2010
Ang Espiritu Santo ay Sumasaksi sa Katotohanan
Marso 2010


Ang Ating Paniniwala

Ang Espiritu Santo ay Sumasaksi sa Katotohanan

Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Siya ay personaheng espiritu, walang katawang may laman at mga buto (tingnan sa D at T 130:22). Madalas Siyang taguriang Espiritu, ang Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritu ng Panginoon, o Mang-aaliw. Lubos Siyang kaisa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.1

Bilang personaheng espiritu, iisang lugar lamang ang mapaparoonan ng Espiritu Santo sa bawat pagkakataon, ngunit ang Kanyang impluwensya ay maaaring mapasa lahat ng dako sa iisang pagkakataon.2

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972), “Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang katotohanan ay hinahabi sa bawat himaymay at litid ng katawan para hindi ito malimutan.”3

Maaari din tayong mapabanal ng pagtanggap ng Espiritu Santo kapag tayo ay nagsisi at nabinyagan. Ang pagpapabanal ay proseso ng paglaya sa kasalanan—dalisay, malinis, at banal—sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Moises 6:59–60). Napapabanal tayo kapag inihandog natin ang ating puso sa Diyos (tingnan sa Helamanw 3:35).

  1. Ang Espiritu Santo ay “sumasaksi sa Ama at sa Anak” (2 Nephi 31:18). Sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng Espiritu Santo natin matatanggap ang tiyak na patotoo tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.4

  2. Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa katotohanan, at sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan ay “malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).

  3. Itinuturo sa atin ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay at ipinaaalala sa atin ang lahat ng natutuhan natin tungkol sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Juan 14:26).

  4. Ang Espiritu Santo ay “magbibigay-alam sa [atin] ng lahat ng bagay na nararapat [nating] gawin” (2 Nephi 32:5). Magagabayan Niya tayo sa ating mga desisyon at mapoprotektahan tayo mula sa pisikal at espirituwal na panganib.

  5. Habang nasasabik tayong malaman ang mga salita ng buhay na walang hanggan at ikinikintal natin nang malalim ang mga salitang ito sa ating puso, bubuksan ng Espiritu Santo ang ating puso’t isipan sa higit na liwanag at pag-unawa.5

  6. Ibinigay sa atin ang mga kaloob ng Espiritu sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang mga kaloob na ito ay nagpapala sa ating buhay at sa buhay ng ating mga minamahal at pinaglilingkuran. (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:1–12; Moroni 10:8–18; D at T 46:11–33.)

  7. Ang Espiritu Santo ay kilala bilang Mang-aaliw dahil mapupuspos Niya tayo ng “pag-asa at ganap na pag-ibig” (Moroni 8:26).

  8. Si Adan ang unang-una sa mundo na nabinyagan at tumanggap ng Espiritu Santo (tingnan sa Moises 6:64–66).

  9. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, napapabanal tayo kapag tayo ay nagsisi, nabinyagan at nakumpirma, at nagsikap na sundin ang mga utos ng Diyos (tingnan sa Mosias 4:1–3; 5:1–6).

Mga Tala

  1. Tingnan sa Tapat sa Pananampalataya (2004), 26–27; Mangaral ng Aking Ebanghelyo (2004), 100–101.

  2. Tingnan sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (2009), 37.

  3. Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, inedit ni Bruce R. McConkie, 3 tomo. (1954–56), 1:48.

  4. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:3; Tapat sa Pananampalataya, 26.

  5. Tingnan sa Enos 1:3; Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 20

“Ako, si Nephi, matapos na marinig ang lahat ng salita ng aking ama, … na sinabi niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, isang kapangyarihang natanggap niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos— … ako, si Nephi, ay nagnais ding aking makita, at marinig, at malaman ang mga bagay na ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na siyang kaloob ng Diyos sa lahat ng yaong masisigasig na humahanap sa kanya” (1 Nephi 10:17).

Mga paglalarawan nina Craig Dimond, David Stoker, Welden C. Andersen, Derek Israelsen, Matthew Reier, at Christina Smith; paglalarawan kay Nephi ni Jerry Thompson; Eva at Adan, ni Lonni Clarke