The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library Worldwide Leadership Training Meeting: Supporting the Family Elder L. Tom Perry

Banal na Tungkuling Mahalin at Kalingain ang Bawat Isa

ELDER L. TOM PERRY
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

ELDER L. TOM PERRYPagbabalanse ng Ating mga Responsibilidad

Ang naitalagang paksa sa akin ay ang sumusunod na pangungusap mula sa pagpapahayag sa mag-anak: “Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak.”1 Nais kong ituro ang paksang ito sa kakaibang paraan kaysa sa nakasanayan na ninyo sa ibang mga miting sa pagsasanay sa pamumuno. Hindi ako gaanong magbabanggit mula sa mga hanbuk; sa halip gusto ko kayong kausapin nang masinsinan tungkol sa paglilingkod ninyo sa kaharian ng ating Ama sa Langit. Ang layunin nito ay ang malaman kung sama-sama nating mas mauunawaan kung paano mababalanse ang ating mga responsibilidad na mahalin at kalingain ang ating pamilya kasabay ng iba pang mahahalagang tungkuling ibinigay sa atin ng Ama sa Langit.

Nang itatag ang Simbahan noong Abril 6, 1830, tinanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala ngayon bilang bahagi 21 ng Doktrina at mga Tipan. Mababasa sa isang bahagi ng paghahayag:

“Masdan, may talaang iingatan sa inyo; at sa mga ito ikaw ay tatawaging tagakita, tagapagsalin, propeta, isang apostol ni Jesucristo, elder ng simbahan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos Ama, at ng biyaya ng inyong Panginoong Jesucristo,

“Na pinupukaw ng Espiritu Santo upang itatag ang saligan niyaon, at itayo ito sa pinakabanal na pananampalataya. . . .

“Dahil dito, nangangahulugang ang simbahan, kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko;

“Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya” (D at T 21:1–2, 4–5).

Kabilang sa mga unang tagubiling ibinigay sa bagong tatag na Simbahang ito ay sundin ang inspirasyon at paghahayag na nagmumula sa Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang propeta, sa pagtupad sa ating mga responsibilidad sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Nangako Siyang papatnubayan tayo sa landas na dapat nating tahakin upang isakatuparan ang dakilang gawaing ito.

Ang Payo ng Propeta

Palagay ko’y ibinigay sa atin ni Pangulong Gordon B. Hinckley, na ating propeta ngayon, ang susi upang mabalanse ang ating mga responsibilidad sa naunang pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno, na ginanap noong Hunyo 21, 2003. Sa brodkast na iyon ay sinabi niya:

“Nasa inyo . . . ang pribilehiyong kumatawan sa Manunubos ng daigdig habang isinusulong natin ang gawaing ito. Nasa inyo ang pagkakataong magsalita tungkol sa kagandahan ng nagbabayad-salang dugo ng Panginoong Jesucristo para sa kapakanan ng Kanyang mga anak. May hihigit pa bang pribilehiyo rito?

“Magalak sa pribilehiyo ninyo. Hindi panghabang-panahon ang pagkakataong ito. Di magtatagal at tanging alaala ng dakilang karanasan ninyo ngayon ang mananatili.

“Walang sinuman sa atin ang makagagawa ng lahat ng nais nating gawin. Ngunit gawin natin ang lahat ng pinakamainam nating magagawa. Panatag ako na sasabihin ng Manunubos sa sandaling iyon, ‘Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin’ (Mateo 25:21).”2

Kung naaalala ninyo, ipinaliwanag niya sa brodkast na iyon ang apat na responsibilidad natin. Ang una ay tumutukoy sa paksang tatalakayin natin sa brodkast na ito. Sabi niya:

“Una, hindi ninyo dapat kaligtaan ang inyong pamilya. Wala nang mas mahalaga pa kaysa kanila. Ang inyong kabiyak at mga anak ay karapat-dapat pag-ukulan ng pansin ng asawa at ama nila. Matapos ang lahat, ang ugnayang ito ng pamilya ang dadalhin natin sa kabilang buhay. Sa pagpapakahulugan sa mga banal na kasulatang, ‘Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makapaglingkod siya [nang tapat] sa Simbahan at mawala naman ang kanyang pamilya?’ (tingnan sa Marcos 8:36)”3

Ito ang patuloy na mensahe ng ating mga propeta mula pa noong mga unang araw ng organisasyon ng Simbahan. Ang pinakamahalagang lugar para ituro ang ebanghelyo at pamumuno ay sa pamilya at tahanan. Kung susundin natin ang mga tagubiling ito, magbibigay tayo ng mga asaynment at magpaplano ng mga programa, aktibidad, at klaseng pupuno at tutulong sa ating mga pamilya.

Pagtatakda ng mga Wastong Priyoridad

Ang paggamit natin ng ating oras at pagpapanatiling balanse ng ating buhay ay mahalaga sa kahusayan ng pagganap natin sa ating mga tungkulin sa pamilya at paglilingkod sa Simbahan. Disiplinahin ang inyong sarili na sundin ang payo ng propeta kung paano ninyo maipa-priyoridad ang inyong oras.

Ang Inyong Asawa sa Kawalang-hanggan

Simulan sa pagtalakay sa inyong walang hanggang asawa kung ilang oras ang kailangan ninyong gugulin para mapatatag ang inyong pagsasama, at maipakita ang pagmamahal ninyo sa isa’t isa. Ito ang una ninyong priyoridad.

Ang Simbahan ay tumutulong sa mga tao at pamilya na lumapit kay Cristo at magtamo ng buhay na walang hanggan. Ang buhay na walang hanggan ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak, at nakakamtam lang ito sa isang ugnayan ng pamilya. Ang ugnayang ito ay dapat magsimula sa pag-iisa ng lalaki at babae, na sagrado sa Panginoon at isang bagay na di dapat lapastanganin. Mahalaga ang tipan ng kasal sa plano ng Panginoon at ito ang dahilan kaya Niya nilikha ang langit at lupa. Sa buong panahon ng kasaysayan, ibinigay Niya ang Kanyang sagradong batas upang pangalagaan at proteksyunan ang banal na pagsasama ng mag-asawa.

Ang Inyong mga Anak

Ikalawa, isaisip ang espirituwal na mga pangangailangan ng inyong mga anak. Ilang oras ba ang kailangan para makatiyak na magiging malapit kayo sa kanila? Responsibilidad ninyong mga ama’t ina na mag-ukol ng sapat na oras para turuan sila, dahil ang pinakamahalagang tagubiling matatanggap ng inyong mga anak kahit kailan ay dapat magmula sa kanilang mga magulang. Kailangan tayong maging pamilyar sa itinuturo ng Simbahan sa ating mga anak upang makaayon tayo sa turong iyon sa pagtuturo natin sa bawat anak. Halimbawa, ganito ang payo sa mga kabataan tungkol sa pamilya sa polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan, sa pagsipi sa pagpapahayag sa mag-anak:

“Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at mga kapaki-pakinabang na gawaing panlibangan.”4

Pagpapatuloy pa sa polyeto:

“Malaking pagpapala ang maging bahagi ng isang mag-anak. Sasamahan at paliligayahin kayo ng inyong mag-anak, tutulungan kayong matuto ng mga wastong alituntunin sa isang kapaligirang puno ng pagmamahal, at tutulungan kayong maghanda para sa buhay na walang hanggan. Hindi pare-pareho ang lahat ng mag-anak, ngunit bawat isa ay mahalaga sa plano ng ating Ama sa Langit.

“Gawin ang inyong bahagi sa pagbuo ng masayang tahanan. Maging masayahin, matulungin, at mapagbigay sa iba. Maraming problema sa tahanan ang dulot ng makasarili at walang- pakundangang pagsasalita at pagkilos ng mga miyembro ng mag-anak. Alalahanin ninyo ang mga pangangailangan ng ibang miyembro ng mag-anak. Maging tagapayapa sa halip na manukso, makipaglaban, at mang-away. Tandaan na ang mag-anak ang pinakamahalagang yunit ng Simbahan.”5

Paglalaan sa Inyong Pamilya

Ang ikatlo nating priyoridad ay ilaan ang pangangailangan ng ating pamilya. Muli sa pagpapahayag sa mag-anak:

“Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak.”6

Kailangan nating panatilihin ang magaganda nating kasanayan para kumita. Sa pabagu-bagong mundo, kailangan nating sabayan ang takbo ng panahon, dahil kung hindi ang ating mga kasanayan ay malalaos. Kahit abala tayo sa mga tungkulin sa Simbahan, hindi natin dapat palampasin ang mga oportunidad na pagbutihin ang ating pag-unlad at ang kapakanan ng ating pamilya. Kailangan dito ang paglalaan ng sapat na panahon at pag-iisip para makapaghanda sa hinaharap.

Ang payong ito ay kapwa para sa mga kapatid na babae at lalaki. Bagama’t pangunahing responsibilidad ng mga ama ang tustusan ang pamilya, sinasabi sa pagpapahayag na sa “kapansanan, kamatayan, o iba pang kalagayan”7 ay kakailanganin ninyong mga babae na gamitin at paghusayin ang inyong mga kasanayan para mapaglanaanan ang inyong pamilya.

Paglilingkod sa Simbahan

Ang ikaapat nating priyoridad ay ang katapatan natin sa oras na ipinangako nating gugulin sa mga aktibidad sa Simbahan. Pinahahalagahan ng mga aktibong pamilyang Banal sa mga Huling Araw ang oras nila sa Simbahan at sa kanilang buhay- pamilya ay pinipili nilang magkaroon ng sapat na panahon dito.

Kailangang maging lalong sensitibo ang mga lider sa iba’t ibang sitwasyon ng pamilya kapag ibinigay nila ang tungkulin at ipinaalam ang mga inaasahan. Ang mga pamilyang may maliliit na anak at may mabibigat na tungkulin sa labas ng bahay ang kapwa magulang ay malamang na madamang sagabal sa buhay-pamilya nila ang mga aktibidad sa Simbahan. Makakatulong ang mga lider ng Simbahan sa pamamagitan ng pasasalamat at pagsuporta sa mga pagsisikap ng mga miyembro na ibalanse ang paglilingkod sa Simbahan sa kanilang mga responsibilidad sa pamilya.

Pagsasali sa mga Miyembro ng Pamilya

May mga paraan para lalong magkasama-sama ang ating pamilya habang naglilingkod tayo sa ating mga tungkulin sa Simbahan sa pamamagitan ng pagsali sa ating pamilya, kung nararapat, sa ating paglilingkod. Hayaan ninyong magbigay ako ng isang personal na halimbawa.

Naging bishop ko ang tatay ko noong bata pa ako. Siya’y taong abalang-abala sa gawain niya bilang abogado. Aktibo rin siya sa mga gawain sa lungsod at palaging hinihilingang magsalita sa publiko. At, siyempre, ama siya ng anim na bata. Nagpapasalamat ako tuwina na tama ang mga priyoridad ng tatay ko. Laging si nanay ang una niyang priyoridad. Makikita ito sa paraan ng pakikitungo niya sa kanya. Kasunod nito ang tapat na pag-uukol ng pansin sa bawat anak niya.

Noong mga anim na taong gulang ako, may nagregalo sa akin ng pulang laruang bagon sa Pasko. Katulad na katulad iyon ng maliit na modelong ito. Ang maliit na pulang bagon ay nagpatunay ng tunay na bigkis naming mag-ama. Sa kaabalahan niya, kinailangan niyang humanap ng mga paraan para maisali ang pamilya niya sa mga aktibidad nang hindi naaapektuhan ang kanyang trabaho.

Ang malaking bahagi ng paglilingkod niya bilang bishop ay naganap sa panahon ng Matinding Kahirapan noong 1930s. Malaki ang pangangailangan ng marami sa mga miyembro ng aming ward. Bilang bishop, responsibilidad niyang bigyan sila ng ikabubuhay. Mukhang magandang aktibidad ito para sa bishop, sa kanyang anak, at sa maliit na pulang bagon.

Kapag umuuwi ako mula sa paaralan at nakakakita ako sa tabi ng garahe ng supot ng mga—arina, asukal, trigo, at iba pang kalakal. Alam ko na ang gabing iyon ay pagkakataon naming magkasama ni Itay.

Kapag nakauwi na siya, puno na ng mga kalakal ang maliit na pulang bagon para dalhin sa isang pamilya. Habang naglalakad kaming dalawa at nag-uusap, tinatapos namin ang aming welfare assignment sa paghahatid ng mga kalakal sa mga taong nangangailangan.

Nasaksihan ko mismo ang pagmamahal at malasakit ng mabuting lider ng priesthood sa mga miyembro ng kanyang ward. Ang higit na mahalaga, nagkaroon ako ng pagkakataong gumugol ng mahahalagang sandali sa piling ng tatay ko.

Pagtuon sa Mahahalagang Priyoridad

Gusto kong hikayatin kayo na gawin ang itinuro namin sa inyo sa unang pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno. Pinaaalalahanan namin kayo na magkakaiba sa estado ng pag-unlad ang lahat ng yunit ng Simbahan, at lahat ng yunit ay iba-iba ang pangangailangan. Kapag nagpaplano tayo ng mga programa sa Simbahan, dapat nating isaalang-alang ang mga pamilya.

Muli, binabalaan namin kayo na huwag bigyan ang inyong mga miyembro ng mahigit sa isang tungkulin sa Simbahan, at ng home teaching at visiting teaching. Disiplinahin ang sarili ninyo na sundin ang mahahalagang priyoridad, at mamamangha kayo sa patnubay ng inspirasyon ng Panginoon sa pagsasagawa ng inyong mga responsibilidad na maging mga tagapaglingkod sa Kanyang kaharian.

Ang pinakamahalagang tuon ng ipinanumbalik na Simbahan ay magpadali at magbigay sa atin ng mga pagkakataong tumulong sa Panginoon sa Kanyang gawaing isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Ginagawa natin ito unang-una sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga pamilya. Sa panahon ng pagguho ng moralidad, kawalang-katiyakan sa pulitika, kaguluhan sa buong mundo, at pabagu-bagong ekonomiya, ang pagtuon natin sa pagpapalakas at pagpapatatag ng mga pamilya ay dapat pag-igihin at pag-ibayuhin. Ang talagang layunin ng Simbahan ay tulungan ang mga pamilya na magtamo ng kaligtasan at kadakilaan sa walang hanggang kaharian sa langit.

Ang Gabay na Aklat ng Mag-anak

Ilang taon na ang nakalipas naglathala tayo ng espesyal na Gabay na Aklat ng Mag-anak. Ito’y para gamitin ng mga miyembro, lalo na ng mga bagong miyembro o mga taong kakaunti ang karanasan sa Simbahan. Hinihikayat namin kayong gamitin ito. Nagsisimula ito sa pahayag na:

“Ang mag-anak ang pangunahing yunit ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa lipunan sa panahon at kawalang-hanggan. Itinatag ng Diyos ang mga mag-anak upang magdulot ng kaligayahan sa Kanyang mga anak, pahintulutan silang matuto ng mga tamang alituntunin sa kapaligirang may pagmamahalan, at upang maihanda sila sa buhay na walang-hanggan.

“Ang tahanan ang pinakamainam na lugar upang magturo, mag-aral, at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo.”8

Muli namin kayong hinihikayat na sumangguni sa nakakatulong na mga turo sa buklet na ito.

Ang Halimbawa ng Tagapagligtas

Ang ating Panginoon at Tagapagligtas mismo ang nagministeryo sa kanyang mga tao, na pinasisigla ang mahihina, binibigyan ng pag-asa ang mga pinanghihinaan ng loob, at hinahanap ang mga nawawala. Sa Kanyang mga salita at gawa, ipinakita Niya sa mga tao na minamahal at nauunawaan at pinahahalagahan Niya sila. Kinikilala Niya ang banal na katangian at walang hanggang kahalagahan ng bawat isa. Kahit sa panawagan sa mga tao na magsisi, tinutuligsa Niya ang kasalanan hindi ang nagkasala.

Tulad ng ating Tagapagligtas, bilang mga lider sa Simbahan dapat nating mahalin ang mga taong pinaglilingkuran natin, na nagpapakita ng pag-aalala at malasakit sa bawat tao. Nawa’y pagpalain tayo ng Panginoon sa mga sagradong responsibilidad na ibinigay Niya sa atin ang aking dalangin, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

1. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49.

2. “Pagkagalak sa Pribilehiyong Maglingkod,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Hunyo 21, 2003, 24.

3. Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Hunyo 21, 2003, 22.

4. Liahona, Okt. 2004, 49.

5. Para sa Lakas ng mga Kabataan (polyeto, 2002), 10.

6. Liahona, Okt. 2004, 49.

7. Liahona, Okt. 2004, 49.

8. Gabay na Aklat ng Mag-anak (2001), 1.

Ang Gabay na Aklat ng Mag-anak (aytem blg. 31180 893) ay makukuha sa mga distribution center at service center ng Simbahan.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy