Mga Calling sa Mission
Kabanata 3: Lesson 2—Ang Plano ng Kaligtasan ng Ama sa Langit


“Kabanata 3: Lesson 2—Ang Plano ng Kaligtasan ng Ama sa Langit,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)

“Kabanata 3: Lesson 2,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo

Kabanata 3: Lesson 2

Ang Plano ng Kaligtasan ng Ama sa Langit

Larawan
estatwang Christus

Maaaring Iniisip ng mga Tao

  • Ano ang layunin ng buhay?

  • Saan ako nanggaling?

  • Mayroon bang isang Diyos na nagmamalasakit sa akin? Paano ko madarama na nagmamalasakit Siya sa akin?

  • Paano ako maniniwala sa Diyos ngayong napakaraming masasamang nangyayari?

  • Bakit mahirap kung minsan ang buhay? Paano ako makakahanap ng lakas sa mga panahong ito?

  • Paano ako magiging mas mabuting tao?

  • Ano ang mangyayari sa akin kapag namatay ako?

Matutulungan tayo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na masagot ang mahahalagang katanungan ng kaluluwa. Sa pamamagitan ng ebanghelyo, malalaman natin ang tungkol sa ating banal na pagkatao at ang ating walang hanggang potensyal bilang mga anak ng Diyos. Nagbibigay rin sa atin ang ebanghelyo ng pag-asa at tinutulungan tayo nito na magkaroon ng kapayapaan, kagalakan, at kabuluhan sa buhay. Ang pagsasabuhay ng ebanghelyo ay tutulong sa atin na umunlad at magkaroon ng lakas habang hinaharap natin ang mga hamon ng buhay.

Nais ng Diyos ang pinakamainam para sa Kanyang mga anak at nais Niyang ibigay sa atin ang pinakadakilang mga pagpapala, ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan (tingnan sa Moises 1:39; Doktrina at mga Tipan 14:7). Dahil mahal Niya tayo, naglaan Siya ng plano para matanggap natin ang mga pagpapalang ito. Sa mga banal na kasulatan, ang planong ito ay tinatawag na plano ng kaligtasan, ang dakilang plano ng kaligayahan, at ang plano ng pagtubos (tingnan sa Alma 42:5, 8, 11, 13, 15, 16, 31).

Sa plano ng Diyos, ang bawat isa sa atin ay maglalakbay mula sa buhay bago isilang, pagsilang, buhay sa mundo, kamatayan, at buhay pagkatapos ng kamatayan. Ibinigay ng Diyos ang mga kinakailangan natin para sa paglalakbay na ito, nang sa gayon, pagkatapos nating mamatay, makakabalik tayo sa Kanyang piling at matatanggap ang ganap na kagalakan.

Si Jesucristo ay sentro sa plano ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, ginawang posible ni Jesus para sa bawat isa sa atin na tumanggap ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.

Sa ating buhay dito sa mundo, hindi natin naaalala ang ating buhay bago tayo isinilang. Hindi rin natin lubos nauunawaan ang buhay pagkatapos ng kamatayan. Gayunman, naghayag ang Diyos ng maraming katotohanan tungkol sa mga bahaging ito ng ating walang hanggang paglalakbay. Ang mga katotohanang ito ay nagbibigay sa atin ng sapat ng kaalaman para maunawaan natin ang layunin ng buhay, magkaroon ng kagalakan, at magkaroon ng pag-asa na may mabubuting bagay na darating. Ang kaalamang ito ay isang sagradong kayamanan na gagabay sa atin habang tayo ay nandito sa mundo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang bahaging ito ay naglalaman ng isang simpleng balangkas na tutulong sa inyo na maghandang magturo. Kabilang din dito ang mga halimbawa ng mga tanong at paanyaya na magagamit ninyo.

Habang naghahanda kayong magturo, mapanalanging isaalang-alang ang sitwasyon at espirituwal na mga pangangailangan ng bawat tao. Magpasiya kung ano ang ituturo ninyo na pinakamakatutulong sa taong ito. Maghandang ipaliwanag ang mga kataga na maaaring hindi nauunawaan ng mga tao. Planuhin kung gaano karaming oras ang mayroon kayo, at tandaan na panatilihing maikli ang mga lesson.

Pumili ng mga banal na kasulatan na gagamitin ninyo sa pagtuturo. Ang bahaging “Pinagbatayang Doktrina” ng lesson ay naglalaman ng maraming makatutulong na banal na kasulatan.

Isipin kung ano ang mga itatanong ninyo habang kayo ay nagtuturo. Planuhin ang mga paanyayang ibibigay ninyo na maghihikayat sa bawat tao na kumilos.

Bigyang-diin ang mga ipinangakong pagpapala ng Diyos, at ibahagi ang inyong patooo tungkol sa itinuturo ninyo.

Larawan
mga misyonero na nagtuturo sa isang pamilya

Ang Maaari Ninyong Ituro sa mga Tao sa Loob ng 15–25 Minuto

Pumili sa ibaba ng isa o higit pang alituntunin tungkol sa plano ng kaligtasan na ituturo ninyo. Ang pinagbatayang doktrina para sa bawat alituntunin ay makikita pagkatapos ng balangkas na ito.

Buhay Bago Isilang: Layunin at Plano ng Diyos para sa Atin

  • Lahat tayo ay mga espiritung anak ng Diyos. Nilikha Niya tayo sa Kanyang sariling wangis.

  • Namuhay tayo kasama ang Diyos bago tayo isinilang sa mundo. Tayo ay mga miyembro ng Kanyang pamilya. Kilala at mahal Niya ang bawat isa sa atin.

  • Ang Diyos ay naglaan ng plano para sa ating kaligayahan at pag-unlad sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

  • Sa ating buhay bago tayo isinilang, pinili nating sundin ang plano ng Diyos. Ibig sabihin nito ay paparito tayo sa mundo upang magawa natin ang susunod na hakbang sa ating walang-hanggang pag-unlad.

  • Si Jesucristo ay sentro sa plano ng Diyos. Ginawa niyang posible para sa atin na magkaroon ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.

Ang Paglikha

  • Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, nilikha ni Jesucristo ang mundo.

Ang Pagkahulog nina Adan at Eva

  • Sina Adan at Eva ang una sa mga anak ng Diyos na bumaba sa lupa. Nilikha ng Diyos ang kanilang mga katawan at inilagay sila sa Halamanan ng Eden.

  • Sina Adan at Eva ay lumabag sa utos ng Diyos, pinalayas sa halamanan, at nahiwalay sa Diyos. Ang tawag sa pangyayaring ito ay Pagkahulog.

  • Pagkatapos ng Pagkahulog, sina Adan at Eva ay naging mga mortal. Bilang mga mortal, sila ay nagkaroon ng pagkakataong matuto, umunlad, at magkaroon ng mga anak. Naranasan din nila ang kalungkutan, kasalanan, at kamatayan.

  • Ang Pagkahulog ay isang hakbang pasulong para sa buong sangkatauhan. Ginawang posible ng Pagkahulog na tayo ay maisilang dito sa lupa at maisakatuparan ang plano ng Ama sa Langit.

Ang Ating Buhay sa Lupa

  • Sa plano ng Diyos, kailangan nating magpunta dito sa mundo at tumanggap ng pisikal na katawan, matuto, at umunlad.

  • Dito sa lupa, matututo tayo kung paano mamuhay ayon sa pananampalataya. Gayunman, hindi tayo iniwang mag-isa ng Ama sa Langit. Nagbigay Siya ng maraming kaloob at gabay para tulungan tayong makabalik sa Kanyang piling.

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

  • Ang bawat isa sa atin ay nagkakasala, at ang bawat isa sa atin ay mamamatay. Dahil mahal tayo ng Diyos, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo dito sa lupa upang tubusin tayo mula sa kasalanan at kamatayan.

  • Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, tayo ay mapapatawad at malilinis mula sa ating mga kasalanan. Ang ating mga puso ay maaaring maging mas mabuti habang tayo ay nagsisisi. Ginagawa nitong posible na tayo ay mabakablik sa piling ng Diyos at makatanggap ng ganap na kagalakan.

  • Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, lahat tayo ay muling mabubuhay pagkatapos nating mamatay. Ibig sabihin nito, ang espiritu at katawan ng bawat tao ay magsasamang muli, at bawat isa sa atin ay mabubuhay nang walang-hanggan na may perpekto at nabuhay na mag-uling katawan.

  • Si Jesucristo ay nag-aalok ng kapanatagan, pag-asa, at pagpapagaling. Ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang pinakadakilang pagpapahayag ng Kanyang pagmamahal. Lahat ng di-makatarungan sa buhay ay maiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang Daigdig ng mga Espiritu

  • Kapag namatay ang ating pisikal na katawan, patuloy na mabubuhay ang ating espiritu sa daigdig ng mga espiritu. Ito ay pansamantalang lugar ng pagkatuto at paghahanda bago ang Pagkabuhay na Mag-uli.

  • Itinuturo sa daigdig ng mga espiritu ang ebanghelyo ni Jesucristo, at maaari tayong patuloy na mas bumuti at umunlad roon.

Ang Pagkabuhay na Mag-uli, Kaligtasan, at Kadakilaan

  • Pagkatapos ng ating panahon sa daigdig ng mga espiritu, ang Pagkabuhay na Mag-uli ang susunod na hakbang sa ating walang hanggang paglalakbay.

  • Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ang muling pagsasama ng ating espiritu at katawan. Ang bawat isa sa atin ay mabubuhay na mag-uli at magkakaroon ng perpektong pisikal na katawan. Tayo ay mabubuhay nang walang hanggan. Ito ay posible dahil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.

Paghuhukom at ang Mga Kaharian ng Kaluwalhatian

  • Kapag tayo ay nabuhay na mag-uli, hahatulan tayo ni Jesucristo. Maliban sa iilang eksepsyon, lahat ng anak ng Diyos ay tatanggap ng isang lugar sa isang kaharian ng kaluwalhatian.

  • Bagama’t lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli, hindi tayo tatanggap ng magkakaparehong walang-hanggang kaluwalhatian. Hahatulan tayo ni Jesus ayon sa ating pananampalataya, mga gawa, at pagsisisi sa mortalidad at sa daigdig ng mga espiritu. Maaari tayong makabalik sa piling ng Diyos kapag tayo ay nating matapat.

Mga Maaari Ninyong Itanong sa mga Tao

Ang sumusunod na mga tanong ay mga halimbawa ng maaari ninyong itanong sa mga tao. Ang mga tanong na ito ay makatutulong sa inyo na magkaroon ng makabuluhang mga pag-uusap at maunawaan ang mga pangangailangan at pananaw ng isang tao.

  • Ano sa palagay ninyo ang layunin ng buhay?

  • Ano ang nagpapaligaya sa inyo?

  • Sa aling mga hamon ninyo kailangan ang tulong ng Diyos?

  • Ano ang natutuhan na ninyo mula sa mga hamong kinaharap ninyo?

  • Ano ang alam ninyo tungkol kay Jesucristo? Paano nakaimpluwensya sa inyong buhay ang Kanyang buhay at misyon?

Mga Paanyayang Maaari Ninyong Ibigay

  • Hihilingin ba ninyo sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin na tulungan kayong malaman kung totoo ang itinuro namin? (Tingnan sa “Tulong sa Pagtuturo: Panalangin” sa huling bahagi ng lesson 1.)

  • Magsisimba ba kayo kasama namin ngayong Linggo para mas matutuhan ninyo ang mga itinuro namin?

  • Babasahin ba ninyo ang Aklat ni Mormon at mananalangin para malaman na ito ay salita ng Diyos? (Maaari kayong magmungkahi ng partikular na mga kabanata o talata.)

  • Susundin ba ninyo ang halimbawa ni Jesus at magpapabinyag? (Tingnan ang “Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma,” na matatagpuan sa mga pahina bago ang lesson 1.)

  • Maaari ba tayong mag-iskedyul ng susunod naming pagbisita?

Larawan
larawang nagpapaliwanag ng plano ng kaligtasan

Pinagbatayang Doktrina

Ang bahaging ito ay naglalaman ng doktrina at mga banal na kasulatan na mapag-aaralan ninyo para lumago ang inyong kaalaman at patotoo sa ebanghelyo at para matulungan kayong magturo.

Larawan
mga kalawakan

Buhay Bago Isilang: Layunin at Plano ng Diyos para sa Atin

Tayo ay Mga Anak ng Diyos, at Nabuhay Tayo sa Piling Niya Bago Tayo Naparito sa Mundo

Ang Diyos ang Ama ng ating espiritu. Tayo ay Kanyang literal na mga anak, na nilikha sa Kanyang wangis. Bawat isa sa atin ay may banal na katangian bilang isang anak ng Diyos. Ang kaalamang ito ay makatutulong sa atin sa mahihirap na panahon at magbibigay ng inspirasyon sa atin na abutin ang ating potensyal.

Namuhay tayo kasama ang Diyos bilang Kanyang mga espiritung anak bago tayo isinilang sa mundo. Tayo ay mga miyembro ng Kanyang pamilya.

Larawan
Pangulong M. Russell Ballard

“May isang mahalagang identidad na mayroon tayong lahat ngayon at magpakailanman, isang bagay na hindi natin dapat kalimutan kailanman at isang bagay na dapat nating ipagpasalamat. Ito ay na mula noon pa man kayo ay isang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos na may mga espirituwal na pinagmulan sa kawalang-hanggan.

“… Ang pag-unawa sa katotohanang ito—talagang pag-unawa rito at pagtanggap dito nang lubos—ay nagpapabago ng buhay. Binibigyan kayo nito ng pambihirang identidad na hindi maiaalis ng sinuman sa inyo. Ngunit higit pa riyan, nagbibigay ito sa inyo ng matinding damdamin ng kahalagahan at diwa ng inyong walang-hanggang kahalagahan. Sa huli, binibigyan kayo nito ng banal, marangal, at marapat na layunin sa buhay” (M. Russell Ballard, “Children of Heavenly Father” [Brigham Young University devotional, Mar. 3, 2020], 2, speeches.byu.edu).

Pinili Natin na Pumarito sa Mundo

Mahal tayo ng ating Ama sa Langit at nais Niya na tayo ay maging katulad Niya. Siya ay isang niluwalhating nilalang na may maluwalhating pisikal na katawan.

Sa ating buhay bago tayo isilang, nalaman natin na ang Diyos ay may plano para maging katulad natin Siya. Ang isang bahagi ng Kanyang plano ay lilisanin natin ang ating tahanan sa langit at paparito tayo sa lupa para tumanggap ng pisikal na katawan. Kailangan din nating magkaroon ng karanasan at pananampalataya habang malayo tayo sa piling ng Diyos. Hindi natin maaalala na nakasama natin ang Diyos. Gayunman, ibibigay Niya sa atin ang mga kakailanganin natin para makabalik tayo sa Kanyang piling.

Ang kalayaang pumili, o ang kakayahang pumili, ay isang mahalagang bahagi ng plano ng Diyos para sa atin. Sa ating buhay bago tayo isilang, bawat isa sa atin ay piniling sundin ang plano ng Diyos at pumarito sa lupa upang magawa natin ang susunod na hakbang sa ating walang hanggang pag-unlad. Naunawaan natin habang tayo ay narito, na tayo ay magkakaroon ng maraming bagong oportunidad na umunlad at makaranas ng kagalakan. Naunawaan din natin na makakaharap tayo ng oposisyon dito. Mararanasan natin ang tukso, mga pagsubok, kalungkutan, at kamatayan.

Sa pagpiling pumarito sa lupa, nagtiwala tayo sa pagmamahal at tulong ng Diyos. Nagtiwala tayo sa Kanyang plano para sa ating kaligtasan.

Pinili ng Ama sa Langit si Jesucristo para Tubusin Tayo

Si Jesucristo ay sentro sa plano ng Diyos. Bago tayo pumarito sa lupa, alam natin na hindi tayo makakabalik sa piling ng Diyos sa ating sariling pagsisikap. Pinili ng Ama sa Langit si Jesucristo, ang Kanyang panganay na Anak, para gawing posible para sa atin na makabalik sa Kanya at magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Kusang loob itong tinanggap ni Jesus. Sumang-ayon Siya na pumarito sa lupa at tubusin tayo sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ang naging daan para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos para sa atin.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Anak ng Diyos

Layunin ng Diyos

Buhay Bago Isinilang

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Larawan
dapit-hapon sa may dalampasigan

Ang Paglikha

Bahagi ng plano ng Ama sa Langit ang paglikha ng mundo kung saan ang Kanyang mga espiritung anak ay magkakaroon ng pisikal na katawan at karanasan. Ang ating buhay dito sa mundo ay kailangan para tayo ay umunlad at maging katulad ng Diyos.

Sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang mundo at ang lahat ng nabubuhay. Pagkatapos ay nilikha ng Ama sa Langit ang lalaki at babae sa Kanyang sariling wangis. Ang Paglikha ay isang pagpapahayag ng pagmamahal ng Diyos at ng Kanyang hangaring magkaroon tayo ng oportunidad na umunlad.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Larawan
Leaving the Garden of Eden [Pag-alis sa Halamanan ng Eden], ni Joseph Brickey

Ang Pagkahulog nina Adan at Eva

Bago ang Pagkahulog

Sina Adan at Eva ang una sa mga anak ng Ama sa Langit na pumarito sa lupa. Nilikha ng Diyos ang kanilang mga katawan sa sarili Niyang wangis at inilagay sila sa Halamanan ng Eden. Sa halamanan, sila ay inosente, at ibinigay sa kanila ng Diyos ang kanilang mga pangangailangan.

Habang sina Adan at Eva ay nasa halamanan, inutusan sila ng Diyos na huwag kainin ang bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Kung susundin nila ang kautusang ito, mananatili sila sa halamanan. Gayunman, hindi sila maaaring umunlad sa pamamagitan ng pagkatuto mula sa oposisyon at mga pagsubok ng mortalidad. Hindi nila malalaman ang kagalakan dahil hindi nila mararanasan ang kalungkutan at sakit.

Tinukso ni Satanas sina Adan at Eva na kainin ang ipinagbabawal na bunga, at pinili nilang gawin iyon. Dahil sa pagpiling ito, pinalayas sila sa halamanan at nahiwalay sa Diyos. Ang tawag sa pangyayaring ito ay Pagkahulog.

Pagkatapos ng Pagkahulog

Pagkatapos ng Pagkahulog, sina Adan at Eva ay naging mga mortal. Ngayong wala na sila sa kalagayan ng pagiging inosente, naunawaan at naranasan na nila kapwa ang mabuti at masama. Magagamit nila ang kanilang kalayaang pumili para pumili ng mabuti o masama. Dahil sina Adan at Eva ay nakaranas ng oposisyon at mga pagsubok, sila ay natuto at umunlad. Dahil nakaranas sila ng kalungkutan, makakaranas din sila ng kagalakan. (Tingnan sa 2 Nephi 2:22–25.)

Sa kabila ng mga paghihirap, nadama nina Adan at Eva na isang malaking pagpapala ang maging mortal. Ang isang pagpapalang natanggap nila ay maaari silang magkaroon ng mga anak. Ito ay nagbigay-daan sa iba pang mga espiritung anak ng Diyos na pumarito sa lupa at tumanggap ng pisikal na katawan.

Sina Adan at Eva ay nagalak sa mga pagpapalang mula sa Pagkahulog. Sinabi ni Eva: “Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga [anak], at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin” (Moises 5:11; tingnan din sa talata 10).

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Sa Halamanan

Ang Pagkahulog

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Ang Ating Buhay sa Lupa

Maraming tao ang nagtatanong, “Bakit ako narito sa lupa?” Ang ating buhay dito sa lupa ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos para sa ating walang hanggang pag-unlad. Ang ating pinakadakilang layunin ay ang makabalik sa piling ng Diyos at matanggap ang ganap na kagalakan. Nakasaad sa ibaba ang ilang mga paraan na inihahanda tayo ng ating buhay dito sa lupa para matanggap ang mga ito.

Larawan
batang lalaking nakangiti

Tumanggap ng Pisikal na Katawan

Ang isang layunin ng ating pagparito sa lupa ay upang tumanggap tayo ng pisikal na katawan kung saan maaaring manahan ang ating espiritu. Ang ating katawan ay sagrado at mahimalang likha ng Diyos. Dahil sa ating pisikal na katawan, maaari tayong gumawa, matuto, at makaranas ng maraming bagay na hindi magagawa ng ating espiritu. Maaari tayong umunlad sa mga paraan na hindi natin magagawa bilang mga espiritu.

Dahil ang ating katawan ay mortal, tayo ay makakaranas ng sakit, karamdaman, at iba pang mga pagsubok. Ang mga karanasang ito ay makatutulong sa atin na magkaroon pasensya, pagkahabag, at iba pang mga katangian ng Diyos. Bahagi ang mga ito ng ating landas tungo sa kagalakan. Ang pagpili ng tama kapag mahirap itong gawin ay kadalasan kung kailan nagiging bahagi ng ating pagkatao ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa.

Matutuhang Gamitin nang Tama ang Kalayaang Pumili

Ang isa pang layunin ng mortalidad ay ang matutuhang gamitin nang tama ang ating kalayaang pumili—na piliin ang tama. Ang pagkatutong gamitin nang tama ang ating kalayaang pumili ay napakahalaga sa pagiging katulad ng Diyos.

Itinuro sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kung ano ang tama at binigyan tayo ng mga kautusan na aakay sa atin tungo sa kaligayahan. Tinutukso tayo ni Satanas na gawin ang mali, ninanais na maging tulad natin siya na kaaba-aba. Nakakaranas tayo ng pagsalungat sa pagitan ng mabuti at masama, na kailangan para matutuhan nating gamitin sa tama ang ating kalayaan pumili (tingnan sa 2 Nephi 2:11).

Kapag sinunod natin ang Diyos, tayo ay uunlad at matatanggap natin ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala. Kapag tayo ay sumuway, inilalayo natin ang ating sarili sa Kanya at matatanggap natin ang mga bunga ng kasalanan. Kahit kung minsan ay parang kabaligtaran ang nangyayari, ang kasalanan ay kalaunang humahantong sa kalungkutan. Ang mga pagpapala ng pagsunod—at ang mga bunga ng kasalanan—ay kadalasang hindi kaagad napapansin o nakikita. Ngunit tiyak ang mga ito, dahil makatarungan ang Diyos.

Kahit na gawin natin ang lahat ng ating makakaya, tayo ay magkakasala at “hindi [makakaabot] sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23). Nalalaman ito, ang Ama sa Langit ay naglaan ng paraan para tayo ay makapagsisi upang tayo ay makabalik sa Kanya.

Dinadala ng pagsisisi sa ating buhay ang kapangyarihan ng ating Manunubos na si Jesucristo (tingnan sa Helaman 5:11). Kapag tayo ay nagsisisi, tayo ay nalilinis mula sa kasalanan sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at ng kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 27:16–20). Sa pamamagitan ng pagsisisi, tayo ay magkakaroon ng kagalakan. Ang landas pabalik sa ating Ama sa Langit ay bukas para sa atin, dahil Siya ay mahabagin. (Tingnan sa “Pagsisisi” sa lesson 3.)

Matutong Mamuhay ayon sa Pananampalataya

Ang isa pang layunin ng buhay na ito ay upang magkaroon tayo ng karanasan na matatamo lamang natin sa pamamagitan ng pagkawalay sa ating Ama sa Langit. Dahil hindi natin Siya nakikita, kailangan nating mamuhay ayon sa pananampalataya (tingnan sa 2 Corinto 5:6–7).

Hindi tayo iniwang mag-isa ng Diyos sa paglalakbay na ito. Ipinagkaloob Niya sa atin ang Espiritu Santo na siyang gagabay, magpapalakas, at magpapabanal sa atin. Ipinagkaloob din Niya ang mga banal na kasulatan, mga propeta, panalangin, at ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang bawat bahagi ng ating mortal na karanasan—ang mga kagalakan at kalungkutan, ang mga tagumpay at pagkabigo—ay makatutulong sa atin na umunlad habang tayo ay naghahandang makabalik sa Diyos.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Isang Panahon para Umunlad at Lumago

Pagpiili

Mabuti at Masama

Kasalanan

Dapat Maging Malinis Tayo Para Makasama ang Diyos

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, tayong lahat ay magkakasala at mamamatay. Hindi natin madaraig nang mag-isa ang mga epekto ng kasalanan at kamatayan. Sa plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit, naglaan Siya ng paraan para madaig ang mga epekto ng Pagkahulog upang makabalik tayo sa Kanya. Bago pa nilikha ang mundo, pinili Niya si Jesucristo na maging ating Tagapagligtas at Manunubos.

Si Jesucristo lamang ang may kakayahang tubusin tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Siya ay literal na Anak ng Diyos. Namuhay Siya nang walang kasalanan, lubos na masunurin sa Kanyang Ama. Siya ay handa at kusang-loob na ginawa ang kalooban ng Ama sa Langit.

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay kinabibilangan ng Kanyang pagdurusa sa Getsemani, ng Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus, at ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Hindi natin kayang unawain ang Kanyang pagdurusa—lubus-lubos ito na pati ang pinakamaliliit na butas ng Kanyang balat ay nilabasan ng dugo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:18).

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakadakilang pangyayari sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ginawang posible ni Jesucristo na maisakatuparan ang plano ng Ama. Wala tayong magagawa kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo dahil hindi natin kayang tubusin ang ating sarili muna sa kasalanan at kamatayan (tingnan sa Alma 22:12–15).

Ang sakripisyo ng ating Tagapagligtas ang pinakadakilang pagpapahayag ng pagmamahal Niya para sa Kanyang Ama at para sa atin. “Ang luwang, haba, taas, at lalim” ng pagmamahal ni Cristo ay hindi natin kayang unawain (Efeso 3:18; tingnan din sa talata 19).

Larawan
The Crucifixion [Ang Pagpapako sa Krus], ni Harry Anderson

Dinaig ni Jesucristo ang Kamatayan para sa Lahat

Nang namatay si Jesucristo sa krus, naghiwalay ang Kanyang espiritu at Kanyang katawan. Sa ikatlong araw, nagsamang muli ang Kanyang espiritu at Kanyang katawan, at hindi na muling maghihiwalay pa kailanman. Nagpakita siya sa maraming tao, ipinakita Niya na mayroon Siyang imortal na katawang may laman at buto. Ang pagsasamang muli ng espiritu at katawan ay tinatawag na Pagkabuhay na Mag-uli.

Bilang mga mortal, ang bawat isa sa atin ay mamamatay. Gayunman, dahil napagtagumpayan ni Jesus ang kamatayan, ang bawat taong isinilang sa mundo ay mabubuhay na mag-uli. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay isang kaloob ng Diyos para sa lahat, na ibinigay sa pamamagitan ng awa at nakatutubos na biyaya ng Tagapagligtas. Ang espiritu at katawan ng bawat tao ay magsasamang muli, at bawat isa sa atin ay mabubuhay nang walang-hanggan na may perpekto at nabuhay na mag-uling katawan. Kung hindi dahil kay Jesucristo, wawakasan ng kamatayan ang lahat ng ating pag-asang mamuhay kalaunan kasama ng Ama sa Langit (tingnan sa 2 Nephi 9:8–12).

Ginawang Posible ni Jesus na Maging Malinis Tayo Mula sa Ating mga Kasalanan

Upang maunawaan ang pag-asa na matatanggap natin sa pamamagitan ni Cristo, kailangan nating maunawaan ang batas ng katarungan. Ito ang hindi nagbabagong batas na nagdadala ng mga bunga para sa ating mga gawa. Ang pagsunod sa Diyos ay nagdadala ng mabubuting bunga, at ang pagsuway naman ay nagdadala ng masasamang bunga. (Tingnan sa Alma 42:14–18.) Kapag nagkakasala tayo, nagiging marumi tayo sa espirituwal, at walang maruming bagay ang maaaring mamuhay kasama ng Diyos (tingnan sa 3 Nephi 27:19).

Larawan
Jesus Praying in Gethsemane [Si Jesus na Nagdarasal sa Getsemani], ni Harry Anderson

Sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, pinagdusahan at binayaran Niya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan (tingnan sa 3 Nephi 27:16–20). Ang plano ng Diyos ay nagbigay ng kapangyarihan kay Jesucristo na maging ating tagapamagitan—na tumayo sa pagitan natin at ng katarungan (tingnan sa Mosias 15:9). Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesus, maaangkin Niya ang karapatan Niyang magbigay ng awa para sa atin kapag tayo ay sumampalataya tungo sa pagsisisi (tingnan sa Moroni 7:27; Doktrina at mga Tipan 45:3–5). “Sa gayon mabibigyang-kasiyahan ng awa ang hinihingi ng katarungan, at yayakapin [tayo] ng mga bisig ng kaligtasan” (Alma 34:16).

Tanging sa pamamagitan ng kaloob na Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ng ating pagsisisi tayo makakabalik para mamuhay sa piling ng Diyos. Kapag nagsisi tayo, tayo ay mapapatawad at malilinis sa espirituwal. Maaalis sa atin ang bigat ng pang-uusig ng budhi na mula sa ating mga kasalanan. Mapapagaling ang ating sugatang kaluluwa. Mapupuspos tayo ng kagalakan (tingnan sa Alma 36:24).

Bagama’t hindi tayo perpekto at maaaring muling magkulang, ang biyaya, pag-ibig, at awa na mayroon si Jesucristo ay higit pa sa kabiguan, pagkukulang, at kasalanan na mayroon tayo. Ang Diyos ay palaging handa at sabik na yakapin tayo kapag tayo ay bumaling sa Kanya at nagsisi (tingnan sa Lucas 15:11–32). Walang bagay o tao ang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Roma 8:39).

Inako ni Jesucristo sa Kanyang Sarili ang Ating mga Kasalanan, Paghihirap, at Kahinaan

Sa Kanyang Pagbabayad-sala, inako ni Jesucristo ang ating mga pasakit, paghihirap, at kahinaan. Dahil dito, nalaman Niya “ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12; tingnan ang talata 11). Inaanyayahan Niya tayo, “Lumapit kayo sa akin,” at kapag ginawa natin ito, pagkakalooban Niya tayo ng kapahingahan, pag-asa, lakas, pananaw, at pagpapagaling (Mateo 11:28; tingnan din sa talata 29–30).

Sa pag-asa natin kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, matutulungan Niya tayo na tiisin ang ating mga pagsubok, karamdaman, at sakit. Mapupuspos tayo ng galak, kapayapaan, at kapanatagan. Lahat ng di makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas

Pagkabuhay na Muli

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Larawan
pamilyang bumibisita sa libingan

Ang Daigdig ng mga Espiritu

Maraming tao ang nag-iisip, “Ano ang mangyayari pagkatapos kong mamatay?” Ang plano ng kaligtasan ay nagbibigay ng ilang mahahalagang sagot sa tanong na ito.

Ang kamatayan ay bahagi ng “maawaing plano” ng Diyos para sa atin (2 Nephi 9:6). Ang kamatayan ay hindi katapusan ng ating buhay, bagkus ito ang susunod na hakbang sa ating walang hanggang pag-unlad. Para maging katulad ng Diyos, dapat tayong makaranas ng kamatayan at tumanggap kalaunan ng perpekto at nabuhay na mag-uling katawan.

Kapag namatay ang ating pisikal na katawan, patuloy na mabubuhay ang ating espiritu sa daigdig ng mga espiritu. Ito ay pansamantalang lugar ng pagkatuto at paghahanda bago ang Pagkabuhay na Mag-uli at Huling Paghuhukom. Ang ating kaalaman mula sa ating mortal na buhay ay mananatili sa atin.

Sa daigdig ng mga espiritu, ang mga taong tinanggap at ipinamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo “ay tatanggapin sa kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso” (Alma 40:12). Ang maliliit na bata ay tatanggapin din sa paraiso kapag sila ay namatay.

Ang mga espiritung nasa paraiso ay magkakaroon ng kapayapaan mula sa kanilang mga problema at kalungkutan. Ipagpapatuloy nila ang kanilang pag-unlad sa espirituwal, paggawa ng gawain ng Diyos at paglilingkod sa iba. Ituturo nila ang ebanghelyo sa mga taong hindi ito natanggap sa kanilang mortal na buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:32–37, 57–59).

Sa daigdig ng mga espiritu, ang mga taong hindi nakatanggap ng ebanghelyo dito sa lupa, o ang mga taong piniling hindi sundin ang mga kautusan ay makakaranas ng ilang mga limitasyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:6–37; Alma 40:6–14). Gayunman, dahil ang Diyos ay makatarungan at mahabagin, sila ay magkakaroon ng pagkakataong maturuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kapag tinanggap nila ito at sila ay nagsisi, matutubos sila mula sa kanilang mga kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:58; tingnan din sa 138:31–35; 128:22). Sila ay tanggapin sa kapayapaan ng paraiso. Tatanggapin nila kalaunan ang isang lugar sa isang kaharian ng kaluwalhatian ayon sa mga pagpiling ginawa nila sa mortalidad at sa daigdig ng mga espiritu.

Mananatili tayo sa daigdig ng mga espiritu hanggang sa tayo ay mabuhay na mag-uli.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

  • Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paraiso.”

Ang Pagkabuhay na Mag-uli, Kaligtasan, at Kadakilaan

Pagkabuhay na Muli

Ginagawang posible ng plano ng Diyos na tayo ay umunlad at makatanggap ng buhay na walang hanggan. Pagkatapos ng ating panahon sa daigdig ng mga espiritu, ang Pagkabuhay na Mag-uli ang susunod na hakbang sa ating pag-unlad.

Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ang muling pagsasama ng ating katawan at espiritu. Bawat isa sa atin ay mabubuhay na mag-uli. Ito ay posible dahil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. (Tingnan sa Alma 11:42–44.)

Kapag tayo ay nabuhay na mag-uli, ang bawat isa sa atin ay magkakaroon ng perpektong pisikal na katawan, na hindi na makakaranas ng sakit at karamdaman. Tayo ay magiging imortal, mabubuhay nang walang hanggan.

Kaligtasan

Dahil tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli, tayo ay maliligtas mula sa pisikal na kamatayan. Ang kaloob na ito ay ibinigay sa atin sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo.

Maaari din tayong maligtas mula sa mga bunga na ipapataw ng batas ng katarungan para sa ating mga kasalanan. Naging posible rin ang kaloob na ito dahil sa kabutihan at awa ni Jesucristo kapag tayo ay nagsisi. (Tingnan sa Alma 42:13–15, 21–25.)

Kadakilaan

Ang kadakilaan, o buhay na walang hanggan, ay ang pinakamataas na antas ng kaligayahan at kaluwalhatian sa kahariang selestiyal. Ang kadakilaan ay isang kaloob na may kondisyon. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang mga kondisyong iyon na magpapamarapat sa atin ay kinabibilangan ng pananampalataya sa Panginoon, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng Espiritu Santo, at pananatiling tapat sa mga ordenansa at tipan ng templo” (“Salvation and Exaltation,” Liahona, Mayo 2008, 9).

Ang ibig sabihin ng kadakilaan ay ang mamuhay kasama ng Diyos nang walang hanggan sa walang-hanggang mga pamilya. Ito ay ang pagkakilala sa Diyos at kay Jesucristo, pagiging tulad Nila, at pagkakaroon ng buhay na tulad ng sa Kanila.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Larawan
mga sinag ng araw sa mga ulap

Paghuhukom at ang Mga Kaharian ng Kaluwalhatian

Tandaan: Kapag itinuro ninyo ang tungkol sa mga kaharian ng kaluwalhatian sa unang pagkakataon, ituro ito nang simple ayon sa pangangailangan at pang-unawa ng taong tinuturuan ninyo.

Kapag tayo ay nabuhay na mag-uli, si Jesucristo ang magiging makatarungan at mahabaging hukom natin. Maliban sa iilang eksepsyon, bawat isa sa atin ay tatanggap ng isang lugar sa isang kaharian ng kaluwalhatian. Bagama’t lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli, hindi tayo tatanggap ng magkakaparehong walang hanggang kaluwalhatian (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:22–24, 29–34; 130:20–21; 132:5).

Ang mga taong hindi nagkaroon ng oportunidad na lubos na maunawaan at masunod ang mga batas ng Diyos sa kanilang mortal na buhay ay bibigyan ng oportunidad na iyan sa daigdig ng mga espiritu. Hahatulan ni Jesus ang bawat tao ayon sa pananampalataya, mga gawa, at pagsisisi nito sa mortalidad at sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:32–34, 57–59).

Itinuturo ng mga banal na kasulatan ang tungkol sa mga kahariang selestiyal, terestriyal, at telestiyal. Ang bawat isa sa mga ito ay pagpapakita ng pagmamahal, katarungan, at pagkahabag ng Diyos.

Ang mga sumampalataya kay Cristo, nagsisi sa kanilang mga kasalanan, tumanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo, tumupad sa kanilang mga tipan, tinanggap ang Espiritu Santo, at nagtiis hanggang sa wakas ay maliligtas sa kahariang selestiyal. Mapupunta rin sa kahariang ito ang mga taong hindi nagkaroon ng oportunidad na tanggapin ang ebanghelyo sa kanilang mortal na buhay ngunit “[tinanggap ito] nang buo nilang puso” at ginawa ito sa daigdig ng mga espiritu (Doktrina at mga Tipan 137:8; tingnan din sa talata 7). Ang mga batang namatay bago ang edad ng pananagutan (walong taong gulang) ay maliligtas din sa kahariang selestiyal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:10).

Sa mga banal na kasulatan, ang kahariang selestiyal ay inihambing sa kaluwalhatian at liwanag ng araw. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:50–70.)

Ang mga taong namuhay nang marangal “na hindi tumanggap ng patotoo ni Jesus sa laman, subalit pagkaraan ay tinanggap ito” ay tatanggap ng lugar sa kahariang terestriyal (Doktrina at mga Tipan 76:74). Ganito rin ang tatanggapin ng mga hindi naging matatag sa kanilang pananampalataya kay Jesus. Ang kahariang ito ay inihahambing sa kaluwalhatian ng buwan. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:71–80.)

Ang mga nagpatuloy sa kanilang mga kasalanan at hindi nagsisi sa buhay na ito o hindi tinanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu ay tatanggapin ang kanilang gantimpala sa kahariang telestiyal. Ang kahariang ito ay inihahambing sa kaluwalhatian ng mga bituin. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:81–86.)

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Balangkas ng Maikli hanggang Katamtamang Haba ng Lesson

Ang sumusunod na balangkas ay isang halimbawa ng maaari ninyong ituro sa isang tao kung kakaunti lamang ang inyong oras. Kapag ginagamit ito, pumili ng isa o higit pang alituntunin na ituturo ninyo. Ang pinagbatayang doktrina para sa bawat alituntunin ay naibigay na sa simula ng lesson.

Habang nagtuturo kayo, magtanong at makinig. Magbigay ng mga paanyaya na tutulong sa mga tao na matuto kung paano mas mapalapit sa Diyos. Ang isang mahalagang paanyaya ay ang muling makipagkita sa inyo ang tao. Ang haba ng lesson ay nakadepende sa mga itatanong ninyo at sa inyong pakikinig.

Ang Maaari Ninyong Ituro sa mga Tao sa Loob ng 3–10 minuto

  • Lahat tayo ay mga espiritung anak ng Diyos. Tayo ay mga miyembro ng Kanyang pamilya. Kilala at mahal Niya ang bawat isa sa atin.

  • Ang Diyos ay naglaan ng plano para sa ating kaligayahan at pag-unlad sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

  • Sa plano ng Diyos, kailangan nating maparito sa mundo at tumanggap ng pisikal na katawan, matuto, at umunlad.

  • Si Jesucristo ay sentro sa plano ng Diyos. Ginagawa Niyang posible para sa atin na magkaroon ng buhay na walang hanggan.

  • Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, nilikha ni Jesus ang mundo.

  • Ang ating mga karanasan dito sa lupa ay nilayong tulungan tayong makabalik sa piling ng Diyos.

  • Ang bawat isa sa atin ay nagkakasala, at ang bawat isa sa atin ay mamamatay. Dahil mahal tayo ng Diyos, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo dito sa lupa upang tubusin tayo mula sa kasalanan at kamatayan.

  • Lahat ng di-makatarungan sa buhay ay maiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Kapag namatay ang pisikal na katawan natin, patuloy na mabubuhay ang ating espiritu. Lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli balang-araw. Ibig sabihin nito, ang espiritu at katawan ng bawat tao ay magsasamang muli, at bawat isa sa atin ay mabubuhay nang walang-hanggan na may perpekto at nabuhay na mag-uling katawan.

  • Kapag tayo ay nabuhay na mag-uli, hahatulan tayo ni Jesucristo. Maliban sa iilang eksepsyon, lahat ng anak ng Diyos ay tatanggap ng isang lugar sa isang kaharian ng kaluwalhatian. Maaari tayong makabalik sa piling ng Diyos kapag tayo ay nanatiling matapat.