The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast Archives CES Fireside

Pananampalataya at mga Gawa sa Isang Sekular na Daigdig

Bishop Keith B. McMullin
Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric
CES Fireside para sa mga Young Adult • Nobyembre 5, 2006 • Brigham Young University

Bishop Keith B. McMullinMahal kong mga kapatid, kayganda ninyong tingnan, na nagmula sa iba’t ibang katayuan sa buhay at iba’t ibang bahagi ng bansa. At isipin na lang na tayo ay nagtitipon sa lahat ng dako ng mundo. Mula ngayon hanggang sa muling maibrodkast ang mga kaganapang ito, magtitipon ang mga young adult sa buong Simbahan at makikibahagi sa kaganapang tulad nito. Kamangha-mangha talaga.

May kagila-gilalas na pangyayari sa pangkalahatang kumperensya noong nakaraang buwan. Para sa karamihan sa mundo hindi ito napansin, ngunit para sa mga nakaaalam at nagmamahal sa katotohanan ito’y di malilimutan tulad ng ugong ng 10,000 kulog.

Isipin ninyong muli ang huling sesyon. Mula sa Tabernacle Choir ay narinig natin ang pamilyar na himig:

Salamat, O Diyos, sa aming propeta;
Sa huling araw patnubay Siya.
Salamat sa gawad N’yong ebanghelyo
Na s’yang aming liwanag dito.1

Biglang-bigla, ang mga lalaki at babae, mga bata na nakatipon sa Conference Center ay tumayo nang may pitagan at pasasalamat sa mga biyayang binanggit sa himnong ito. Tumayo tayo sa pagkilala na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naibalik, na ang Diyos Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nagsalita mula sa kalangitan, na si Joseph ay propeta noon, at si Pangulong Gordon B. Hinckley ang propeta ng Panginoon ngayon sa lupa.

Nakaaantig ang espirituwal na karanasang iyon. Iyon ang oras na ang mga mamamayan ng kaharian ng Diyos, sa pagkilos ayon sa impluwensya ng Espiritu Santo, ay nanindigan sa kanilang pananampalataya!

Noong umaga ng araw na iyon si Pangulong Hinckley ay magiliw at buong pasasalamat na nagsalita tungkol sa kanyang katandaan at kalusugan. Palaging halimbawa ng katapatan, muli niyang inilaan ang kanyang buhay sa mga layunin ng Panginoon. Sabi niya:

“Pinayagan akong mabuhay ng Panginoon; hindi ko alam kung gaano katagal. Ngunit gaano man katagal, patuloy kong gagawin ang lahat sa abot ng aking makakaya sa tungkuling ibinigay sa akin. . . .

“. . . [Magpapatuloy kami] hangga’t nais ng Panginoon. . . . Kapag kailangan na akong palitan, magiging maayos ang pagbabago at naaayon sa kalooban Niya na may-ari ng Simbahang ito. Kaya’t susulong tayo sa pananampalataya—at pananampalataya ang paksang gusto kong talakayin ngayong umaga.”2

Ang kanyang mensahe ay napapanahon at inspirado. Ito’y parang espirituwal na paalala kung ano talaga ang buhay at kung paano malalampasan ng mga anak ng Ama sa Langit ang bawat balakid. Dumating ito sa mundong nakalublob sa kamunduhan, kawalang paniniwala at kasalanan.

Sekularismo

Ang edukasyon sa mga sekular na paksa ay nakapag-aambag ng malaki sa ikabubuti ng ating mundo. Ang pinakamataas na antas ng sekular na pagkatuto ay lalong lumalaganap sa kapaligirang may kabutihan, moral na responsibilidad, espirituwal na katotohanan at pananampalataya.

Marami ang pumupuri ngayon sa mga sekular na lipunan. Ang mga tao at bansa ay nagmamalaki sa pagiging sekular, sa pagtutuon sa “mga makamundong bagay o [sa] mga bagay na hindi itinuturing na relihiyoso, espirituwal, o sagrado.”3

Sa karamihan sa mundo sa ngayon ang sekularismo ay mahalaga sa balanse, makatarungan, at maayos na pamamahala. Kaya’t ang pahayag ukol sa relihiyon ay hindi hinihikayat sa mataong lugar, ang karapatang pantao ay nakasalalay sa mga korte at prosesong lehislatibo, at ang mga lalaki at babae ay agad naghahanap ng kalutasan at kabayaran sa pamamagitan ng paghahabla. At ang matindi, binabalewala ng sekularismo ng lipunan ang konsepto ng buhay na walang hanggan, iniisip na lahat ng bagay ay sa mundong ito lamang, at bilang bunga ay naniniwala sa gawa na walang pananampalataya.

Kailangan ng pag-iingat at pagsisikap upang maging mga lalaki at babaing may pananampalataya sa sekular na daigdig. Kapag napuno ng kamunduhan, likas sa tao ang “magtiis muna, bago maawa, pagkatapos ay yakapin ito.”4 Ganito ang mga resultang isinususog ng sekularismo sa mga tao ngayon.

Dahil hindi sumasampalataya kay Cristo bilang Manunubos ng sangkatauhan, ang sekular o likas na daigdig na ito ay humuhubog ng mga lalaki at babaing “mayayabang, laging iniisip ang sarili, mahilig makipagkumpetensya, ayaw magbago, masyadong independyente, itinutulak ng mga hangarin, gana o pagkagusto, [at] ng katanyagan. . . . Sa pangkalahatan, ang likas na tao ay isang nilikhang hindi natubos, isang nilalang na lumalakad . . . sa liyab ng kanyang sariling apoy . . . [tingnan sa 2 Nephi 7:10–11]. Ang gayong tao ay sanay na sa likas na katangian ng mga bagay na nakapaligid sa kanya, taglay ang mga gawi at pag-uugaling mula sa makasalanang mundo.”5 Sa madaling sabi: “Ang lahat ng tao na nasa likas na kalagayan . . . ay walang Diyos sa daigdig” (Alma 41:11).

Dahil karaniwang balewala sa sekularismo ang pananaw sa kawalang hanggan, maaari itong humantong sa kawalan ng pananampalataya. Sa mga salita ni Wolfhart Pannenberg, propesor ng teolohiya sa University of Munich:

“Ang pagiging sekular ng mga tao ang nagpaparupok sa pagtitiwala ng mga Kristiyano sa katotohanan ng kanilang pinaniniwalaan. . . .

“Sa sekular na kapaligiran, maging ang munting kaalaman sa Kristiyanismo . . . ay nawawala. Hindi na ito tungkol sa pagtalikod sa mga turong Kristiyano; maraming tao ang halos walang alam kung ano ang mga turong ito. . . . Ang mas malawak na kamangmangan ukol sa Kristiyanismo ay mas matinding pagkalaban sa Kristiyanisno. . . .

“. . . Ang kahirapan ay mas pinalalala ng pag-uugnay ng kultura sa mismong ideya ng katotohanan. . . . Sa paningin ng marami, . . . ang mga doktrinang Kristiyano ay opinyon lamang na maaari o maaaring hindi mapagtibay batay sa kagustuhan ng tao, o depende kung tungkol ito sa mga personal na pangangailangan. . . .

“. . . Ang masyadong sekular na kaayusan ng lipunan ay pinagmumulan ng damdamin ng kawalang-kabuluhan.”6

Ang pananampalataya kay Cristo ay napapalitan ng pananampalataya sa tao. Sa pampublikong usapan at sarilinang pag-iisip, ang mga tanong na saan tayo nanggaling, saan tayo pupunta pagkatapos ng buhay, at ano ang namamahala sa buhay na ito ay hindi lamang isinasantabi, kundi itinuturing pang walang kaugnayan. Ang ganitong kawalan ng paniniwala ay nagiging malaking trahedya.

Alam ng Ama sa Langit na mangyayari ito. Ang Panunumbalik ng ebanghelyo ay muling nagpaningas sa pananampalataya kay Jesucristo bilang Manlilikha, Tagapagligtas, at Manunubos. Ibinalik nito ang wastong pang-unawa sa mga layunin ng buhay. Noong 1831 sinabihan ang mga anak ng Ama sa Langit na:

“Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan; . . .

“Nang ang pananampalataya . . . ay maragdagan sa mundo” (D at T 1:17, 21).

Bago pa inilatag ang mga pundasyon ng daigdig na ito, bago pa itinakda ang pag-ikot ng mga planeta at bituin sa sansinukob, ang mga lalaki at babae ay nangabuhay at nagsikilos at nagkaroon na ng pagkatao (tingnan sa Mga Gawa 17:28). Ang sekular na kaisipan na ang buhay ay biology lamang ay nagtatatwa sa mahalagang katotohanan, na batid naman ng kalooban ng bawat kaluluwang nabubuhay, na ang “Tao rin noon sa simula ay kasama ng Diyos” (D at T 93:29; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang katotohanang ito ay walang pagbabago at hindi mapasisinungalingan.

Ang malaparaisong Eden, pati ang ating mga unang magulang, sina Adan at Eva, ay dumating pagkatapos niyon upang ang tao sa mga mortal na karanasan at Pagtubos ni Cristo sa buhay ay maging kumpleto, ganap, at perpektong nilalang. Ang panahon ng mga patriyarka, ang makalangit na pagparito ng ating Tagapagligtas at ang Kanyang walang kapantay na Pagbabayad-sala sa kalagitnaan ng panahon, at “ang mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay” (Mga Gawa 3:21), na nagsimula noong 1820, ang nagtakda ng panuntunan kung saan minsan pa ay mapamamahalaan ng mga lalaki at babae, at mga bata ang kanilang buhay at kapaligiran sa pamamagitan ng “pananampalataya sa Panginoong Jesucristo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4).

Mahal kong mga batang kaibigan, kayo ay nasa gitna ng sama-samang kaganapang ito sa mundo. “Ang nakalipas ang pasimula, at paparating pa lamang ang mangyayari.”7 Ang maaaring mangyari, na kailangang mangyari ay bawasan ng inyong pananampalataya at kaakibat na mga paggawa ang kawalan ng pananampalataya. Ito ang inyong papel sa buhay. Ito ang inyong sagradong tungkulin.

Ang mga Sukatan ng Pananampalataya

Sinabi ng ating Guro, “Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, . . . sa inyo’y hindi may pangyayari” (Mateo 17:20). Ipinaalala sa atin ni Pangulong Hinckley:

“Pagkatapos ng lahat, ang tanging tunay na yaman ng Simbahan ay nasa pananampalataya ng mga miyembro nito.”8

“Sa patuloy na gawain ng dakilang layuning ito, dagdag na pananampalataya ang talagang kailangan natin. Kung wala ito, hindi susulong ang gawain. Sa pamamagitan nito, walang sinumang makapipigil sa pag-unlad nito.”9

Ang gayong pananampalataya ay higit pa sa pag-uugali, higit pa sa paniniwala, higit pa sa patotoong alam at nadarama ng isang tao. Ang tunay na pananampalataya, na binanggit ng ating mahal na propeta, ay nagbubunga ng kabutihan sa buhay na ito at kaligtasan sa kabilang buhay. Nakasentro ito sa tunay at buhay na Diyos at kay Jesucristo na Kanyang isinugo (tingnan sa Juan 17:3). Nakasalig ito sa katotohanan, at nauna rito ang kaalaman, at ginawang ganap ng mga gawa. Dahil dito nauunawaan at kumikilos ang mga tao ayon sa dapat gawin ng mga anak ng Ama sa Langit. Ang “pananampalatayang ito . . . ang unang dakilang namamayaning alituntunin [na nagbibigay sa atin] ng kapangyarihan, pamamahala, at awtoridad”10 kung paano tayo nag-iisip, kumikilos, at anong uri tayo ng kalalakihan at kababaihan.

Ibinigay sa atin ni Apostol Santiago ang pormula sa gayong uri ng pananampalataya:

Ano ang pakinabang . . . ng isang tao kung sabihin niyang siya’y may pananampalataya, ngunit wala namang ginagawa? . . .

Oo, maaaring sabihin ng isang tao, ipakikita ko sa iyong may pananampalataya ako kahit wala akong ginagawa; ngunit sinasabi ko, Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalataya na walang ginagawa, at ipakikita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking ginagawa. . . .

. . . Ang pananampalatataya na walang ginagawa ay patay, sa kanyang sarili. . . .

Nakikita mo ba kung paanong ang mga gawa ay napupuspos . . . ng pananampalataya, at sa pamamagitan ng mga gawa ang pananampalataya [ay] ginawang ganap? (Tingnan sa JST, James 2:14–15, 17, 21).

Lagi nating naririnig ngayon ang tungkol sa mga sukatan. Ang sukatan ay “pamantayan ng kahusayan [o] tagumpay . . . kung saan sinusukat o hinahatulan ang katulad na mga bagay.”11

May apat na sukatang makakatulong sa atin para malaman kung ang pananampalataya natin kay Cristo ay “ginagawang ganap” ng ating mga gawa. Ang mga sukatang ito ay: (1) ang ating mga pagpapasiya, (2) ang katapatang ipinakikita natin, (3) ang gawi nating sumunod, at (4) ang ating paglilingkod. Hayaan ninyo akong magpaliwanag.

Ang Ating mga Pagpapasiya

Una, ang sukatan ng pagpapasiya. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay—”naniniwala sa pagiging matapat, tunay, malinis, mapagkawanggawa, marangal. . . . Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Isipin ninyo ang isang elder, na tatawagin nating Bill. Natutuhan niya ito sa Primary. Naniwala siya rito noon; naniniwala siya rito ngayon. Gayunman, may pagkakataon na nalantad siya sa pornograpiya. Naakit siyang mabuti at nalulong. Pagkatapos ng bawat engkuwentro sa maruming bagay na ito, nagsawa na si Bill, nakadama ng pagkahiya at kawalang-kabuluhan.

Dumalo si Bill sa pangkalahatang kumperensya ilang linggo na ang nakararaan. Sa sesyon sa priesthood, narinig niyang sinabi ni Pangulong Hinckley:

“Bawat lalaki o batang nasa malaking kongregasyong ito ngayong gabi ay mapagbubuti ang kanyang buhay. At kailangang mangyari iyan. Tutal, taglay natin ang priesthood ng Diyos. . . .

“Kaakibat ng priesthood na ito ang malaking obligasyon na maging karapat-dapat dito. Hindi tayo maaaring mag-isip ng kahalayan. Hindi tayo dapat makibahagi sa pornograpiya. Kailanman ay hindi tayo dapat gumawa ng anumang uri ng pang-aabuso. Kailangang magapi natin ang mga bagay na ito. “Bangon, O kalalakihan ng Diyos!” at talikuran ang mga bagay na ito, at ang Panginoon ang inyong magiging gabay at katuwang.”12

Nagdesisyon si Bill, “Panahon na para manindigan ako sa aking pananampalataya!”

Nagpunta siya sa tagong lugar na iyon, kinuha ang mahahalay na retrato, bulgar na pelikula at literatura, at sinira ang mga ito. Inalis niya sa kanyang library ang maiingay, magaralgal na musika at malalaswang salita. Inalis niya sa kanyang kompyuter ang lahat ng tungkol sa pornograpikong mga site, nag-install ng protective filter, at inilagay ang kanyang kompyuter sa makikita ng marami para maging matatag siya at hindi na ulitin pa ang kanyang kasalanan.

Inamin ni Bill ang kanyang kasalanan sa Diyos. Taimtim siyang nagdasal na magkaroon ng lakas na magsisi, na tanggalin ang kasamaang ito sa kanyang buhay. Humingi siya ng tulong sa kanyang bishop at mga mahal sa buhay. Sa kanyang kagipitan, nadama ni Bill ang payapang katiyakan na, “Anak ko, nasa tamang landas ka.” Ang kanyang pananampalataya, dahil sa kanyang mga gawa, ay pinagtibay at pinalakas.

Marami pang dapat gawin. Nariyan ang pag-aayuno, panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at maraming luha. Ang mabuting bishop ay magbibigay ng kinakailangang tulong. Ang katapatan at mga dalangin ng mga magulang at mahal sa buhay ay magbibigay ng kinakailangang tulong. Gayunman, ipinakikita ng sukatan: Si Bill ay nagsisimulang manampalataya tungo sa pagsisisi—tama ang kanyang naging pasiya!

Ang Katapatang Ipinakikita Natin

Ikalawa, ang sukatan ng katapatan. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay—”naniniwala sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos.

“Naniniwala kami sa literal na pagtitipon ng Israel at sa pagpapanumbalik ng Sampung Lipi; na ang Sion (ang Bagong Jerusalem) ay itatayo sa lupalop ng Amerika” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9–10) at na lahat ng lalaki at babae ay “[tinawag] ng Diyos sa pamamagitan ng propesiya” at banal na karapatan para maisakatuparan ito (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5).

Ang tunay na katapatan ay kakabit ng mga banal na layuning pinakilos na bago pa man maitatag ang mga pundasyon ng mundong ito. Kabilang rito ang mabubuting ninuno at inalay ang kanilang buhay sa ikatataguyod ng mga layunin ng Ama sa Langit. Pinagkatiwalaan tayo na isusulong ito, na ipagpapatuloy natin ang kanilang mga pinagpaguran.

Ngayo’y narito ang isang kuwentong pamilyar sa ilan sa inyo:

Noong 1856 sina Robert at Ann Parker kasama ang kanilang apat na anak ay naglakbay mula England para umanib sa mga Banal sa Utah. Nagsalita ang isang propeta, at inatasan silang magtipun-tipon sa Great Basin at tumulong sa pagtatatag ng Sion. Bilang mga miyembro ng McArthur handcart company, bawat isa sa kanilang pamilya ay ginawa ang kanilang tungkulin. Si Itay at Inay ang humila sa mabigat na kariton, si Maxie (12 taong gulang) ang nagtulak, at si Martha (10 taong gulang) ang nag-alaga sa munting si Arthur (6 na taong gulang). Ang sanggol na si Ada (1 taong gulang) ay gumapang, kinarga, at isinakay sa kariton.

Sa Nebraska naupo ang munting si Arthur para magpahinga at nakatulog. Biglang may dumating na bagyo. Nagmadali ang grupo at nagkampo. Noon nila natuklasan na hindi kasama si Arthur ng iba pang mga bata.

Walang-saysay ang ilang araw na paghahanap. Kailangan nang magpatuloy ng grupo. Oras na ito para kumilos sina Robert at Ann Parker ayon sa kanilang pananampalataya. Isinulat ni Archer Walters sa kanyang diary noong Hulyo 2, 1856, “Ang munting anak ni Brother Parker . . . ay nawala, at bumalik ang ama para hanapin siya.”

Nang paalis na si Robert, ibinalabal ni Ann ang isang matingkad na pulang alampay sa kanyang balikat at sinabing: “Kung matagpuan mo siyang patay, ibalot mo sa kanya ang alampay at ilibing mo siya. Kung matagpuan mo siyang buhay, magagamit mo ito bilang panghudyat sa amin.” Ang ina, kasama ang iba pang mga anak, ay hinawakan na ang kariton at naglakbay kasama ng grupo.

Binalikan ni Robert ang milya-milyang landas sa kagubatan, na tumatawag, naghahanap, at nagdarasal para sa kawawa nilang munting anak. Sa wakas narating niya ang isang istasyon ng mga sulat at pangangalakal kung saan napag-alaman niyang kinalinga ng isang mag-asawang mangangahoy ang kanilang anak. Nagkasakit ang munting si Arthur dahil sa pagkalantad at pagkasindak, ngunit dininig ng Diyos ang mga dalangin ng kanyang mapagmahal na mga magulang.

Sa pinagdaanan tuwing gabi, nagmamasid si Ann at ang kanyang mga anak. Sa ikatlong gabi, nang masinagan ng papalubog na araw ang matingkad na pulang alampay, ang matapang na inang ito ay napahandusay sa buhangin. Dahil napagod nang husto, nakatulog si Ann sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng anim na araw at gabi.13 Tunay na mabait at maawain ang Diyos; nagantimpalaan ng kanilang mga gawa ang kanilang katapatan at dinalisay ang kanilang pananampalataya, at dahil sa katuwaan sa kanilang mga puso inawit ng mga Banal ang, “Kay-inam ng buhay!”14

Si Baby Ada, na aking lola, ay nagdalaga at nakasal sa aking lolo, si Brigham Young McMullin. Narito ngayon ang aral. Hindi niya hinayaang malimutan ng kanyang mga anak kailanman na siya at ang kanyang pamilya ay tumawid sa kapatagan kasama ng Daniel D. McArthur handcart company. Ang kuwento ng pulang alampay ay naging kuwento namin—ang pamana ng kanilang pananampalataya ay napasaamin din. Kung kaya lahat kami’y “nagpatuloy,”15 at ang malalaking sagabal ay naglahong tulad ng hamog sa pagsikat ng araw.

Tungkol sa mga Banal na ito noon, ipinakikita ng sukatan na: Ang kanilang mga gawa ay tanda ng pananampalataya, ang kanilang katapatan ay pamantayang masusundan ng kanilang mga inapo.

Ang Gawi Nating Sumunod

Ikatlo, ang sukatan ng pagkamasunurin. Ang mga Banal sa mga Huling Araw—”. . . naniniwala na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Dito’y makikinita natin ang isang batang magkasintahan, na kakatawan sa mga nakatira sa sekular na mundong ito. Matagal nang alam nina David at Michelle ang saligang ito ng pananampalataya bago pa sila nagkakilala. Gayunman, nahaharap sila sa mga problemang kinakaharap ng marami sa mga kabahagi ng brodkast na ito. Sina David at Michelle ay mga 25-29 anyos na. Medyo matagal na silang magkakilala, lagi silang “magkasama,” at nagmamahalan sila. Ngunit, hindi pa rin sila makapagdesisyon tungkol sa kasal at pagkakaroon ng pamilya. Dapat ba nilang ipagpaliban ang kasal hanggang sa makatapos sila ng pag-aaral, hanggang sa makapag-ipon sila, hanggang sa matupad ang ilan sa kani-kanilang mga ambisyon?

Nag-aalala din sila sa dumaraming pagdidiborsiyo, sa mga digmaan at kaguluhan sa mundo, at napakalaking populasyon. Magtatagal kaya ang pagsasama nilang mag-asawa? Dapat ba silang magsilang ng mga anak sa gayong uri ng mundo?

Ah, David at Michelle, ipakita ang inyong pananampalataya! Tandaan ninyo: “Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inordena ng Diyos.”16 “Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao” (Mateo 19:6; tingnan din sa D at T 132:19–20). “Ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon” (Awit 127:3). “Ang lupa ay sagana . . . may sapat at matitira” (D at T 104:17).

Kumilos ayon sa alam ninyong totoo, at gagawing ganap ng inyong mabubuting gawa ang inyong pananampalataya. Ang inyong buhay ay magiging sagana at kaaya-aya. Sundin ang mabuting halimbawa ng inyong mga magulang. Hindi nila kayang magpakasal, pero nagpakasal sila. Nag-alala din sila tungkol sa digmaan at kaguluhan, ngunit ipinakita nila ang kanilang pananampalataya at naging anak nila kayo! Ang mga kailangan sa pag-aasawa at pamilya ay hindi naging sagabal sa kanilang pag-aaral; pinagyaman nila nito. Tungkol naman sa kani-kanilang sariling mga ambisyon, sila’y lubos at masayang nagmamalasakit sa kapakanan ng bawat isa at ninyo, ng inyong mga kapatid, at mga apo.

Hindi madali ang buhay para sa inyong mga magulang. Kinailangan nilang magtipid na mabuti at mag-impok, at pagkasyahin ang mayroon sila. Sila man ay naharap sa mga tanong at kalagayang hindi nila masagot, ngunit alam nila na ang landas na inorden ng Makapangyarihang Diyos ay nagtakda na dapat silang sumulong. At “mas mayaman” kayo ngayon dahil dito.

Mula sa kanilang paulit-ulit na mga kuwento, alam ninyo na lahat sa kanila ay naging mahirap. Ngunit dinalisay ng kanilang mga gawa ang kanilang pananampalataya.

Mas matanda sila, siyempre. Ang kanilang hakbang ay hindi na kasingbilis ng dati, ang ugali nila’y hindi na tulad ng dati, at hitsura nila ay hindi na pagkakaguluhan ng mga advertiser. Ngunit ang pag-ibig nila sa Diyos at sa isa’t isa ay kakikitaan ng matinding paggalang at paghanga. Ang mga pilat ng buhay ang nagbigay sa kanila ng karunungan, tiyaga, at pasasalamat. Sa maliliit ngunit mahahalagang paraan, sila’y naging “kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita” (Sa Mga Hebreo 11:1)—mga bagay na hindi nila nakita noong bata pa sila. Ngunit sumunod sila. Sa pananampalataya, nabuklod sila sa templo, nabiyayaan ng mga anak, at ngayo’y alam na ang tunay na pinagmumulan ng kaligayahan. Ipinakikita ng sukatan na: Pagsunod ang nagpapadaloy sa mga biyaya ng langit—nangyari ito sa inyong mga magulang, at mangyayari ito sa inyo.

Ang Ating Paglilingkod

Ikaapat, ang sukatan ng paglilingkod. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay—”Naniniwala sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo. . . . Naniniwala kami . . . na maghahari si Cristo at, ang mundo ay babaguhin at matatanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1, 10).

Mas marami tayong alam tungkol sa Panguluhang Diyos kaysa makakayang isipin ng tao—at ang alam natin ay tama. Dagdag pa, alam natin ang mga layunin ng Maykapal para sa mundong ito at sa lahat ng nilikhang narito. Dahil sa nalalaman natin at dahil ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon ang sagradong tungkulin na tumulong sa pagsasakatuparan nito, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang ating pagiging miyembro ng Simbahan.

Ang ilan ay nagaganyak na huwag mangako sa takot na magmukhang masyadong relihiyoso. Ang tingin nila “sa Simbahan ay isang institusyon, hindi isang kaharian.”17 “O kabataang pangako,”18 gawing sentro ng inyong buhay ang Simbahan at kaharian ng Diyos. Kapag tinawag na maglingkod, sabihing, “Opo,” at gawin ang lahat ng inyong makakaya. Pakinggan ang utos na ito ng Panginoon: “Kaya nga, huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran, at ang lahat ng bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38).

Apat na araw na lang mula ngayon, sa Nobyembre 9, 150 taon na simula nang pumasok ang nasawing mga Willie Handcart Company pioneer sa Salt Lake Valley. Dumanas sila ng matinding hirap at marami ang namatay. Dahil sa mga bagyo at sa mahina nilang kondisyon marami ang namatay—mas marami ang nailigtas ng mga tagasagip.

Si Levi Savage ay kabilang sa mga parating noong araw na iyon. Nakatala sa kasaysayan ang kanyang katapatan at determinadong pagsisikap na mailigtas ang mga Banal at maihatid sila nang ligtas sa lambak. Ngunit ang kanyang magiting na paglilingkod ay hindi nagsimula sa nagniniyebeng kapatagan ng Wyoming. Ito’y isa lamang kabanata, marahil ang pinakadakila sa lahat, sa buhay na inilaan sa paglilingkod.

Si Levi ay bininyagan noong Hunyo 1846 sa edad na 26. Sa pagtugon sa panawagan ng propeta na magpunta sa kanluran, isinulat niya na “naghanda kaming mabuti para sa malayong paglalakbay patungo sa dayuhang lupain at sa bansang di namin kilala. . . . Nagpaalam kami sa lumang sakahan . . . at naglakbay na pakanluran, hindi alam kung saan kami patutungo, basta umasa lang kami na makapaninirahan sa kaparangan ng kanluran ng Rocky Mountains.”19

Noong Hulyo 16, 1846, siya, kasama ang iba pang magigiting na lalaki, ay muling tumugon sa panghihikayat ng propeta, at sumama sa Mormon Battalion, at nilakad ang tinatayang 2,000 milya mula sa Council Bluffs, Iowa, hanggang San Diego, California, at pagkatapos ay tumuloy sa Los Angeles. Dito’y pinalaya sila sa paglilingkod sa gobyerno. Bagamat wala silang alam tungkol sa kanilang mga tahanan at pamilya, sinimulan nila ang paglalakbay papunta sa lambak ng Great Salt Lake. Ang rutang nilakbay ni Levi Savage ay karagdagang 1,300 milya sa baku-bako at di magandang lupain, ngunit sa wakas nakarating siya sa Salt Lake Valley.

Dito si Levi ang nanguna, nakipaglaban sa mga kuliglig, ikinasal, nagkaroon ng anak na lalaki, at inilibing ang kanyang asawa ilang buwan matapos isilang ang bata. Sampung buwan matapos mamatay ang kanyang asawa, sa kumperensya ng Oktubre noong 1852, siya at ang ilan pang matatapat na kalalakihan ay tinawag ng propeta na buksan ang misyon sa Siam (na ngayon ay Thailand).

Sa panahong ito naglakbay sila sakay ng mga karwahe at bagon pabalik sa gawing ibaba ng California at sa Pacific Ocean. At nakapaglayag sila mula San Francisco papuntang Calcutta, patungo sa kanilang misyon sa Siam. Ang journal entry ni Levi noong Enero 29, 1853, ay nagbibigay sa atin ng ideya kung ano ang nasa puso ng mga misyonerong ito noong una. Isinulat niya:

“Ang magiting naming barko, na hinihipan ng banayad na hangin, ay nagsimulang maglayag sa malalim na karagatan tungo sa lugar na aming pupuntahan; naiwan ang aming pinakamamahal na bayan. . . . Bawat isa ay naghanap ng sulok para makapagmuni-muni, at doon ay naisip ang maginhawang tahanan, ang pagmamahal ng kanyang mahal na kabiyak at mga anak o kaibigan. . . . Ngunit ngayon ay tinawag siya upang manirahan sa liblib na bahagi ng mundo, at para saan? Para makatipon ng ginto at pilak, o para dulutan ang kanyang sarili ng parangal, karangyaan at kariktan ng mundong ito? Hindi, talagang hindi! Kundi sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon ay dalhin ang mensahe ng katotohanan at . . . kaligtasan sa nadirimlan at mapamahiing mga bansa. Kaagad pagkatapos niyon, bawat isa’y nagpahinga na sa kanyang higaan. Ngunit tulog man o gising, patuloy niyang iniisip ang mga katotohanan ng nakaraan, at mga posibleng mangyari sa hinaharap.”20

Kasunod ng kanyang misyon, naglayag pauwi si Levi at dumaan sa Boston, Massachusetts, at nakarating sa kanyang bayang sinilangan sa Greenfield, Ohio, at isinulat pagdating niya roon, “Naikot ko ang globo.”21 Sumama siya sa Willie handcart company sa Iowa City, Iowa, na naging mahalaga sa kanya sa kawalang hanggan, sa kanyang pamilya at sa buong Simbahan. Ang kanyang mga gawang iyon ng sining ang naging sukdulan ng buhay na puno ng sakripisyo at paglilingkod. Sa mga pioneer na ito, ipinakikita ng sukatan na: Ang kanilang pananampalataya at mga gawa ay tanglaw sa di naniniwalang mundo, ang kanilang paglilingkod ay parisan na dapat nating sundan.

Naantig tayo ng mga salita mula sa clergy na si Frederick W. Faber:

O pananalig ng ating lahi,
Sa t’wina ay nananatili.
Magdusa man kami’y maligaya,
T’wing diringgin, Kanyang salita.

O pananalig ng ating lahi,
Sa bawat baya’y ilalapit;
Katotohanang sa Diyos nagmula
Ang sa tao’y magpapalaya.

O pananalig ng ating lahi,
Bawat tao ay mamahalin,
At sa lahat ay ipapabatid,
Sa salita’t gawang matuwid.

O pananalig na wagas,
Kami’y tapat hanggang wakas!22

Pinatototohanan ko sa inyo, mahal kong mga kapatid—ang Diyos ay nasa Kanyang kalangitan, ang pangalan Niya ay Elohim, at kilala Niya ang lahat ng Kanyang anak, saanman sila nagmula o nakatira. Si Jesus, ang Banal ng Israel, ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang Manunubos ng buong sangkatauhan. Si Joseph Smith, isang binatilyo, ay tinawag ng tinig ng Diyos at ng Kanyang Banal na Anak bilang propeta, at dahil sa pagtawag na iyon ay naipanumbalik ang totoong Simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa. Lubos tayong pinagpalang malaman ang mga bagay na ito, at kayo, mahal kong mga kapatid, ay nasa gitna ng sama-samang kaganapang ito sa mundo. Nagmula kayo sa maluwalhating kaharian. Natatanging pribilehiyo ninyo na maging tapat sa pananampalataya, na sumulong sa mabubuting gawa. Gawin ang sinabi ng mga propeta. Inaasahan ito ng mga nagdaang henerasyon, ililigtas nito ang mga henerasyon sa kasalukuyan; umaasa rito ang mga henerasyong darating, at gagabayan kayo ng Banal na Espiritu sa bawat hakbang.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta,” Mga Himno, blg. 15.

2. Sa Conference Report, Set.–Okt. 2006, 87; o Ensign, Nob. 2006, 82; idinagdag ang pagkahilig ng mga salita.

3. Random House Webster’s Unabridged Dictionary, ika-2 ed. (2001), “secular,” 1731.

4. Alexander Pope, An Essay on Man, sulat 2, taludtod 220.

5. Book of Mormon Reference Companion, ed. Dennis L. Largey (2003), 582.

6. “How to Think about Secularism,” First Things, June–July 1996, 27, 30, www.firstthings.com/ftissues/ft9606/articles/pannenberg.html.

7. Boyd K. Packer, General Authority training meeting, Okt. 2006; tingnan sa The Tempest, ni William Shakespeare, inedit ni W. J. Craig, Oxford Shakespeare (1924), yugto 2 tagpo 1, taludtod 261.

8. Sa Conference Report, Abr. 1991, 74; o Ensign, Mayo 1991, 54.

9. Sa Conference Report, Set.–Okt. 2006, 90; o Ensign, Nob. 2006, 85.

10. Joseph Smith, comp., Lectures on Faith (1985), 5, 8.

11. Random House Webster’s Unabridged Dictionary, “benchmark,” 193.

12. Sa Conference Report, Set.–Okt. 2006, 66; o Ensign, Nob. 2006, 60.

13. Tingnan sa Memorable Stories and Parables by Boyd K. Packer (1997), ni Boyd K. Packer, 4–6.

14. “Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 23.

15. “Adhikain Ninyo’y Ituloy,” Mga Himno, blg. 157.

16. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 1995, 102.

17. Neal A. Maxwell, sa Conference Report, Okt. 1992, 89; o Ensign, Nob. 1992, 66.

18. “Adhikain Ninyo’y Ituloy,” Mga Himno, blg. 157.

19. Sa Levi Savage Jr. Journal, tinipon ni Lynn M. Hilton (1966), xii.

20. Sa Levi Savage Jr. Journal, 5; idinagdag ang pagkahilig ng mga salita.

21. Sa Levi Savage Jr. Journal, 59.

22. “O Pananalig ng Ating Lahi,” Mga Himno, blg. 84.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy