dumalo ako sa isang stake conference. Bago nagsimula ang ibang mga miting ng kumperensya, nag-usap kami nang sarilinan ng stake president, na nais talakayin ang isang problema niya sa isa sa kanyang mga high councilor. Mga 10 taon na ang nakararaan nakagawa ng mabigat na kasalanan ang high councilor na ito, at ang parusa ay pagkatiwalag. Hindi nagtapat ang high councilor kahit kailan. Gayunman, kahit hindi nakapagtapat at ayaw maparusahan dahil doon, ginawa ng high councilor ang lahat ng magagawa niya para ituwid ang pagkakamali at mamuhay sa paraang matatamasa niya ang mga pagpapala ng Simbahan. Hindi nalaman ng stake president ang pagkakasala mula sa high councilor kundi sa ibang tao na pinapangako ang stake president na ilihim ito. Napilitan ang stake president na ilihim ito.

Sa isang pulong pampubliko kung saan naroon ang high councilor, nagsalita ang stake president tungkol sa pagsisisi. Sa isang tao lang niya talaga pinatutungkol ang kanyang mensahe—sa high councilor na iyon—na nagsusumamo at nanghihimok na kusa siyang lumapit, magtapat, at magsimulang magsisi.

Naawa ako sa high councilor dahil kung lumapit lang siya noong unang mangyari iyon, naayos na sana niya ang lahat ng problema niya ngayon. Nakapagsimula na sana siyang muli. Ngunit kung hindi siya magtatapat at magkukusang tanggapin ang parusa, hindi siya makapagsisimulang muli. Natitiyak ko na ang pagsisisi ay isa sa mga dakilang alituntunin ng ebanghelyo. Walang sinumang perpekto, at dapat nating alalahanin paminsan-minsan ang alituntuning ito. Gayunman, sa mga nakagawa ng mabibigat na kasalanan, nakapagliligtas ng buhay ang alituntuning ito. Kapag mas matagal tayong tumahak sa maling landas, mas mahihirapan tayong bumalik at tumahak sa tamang landas.

Nais kong magpasalamat sa nakapagtutubos na mga alituntunin ng nakalulugod na ebanghelyo ng kapayapaan. Ang mga alituntuning itinuro ni Jesus ay para sa ating lahat. Sa pamumuhay natin ng mga alituntuning ito, magkakaroon tayo ng tiyak na patotoo tungkol sa kabanalan ng gawaing ito. Naniniwala ako, tulad ng sabi ni Pablo, na kayo ay minamahal ng Panginoon at sa simula pa lamang ay tunay kayong hinirang sa kaligtasan (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:13). Ayon sa turo ni Alma, may mga banal tayong tungkuling “inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig” (Alma 13:5). Kasama rito ang paglilingkod ng misyonero, pagiging ina, pagiging ama, at paglilingkod sa Simbahan.

Ngayon ay pribilehiyo at pagpapala kong iwan sa inyo ang aking patotoo at basbas. Ginagawa ko ito bilang isa sa mga natatanging saksi, na nagpapahayag sa inyo nang may buong paniniwala ng aking pagkatao at ng bawat himaymay ng aking katawan, mula ulo hanggang paa, na si Jesus ang Cristo at Manunubos ng daigdig at ating Tagapagligtas, ang pinuno ng Simbahang ito. Alam ko na Siya ay malapit sa pamunuan ng Simbahang ito. Alam ko na ang Kanyang espiritu ay para sa bawat isa sa ating lahat at sa ating mga tungkulin. Siya ay buhay. Walang alinlangan iyan. Makapagpapatotoo ako sa gayunding paniniwala at katiyakan tulad ng kapatid ni Jared. Nang makita niya ang daliri ng Diyos, nasusulat, na hindi na siya naniwala, dahil alam na niya (tingnan sa Eter 3:6, 19).

Alam ko, at nagpapatotoo ako sa mga salita ni Pedro. Nang nangagsisitalikod na ang mga banal at nawalan ng pag-asa ang Tagapagligtas at sinabi sa Labindalawa, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?” Sagot ni Pedro: “Kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan. At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw [ang Cristo,] ang Banal [na Anak] ng Dios” (Juan 6:67–69). Sa pamamagitan at tulong ng awtoridad ding iyan, sumasaksi ako sa Kanyang kabanalan at pagkatao. Alam ko ito nang may katiyakang higit pa sa kaalamang dumarating sa pamamagitan ng ating paningin, sapagkat ipinaalam ito sa atin ng Espiritu nang may higit na katiyakan kaysa sa pisikal nating mga pandamdam.

Gusto kong iwanan sa inyo ang basbas ng isang apostol, kayong kahanga-hangang mga kabataan, kayong mga tao ng pangako, at dalangin ko na ihahanda ninyo ang inyong sarili para sa inyong dakilang tadhana, na mananatili kayong malapit sa mga alituntunin ng kabutihan at katotohanan, at gabayan kayo ng Banal na Espiritu na may pangako ng Espiritu Santo na alam na ninyo, na sa pamamagitan at tulong ng kapangyarihang iyon ay malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay. May mas dadakila pa bang pangako sa isang estudyante kaysa riyan—na tamasahin ang pagpiling ng Espiritu Santo? Iniiwan ko sa inyo ang basbas na iyon at dalangin kong bantayan kayo ng ating Ama sa Langit sa lahat ng inyong ginagawa at gabayan ang inyong mga hakbang sa landas ng katotohanan at kabutihan, upang maging matalino kayo nang higit sa inyong edad, at pahalagahan ninyo ang inyong dakilang tadhana at dakilang pangako. Iniiwan ko sa inyo ang patotoo at mga basbas na ito sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.

Mga Tala

1. Horace, Epistles, aklat I, liham ii, linya 40.

2. Ukit sa kanlurang pintuan ng The Church of the Holy Trinity sa Staunton Harold Chapel Leicestershire, England; tingnan sa www.boultbee.freeserve.co.uk/bfh/shc.htm.

3. Sa The International Dictionary of Thoughts (1969), 117.

4. Jawaharlal Nehru, sa International Dictionary of Thoughts, 118.

5. Charles Henry Parkhurst, sa International Dictionary of Thoughts, 659.

6. “Sinisikap Kong Tularan si Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 40.

7. “What I Hope You Will Teach My Grandchildren” (mensahe sa mga tauhan ng seminary at institute, Brigham Young University, Hulyo 11, 1966), 6; tingnan din sa The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball (1982), 135.

8. Mensahe sa Sorbonne, Paris, France, Abr. 23, 1910, sa “Citizenship in a Republic,” kab. 21 ng The Strenuous Life, tomo 13 ng The Works of Theodore Roosevelt (pambansang edisyon, 1926), 510.

9. The Discovery of the Future (1901).

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy