The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast Archives CES Fireside

Ang mga Simpleng Katotohanan mula sa Langit—ang Huwaran ng Panginoon

Elder Earl C. Tingey
Ng Panguluhan ng Pitumpu
CES Fireside para sa mga Young Adult • Enero 13, 2008 • Brigham Young University

Elder Earl C. TingeyMahal kong mga batang kaibigan, kaming mag-asawa ay nagagalak at karangalan naming makasama kayo ngayong gabi. Naiisip ko kayo na nasa maraming lugar sa iba’t ibang panig ng mundo habang ang fireside na ito ay ibino-broadcast sa 32 wika sa pamamagitan ng satellite ng Simbahan. Tiwala ako at nagdarasal na maiintindihan ako at na, saan man kayo, ay madarama ninyo ang Espiritu at mauunawaan ang aking mensahe.

Alam ko na ang mga karamihang narito ay mga young single adult na nasa iba’t ibang kalagayan. Marami sa inyo ay katatapos lang ng high school. Ang iba ay mas matanda nang kaunti at nakapag-aral na ng ilang taon sa unibersidad o kolehiyo. Marami sa inyo ay nagtatrabaho na o pumapasok sa mga paaralan na nagbibigay ng pagsasanay para turuan at bigyan kayo ng mga kasanayan para mataguyod ang sarili at pamilya. At, siyempre pa, marami sa inyo ay mga returned missionary at sabik na simulan ang susunod na yugto ng inyong buhay, na siyang pag-uusapan natin ngayong gabi. Nagpapasalamat ako na ang bawat isa sa inyo—sa iba’t iba ninyong kalagayan—ay nagtipun-tipon ngayong gabi upang magsama-sama tayo sandali at madama ang iisang damdaming umiiral sa buong Simbahang ito.

Sampung Simpleng Katotohanan mula sa Langit

Ang aking mensahe ay pinamagatan kong “Sampung Simpleng Katotohanan mula sa Langit—ang Huwaran ng Panginoon.” Ang unang parirala ng aking pamagat ay hango mula sa isang kahanga-hangang mensaheng ibinigay ni Propetang Joseph Smith sa Nauvoo noong 1844, ang taon na siya’y pinaslang. Si Joseph Smith ay nagsalita sa libing ng isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang King Follet. Ganito niya sinimulan ang kanyang mensahe: “Hindi ko... balak na bigyang-kasiyahan ang inyong mga tainga sa mga mabulaklak na mga salita o talumpati, o ng labis na karunungan; subalit... [balak] kong turuan kayo ng mga simpleng katotohanan mula sa langit.”1

Ang pangalawang parirala ng aking pamagat ay makikita sa banal na kasulatan. Ang huwaran ng Diyos ay binanggit sa Doktrina at mga Tipan: “Ako ay magbibigay sa inyo ng isang huwaran sa lahat ng bagay, nang hindi kayo malinlang; sapagkat si Satanas ay nagtungo sa lupa, at siya ay naglilibot nililinlang ang mga bansa” (D at T 52:14).

Gusto kong turuan kayo ng mga simpleng katotohanan ng huwarang binuo ng Panginoon bago pa nilikha ang sanglibutan na ating natutuhan nang mabasa natin ang tungkol kina Eva at Adan noong sila ay inilagay sa Halamanan ng Eden. Ito ay isang huwarang dapat ninyong hangaring sundan. Ang mahalagang katangian ng huwaran at planong ito ay ang maranasan ninyo ang walang hanggang kaligayahan. Alalahanin ang pahayag ni Lehi sa 2 Nephi: “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25). Ang sumunod sa huwarang ito ang pinakamahalagang desisyon na magagawa ninyo.

Pag-ingatan ninyong huwag tanggihan ang huwaran dahil ito ay masyadong mahirap. Ang huwaran ay naituro na ng maraming propeta. Alalahaning ang mga propeta ay nagmamahal at nagsasabi ng katotohanan, at hindi nila pinagagaan o iniiba ang katotohanan sa pagsasabi ng madadaling bagay na gusto lang marinig ng mga tao (tingnan sa Isaias 30:20; 2 Nephi 9:40). Kaya pag-ingatan ninyong huwag tanggihan ang mga propeta dahil ang inyong mga personal na kalagayan at plano ay kasalukuyang hindi tugma sa kanilang mga payo.

Habang ako’y nagsasalita, dalangin kong mabuksan ang inyong mga puso at isip para tanggapin sa pamamagitan ng Espiritu ang mga impresyon at inspirasyon na gagabay sa inyo sa paggawa ng mahahalagang desisyong makaaapekto sa inyong buhay. Nagpapatotoo ako na ang sasabihin ko ay ang kalooban ng Panginoon para sa Kanyang mga anak—lalo na sa inyo, ang mga young single adult ng Simbahang ito.

Nang ang ating mapagmahal na Ama sa Langit, sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak, si Jesucristo, ay nilikha at binuo ang mundong ito, gumawa Siya ng isang huwaran ukol sa pagbuo ng pamilya na nagpapatuloy ngayon. Ngayon, pagbalik-aralan natin ang 10 simpleng katotohanan mula sa langit na mababasa natin sa aklat ni Moises sa Ang Mahalagang Perlas at pag-usapan kung paanong ang mga katotohanang ito ay isang huwaran para sa inyo ngayon.

1. Nilikha ng Diyos ang Mundong Ito para Ating Tirahan at Gamitin

Una: “At ako, ang Panginoong Diyos, ay kinuha ang lalaki, at inilagay siya sa Halamanan ng Eden, upang alagaan ito, at ingatan ito” (Moises 3:15).

Tulad ng alam ninyo, nilikha ng Diyos ang mga langit at lupa at lahat ng uri ng nilalang at binigyan ang Kanyang mga anak ng kapangyarihan sa mga uri ng nilalang na ito. Nilikha ng Diyos ang magandang Halamanan ng Eden at inilagay roon ang tao para alagaan at ingatan ito. Hindi man tayo nakatira sa Halamanan ng Eden gaya ni Adan noon, ngunit binigyan tayo ng pagkakataon na alagaan at ingatan ang bahagi ng mundo na ating tinitirahan. Tayo ay inaasahang maging maligaya.

Kaya ang una kong simpleng katotohanan mula sa langit ay nilikha ng Diyos ang mundong ito para tirahan at gamitin natin. Gagawa tayo. Pagbubutihin natin ang ating kalagayan at sa iba. Responsibilidad nating maging abala at namumuhay nang may layunin at gawing lahat ang responsibilidad na ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit.

Ang walang hanggang plano ng kaligtasan, na likha ng Ama at isinakatuparan ni Jesucristo at naging Pangunahing tagapagtanggol ng plano, ay nagbigay ng pagkakataon sa atin na makaparito sa lupa para magkaroon ng pisikal na katawan at patunayan na handa tayong sundin ang mga kautusan ng Diyos. Kaya, heto na tayo. Nakatira tayo sa magandang daigdig. May kaalaman tayo sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Bawat pagkakataong ibinigay sa tao ay nasa sa atin. Ano ngayon ang gagawin natin sa mga pribilehiyong ito?

2. Hindi Dapat Mag-isa ang Lalaki

Tingnan natin ngayon ang ikalawang simpleng katotohanan mula sa langit. Muli, magbabasa ako sa aklat ni Moises: “At ako, ang Panginoong Diyos, ay nagsabi sa aking Bugtong na Anak, na hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; kaya nga, ako ay lilikha ng isang katuwang para sa kanya” (Moises 3:18).

Dito nakikita natin na isa sa mga simpleng katotohanan mula sa langit na hindi mabuting mag-isa ang lalaki o babae. Dapat may katuwang sila. May ilan, kung mayroon man, na simpleng katotohanan mula sa langit, ang mas mahalaga sa atin kaysa sa kaalaman na dapat may katuwang tayo, isang asawang babae para sa lalaki o asawang lalaki para sa babae.

Marahil dapat nating bigyan-kahulugan ang ibig sabihin ng katuwang. Hindi kayo dapat malito kung ano ang ibig sabihin ng Panginoon nang sabihin niyang dapat na may katuwang si Adan. Ang katuwang ay isang kasama na nararapat o kapantay natin. Katabi natin sa paglalakad ang katuwang, hindi nauuna o nahuhuli sa atin. Ang pagiging magkatuwang ay nauuwi sa lubos na pagkapantay ng pagsasamahan ng mag-asawa. Si Eva ay dapat kapantay ni Adan tulad din ng pagkapantay-pantay ng mag-asawa sa isa’t isa.

Nasa Halamanan ng Eden pa si Adan nang sabihin ng Panginoon na dapat siyang may katuwang. Hindi pa niya nakakain ang bunga ng puno na hahantong sa pagkakatataboy sa kanya mula sa Halamanan ng Eden at sa kalaunan ay kamatayan. Dahil dito, tinanggap ni Adan ang kanyang asawa sa kawalang hanggan. Hindi ito ordinaryong relasyon. Ito ay relasyong may tipan.

Habang pinag-iisipan ninyo ang inyong katuwang, magplano para sa kawalang hanggan. Magplanong pumasok sa banal na templo. Maging karapat-dapat sa pagpasok sa templo. Ang templo ay lugar kung saan kayo ng inyong katuwang ay makabubuo ng isang walang hanggang pamilya. Kung posible, lahat kayong kabataang lalaki ay dapat makapagmisyon nang marangal bago kayo pumili ng katuwang. Ang inyong pagmimisyon ay maghahanda sa inyo para sa inyong tungkulin sa hinaharap bilang mabuting asawa at ama at magiging pagpapala ito sa buong buhay ninyo. Pagpapalain din ang inyong magiging angkan.

Paminsan-minsan, may nakikilala tayong mga miyembro, kabilang ang mga young single adult, na nakarinig, nakasaksi, o naging miyembro ng pamilya kung saan ang pagpapakasal sa templo ay hindi nagdulot ng kaligayahan at napawalang-bisa. Dahil hindi gustong maranasan ang ganoon, at sa takot na magkamali, ay iniwasan ng ilan ang mga responsibilidad ng pag-aasawa, lalo na ang pagpapakasal sa templo.

Nakikiusap ako sa inyo ngayong gabi na huwag ninyong pahintulutan ang gawain ng iba na mahadlangan kayo sa paggawa ng mabubuting desisyon at pagsunod sa mga walang hanggang huwaran. Si Satanas, na hindi hangad ang inyong kaligayahan o walang hanggang pag-unlad, ay maglalagay ng takot at pagdududa sa inyong isip para kumbinsihin kayo na huwag maghanap ng katuwang na magdudulot sa inyo ng walang hanggang pagsasamahan at kagalakan. Mga kapatid, manampalataya, huwag matakot, at maging karapat-dapat sa pagpasok sa mga banal na templo.

Hinihimok ko kayo na itanim sa inyong isipan na kailangan ninyong maghanap ng mapapangasawa, gaya ng itinagubilin ng Panginoon. Para magawa iyan, dapat kayong maghanap ng pagkakataon na makasalamuha ang mga miyembro ng ibang kasarian na mayroon ding pagpapahalaga sa ebanghelyo. Dahil diyan, hinihimok namin kayo na hindi lamang maging aktibo sa Simbahan kundi sumali sa lahat ng pagkakataong ibinibigay ng Simbahan para sa inyong personal na pag-unlad at pakikisalamuha. Ang ating mga institute ay kahanga-hangang pasilidad kung saan maaari kayong magtipon at magkakila-kilala at gumamit ng mga katangian at talento sa pamumuno upang makita ninyo sa mga nasa paligid ninyo ang maaaring babagay na maging katuwang ninyo.

Alam ko na marami sa inyo ang gustong makapag-asawa ngunit walang pagkakataon. Nalulungkot kami dahil marami sa inyo matatapat na young single adult ang nasa gayong kalagayan. May kilala akong isang tapat na pamilya sa Simbahan na may ilang anak na lalaki na ganoon ang sitwasyon. Ang mga magulang at mga anak na lalaki ay nagpasyang pag-ibayuhin ang kanilang pagsamba sa templo at ipagpatuloy ang pagdarasal tungkol dito. Maraming pagpapala ang sumunod, nakakita sila ng mga mapapangasawa, at naikasal sa templo. Gawin ninyo ang lahat upang maging karapat-dapat sa tulong ng Panginoon sa bagay na ito. Maging matiyaga, magtiwala sa Panginoon. Sa huli, darating ang pagpapala.

Tandaan, simpleng katotohanan mula sa langit na hindi kayo dapat mag-isa sa inyong walang hanggang paglalakbay. Maghanap kayo ng mabuting asawa at sumulong nang may matinding pananampalataya upang, sa Kanyang itinakdang panahon, ay inyong maisakatuparan ang walang hanggang tadhana na plano sa inyo ng ating Ama sa Langit.

3. Isinaad sa Plano na ang Lalaki at Babae ay Dapat Pumisan sa Isa’t Isa Bilang Mag-asawa

Susunod sa gayunding kabanata sa Moises, nilikha ng Panginoon si Eva. At sinabi ng Panginoon, “Kaya nga, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at makikipisan sa kanyang asawa; at sila ay magiging isang laman” (Moises 3:24).

Ito ang aking ikatlong simpleng katotohanan mula sa langit, na ang lalaki ay iiwan ang kanyang ama at ina at makikipisan sa kanyang asawa; at sila ay magiging isang laman. Sa tingin ko masasabi rin natin na iiwan din ng babae ang kanyang ama at ina at makikipisan sa kanyang asawa.

Sa pag-aasawa, karaniwang iniiwan natin ang seguridad na ibinigay sa atin ng ating mga magulang at hindi umaasa sa kanila. Gayunpaman, sa pagbabagong ito, sa bagong relasyong ito—ang pagpisang lubos na tapat sa asawa—ay hindi magpapabawas ng walang hanggang pagmamahal at paggalang ninyo sa inyong mga magulang.

Walang kapalit ang simpleng katotohanang ito mula sa langit. Ang mga paghahayag ay nagsasabi tungkol sa relasyon ng isang lalaki at babae. Ang pagkakaunawa sa simpleng katotohanang ito ay mag-aalis ng pagkalito ukol sa mga bagay na minsay tinatawag na “alternative lifestyles.” Ang gayong klase ng pamumuhay ay gawain ni Satanas.

Sana’y unawain ninyo ang kahalagahan ng simpleng katotohang ito mula sa langit. Ang lalaki at babae ay pipisan sa isa’t isa. Sa madaling salita, sila ay matapat na kakapit sa isa’t-isa sa espirituwal, emosyonal, at pisikal na pamamaraan.

Gaya ng nasabi ko, ang ugnayang ito ay nararapat dahil sa magandang ordenansa ng selestiyal na kasal na isinasagawa sa templo. Kung kayo ay ipinanganak sa tipan o nabuklod sa inyong mga magulang sa templo, ang bigkis na nagbubuklod sa inyo sa inyong mga magulang ay nagbigay ng puwang nang sa gayon ay mapahintulutan kayong mag-asawa na mabuklod sa isa’t-isa. Sa pamamagitan ng ordenansang ito, ang pagkakabuklod ninyo sa inyong mga magulang ay mas tumibay dahil ang pagbubuklod ninyong mag-asawa ay naidugtong sa inyong mga

magulang hanggang sa inyong mga anak at ng salinlahi sa hinaharap.

Wala na akong alam pa na mas mahalagang desisyon na magagawa kayo maliban sa pagpili ng mapapangasawa, isang babae para sa lalaki o isang lalaki para sa babae, para maging iisa sa mga mata ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbubuklod sa templo. Huwaran ng Panginoon na ang lalaki at babae ay makasal at pumisan sa isa’t isa. Ang iba pang huwaran ay hindi sa Panginoon.

4. Mahalaga na Makapili nang Malaya.

Isang magandang alituntunin ang ibinigay sa atin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit na tutukuyin ko bilang ikaapat na simpleng katotohanan mula sa langit. Ito ang alituntunin ng malayang pagpili. Mababasa pa natin sa aklat ni Moises: “Gayon pa man, maaaring mamili para sa iyong sarili, sapagkat ito ay ibinigay sa iyo” (Moises 3:17).

Ang bawat isa sa atin ay malayang makapili. Hindi tayo pipilitin ng Panginoon na gumawa ng desisyon na makasisira ng ating sariling pagpipili. Gayunpaman, dapat handa tayong tanggapin ang mga responsibilidad na kaakibat sa paggamit ng malayang pagpili na ibinigay sa atin. Alalahanin, tinangka ni Satanas na pilitin ang lahat na sundin siya. Ang huwarang iyon ay tinanggihan ng Ama sa Langit. Naghimagsik si Satanas at “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao” (Moises 4:3). Gayunpaman, sa pamamagitan ng plano ng ating Ama sa Langit malaya tayong pumili. Isang paggamit ng kalayaang iyon ay ang paghanap at pagpili ng isang mapapangasawa.

Ngayon alam natin na sa ating lipunan, karaniwang ang lalaki ang dapat maunang makipagkilala. Pinapayuhan ko ang lahat ng mga kabataang lalaki, oo, lahat ng mga lalaki, na nakaririnig sa akin na nasa inyo ang responsibilidad na simulan ang ganitong mga pagkakataon. Huwag itong patagalin. May pagkakaiba ang “nawalang pagkakataon” at “nasayang na pagkakataon.” Huwag sayangin ang oras. Huwag ipagpaliban ang mga pagkakataon ninyong maghanap at pumili ng mapapangasawa. Marami nang nasabi ang ating mga propeta sa ating panahon na maghihikayat sa inyo na maghanap ng mapapangasawa. Ipinapayo ito lalo na sa mga returned missionary at sa mga patuloy na nag-aaral at husto na ang pag-iisip para tumanggap ng responsibilidad, kasama na ang responsibilidad ng pag-aasawa.

Bagama’t pinapayuhan ko kayo nang ganito, alam ko na ang ilan sa inyo ay nakaranas na ng pagkabigo sa mga nakaraang relasyon. Maaaring ang inakala ninyong magandang relasyon ay hindi naging maayos, at kailangan ninyong magsimulang muli. Maaaring tawagin natin itong “maling simula.” Nararanasan ito ng karamihan sa mga young adult. Maraming dahilan: ang pagkakaiba ng mga mithiin, hindi balanseng relasyon, hindi pa husto ang pag-iisip at hindi pa handa ng pag-aasawa, at hindi nagtutugma ang nararamdaman. Huwag mawalan ng pag-asa. Nagpapasya kayo para sa isang bagay na pangwalang-hanggan. Maging maingat. Maging madasalin. Ngunit maging matibay sa inyong hangarin na malayang makahanap at makapili ng tamang katuwang.

Hayaan niyong ipaliwanag ko nang sandali ang maselang paksa na malimit nakakaapekto sa pagpili ng malaya. Isang paksa ito na maaaring nakababalisa sa inyong mga magulang at lider ngunit hindi nila alam kung paano sasabihin sa inyo. Ito ay tungkol sa panlabas na kaanyuan.

Kung minsan ang pagpili nang malaya ay naiimpluwensiyahan ng panlabas na kaanyuan, ninyo at ng iba. Kung minsan, mahirap makilala ang tunay na pagkatao dahil sa mga unang impresyon.

Makipag-usap kayo sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan at tanungin siya: anong maipapayo mong gawin ko para mas maayos ang hitsura ko? Pakinggan siya sa kanyang sasabihin. Huwag masaktan, tanggapin ang kanyang payo. Kung kailangan, masigla at masaya ninyong ayusin ang inyong sarili, kakailanganin man nito na kayo ay ngumiti, magpapayat, o magbago ng ayos ng buhok, anyo, damit, gawi, maging malinis, o kung ano pa.

Ayan, nasabi ko na. Nasaktan ko ba kayo? Tandaan, ang katawan ninyo ay templo ng espiritu. Siguraduhing malinis, maayos, makinis, malusog, at dalisay para ang inyong espiritu ay magningning at makita ng lahat.

Mangyari pa, alam natin, na hindi lahat ay magkakaroon ng pagkakataong makasal sa buhay na ito. Gayunpaman, ang sinasabi ko ngayon ay ang patakaran hindi ang eksepsyon. Ang patakaran ay dapat tayong maghanap ng mapapangasawa kahit pa maraming eksepsyong dulot ng kalusugan, kakulangan sa pagkakataon, at iba pang dahilan. Mabuti na lang, sa kabuuan ng plano ng ebanghelyo, batay sa pagkakaunawa natin, ang matatapat sa buhay na ito na hindi nabigyan ng pagkakataong makasal ay magkakaroon ng pagpapalang hindi natamo sa mundong ito sa kabilang-buhay. Nagpapasalamat ako sa doktrinang iyan.

5. Kailangan Nating Magtrabaho Habang Narito sa Mundo

Sa pag-alis ni Eva at Adan sa Halamanan ng Eden, tinagubilinan sila ng Panginoon, na siyang ikalima kong simpleng katotohanan mula sa langit. Babanggit akong muli sa aklat ni Moises: “Sa pamamagitan ng pawis ng iyong mukha, ay kakain ka ng tinapay, hanggang ikaw ay mauwi sa lupa—sapagkat walang pagsalang mamamatay ka—sapagkat doon ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok, at sa alabok ka mauuwi” (Moises 4:25).

Kailangan nating magtrabaho habang narito sa mundo. Dapat nating paghandaang tustusan ang sarili, at dapat na paghandaan at kayanin nating magtaguyod ng pamilya.

Nakatutuwa na marami sa inyo ay may pagkakataong makapag-aaral sa unibersidad at kolehiyo. Ang iba sa inyo ay may maganda at kakaibang oportunidad na magkaroon ng kakayahan at kasanayan na magbibigay sa inyo ng magandang trabaho at panustos sa inyong pamilya. Sa bagay na ito, sasabihin ko ang tungkol sa Perpetwal na Pondong Pang-Edukasyon. Naglingkod ako bilang board member ng programang ito, at alam ko na dakilang pagpapala ang nakalaan sa inyo na mga nagsisikap na mapabuti ang sarili at maghanda na mapakasalan ang isang taong matwid at magpalaki ng isang mabuting pamilya sa Simbahan. Sa inyong lahat sinasabi ko, magtrabaho kayo at magtrabaho nang husto para maitaguyod ang inyong pamilya habang nabubuhay sa mundong ito.

Paulit-ulit kayong hinimok ni Pangulong Hinckley na mag-aral hanggang kaya ninyo para maitaguyod ninyo ang inyong pamilya at makapaglingkod sa Simbahan.

6. Ang mga Mag-asawa ay Dapat Magkaanak at Bumuo ng Pamilya

Naisip ko na ang ikaanim na simpleng katotohanan mula sa langit, at ang pinakamahalaga kasunod ng katotohanang pipisan sa isa’t isa ang mag-asawa, ay ang katotohanang makikita sa mga sumusunod na banal na kasulatan mula sa aklat ni Moises: At nakilalang muli ni Adan ang kaniyang asawa, at siya ay nagsilang sa kanya ng mga anak na lalaki at babae, at sila ay nagsimulang dumami at kinalatan ang lupa” (Moises 5:2).

Ang simpleng katotohanang ito mula sa langit ay tumutukoy sa tungkuling magkaanak. Ngayon, ang simpleng katotohanang ito ay nasa harapan ninyo—ngunit hindi pa maaari hangga’t hindi pa kayo kasal! Matibay na itimo sa inyong puso at isipan ang hangarin na maging magulang sa tamang panahon. Tamuhin ngayon ang mga katangiang kailangan para maging mapagmahal na ama o ina sa mga anak na kalaunan ay magpapasaya sa inyong tahanan. Hangaring magkaroon ng tiyaga at kakayahang kakailanganin ninyo para turuan at palakihin ang mga anak sa kaalaman ng Panginoon.

Naging mas tuwiran ang mga Kapatid sa Simbahan sa pagpapayo sa mga batang mag-asawa na sumulong at magkaroon ng pamilya. Magmumungkahi ang mundo na hindi pa panahon upang magkaroon ng pamilya hanggang hindi pa naisasaayos ang lahat ng bagay na temporal. Sinasabi ng mundo na huwag muna hangga’t hindi ka pa nakakatapos, huwag muna hanggat wala ka pang magandang tirahan, kagamitan, at mga kaginhawahan; huwag muna hangga’t wala ka pang trabaho na malaki ang kita; huwag muna hangga’t wala ka pang mga bagay na mapaglilibangan. Ang lahat ng pagpapalibang ito ay kamunduhan at impluwensiya ni Satanas na nagtatangkang sirain ang pamilya.

Itinuturo ng mga Propeta na pagkatapos nating mapag-aralan ang mga paraan at kalagayan—kabilang ang sariling kalusugan—at ang ibang bagay na parehong alam ng mag-asawa, hindi natin dapat ipagpaliban ang pagkakaroon ng pamilya. Sumulong nang may pananampalataya sa bahaging ito ng inyong buhay, na nalalamang tutulungan at susuportahan kayo ng inyong Ama sa Langit sa mga natatangi at di-pangkaraniwang problemang dumarating sa pagiging magulang.

Hindi kailangang ipagpaliban ang pagpapamilya dahil hindi pa ninyo natatamo ang lahat ng kaginhawahang natamo ng inyong mga magulang noong lisanin ninyo ang kanilang tahanan. Alalahanin, maraming taon, o dekada, ang ginugol ng inyong mga magulang para magkaroon ng magandang tahanan at mga kasangkapan, at dapat kayong manampalataya na makapagsisimula kayo anuman ang sitwasyon ninyo at magtatag, lumago, at umunlad habang mayroon kayong pamilya. Bilang mag-asawa, magtulungan at magsakripisyo para matupad ang layuning ito.

Mag-ingat na hindi ninyo maipagpaliban ang pagkakaroon ng pamilya para makatipid kayo at makabili ng mga kasangkapan sa paglilibang, na kalaunan, ay hindi naman kayo pagpapalain sa kawalang hanggan.

Kung kakausapin ninyo ang pinakamatandang mag-asawa sa inyong ward o branch at sa inyong mga kaibigan, malalaman ninyo na karamihan sa kanila ay nagsimula sa buhay may-asawa at pagpapamilya na mayroon lamang kakaunting ari-arian—kumpara sa kung anong mayroon sila ngayon.

Ikinasal kami ni Sister Tingey at ipinanganak ang panganay namin noong nasa law school ako. Ang unang apartment namin ay basement apartment at talagang mababang klase ito kumpara sa bahay ng aming mga magulang. Ang kisame ng mga daanan ay may mga heat pipe na ang taas ay eksakto sa noo ko. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong nauntog doon kada lipat ko ng kwarto. Natatandaan pa ni Sister Tingey kung gaano ka-pangit ang mga wallpaper na may larawan ng pulang tandang. Wala kaming sariling labahan kaya sa loob ng 18 buwan ginamit namin ang commercial Laundromat.

Duplex ang ikalawang apartment namin noong nasa military ako at iisa lang ang banyo na nasa gitna ng dalawang apartment. May dalawang pintuan ang banyo para sa bawat apartment. Mahuhulaan niyo ang iniisip ng asawa ko sa ganoong ayos. Natulog kami sa di-tiklop na kama na madaling ilipat-lipat pero talagang hindi komportable. Card table ang una naming mesa na natutupi ang mga paa nito. Madalas naming gamitin ito sa maraming okasyon nang hindi sinasadya ay nasagi ko ang isa sa mga paa, at bumagsak sa sahig ang buong mesa at lahat ng nakapatong dito.

Sa loob ng maraming taon nang apat na ang anak namin na edad siyam pababa, tumira kami sa isang apartment na dadalawa ang kwarto. Siksikan ba kami? Oo! Pero, ngayon, ang ilan sa mga pinakamatamis na alaala ng aming pamilya ay nagmula sa mga panahong iyon.

Nakita ninyo, kaunti lang ang kasangkapan namin at wala kaming mga karangyaan nang magsimula kaming magsama. Pag naiisip ko ito, natanto kong hindi ito mahalaga. Nagmamahalan kami, gusto namin magkapamilya, at nagtiwala lang kami sa Panginoon at nanalig na maaayos ang lahat.

Ngayon, matapos ang 48 taon, may maganda na kaming tahanan na naroon na ang lahat, at marahil sobra pa, ng mga bagay na kailangan namin. Pero noong nagsisimula pa lang kami, mayroon lang kaming kakaunti. Mas Masaya kami ngayon dahil tumindi ang aming pagmamahalan dahil sa naransan naming hirap sa buhay at hindi dahil sa mga makamundong bagay na napundar namin.

Dapat may gayon din kayong pananampalataya at handang sumulong sa ganoong buhay. Maging handa na magsimula anuman ang sitwasyon ninyo at palakahin at paunlarin ang inyong pamilya nang may pagmamahal at pasasalamat sa inyong mga pagpapala.

7. Nagpapatuloy ang Pamilya, Nagiging Pamilyang Binubuo ng Maraming Henerasyon

Ang susunod na simpleng katotohanan mula sa langit ay ang huwaran na itinatag nina Adan at Eba na hindi lamang magkaroon ng mga anak kundi magkaroon ng angkan. Mababasa natin: “at magmula sa araw na yaon, ang mga anak na lalaki at babae ni Adan ay nagsimulang mahati nang dala-dalawa sa lupa, at magbungkal ng lupa, at mag-alaga ng mga kawan, at sila ay nagkaroon din ng mga anak na lalaki at babae” (Moises 5:3).

Nagtatangka tayo na magkaroon ng isang Simbahang may maraming henerasyon. Ang pagkakaroon ng angkan—hindi lamang para maging magulang pero maging lolo at lola at lolo at lola sa tuhod—ay isa sa mga nakapagpapayamang pagpapala na dumarating sa mga tapat na miyembro ng Simbahan.

Habang minamasdan ng mga General Authority ang paglaki at pag-unlad ng Simbahan sa maraming bansa sa mundo, isa sa pinakakasiya-siyang karanasan namin ay makita ang matatapat na pamilyang may malaking angkan na nakatira sa lugar kung saan naroon ang Simbahan nang ilang dekada pa lamang. Nakita na namin ang mga anak, mga apo, mga lolo at lola, at iba pa. Tama ito. Ito ang dapat nating iisagawa hangga’t maaari: isang malaki at magandang pamilya na tutulong sa pagpapalaki at pagpapaunlad ng Simbahan saanmang bansa o lugar kayo nakatira.

Isang maganda at naglalarawang banal na kasulatan ang mababasa sa Mga Awit.

“Narito, ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon: at ang bunga ng bahay-bata ay kaniyang ganting-pala.

“Kung paano ang mga pana sa kamay ng makapangyarihang lalake; gayon ang mga anak ng kabataan.

“Maginhawa ang lalake na pumuno ng kanyang lalagyan ng pana ng mga yaon” (Mga Awit 127:3-5).

Handa ba kayong paganahin ang inyong isipan at ilarawan kung nasaan kayo naroon o kung saan ninyo gusto, paglipas ng 20 o 25 taon? Kung kayo ay edad 20 ngayon, ano kaya ang buhay ninyo kapag kayo ay 40 o 45 taong gulang na?

Sa halos lahat ng pagkakataon kapag itinatanong ko ito sa mga young single adult, binabanggit nila ang “pamilya” bilang kanilang pangunahing priyoridad. Hindi madalas na pinagtutuunan ang mga ari-arian at mga libangan. Ang makasama ang isang mapagmahal na pamilya—inyong mga anak at mga apo—ay ang tagpong nais mangyari ng karamihan sa inyo.

Simulan ninyo ngayon na maikasatuparan ang nakikinita ninyong iyon sa inyong sarili.

8. Kinikilala Natin ang Diyos, Sinasamba Siya, at Iniaalay sa Kanya ang Ating mga Sakripisyo

Nang magsimulang mamuhay si Adan sa labas ng Halamanan ng Eden, nagsimula siyang mag-alay ng mga sakripisyo. Mababasa natin ang sumusunod:

“At pagkalipas ng maraming araw, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Adan, nagsasabing: Bakit ka nag-aalay ng mga hain sa Panginoon? At sinabi ni Adan sa kanya: Hindi ko batid, maliban sa iniutos sa akin ng Panginoon.

“At sa gayon nangusap ang anghel, nagsasabing: Ang bagay na ito ay kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan.

“Kaya nga, gawin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa pangalan ng Anak, at ikaw ay magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman” (Moises 5:6–8).

Sa simpleng katotohanang ito mula sa langit ay sinasabing sa pagsisimula ninyo ng buhay may-asawa at buhay may-pamilya, alalahanin ninyo ang ang inyong kaugnayan sa inyong Ama sa Langit. Alalahaning Siya ang inyong Diyos at inyong Ama at kayo ay Kanyang anak na lalaki o babae. Ialay ninyo ang inyong panahon at talento sa Kanya. Maging tapat sa Simbahan. Paglingkuran ang inyong kapwa. Hangaring maging matwid. Magpasalamat sa marami ninyong biyaya sa pamamagitan ng pagbibigay at pagbabalik sa Kanya ng ikapu ng inyong kinita upang sa kapakumbabaan ay matanggap ninyo at makilala na umaasa kayo sa inyong Ama sa Langit.

9. Nagmula sa mga Sakripisyong Ito ang mga Ipinangakong Pagpapala

Ang ikasiyam na simpleng katotohanang ito mula sa langit ay pagkilala sa mga pagpapalang nagmula sa inyong pagsasakripisyo. Sinasabi ng mga banal na kasulatan:

“At nang araw na yaon ang Espiritu Santo ay napasa kay Adan, na siyang nagpapatotoo sa Ama at sa Anak, nagsasabing: Ako ang Bugtong na anak ng Ama mula pa sa simula, ngayon at magpakailanman, nang sa iyong pagkahulog, ikaw ay matubos, at ang buong sangkatauhan, maging kasindami ng magnanais.

“At sa araw na yaon, pinapurihan ni Adan ang Diyos at napuspos, at nagsimulang magpropesiya hinggil sa lahat ng mag-anak sa mundo, nagsasabing: Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos.

“At si Eva, na kanyang asawa, ay narinig ang lahat ng bagay na ito at natuwa, nagsasabing: Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin.

“At pinapurihan nina Adan at Eva ang pangalan ng Diyos, at ipinaalam nila ang lahat ng bagay sa kanilang mga anak na lalaki at babae” (Moises 5:9–12).

Natukoy ba ninyo ang ilan sa mga pagpapalang natanggap nina Adan at Eva sa pamamagitan ng kanilang sakripisyo? Nakasama nila ang Espiritu Santo, na nagpatotoo sa Ama at sa Anak at ginabayan at pinatnubayan sila sa lahat ng kanilang pagpapasya. Pinagpala silang magkaroon ng diwa ng propesiya hinggil sa kanilang pamilya upang magabayan sila sa kanilang mga pagpapasiya at sa pangangalaga sa kanilang mga anak. Binuksan ang kanilang mga mata upang makita at matukoy nila ang mabuti sa masama at makapili nang tama para sa kanilang pamilya.

Sinasabi ng mga banal na kasulatan na sina Adan at Eva ay magagalak sa mga pagpapalang darating sa kanilang pamilya. At pinangakuan sila na lahat ng mga pagpapala at bagay na ito ay ipaaalam sa kanilang mga anak—kanilang posteridad.

Naniniwala ba kayong mapapasainyo ang mga pangakong ito bunga ng kahandaan ninyong tanggapin ang mga responsibilidad ng pag-aasawa at pagpapamilya? Pinatototohanan ko na mangyayari ito at mapapasainyo rin ang mga pagpapalang natanggap nina Adan at Eva para sa kanilang pamilya.

10. Ang Kaganapan ng Ebanghelyo, Kabilang ang Lahat ng Ordenansa sa Templo, ay Makakamtan Natin

Ang huling simpleng katotohanan mula sa langit na ibabahagi ko sa inyo ngayong gabi ay kaugnay ng mga pagpapalang nagmula sa mga sagradong ordenansa. Mababasa natin sa mga huling talata ng ikalimang kabanata sa Moises ang sumusunod:

“At sa gayon sinimulang ipangaral ang Ebanghelyo, mula sa simula, na ipinahayag ng mga banal na anghel na isinugo mula sa kinaroroonan ng Diyos, at sa pamamagitan ng kanyang sariling tinig, at sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo.

“At sa gayon pinagtibay kay Adan ang lahat ng bagay, sa pamamagitan ng isang banal na ordenansa, at ang Ebanghelyo ay ipinangaral, at isang utos ang ipinadala, na ito ay nararapat na manatili sa daigdig, hanggang sa wakas niyon; at gayon nga ito. Amen” (Moises 5:58–59).

Ang banal na kasulatang ito, na aking ikasampung simpleng katotohanan mula sa langit, ay nangangako na mapapasainyo ang lahat ng bagay kung susundan ninyo ang huwarang binabanggit natin. Siyempre pa, ang ibig sabihin nito, ay mapapasainyo ang lahat ng mga pagpapala ng ipinanumbalik na Simbahan. Kapag tinutukoy nito lalo na ang ang “isang banal na ordenansa,” tinutukoy nito ang mga templo at ang magagandang seremonya at ordenansa ng templo na ginagawa sa loob nito. Isang napakalaking pagpapala ang umasang maaari ninyong matamasa ang lubos na mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo, kabilang na ang lahat ng mga pagpapala ng templo, kung handa kayong makibahagi sa maganda at mga simpleng katotohanan mula sa langit na ibinahagi ko sa inyo ngayong gabi.

Sundin ang Inspiradong Payo

Bilang buod, ang 10 simpleng katotohanan mula sa langit na binanggit natin ngayong gabi ay ang sumusunod:

1. Nilikha ng Diyos ang mundong ito para ating tirahan at gamitin.
2. Hindi dapat mag-isa ang isang lalaki.
3. Isinasaad sa plano na ang babae at lalaki ay dapat pumisan sa isa’t isa bilang mag-asawa.
4. Mahalaga na may kalayaang pumili.
5. Kailangan nating magtrabaho habang narito sa mundo.
6. Ang mga mag-asawa ay dapat magkaroon ng mga anak at bumuo ng pamilya.
7. Nagpapatuloy ang pamilya, at nagiging pamilyang binubuo ng maraming henerasyon.
8. Kinikilala natin ang Diyos, sinasamba Siya, at inaalay sa kanya ang ating mga sakripisyo.
9. Nagmula sa mga sakripisyong ito ang mga ipinangakong pagpapala.
10. Ang kabuuan ng ebanghelyo, kabilang na ang lahat ng ordenansa sa templo, ay makakamtan natin.

Mangyaring huwag tanggihan ang payong ito. Sikaping huwag ipagpaliban ang pag-aasawa kung nariyan na ang pagkakataon. Huwag kayong maghangad ng perpektong mapapangasawa. Karaniwan, walang taong perpekto. Alalahanin ninyo, hindi kayo perpekto. Sa halip ay maghanap kayo ng mapapangasawa na kasabay ninyong magpapakaperpekto.

Huwag ipagpaliban ang pagkakaroon ng pamilya. Maging handang magsakripisyo at magtaguyod ng pamilya kaakibat ang mga hamong ibubunga nito, nalalamang sa paggawa niyon magkakaroon kayo ng magagandang alaala na magpapatibay at magpapalakas sa inyong pamilya sa mga darating na taon.

Alam kong napakabigat ng ipinayo ko sa inyo ngayong gabi. Para sa ilan tila imposible itong matamo. Ngunit manampalataya kayo, at samahan iyan ng paggawa. Kilala kayo ng Panginoon bilang mga indibiduwal at alam Niya ang kani-kanya ninyong kalagayan. Pagpapalain Niya kayo. Tutulungan Niya kayong maisakatuparan ang bagay na tama at matwid ninyong hangarin. Mangyaring manampalataya kayo.

Bilang pagtatapos, naniniwala akong marami sa inyo ang makapagsasabing “Naniniwala ako sa lahat ng sinasabi ninyo at hangad kong magkaroon ng mga huwarang iyon sa aking buhay at sundin ang mga ito. Pero paano kong malalaman kung tama ang mga desisyon ko?”

Sasagutin ko iyan: Malalaman ninyo iyan sa paraan din ng pagtanggap ng mga lider ng Simbahan ngayon ng mga inspirasyon na nagbubunga ng maraming mahahalagang pagpapasiya. Malalaman ninyo sa pamamagitan ng Espiritu.

Karapatan ninyong magkaroon ng kapayapaan at pagpapatotoo ng espiritu na magpapatunay na tama ang inyong mga nadarama. Ang pagmamahal sa isa’t isa at pagkakasundo bilang mag-asawa ay ipaaalam sa inyo tulad ng inilalarawan sa Doktrina at mga Tipan:

“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan;

“At pagkatapos ay iyong malalaman, o sa pamamagitan nito ay iyong malalaman, ang lahat ng bagay anuman ang naisin mo sa akin, na nauukol sa mga bagay ng kabutihan, nang may pananampalataya na naniniwala sa akin na ikaw ay makatatanggap” (D at T 11:13–14).

Huwag maghangad pa ng tinig na tulad ng lindol, kundi makinig sa marahan at banayad na tinig. Darating iyon, at malalaman ninyo.

Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos, aking minamahal na mga kabataang miyembro—kayong mga magiging ama, ina, lolo, lola, at lider ng Simbahan. Mahal namin kayo. Mahal kayo ng Panginoon. Gusto Niyang maging masaya kayo. Gusto niyang magkaroon kayo ng kagalakan. Gusto Niyang sundan ninyo ang walang hanggang huwarang Kanyang binuo.

Nagpapatooo ako na ang mga huwaran ng mga simpleng katotohanang ito mula sa langit ay totoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. History of the Church, 6:303; idinagdag ang pagkakahilig ng mga salita.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy