The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library Worldwide Leadership Training Meeting: Supporting the Family Elder David A. Bednar

Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano

ELDER DAVID A. BEDNAR
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

ELDER DAVID A. BEDNARAng Huwarang Pagsasama ng Mag-asawa Ayon sa Doktrina

Pinayuhan tayong mabuti ng Unang Panguluhan na pagsikapan nating mabuti ang pagpapatibay ng kasal at ng tahanan. Ang gayong tagubilin ay higit na kailangan sa daigdig ngayon, dahil hinahamak ang kabanalan ng kasal at binabalewala ang kahalagahan ng tahanan.

Kahit sinusuportahan ng Simbahan at ng mga programa nito ang kasal at pamilya at karaniwan ay nagtatagumpay dito, lagi nating tandaan ang mahalagang katotohanang ito: walang anumang bagay o organisasyon na makahahalili sa tahanan o makatutupad sa mahahalagang tungkulin nito.1 Dahil dito, magsasalita ako ngayon sa inyo unang-una bilang kalalakihan at kababaihan, bilang mga asawa, at bilang mga ama’t ina—at ikalawa bilang mga lider ng priesthood at auxiliary sa Simbahan. Ang tungkulin ko ay talakayin ang mahalagang papel ng kasal na walang hanggan sa plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit.

Tutuon tayo sa kung ano ang huwarang pagsasama ng mag-asawa ayon sa doktrina. Umaasa ako na ang pagrerebyu ng ating mga walang hanggang posibilidad at paalala kung sino tayo at bakit tayo narito sa mortalidad ay magbibigay ng direksyon, kapanatagan, at pag-asa sa ating lahat, may asawa man tayo o wala o anuman ang kalagayan natin ngayon. Kung minsa’y parang malaki ang kaibhan ng huwarang pagsasama ng mag-asawa ayon sa doktrina sa tunay na nangyayari sa buhay sa araw-araw, pero unti-unti kayong humuhusay at bumubuti kaysa inaakala ninyo.

Nais kong isipin ninyo ang sumusunod na mga tanong habang tinatalakay natin ang mga alituntuning nauugnay sa kasal na walang hanggan.

Unang tanong: Sa sarili kong buhay, sinisikap ko bang maging mas mabuting asawa, o naghahanda ba akong mag-asawa, sa pamamagitan ng pag-unawa at pamumuhay ng mga pangunahing alituntuning ito?

Ikalawang tanong: Bilang lider ng priesthood o auxiliary, tinutulungan ko ba ang mga pinaglilingkuran ko na maunawaan at maisagawa ang mga pangunahing alituntuning ito, para tumibay ang pagsasama ng mag-asawa at pamilya?

Habang mapanalangin nating pinag-iisipang mabuti ang mga tanong na ito at gayundin ang ating relasyon sa ating asawa at mga responsibilidad sa Simbahan, pinatototohanan ko na bibigyang-liwanag ng Espiritu ng Panginoon ang ating isipan at ituturo sa atin ang mga bagay na dapat nating gawin at pagbutihin (tingnan sa Juan 14:26).

Bakit Mahalaga ang Kasal

Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ipinahayag ng Unang Panguluhan at Konseho ng Labindalawang Apostol “na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inordena ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”2 Maraming itinuturo sa atin ang mahalagang pangungusap na ito sa pagpapahayag tungkol sa kabuluhan ng kasal ayon sa doktrina at binibigyang-diin ang pangunahing kahalagahan ng kasal at pamilya sa plano ng Ama. Ang matwid na pag-aasawa ay isang utos at mahalagang hakbang para magkaroon ng pagmamahalan sa pamilya na maitutuloy hanggang sa kabilang buhay.

Dalawang malalaking dahilan ayon sa doktrina ang nagpapaunawa sa atin kung bakit mahalaga ang kasal na walang hanggan sa plano ng Ama.

Unang dahilan: Ginagawang lubos at ganap ng katangian ng mga espiritu ng lalaki’t babae ang isa’t isa, kaya’t nilayon na magkasamang umunlad ang mga lalaki’t babae tungo sa kadakilaan.

Ang likas na kawalang-hanggan at kahalagahan ng kasal ay lubos na mauunawaan lamang sa pangunahing konteksto ng plano ng Ama para sa Kanyang mga anak. “Lahat ng tao— lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit at . . . may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”3 Ang dakilang plano ng kaligayahan ang nagbibigay-daan para magkaroon ng pisikal na katawan ang mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ng Ama sa Langit, magtamo ng karanasan sa mundo, at umunlad tungo sa kaganapan.

“Ang kasarian ay isang mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan”4 at nililinaw kung sino tayo, bakit tayo narito sa lupa, at ano ang gagawin natin dito at kahihinatnan natin. Dahil sa mga banal na layunin, ang espiritu ng lalaki’t babae ay magkaiba, natatangi, at magkabagay.

Matapos likhain ang mundo, inilagay si Adan sa Halamanan ng Eden. Gayunman, ang mahalaga ay sinabi ng Diyos na “hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa” (Genesis 2:18; Moises 3:18), at si Eva ang naging kasama at katuwang ni Adan. Ang natatanging kombinasyon ng espirituwal, pisikal, mental, at emosyonal na mga kakayahan kapwa ng mga lalaki at babae ay kinailangan para ipatupad ang plano ng kaligayahan. Kung nag-iisa, hindi magagampanan ng lalaki ni ng babae ang mga layunin ng pagkalikha sa kanya.

Sa banal na plano, ang mga lalaki’t babae ay nilayong umunlad na magkasama tungo sa kaganapan at puspos na kaluwalhatian. Dahil sa magkaiba nilang mga pag-uugali at kakayahan, hatid ng mga lalaki’t babae sa pagsasama nila ang mga natatanging pananaw at karanasan. Magkaiba ngunit magkapantay ang ambag ng lalaki at babae tungo sa pagkakaisa na hindi makakamit sa ibang paraan. Ginagawang lubos at ganap ng lalaki ang babae at ginagawang lubos at ganap ng babae ang lalaki, habang natututo at lumalakas at pinagpapala nila ang isa’t isa. “Gayon man, ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon” (I Mga Taga Corinto 11:11; idinagdag ang pagkahilig ng mga titik).

Ikalawang dahilan: Ayon sa banal na plano, kapwa kailangan ang lalaki at babae para magsilang ng mga anak sa mortalidad at ibigay ang pinakamainam na lugar sa pagpapalaki at pag-aaruga ng mga anak.

Ang utos na ibinigay noon kina Adan at Eva na magpakarami at kalatan ang mundo ay nananatiling may bisa ngayon. “Iniutos ng Diyos na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae, na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas. . . Ang paraan ng paglikha ng buhay na mortal ay itinakda ng Diyos.”5 Kaya nga, ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ang awtorisadong paraan para makapasok ang mga espiritu sa mortalidad. Ang lubos na pag-iwas sa pakikipagseks bago ikasal at lubos na katapatan pagkatapos makasal ang nangangalaga sa kabanalan ng sagradong paraang ito.

Ang tahanang may mapagmahal at tapat na mag-asawa ang pinakamagandang lugar kung saan mapapalaki ang mga anak sa pagmamahal at kabutihan at matutugunan ang espirituwal at pisikal na mga pangangailangan ng mga anak. Kung gaano kahalaga ang tulong ng mga natatanging katangian kapwa ng mga lalaki at babae sa pagkalubos ng pagsasama ng mag-asawa, gayundin kahalaga ang mga katangiang iyon sa pagpapalaki, pag-aaruga, at pagtuturo sa mga anak. “Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal.”6

Mga Gabay na Alituntunin

Ang nirebyu nating dalawang dahilan ayon sa doktrina tungkol sa kahalagahan ng kasal na walang hanggan sa plano ng kaligayahan ng Ama ay nagmumungkahi ng mga gabay na alituntunin para sa mga taong naghahandang magpakasal, sa mga kasal na, at sa paglilingkod natin sa Simbahan.

Unang alituntunin: Ang kahalagahan ng kasal na walang hanggan ay mauunawaan lamang sa konteksto ng plano ng kaligayahan ng Ama.

Madalas nating pag-usapan at itampok ang kasal bilang pangunahing yunit ng lipunan, bilang pundasyon ng matatag na bansa, at bilang mahalagang institusyon ng lipunan at kultura. Ngunit ipinauunawa sa atin ng ipinanumbalik na ebanghelyo na ito’y higit pa rito!

Hindi kaya tinatalakay natin ang kasal nang hindi man lang itinuturo ang kahalagahan ng kasal sa plano ng Ama? Ang pagbibigay-diin sa kasal nang hindi ito iniuugnay sa simple at pangunahing doktrina ng plano ng kaligayahan ay hindi magbibigay ng sapat na patnubay, proteksyon, o pag-asa sa mundong lalong nalilito at sumasama. Makabubuting alalahanin natin ang turo ni Alma—na “ang Diyos ay nagbigay sa [mga anak ng tao] ng mga kautusan, matapos maipaalam sa kanila ang plano ng pagtubos” (Alma 12:32; idinagdag ang pagkahilig ng mga titik).

Napakaganda ng paliwanag ni Elder Parley P. Pratt tungkol sa mga biyayang dumarating sa atin kapag natututuhan, nauunawaan, at sinisikap nating ipamuhay ang huwarang pagsasama ng mag-asawa ayon sa doktrina:

“Si Joseph Smith ang nagturo sa akin kung paano pahalagahan ang pagmamahalan ng ama’t ina, mag-asawa; ng magkapatid, ng anak na lalaki’t babae.

“Sa kanya ko nalaman na ang pinakamamahal kong asawa ay makakasama ko sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan; at ang dalisay na kabaitan at pag-ibig na naglapit sa amin sa isa’t isa ay nagmula sa bukal ng banal at walang hanggang pag-ibig. . . .

“Umibig na ako noon, pero hindi ko alam kung bakit. Ngunit ngayo’y umibig ako—nang dalisay—matindi at dakilang damdamin, na mag-aangat sa aking kaluluwa mula sa pansamantalang buhay na ito at magpapalawak tulad ng karagatan. . . . Sa madaling salita, kaya ko na ngayong magmahal nang buong kaluluwa at may pag-unawa.

“Gayunman, noong panahong iyon, ang pinakamamahal kong kapatid na si Joseph Smith, ay . . . inangat lang ang isang dulo ng tabing at pinasilip ako sa kawalang-hanggan.”7

Bilang mga lalaki’t babae, bilang mga mag-asawa, at bilang mga lider ng Simbahan, nakikita ba natin kung paano mauunawaan lamang ang kahalagahan ng kasal na walang hanggan sa konteksto ng plano ng kaligayahan ng Ama? Ang doktrina ng plano ang umaakay sa mga lalaki’t babae na umasa at maghanda para sa kasal na walang hanggan, at nadadaig nito ang mga pangamba at kawalang-katiyakan na maaaring maging dahilan ng pagpapaliban o pag-iwas ng ilang tao sa kasal. Ang wastong pagkaunawa sa plano ay nagpapalakas din sa ating pasiyang patuloy na igalang ang tipan ng kasal na walang hanggan. Ang sarili nating pagkatuto, pagtuturo, at pagpapatotoo kapwa sa tahanan at sa Simbahan ay madaragdagan sa pagninilay natin at higit na pag-unawa sa katotohanang ito.

Ikalawang alituntunin: Hangad ni Satanas na maging kaaba-abang tulad niya ang lahat ng lalaki at babae.

Walang tigil si Lucifer sa pag-atake at pagbaluktot sa mga doktrinang pinakamahalaga sa atin, sa ating mga pamilya, at sa buong mundo. Saan itinutuon ng kaaway ang kanyang pinakahayagan at pinakamasamang mga pag-atake? Hindi tumitigil si Satanas na lituhin ang pagkaunawa sa kasarian, itaguyod ang wala sa panahon at di-matwid na paggamit ng kapangyarihang lumikha ng anak, at hadlangan ang matwid na pag-aasawa dahil nga sa inorden ng Diyos ang kasal at ang pamilya ang sentro sa plano ng kaligayahan. Ang pag-atake ng kaaway sa kasal na walang hanggan ay patuloy na titindi, dadalas, at magiging masalimuot.

Dahil tayo ngayo’y nakikidigma para sa kapakanan ng kasal at ng tahanan, sa pinakahuling pagbabasa ko ng Aklat ni Mormon pinagtuunan ko ng pansin ang mga paraan ng mga Nephita sa paghahanda sa pakikidigma sa mga Lamanita. Napansin ko na “nalalaman [ng mga tao ni Nephi] ang layunin ng [kanilang kaaway], at kaya nga, sila ay naghanda na harapin sila” (Alma 2:12; idinagdag ang pagkahilig ng mga titik). Sa pagbabasa ko at pag-aaral, nalaman ko na pag-unawa sa layunin ng kaaway ay lubos na kailangan sa epektibong paghahanda. Dapat din nating isaisip ang layunin ng ating kaaway sa digmaan sa mga huling araw na ito.

Ang plano ng Ama ay nilayong pumatnubay sa Kanyang mga anak, tulungan silang lumigaya, at ligtas silang maiuwi sa Kanya. Ang layunin ng mga pag-atake ni Lucifer sa plano ay para lituhin at palungkutin ang mga anak ng Diyos at pigilan ang kanilang walang hanggang pag-unlad. Pangunahing layon ng ama ng kasinungalingan na tayong lahat ay “maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:27), at sinisikap niyang baluktutin ang mga elemento sa plano ng Ama na labis niyang kinamumuhian. Si Satanas ay walang katawan; hindi siya makapag-aasawa; at hindi siya magkakapamilya. At pilit niyang sinisikap na ilito ang mga banal na layuning itinakda ng kasarian, kasal, at pamilya. Sa buong mundo, nakikita natin ang dumaraming ebidensya ng pagiging epektibo ng gawain ni Satanas.

Nito lang huli, tinangkang pagsamahin at gawing legal ng diyablo ang pagkalito at maling ideya tungkol sa kasarian at kasal. Sa pagtanaw natin sa kabilang buhay at kawalang-hanggan, madaling maunawaan na ang huwad na mga alternatibong itinataguyod ng kaaway ay hindi kailanman hahantong sa pagiging kumpleto na naging posible dahil sa pagbubuklod ng isang lalaki’t isang babae, sa kaligayahang dulot ng matwid na pag-aasawa, sa kagalakan sa mga inapo, o sa biyaya ng walang hanggang pag-unlad.

Batid ang layunin ng ating kaaway, dapat tayong lalong mag-ingat sa paghahangad ng personal na inspirasyon kung paano natin pangangalagaan at ililigtas ang ating kasal mismo—at paano natin matututuhan at maituturo ang mga tamang alituntunin sa tahanan at sa mga tungkulin natin sa Simbahan tungkol sa walang hanggang kabuluhan ng kasarian at ng ginagampanan ng kasal sa plano ng Ama.

Ikatlong alituntunin: Ang pinakamalaking pagpapala ng pag-ibig at kaligayahan ay nakakamit sa pamamagitan ng tipan ng kasal na walang hanggan.

Ang Panginoong Jesucristo ang sentro sa tipan ng kasal. Pansinin ninyo kung paano nakaposisyon ang Tagapagligtas sa pinakaitaas ng tatsulok na ito, na ang babae at lalaki ay nasa magkabilang sulok sa ibaba. Isipin ngayon kung ano ang mangyayari sa pagsasama ng lalaki’t babae habang pareho silang unti-unting “lumalapit kay Cristo” at nagsisikap na maging “ganap sa Kanya” (Moroni 10:32). Dahil sa at sa pamamagitan ng Manunubos, nagkakalapit ang lalaki’t babae sa isa’t isa.

Habang napapalapit ang mag-asawa sa Panginoon (tingnan sa 3 Nephi 27:14), habang natututuhan nilang paglingkuran at mahalin ang isa’t isa, sa mga karanasan nila sa buhay at sabay sa pag-unlad at pagiging isa, at habang pinagpapala sila sa pagsasanib ng mga likas nilang katangian, matatanto nila ang katuparan ng mga hangarin ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Ang sukdulang kaligayahan, na siyang pinakamimithi ng plano ng Ama, ay natatanggap sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa kasal na walang hanggan at paggalang dito.

Bilang mga lalaki’t babae, bilang mga mag-asawa, at bilang mga lider ng Simbahan, isa sa pinakamahahalagang responsibilidad natin ang tulungan ang mga kabataang lalaki’t babae na matuto at maghanda para sa matwid na pag-aasawa sa pamamagitan ng ating halimbawa. Kapag nakikita ng mga kabataang lalaki’t babae ang pagkamarapat, katapatan, sakripisyo, at paggalang sa mga tipan sa ating kasal, hahangarin ng mga kabataang iyon na sundin ang mga alituntunin ding iyon sa kanilang pagliligawan at pagsasama bilang mag-asawa. Kapag napansin ng mga kabataan na inuuna natin ang katiwasayan at kaginhawahan ng ating asawa sa kawalang-hanggan, mababawasan ang pagkamakasarili nila at higit silang magbibigay, maglilingkod, at lilikha ng maayos at nagtatagal na pagsasama. Kapag naunawaan ng mga kabataang lalaki’t babae ang paggalang sa isa’t isa, pagmamahal, pagtitiwala, at pag-ibig sa pagitan ng mag-asawa, sisikapin nilang magkaroon ng gayunding mga katangian sa kanilang buhay. Mas maraming matututuhan ang ating mga anak at kabataan ng Simbahan mula sa ginagawa natin at kung ano tayo—kahit kaunti lang ang natatandaan nila sa sinasabi natin.

Nakakalungkot na marami sa mga batang miyembro ng Simbahan ngayon ang takot magpakasal at hindi naikakasal sa kawalang-hanggan dahil napakarami nilang nakikitang diborsiyo sa mundo at nasisirang mga tipan sa kanilang tahanan at sa Simbahan.

Ang kasal na walang hanggan ay hindi lamang pansamantalang legal na kontrata na mapapawalang-bisa anumang oras sa halos anumang dahilan. Bagkus, ito’y sagradong pagkikipagtipan sa Diyos na may bisa sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Ang katapatan ng mag-asawa sa isa’t isa ay hindi lang dapat maging kaakit-akit na mga salitang binibigkas sa mga sermon; bagkus, dapat makita ang mga alituntuning ito sa sarili nating tipan sa kasal.

Kapag isinasaisip natin sa kahalagahan ng ating halimbawa, may nakikita ba tayong mga bagay na kailangan pa nating pagbutihin? Binibigyang-inpirasyon ba ng Espiritu Santo ang ating isipan at pinalalambot ang ating puso at hinihikayat tayong kumilos at magpakabuti? Bilang mga lider ng priesthood at auxiliary, itinutuon ba natin ang ating mga gawain sa pagpapatibay ng pagsasama ng mag-asawa at pamilya?

Kailangang magkasama ang mga mag-asawa para mapalakas ang kanilang sarili at kanilang tahanan laban sa pag-atake ng kaaway. Sa pagsisikap nating magampanan ang ating mga tungkulin sa Simbahan, hindi kaya natin nahahadlangan nang hindi sinasadya ang mga mag-asawa at ama’t ina sa pagtupad sa kanilang mga sagradong responsibilidad sa tahanan? Halimbawa, kung minsan ba’y nag- iiskedyul tayo ng mga miting at aktibidad na hindi naman kailangan na nakakahadlang sa mahalagang pagsasama ng mag-asawa—at ng ugnayan nila sa kanilang mga anak?

Habang taimtim nating pinag- iisipang mabuti ang mga tanong na ito, tiwala ako na tumutulong ang Espiritu kahit ngayon at patuloy tayong tutulungang matuto ng mga bagay na dapat nating gawin sa tahanan at sa Simbahan.

Ang mga Espirituwal na Mapagkukunan na Ating Kailangan

Ang mga responsibilidad nating alamin at unawain ang doktrina ng plano, tumulong at maging mga halimbawa ng matwid na pag-aasawa, at ituro ang mga tamang alituntunin sa tahanan at sa simbahan, ay maaaring magpaisip sa atin kung kaya nating gampanan ang tungkulin. Tayo’y mga pangkaraniwang taong dapat magsagawa ng tunay na pambihirang gawain.

Maraming taon na ang nakalilipas, abala kami ni Sister Bednar sa pagtugon sa napakaraming sabay-sabay na pangangailangan ng isang nagsisimula at masiglang pamilya—at ng Simbahan, trabaho, at mga responsibilidad sa komunidad. Isang gabi nang makatulog na ang mga bata, matagal kaming nag-usap tungkol sa kung gaano kaepektibo naming naaasikaso ang lahat ng mahahalaga naming priyoridad. Natanto namin na hindi namin matatanggap ang pangakong mga biyaya sa kawalang-hanggan kung hindi namin lubos na igagalang ang tipang ginawa namin sa mortalidad. Kapwa kami nagdesisyong kumilos at magpakabuti bilang mag-asawa. Ang aral na iyon na matagal na naming natutuhan ay nagdulot ng malaking kaibhan sa aming pagsasama.

Ang matamis at simpleng doktrina ng plano ng kaligayahan ay nagbibigay ng mahalagang pananaw sa kawalang-hanggan at ipinauunawa sa atin ang kahalagahan ng kasal na walang hanggan. Mapalad tayo at nasa atin ang lahat ng espirituwal na sangguniang kailangan natin. Nasa atin ang kabuuan ng doktrina ni Jesucristo. Nasa atin ang Espiritu Santo at paghahayag. Mayroon tayong mga nakapagliligtas na ordenansa, tipan, at templo. Mayroon tayong priesthood at mga propeta. Nasa atin ang mga banal na kasulatan at ang kapangyarihan ng salita ng Diyos. At nasa atin Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Pinatototohanan ko na mapalad tayo at nasa atin ang lahat ng espirituwal na sangguniang kailangan natin para matuto, makapagturo, makapagpatatag, at maipagtanggol ang matwid na kasal—at talagang magkasama tayong mabubuhay sa kaligayahan bilang mga mag-asawa at pamilya sa kawalang-hanggan. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

1. Tingnan sa liham ng Unang Panguluhan, Peb. 11, 1999; tingnan sa Liahona, Dis. 1999, 1.

2. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49.

3. Liahona, Okt. 2004, 49.

4. Liahona, Okt. 2004, 49.

5. Liahona, Okt. 2004, 49.

6. Liahona, Okt. 2004, 49.

7. Autobiography of Parley P. Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. (1938), 297–98.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy