Ang mga Magulang ay may Banal na Tungkulin
BONNIE D. PARKIN
Relief Society General President
Mga Responsibilidad sa Pamilya
Kung may isang bagay akong gustong mangyari sa mga magulang at lider ng Simbahang ito, iyon ay ang madama nila ang pagmamahal ng Panginoon sa kanilang buhay sa bawat araw sa pangangangalaga nila sa mga anak ng Ama sa Langit. Maaaring hindi ang sinabi ko ang aantig sa inyong puso, kundi ang bulong sa inyo ng Espiritu. Sundin ang magigiliw na panghihikayat na iyon.
Malinaw sa alaala ko nang ibigay ang pagpapahayag sa mag-anak: Setyembre 23, 1995. Nakaupo ako sa Tabernakulo sa pangkalahatang miting ng Relief Society. Si Pangulong Hinckley ang huling nagsalita. Inilahad niya ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Kaytahimik ng kongregasyon ngunit mayroon ding pananabik, isang reaksyon ng, “Oo—kailangan namin ng tulong sa aming pamilya!”
Naalala kong napakaganda ng pakiramdam ko tungkol dito. Pumatak ang mga luha ko. Pagtingin ko sa mga miyembrong babaeng nakaupo sa malapit, tila gayon din ang nadarama nila. Napakaraming nakasaad sa pagpapahayag na hindi ako makapaghintay na makakuha ng kopya at pag-aralan ito. Pinagtitibay sa pagpapahayag ang dangal ng kababaihan. At isipin na lang na una itong ibinigay sa kababaihan ng Simbahan sa pangkalahatang miting ng Relief Society—alam ko na pinahahalagahan ni Pangulong Hinckley ang kababaihan.
Narito tayong lahat bilang mga lider ng Simbahan. Abala tayo. Pero kailangan kong tandaan—gaya ninyo—na ang una nating responsibilidad ay sa sarili nating pamilya. Tandaan, sila ay isa sa ilang pagpapalang madadala natin sa kawalang-hanggan!1 Si Newel K. Whitney ay bishop sa sinaunang Simbahan sa Kirtland. Tulad ninyong mga bishop ngayon, malamang na lubha siyang abala sa paggawa ng maraming mabubuting bagay. Ngunit siya’y pinagsabihan ng Panginoon at inutusang “ayusin ang kanyang mag-anak” (D at T 93:50; idinagdag ang pagkahilig ng mga titik). Mga kapatid, ang payong ito ay angkop sa ating lahat.
Marami sa inyo ang mga magulang o lolo’t lola na, o balang-araw ay magiging gayon. Ngunit may asawa man o wala, lahat tayo’y miyembro ng mga pamilya. Isipin sandali ang sarili ninyong pamilya. Ano ang nagustuhan ninyo sa kanila? Ang isang nagustuhan ko sa aking pamilya ay natutuwa ako’t gusto ng apat kong anak na lalaki na magkasama-sama.
Anong doktrina tungkol sa pamilya ang itinuturo ng pagpapahayag? Nais kong magtuon sa isang talata: “Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak. Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga ng kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”2
Gustung-gusto ko ang mga salitang, “sa plano ng Diyos.” Ang pagiging magulang ay bahagi ng banal na plano ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Bilang mga magulang, tayo ay may banal na responsibilidad na maglaan, mangalaga at mag-aruga sa ating pamilya.
Paano nakakatulong sa atin ang mga tuntuning ito—ang maglaan, mangalaga, at mag-aruga—sa pagpapalaki ng mabubuting anak?
Maglaan
Nakasaad sa pagpapahayag na ang mga magulang ang maglalaan ng “mga pangangailangan sa buhay.” Pero ano ang mga pangangailangang iyon? Oo nga’t may tirahan, at may pagkain sa hapag-kainan. Pero dahil sa plano ng ebanghelyo, alam nating may higit pa rito. Kabilang dito ang mga kasanayan—mga bagay na nagpapatatag sa pagkatao. Suriin natin ang ilan dito.
Naglalaan tayo para sa ating mga anak kapag tinuturuan natin silang magtrabaho. Ikukuwento ko sa inyo ang apo kong si Jacob. Ayaw niyang mag-aral. Sinubukan na ng kanyang ina ang maraming bagay. Sa huli’y pinaupo niya ito at sinabing, “Tungkulin ni Itay ang magtrabaho at kumita. Ang tungkulin ko’y dumito sa bahay at alagaan kayong magkakapatid. At ang tungkulin mo, Jacob, ay mag-aral.” Nang maunawaan ni Jacob ang prinsipyo, tinanggap niya ito at pumasok sa paaralan.
Tinuturuan din natin ang ating mga anak na magtrabaho sa pag-asang tutulong sila sa bahay at, kung angkop, magtrabaho din sa labas ng bahay. Tinutulungan natin ang ating mga anak na maglaan sa buhay nila sa pagtuturo sa kanila ng kahalagahan ng pagtatrabaho. Magsimula nang maaga! Sabi ng asawa ko ang pinakamagandang regalo sa kanya ng tatay niya ay ang makapagsarili—dahil tinuruan siya nitong magtrabaho.
Ang pangangasiwa sa ating pananalapi ay tumutulong din sa atin na maging mabubuting tagapaglaan. Bilang mga magulang, magkasamang planuhin ang gastusin ayon sa badyet. Ituro sa inyong mga anak ang kaibhan ng gusto at kailangan. Huwag humiling ng kung anu-ano sa inyong asawa na hindi naman kailangan. Nang payuhan tayo ni Pangulong Hinckley na huwag mangutang, may kilala akong ama na kinausap ang mga anak niyang may asawa na at tinanong sila tungkol sa gastusin nila. Nagulat siyang matuklasan na dalawa rito ang lubog sa utang. Pagkatapos ay tinanong niya kung matutulungan niya silang magplano.
Nakakatulong sa mga magulang ang pag-aaral at pagsasanay para makapaglaan. Hikayatin ang inyong mga anak na pag-aralan ang lahat ng kaya nila. Sa ilang bansa, hindi makautang ang mga kabataan sa Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon dahil hindi sila tapos ng hayskul. Sa panahon ngayon, napakahalagang patuloy na matuto ang mga magulang.
Mangalaga
Ang pangalawang tuntuning gusto kong talakayin ay ang mangalaga. Mangalaga mula sa ano? Mula sa kapahamakan—kapwa pisikal at espirituwal. Nangangalaga tayo kapag tinuturuan natin ang ating mga anak na sila ay mahalaga sa Diyos, kapag nagsisimba tayo bilang pamilya, nagpa-family home evening tayo, nagdarasal sa pamilya, sama-sama tayong nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Simpleng gawin ang lahat ng iyan, pero pinatototohanan ko na mabisang pangangalaga ang nagagawa nito.
Itinuturo ng pagpapahayag na ang mga magulang ay may banal na tungkuling pangalagaan ang kanilang mga anak. Ang pang-aabuso ay nakakasugat ng damdamin, tulad ng panlalait sa asawa o anak, pagbabalewala sa kanila, o pagpipigil ng pagmamahal at pagsuyo. Hindi pinangangalagaan ng mga ama ang kanilang pamilya kapag pinalo o sinaktan nila ang kanilang asawa o mga anak. Sabi ng isang miyembrong babaeng West African, bago siya sumapi sa Simbahan, sinasaktan ng kanyang ama ang nanay niya at silang magkakapatid. “Ngayon,” sabi niya, “iginagalang niya kami at minamahal dahil nauunawaan niya na tayo’y mga anak ng Diyos.”
Pinangangalagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagkilala sa mga napili nilang kaibiganin. Isang dalagita ang nagalit nang tanungin siya ng ama tungkol sa mga ginagawa niya sa gabi. Ipinaliwanag ng ama na nakasaad sa pagpapahayag na siya ang dapat mangalaga sa kanyang pamilya at mahal niya ang kanyang anak kaya niya gustong matiyak na ligtas ito.
Dapat din nating pangalagaan ang ating mga anak mula sa impluwensya ng media. Alamin ang pinanonood ng inyong mga anak sa telebisyon, sine at sa bahay ng kanilang mga kaibigan. Kung may kompyuter kayo sa bahay, siguraduhing kasangkapan ito sa mga bagay na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).
Napapangalagaan tayo kapag sinusunod natin ang buhay na propeta. Paano kayo napangalagaan bilang pamilya sa pagsunod sa payo ni Pangulong Hinckley na basahin ang Aklat ni Mormon? Kamakaila’y tumanggap ako ng sulat mula sa isang miyembrong babae sa England. Isinulat niya:
“Nahirapan ang pamilya ko nitong nakaraang taon sa isang amang ayaw nang magsimba. Dati siyang aktibo sa buong buhay niya at naging miyembro ng bishopric. Taimtim akong nagtanong sa Panginoon kung ano ang magagawa ko para hindi ako mapoot at magalit. Kami lamang ng mga bata ang nagpa-family home evening at nagdarasal. Sa templo nadama ko, dahil sa hamon na basahin ang Aklat ni Mormon, na huwag basahin ang banal na kasulatan na mga bata lang ang kasama kundi dalhin ang mga bata at mga banal na kasulatan sa aking asawa, saanman siya naroon sa bahay. Kaya sama-sama kami, gabi-gabi tuwing alas-9, para lapitan siya. Nakikibasa siya sa amin—noong una’y hindi, pero ngayo’y ginagawa na niya. Nagsisimba na siya, sumasama sa amin sa family home evening, at namumuno sa pagtalakay ng ebanghelyo. Mga alagad ng Diyos ang mga anak ko at dinala ang salita ng mapagtubos na pagmamahal sa aking asawa. Napakalaking pagpapala nito sa aking pamilya.”
Mag-aruga
Ang pangatlo at huling tuntunin ay ang mag-aruga. Ano sa tingin ninyo ang pag-aaruga? Ano ang pakiramdam ninyo rito? Ano ang dinig ninyo rito? Ang pag-aaruga ay parang tulad ng banal na kasulatang ito: “Sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig; sa pamamagitan ng kabaitan” (D at T 121:41–42). Magbabahagi ako ng ilang halimbawa.
Sa palagay ko ang pag-aruga ay parang pagdidisiplina nang may pagmamahal. Pinahihinto ng isang batang ina ang kanyang anak kapag hindi ito sumusunod. Sinasapo sa mga palad niya ang mukha nito, tinitigan ito sa mga mata, at sinasabing, “Makinig ka sa akin.” Kailangan nating turuan ang ating mga anak na matalinong pumili, ngunit hindi natin maaalis ang kahihinatnan ng kanilang mga ginawa. Tandaan, ang batayan ng plano ng ating Ama sa Langit ay kalayaang pumili.
Ano ang pakiramdam ninyo sa pag-aaruga? Marami sa pagtuturo at pagpapatatag ng relasyon sa pamilya ang nagaganap sa maiikli at di planadong sandaling iyon sa araw-araw nating gawain. Ang hapag-kainan ay lugar upag magkalapit ang isa’t isa, magkuwentuhan tungkol sa mga ginawa natin sa araw na iyon, pakinggan at palakasin ang loob ng isa’t isa, at magtawanan. Alam ko na nagpapagaan ng problema ang pagtawa. Mahal na mga ama’t ina, regular nating isabay sa pagkain ang mga taong mahal ninyo.
Tapos na ba ang pagiging magulang ninyo kapag nagsilaki na lahat ng anak ninyo at nakabukod na. Hindi, ang usapan ay hinding-hindi kayo matatapos. Pero tungkulin nating lumikha ng mga walang hanggang pamilya. Noong naglilingkod kaming mag-asawa sa misyon sa Inglatera, isa sa mga anak naming lalaki at kanyang pamilya ang bumisita. Naalala kong sinabi niya, “Pumunta kami kasi kailangan namin ng pag-aaruga.” Kapag naging magulang kayo, mananatili kayong magulang. Hindi ba’t kaydakila niyon? Pagkatapos kong basahin ang Aklat ni Mormon noong Disyembre, namangha akong matuklasan na maging si Mormon ay pinayuhan ang anak niyang si Moroni na nasa hustong gulang na: “Anak ko, maging matapat kay Cristo; . . . nawa ay dakilain ka ni Cristo . . . at ang kanyang awa at mahabang pagtitiis, at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan, ay mamalagi sa iyong isipan magpakailanman” (Moroni 9:25).
Ano ang dinig ninyo sa pag-aaruga? Kung minsa’y mahirap hingan ng mahigit sa isang salitang sagot ang tinedyer. Narito ang isang tanong na natuklasan kong labis na makakatulong para mabago iyon: “Ano ang pinakamalaking hamon o pagsubok sa iyo ngayon?” Ito’y nagbibigay-daan para makibahagi ang mga kabataan. At kapag nagbahagi sila, makinig lang! Huwag humatol o magpayo o anuman. Basta makinig lang. Mamamangha kayo sa pagkakalapit at ugnayang mabubuo sa inyo. Mga bishop at tagapayo, magiging epektibo ang tanong ding ito sa pag-iinterbyu ninyo sa mga kabataan sa inyong ward.
Ang pag-aaruga ay parang panalangin ng pamilya. Isa sa mga alaalang hindi ko malilimutan ay nang lumuhod si Itay kasama naming magkakapatid sa tabi ng kama ng aming mga magulang sa maliit nilang silid at marinig ko siyang magsumamo sa Ama sa Langit na basbasan ang aming inang nasa ospital. Nakatulong sa akin ang narinig kong pagsusumamo ni Itay para malaman na may Diyos sa langit na nakikinig. Manalangin para sa inyong mga anak tungkol sa mga gawain nila sa paaralan at sa kaligtasan nila sa maghapon. Alam ng mga anak natin ang ating pagmamahal at mga inaasahan kapag naririnig nila tayong ipinagdarasal sila.
Pagpapalakas ng mga Pamilya
Bilang lider, paano ninyo mapapalakas at matutulungan ang mga pamilyang pinaglilingkuran ninyo? Magagamit ninyo ang mga tuntuning ito—maglaan, mangalaga, at mag-aruga—upang mapalakas ang pamilya sa inyong ward.
Sinusuportahan ng mga lider ang mga magulang sa pamamagitan ng paggalang sa kanila, hindi sa pangunguna sa buhay ng kanilang anak. Maaari ninyo silang turuan, bahaginan ng mga parehong interes, ngunit umaayon sa gustong mangyari ng mga magulang. Ibinahagi ng isang ina: “Madalas sa tingin ko’y kaming mag-asawa ang huling mga taong gustong pakinggan ng mga anak naming binatilyo. Kung minsan, dahil sa barkada, ayaw nang makinig ng mga anak ko sa amin. Nagpapasalamat ako sa matatalinong lider ng Simbahan na nagpayo sa aming mga anak. Hindi nila pinangunahan ang papel naming mga magulang. Nakinig sila, pero sumuporta sa aming paggabay, at itinuro sila pabalik sa amin.”
Bilang mga pamilya, lahat tayo’y may mga pangangailangan. Ilang taos-pusong pananalita lamang tungkol sa mga inang nag-iisang magulang: Ikukuwento ko sa inyo ang isang inang lima ang anak at ang asawa’y ipinadala sa ibang bansa. Sabi niya:
“Pag-alis ng asawa ko noong unang bahagi ng Pebrero, may naaasahan kaming mga sasakyan. Gayunman, pagsapit ng Nobyembre, nasirang lahat ang mga ito, at hindi namin naipaayos. Kasabay nito, sinabi sa akin ng 17-anyos na anak kong lalaki na wala siyang balak magmisyon dahil hindi niya tiyak kung totoo ang ebanghelyo. Kung may panahon man sa buhay ko na kinailangan ko ng basbas ng priesthood, noon iyon. Hindi ko maalala ang buong detalye o kailan at saan, pero malinaw kong naaalala na tumanggap ako ng mahigit sa isang basbas mula sa mapagmahal na maytaglay ng priesthood sa panahong ito. Matagal ko nang alam na matatawagan ko ang mga home teacher ko at darating sila agad. Walang marunong mag-ayos ng van, pero nabigyan nila ako ng kailangang-kailangan kong basbas ng priesthood, at nakakita sila ng mag-aayos ng sasakyan.”
Nakagawa ng kaibhan ang matatapat na home teacher sa pamilyang ito, at makagagawa sila ng kaibhan sa lahat ng nag-iisang magulang sa mga pamilya kapag nakilala nila sila, nakuha ang kanilang tiwala at nabigyan ng mga basbas ng priesthood. Mga bishop, lider ng grupo ng mga high priest, at pangulo ng korum ng mga elder, kailangan ng mga inang ito ang basbas ng priesthood sa kanilang tahanan, gayundin ng kahanga-hanga nating kadalagahan.
Nagbabala si Pangulong Hinckley tungkol sa “mga kasalanan ng mundo” 10 taon na ang nakalilipas nang ilabas ang pagpapahayag. Pinagtibay ng paghahayag na ito ng propeta ang “mga pamantayan, doktrina, at kaugalian” ng Panginoon “na nauukol sa pamilya.”3 Sa kabilang dako, sinusubukang diktahan ng mundo ang papel ng kababaihan at pagiging ina. Ang mga kababaihan ngayon ay sinasabihan na kailangan nila ng permanenteng trabaho, mga organisasyong kabibilangan, at mga anak kung kaya nila. Mabilis nang nawawala sa uso ang marangal na papel ng isang ina. Liliwanagin ko ito: hindi natin dapat tulutan ang mundo na ilagay sa panganib ang alam nating ibinigay sa atin sa plano ng Diyos.
Mga kapatid, hayaan ninyong magsalita ako nang direkta sa inyo nang ilang minuto. Bilang mga miyembro ng Relief Society ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pagpapala at responsibilidad nating arugain at pangalagaan ang pamilya. Bawat isa ay kabilang sa isang pamilya, at bawat pamilya ay kailangang palakasin at pangalagaan.
Ang pinakamalaking tulong sa aking pagiging maybahay ay nagsimula sa aking ina at lola at sumunod ay sa mga miyembro ng Relief Society sa iba’t ibang ward na kinabilangan namin. Natuto ako ng mga kasanayan; namalas ko ang galak na nagmumula sa paglikha ng tahanang nais tirhan ng iba. Simula Enero 2006, may mga bagong tuntunin sa mga miting at aktibidad sa pagpapaunlad ng tahanan, pamilya, at sarili. Mas madali itong iakma para makalahok ang lahat ng miyembrong babae sa Relief Society. Kaya mga lider ng Relief Society, tiyakin ninyong mapalakas sa ipinlano ninyong mga miting at aktibidad ang tahanan ng lahat ng inyong kababaihan.
Ang visiting teaching ay isa pang paraan para masuportahan ang pamilya. Sana lahat kayo’y magkaroon ng pagkakataong maging visiting teacher. Hindi lamang pinalalakas ng visiting teaching ang espirituwalidad ng isang miyembrong babae, kundi nasa posisyon din sila para mag-aruga at magsuri sa mga pangangailangan. Mga lider ng Relief Society, kumilos sa mga miting ng inyong welfare committee at ireport ang pangangailangang espirituwal at temporal na tinukoy ng inyong mga visiting teacher.
Ang Dalisay na Pag-ibig ni Cristo
Sa mga may-asawa na, isipin ang nakaraan. Bakit ninyo inibig ang inyong asawa? Matututo kayong magpatawad kapag naalala ninyo ito. Ipadama ang pagmamahal ninyo sa isa’t isa. Makagagawa ng kaibhan ang babae sa buhay ng kanyang asawa kapag binigyan niya ito ng lakas ng loob. Mapapasigla ng lalaki kahit ang pinakamalungkot na araw sa dalawang simpleng salitang ito: “Mahal kita.” Isa sa pinakamagagandang regalo ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang ipakita nilang nagmamahalan sila.
Tungkulin nating mga magulang sa pagpapalaki ng mabubuting anak na maglaan, mangalaga, at mag-aruga, at ginagawa natin ito sa pantay na magkatuwang. Ginagawa rin natin ito bilang mga lider. Mahirap maging lider. Mahirap maging magulang. Pinanghihinaan tayo ng loob, pero patuloy pa rin tayo. Palagay ko marami tayong natututuhan tungkol sa dalisay na pag-ibig ni Cristo sa ating pamilya at sa paglilingkod sa Simbahan.
Bilang mga magulang at lider, kailangan nating mahalin ang ating mga anak tulad ng pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit. Mababasa natin sa Moroni 8:17, “Ako ay puspos ng pag-ibig sa kapwa-tao, ang walang hanggang pag-ibig.” Idagdag dito ang mga salita ng Panginoon: “Damitan ang inyong sarili ng bigkis ng pag-ibig sa kapwa-tao, gaya ng isang balabal, na siyang bigkis ng pagiging ganap at ng kapayapaan” (D at T 88:125). Inaanyayahan ko kayo, sa lahat ng pakikitungo ninyo isuot ang balabal ng pag-ibig sa kapwa-tao, balutin ang inyong pamilya ng dalisay na pag-ibig ni Cristo.
Bilang mga pamilya at lider, nawa’y basbasan kayo ng Panginoon upang mabalot ninyo ng balabal ng pag-ibig sa kapwa-tao ang inyong mga minamahal, nang lahat tayo’y makabalik sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit at makapiling Siya magpakailanman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
Mga tala
1. Tingnan sa “Pagkagalak sa Pribilehiyong Maglingkod,” ni Gordon B. Hinckley, sa Pandaigdigang Miting sa Pagsasanay sa Pamumuno, Hunyo 21, 2003, 23.
2. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49.
3. “Stand Strong Against the Wiles of the World,” Ensign, Nob. 1995, 100.