The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library Worldwide Leadership Training Meeting: Supporting the Family Translations

Mga Tahanang Banal, mga Walang Hanggang Pamilya

PANGULONG THOMAS S. MONSON
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

PANGULONG THOMAS S. MONSONPagtatatag ng Walang Hanggang Tahanan

Mapagpakumbaba kong kinakatawan ang Unang Panguluhan bilang pangwakas na tagapagsalita sa miting na ito. Nabigyan tayo ng inspirasyon at napalakas sa mga sinabi nina Elder Bednar, Elder Perry, at Sister Parkin. Natuon ang ating isipan sa tahanan at pamilya nang mapaalalahanan tayo na “tahanan ang batayan ng matwid na pamumuhay, at walang ibang kasangkapan na maaaring humalili dito ni tumupad sa napakahalagang gawain nito.”1

Ang tahanan ay higit pa sa isang bahay na yari sa kahoy, semento, o bato. Ang tahanan ay binubuo ng pagmamahal, sakripisyo, at paggalang. Responsibilidad natin ang mga tahanang ating itinayo. Magtayo nang buong talino, dahil hindi maikling panahon ang kawalang-hanggan. May katiwasayan at kaguluhan, pagsikat at paglubog ng araw, galak at kalungkutan. Pero kung talagang sisikapin natin, maaaring maging kapirasong langit sa lupa ang tahanan. Ang mga iniisip, ginagawa, pamumuhay natin ay hindi lang nakakaapekto sa tagumpay ng paglalakbay natin sa lupa; ito rin ang landas tungo sa walang hanggan nating mga mithiin.

Ang ilang pamilyang Banal sa mga Huling Araw ay binubuo ng ina, ama, at mga anak, sama-sama sa bahay, habang nasasaksihan ng iba ang pagpanaw ng isa, at ng isa pa, at ng isa pang miyembro nito. Kung minsan iisang tao ang bumubuo ng isang pamilya. Anuman ang bumubuo rito, patuloy ang pamilya—dahil ang pamilya’y maaaring maging pangwalang-hanggan.

Matututo tayo mula sa dalubhasang arkitekto—maging ang Panginoon. Tinuruan Niya tayo kung paano magtayo. Sabi Niya: “Ang bawa’t . . . bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili” (Mateo 12:25). Maya- maya’y nagbabala Siya: “Masdan, ang aking bahay ay isang bahay ng kaayusan . . . at hindi isang bahay ng kaguluhan” (D at T 132:8).

Sa paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, Disyembre 27, 1832, ipinayo ng Guro, “Isaayos ang inyong sarili; ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkakatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos” (D at T 88:119; tingnan din sa 109:8).

Saan makakakita ang sinuman ng mas angkop na plano kung paano siya matalino at wastong makapagtatayo ng bahay? Ang gayong bahay ay tutugon sa mga patakaran ng pagtatayo sa Mateo, maging isang bahay na nakatayo “sa ibabaw ng bato” (Mateo 7:24, 25; tingnan din sa Lucas 6:48; 3 Nephi 14:24, 25), isang bahay na kayang tiisin ang ulan ng paghihirap, baha ng kalaban at hangin ng pagdududa sa buong paligid ng ating pabagu-bagong mundo na puno ng hamon.

Maaaring itanong ng ilan, “Pero patnubay ang paghahayag na iyan sa pagtatayo ng isang templo. Mahalaga ba iyan ngayon?”

Ang isasagot ko’y, “Hindi ba’t sinabi ni Apostol Pablo, ‘Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?’” (I Mga Taga Corinto 3:16).

Hayaang ang Panginoon ang maging pangkalahatang kontratista sa ating pagtatayo. At tayo nama’y maging limitadong mga kontratistang responsable sa isang mahalagang yugto ng buong proyekto. Lahat tayo kung gayo’y mga tagapagtayo. Bukod pa sa pagtatayo ng sarili nating tahanan, responsibilidad din nating tumulong na maitayo ang kaharian ng Diyos dito sa lupa sa pamamagitan ng tapat at epektibong paglilingkod sa mga tungkulin natin sa Simbahan. Hayaang ibigay ko ang mga patnubay mula sa Diyos, mga aral sa buhay, at mga puntong pag-iisipan sa ating pagtatayo.

Lumuhod para Magdasal

“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas” (Mga Kawikaan 3:5–6). Iyan ang sabi ng matalinong si Solomon, anak ni David, na hari ng Israel.

Sa kontinenteng ito ng Amerika, sinabi ni Jacob, na kapatid ni Nephi: “Umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip, at manalangin sa kanya nang may labis na pananampalataya” (Jacob 3:1).

Dumating sa atin ngayon ang payong ito ng langit bilang napakalinaw na tubig sa tigang na lupa. Nabubuhay tayo sa magulong panahon.

Ilang maiikling henerasyon pa lang ang nakararaan, hindi mawari ng tao ang mundong ginagalawan natin ngayon at mga problema rito. Napaliligiran tayo ng imoralidad, pornograpiya, karahasan, mga droga, at iba pang talamak na kasamaang umaalipin sa makabagong lipunan. Atin ang hamon, maging ang responsibilidad, hindi lang para manatiling “walang dungis . . . sa sanglibutan” (Santiago 1:27) kundi gabayan din ang ating mga anak at iba pa nating pananagutan na maligtasan ang karagatan ng kasalanan sa ating paligid, upang makabalik tayo balang-araw sa piling ng ating Ama sa Langit.

Kailangan ang ating presensya, panahon, pagsisikap sa pagtuturo sa sarili nating pamilya. Para epektibo ang ating pagtuturo, dapat tayong maging matatag na halimbawa sa ating mga kapamilya at bigyan natin ng oras ang bawat miyembro, gayundin ang pagpapayo at paggabay.

Madalas tayong nalulula sa dami ng ipinagagawa sa atin. Gayunman, laging nariyan ang tulong. Siya na kilala ang bawat anak Niya ay sasagot sa taimtim at taos nating dalangin kapag nagpatulong tayo na magabayan sila. Mas maraming problema ang malulutas, mas maraming pagdurusa ang gagaan, mas maraming kasalanan ang maiiwasan, at higit na kapayapaan at katiwasayan ang darating sa kaluluwa ng tao sa gayong pagdarasal kaysa sa ibang paraan.

Maliban sa pangangailangan sa gayong patnubay para sa sarili nating pamilya, tinawag tayo sa mga posisyon kung saan mananagot tayo para sa iba. Bilang bishop o tagapayo, bilang priesthood quorum leader o auxiliary leader. May pagkakataon kayong gumawa ng kaibhan sa buhay ng iba. Maaaring sila lang ang miyembro sa pamilya o di-gaanong aktibo ang pamilya; maaaring tumalikod ang ilan sa mga magulang, at di pinansin ang kanilang mga pagsamo at payo. Makabubuting maging kasangkapan tayo sa mga kamay ng Panginoon sa paggawa ng kaibhan sa buhay ng isang tao sa gayong sitwasyon. Gayunman, kung walang patnubay ng ating Ama sa Langit, hindi natin magagawa ang lahat ng ipinagagawa sa atin. Dumarating ang gayong tulong sa pamamagitan ng panalangin.

Isang kilalang Amerikanong hukom ang tinanong kung ano ang magagawa natin, bilang mamamayan ng mga bansa sa mundo, upang mabawasan ang krimen at paglabag sa batas at maghatid ng kapayapaan at katiwasayan sa ating buhay at bansa. Nag-iisip siyang sumagot, “Imumungkahi ko ang pagbalik sa makalumang gawi ng pagdarasal sa pamilya.”

Bilang isang lahi, hindi ba tayo nagpapasalamat na hindi pa laos sa atin ang pagdarasal sa pamilya? May tagong tunay na kahulugan sa karaniwang kasabihang, “Ang pamilyang nagdarasal nang sama-sama ay nananatiling magkakasama.”

Iniutos ng Panginoon Mismo na magdasal tayo sa pamilya nang sabihin Niyang, “Manalangin kayo sa inyong mag-anak, sa Ama, lagi sa aking pangalan, nang ang inyong asawa at inyong mga anak ay pagpalain” (3 Nephi 18:21).

Bilang mga magulang, titser at lider sa anumang kapasidad, hindi natin maaatim na subukan ang mapanganib na paglalakbay na ito sa mortalidad nang walang tulong ng langit sa paggabay sa mga taong sakop ng ating pananagutan.

Sa pampamilya at personal nating pagdarasal sa Diyos, sumampalataya tayo at magtiwala sa Kanya. Lumuhod para magdasal.

Tumanggap ng Tungkulin

Bilang ating halimbawa, bumabaling tayo sa buhay ng Panginoon. Parang makinang na tanglaw ng kabutihan ang buhay ni Jesus nang mangaral siya sa mga tao. Binigyan Niya ng lakas ang mga binti ng pilay, paningin ang mga mata ng bulag, pandinig sa mga tainga ng bingi, at buhay sa katawan ng patay.

Ang mga talinghaga Niya’y makapangyarihan. Sa mabuting Samaritano, itinuro Niya, “[Ibigin mo] ang iyong kapuwa” (tingnan sa Lucas 10:30–35). Sa Kanyang kabaitan sa babaeng nangalunya, itinuro Niya ang mahabaging pag-unawa (tingnan sa Juan 8:3–11). Sa Kanyang talinghaga ng mga talento, tinuruan Niya tayong magpakabait at magsikap na maging perpekto (tingnan sa Mateo 25:14–30). Talagang inihanda Niya tayo sa ating tungkuling magtatag ng walang hanggang pamilya.

Bawat isa sa atin—priesthood leader man o pinuno sa auxiliary organization—ay may responsibilidad na tumugon sa sagradong pagtawag sa atin. Itinalaga tayo para sa gawaing ipinagkatiwala sa atin. Sa Doktrina at mga Tipan 107:99, sabi ng Panginoon, “Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig.” Sa pagtulong nating mapagpala at mapalakas ang mga taong sakop ng ating responsibilidad sa mga tungkulin natin sa Simbahan, tunay na pinagpapala at pinalalakas natin ang kanilang pamilya. Kaya nga, ang paglilingkod natin sa ating pamilya at mga tungkulin sa Simbahan ay walang hanggan ang kapalit.

Maraming taon na ang nagdaan, bilang bishop sa malaki at halu-halong ward ng mahigit isang libong miyembro sa bayan ng Salt Lake City, napakarami kong pagsubok.

Isang Linggo ng hapon tumawag sa akin ang may-ari ng botikang sakop ng ward namin. Sinabi niya na nang umagang iyon isang batang lalaki ang dumating sa botika niya at bumili ng ice-cream sundae mula sa soda fountain. Nanggaling ang ipinambayad niya sa isang sobre, at pag-alis niya, nalimutan niya ang sobre. Nang magkaroon ng pagkakataon ang may-ari na suriin ito, nakita niya na sobre ito ng handog-ayuno na may nakalimbag na pangalan at telepono ng ward namin. Nang ilarawan niya sa akin ang batang galing sa botika niya, agad kong nakilala ang bata—isang batang deacon mula sa ward namin na mula sa di-gaanong aktibong pamilya.

Nagulat ako noong una at nalungkot na maisip na kukunin ng sinuman sa mga deacon namin ang pondo ng handog-ayuno na para sa mga nangangailangan at pupunta sa botika sa araw ng Linggo at ipambibili ng sitserya ang pera. Nagpasiya akong bisitahin ang bata nang hapong iyon para ituro sa kanya ang tungkol sa sagradong pondo ng Simbahan at sa tungkulin niya bilang deacon na tipunin at pangalagaan ang pondong iyon.

Habang papunta sa bahay ng deacon at ng kanyang pamilya, nag-alay ako ng tahimik na dalangin para sa patnubay kung ano ang dapat kong sabihin para maging payapa ang sitwasyon. Dumating ako at kumatok sa pinto. Binuksan iyon ng ina ng bata, at pinapasok ako sa sala. Bagama’t bahagya ang liwanag sa silid, nakikita ko kung gaano ito kaliit at kaluma. Luma na ang iilang piraso ng muwebles. Ang ina mismo ay mukhang mahina na.

Naglaho sa isipan ko ang galit sa ginawa ng anak niya noong umaga nang malaman ko na narito ang isang pamilyang talagang nangangailangan. Naisip kong tanungin ang ina kung may pagkain sa bahay. Luhaan niyang inamin na wala. Sabi niya sa akin matagal nang walang trabaho ang asawa niya at talagang kailangan nila hindi lang ang makakain, kundi magkapera din upang makabayad sa upa para hindi sila mapalayas sa munting bahay na iyon.

Hinding-hindi ko binanggit ang mga donasyon sa handog-ayuno, dahil natanto ko na malamang na gutom na gutom na ang bata nang tumigil siya sa botika. Sa halip, agad kong isinaayos ang pagtulong sa pamilya, upang makakain sila at magkaroon ng tirahan. Bukod dito, sa tulong ng mga priesthood leader sa ward, naihanap namin ng trabaho ang asawa niya para matustusan niya ang kanyang pamilya sa hinaharap.

Bilang mga priesthood at auxiliary leader, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon sa pagganap sa ating tungkulin at pagtupad sa ating mga responsibilidad. Humingi sa Kanya ng tulong, at pagdating ng inspirasyon sa inyo, kumilos ayon sa inspirasyong iyon kung saan kayo pupunta, sino ang hahanapin, ano ang sasabihin, at paano ito sasabihin. Maiisip natin nang paulit-ulit ang isang ideya, pero napagpapala lang natin ang buhay ng tao kapag isinagawa natin ito.

Nawa’y maging totoong mga pastol tayo ng mga taong sakop ng ating pananagutan. Isinulat ni John Milton sa kanyang tulang “Lycidas,” “Tumingala ang gutom na tupa at hindi napakain” (linya 125). Sinabi ng Panginoon Mismo kay propetang Ezekiel, “Sa aba ng mga pastor ng Israel . . . na hindi . . . pinakakain ang mga tupa” (Ezekiel 34:2–3).

Responsibilidad nating pangalagaan ang kawan, dahil ang mahalagang tupa, ang mahihinang korderong ito, ay nasa buong paligid—sa tahanan sa sarili nating pamilya, sa bahay ng ating mga kamag-anak, at naghihintay sa atin sa ating mga tungkulin sa Simbahan. Si Jesus ang ating Huwaran. Sabi Niya, “Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin” (Juan 10:14). Responsibilidad nating maging pastol. Bawat isa nawa’y tumanggap ng tungkulin.

Hangaring Magligtas

Sa landas ng buhay na ito, may mga nagkakasala. Ang ila’y lumalayo sa mga palatandaan sa daang patungo sa buhay na walang hanggan para lang matuklasan na walang patutunguhan ang kanilang nilikuan. Ang pagbabalewala, kawalan ng ingat, kasakiman, at pagkakasala ay magpapahamak sa buhay ng tao. May mga tao, sa di-malamang mga dahilan, na ibang landas ng buhay ang tinatahak, para matuklasan lamang sa huli na kalungkutan at pagdurusa ang kanilang kinauwian.

Noong 1995 inilista ng Unang Panguluhan ang mga naligaw mula sa kawan ni Cristo at nagpalabas ng espesyal na pahayag na pinamagatang “Paanyayang Bumalik.” Nasa mensahe ang pakiusap na ito:

“Sa inyo, na sa kung anong dahilan ay nawala sa pag-aaruga ng Simbahan, sinasabi naming bumalik kayo. Inaanyayahan namin kayong bumalik at makibahagi sa kaligayahang minsan ninyong nadama. Makikita ninyo ang maraming bisig na sasalubong sa inyo, tutulong at aaliw sa inyo.

“Kailangan ng Simbahan ang inyong lakas, pagmamahal, katapatan, at debosyon. Nasa lugar at tiyak ang landas na tatahakin ng isang tao para makabalik sa ganap na mga pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan, at handa kaming tanggapin ang lahat na nais gawin ito.”

Marahil ang madalas maulit na tagpo ay ilalapit sa puso ninyo ang personal na oportunidad na hangaring tumulong. Bisitahin natin ang pamilyang may anak na nagngangalang Jack. Noong kabataan ni Jack, marami silang matitinding pag-aaway na mag-ama. Isang araw noong 17 anyos siya, talagang nag-away sila. Sabi ni Jack sa tatay niya, “Hindi ko na makakaya ito. Lalayas ako, at hinding-hindi na babalik!” Pumasok siya sa kanyang kuwarto at nag-impake. Nagmakaawa ang nanay niya na huwag siyang umalis, pero sobra ang galit niya para makinig. Iniwan niya itong umiiyak sa may pintuan.

Paglabas ng bakuran, palabas na siya ng tarangkahan nang marinig niyang tinawag siya ng kanyang ama: “Jack, alam kong ako ang dapat sisihin sa paglayas mo. Ikinalulungkot ko talaga. Gusto kong malaman mo na kung gusto mong umuwi, laging bukas ang pintuan para sa iyo. At sisikapin kong maging mas mabuting ama sa iyo. Gusto kong malaman mo na mahal kita, at lagi kitang mamahalin.”

Walang sinabi si Jack pero tumuloy sa istasyon ng bus at bumili ng tiket patungo sa malayong lugar. Habang nakaupo siya sa bus na minamasdan ang mga dinaraang tanawin sa labas, natuon ang isip niya sa mga sinabi ng kanyang ama. Noon niya naunawaan kung gaanong tapang, gaanong pagmamahal ang kinailangan para masabi ng kanyang ama ang sinabi nito. Humingi ng tawad si Itay. Pinababalik siya at nag-iwan ng mga salitang umuugong sa hangin ng tag-init, “Mahal kita.”

Alam ni Jack na nasa kanya na ang susunod na hakbang. Alam niyang matatahimik lang ang kalooban niya kung ipamamalas niya sa tatay niya ang gayunding kahustuhan ng isip, kabutihan, at pagmamahal na ipinakita nito sa kanya. Bumaba ng bus si Jack. Bumili siya ng tiket pabalik at nagsimulang umuwi.

Nakabalik siya bago maghatinggabi, pumasok sa bahay, at sinindihan ang ilaw. Naroon sa tumba-tumba ang kanyang ama, nakayuko. Pagtingala niya at nang makita si Jack, tumindig siya mula sa silya; nagyakapan sila. Paglao’y sinabi ni Jack, “Ang mga huling taong iyon sa bahay ang ilan sa mga pinakamaligayang sandali sa buhay ko.”

Narito ang isang ama, pigil ang galit at damdamin, na hinangad iligtas ang kanyang anak bago maging isa sa maraming “taong naligaw” bunga ng hiwa-hiwalay na pamilya at mga wasak na tahanan. Pag-ibig ang puwersang nagbubuklod, ang nagpapahilom sa sakit; pag-ibig na madalas madama, bihirang ipahayag.

Mula sa Bundok ng Sinai dumadagundong sa ating mga tainga ang, “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12), at kalaunan, mula sa Diyos ding iyon, ang utos na, “Kayo ay mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig” (D at T 42:45).

Pagsunod sa Plano ng Panginoon

Lumuhod para magdasal. Tumanggap ng tungkulin. Hangaring magligtas. Bawat isa ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos para magawang tahanan ang bahay at magawang langit ang tahanan.

Sa ating sagrado at banal na mga responsibilidad sa sarili nating tahanan at tungkulin sa Simbahan mahalaga na mabalanse natin ang mga ito. Dapat tayong gumamit ng karunungan, inspirasyon at matalinong paghatol sa pangangalaga sa ating pamilya at pagtupad sa tungkulin sa Simbahan, dahil bawat isa’y napakahalaga. Hindi natin puwedeng kaligtaan ang ating pamilya; hindi natin dapat kaligtaan ang ating tungkulin sa Simbahan.

Magtatag tayo nang may kagalingan, huwag nating tahakin ang madaling daan, at sundin ang Kanyang plano. At ang Panginoon, maging ang ating inspektor sa gusali, ay masasabi sa atin, tulad ng sinabi Niya nang magpakita Siya kay Solomon, na tagapagtayo noong unang panahon, “Aking pinapaging banal ang bahay na ito na iyong itinayo, upang ilagay ang aking pangalan doon magpakailan man” (I Mga Hari 9:3). Sa gayo’y magkakaroon tayo ng mga banal na tahanan at mga pamilyang pangwalang-hanggan at makakatulong ding palakasin at pagpalain ang ibang pamilya.

Buong pagpapakumbaba kong dalangin na mapasaatin ang pagpapalang ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Tala

1. Liham ng Unang Panguluhan, Peb. 11, 1999; tingnan sa Liahona, Dis. 1999, 1.

 
© 2012 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy