Mga Calling sa Mission
Kabanata 4: Hangarin at Umasa sa Espiritu


“Kabanata 4: Hangarin at Umasa sa Espiritu,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)

“Kabanata 4: Hangarin at Umasa sa Espiritu,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo

Larawan
Liahona, ni Arnold Friberg

Kabanata 4

Hangarin at Umasa sa Espiritu

Pag-isipan Ito

  • Ano ang magagawa ko para matanggap ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa aking buhay at sa paglilingkod ko bilang misyonero?

  • Ano ang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo sa pagbabalik-loob?

  • Paano ko matutulungan ang mga taong tinuturuan namin na madama ang impluwensya ng Espiritu Santo?

  • Paano ko gagawing mas makabuluhan ang aking mga panalangin?

  • Paano ko matututuhang mabatid ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo?

Hangarin ang Patnubay ng Espiritu Santo

Ang kaloob na Espiritu Santo ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak. Kailangan ito sa iyong gawain bilang misyonero. Kailangan mo ang patnubay at paghahayag na nagmumula sa Espiritu Santo habang tinutulungan mo ang mga tao na mabinyagan, makumpirma, at magbalik-loob.

Ang pagkakaroon ng patnubay ng Espiritu Santo sa iyong buhay ay nangangailangan ng espirituwal na pagsisiskap. Kabilang sa pagsisikap na ito ang taimtim na panalangin at patuloy na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Kasama rin dito ang pagtupad sa iyong mga tipan at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos (tingnan sa Mosias 18:8–10, 13). Pati na rin ang karapat-dapat na pagtanggap ng sakramento linggu-linggo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).

Nahaharap ka sa iba’t ibang pangangailangan at sitwasyon araw-araw. Ang mga pahiwatig mula sa Espiritu ay tutulong sa iyong malaman kung ano ang iyong gagawin at sasabihin. Habang naghahangad ka ng mga pahiwatig at kumikilos ayon sa mga pahiwatig na ito, palalawakin ng Espiritu Santo ang iyong mga kakayahan at paglilingkod para magawa mo ang mga bagay na hindi mo kayang gawin nang mag-isa. Tutulungan ka rin Niya sa lahat ng aspekto ng iyong paglilingkod bilang misyonero at sa iyong personal na buhay. (Tingnan sa 2 Nephi 32:2–5; Alma 17:3; Helaman 5:17–19; Doktrina at mga Tipan 43:15–16; 84:85.)

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

“Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at patuloy na] impluwensya ng Espiritu Santo” (Russell M. Nelson “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96).

Larawan
Light and Truth [Liwanag at Katotohanan], ni Simon Dewey

Ang Liwanag ni Cristo

Ang Liwanag ni Cristo “ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama” (Moroni 7:16; tingnan sa talata 14–19; tingnan din sa Juan 1:9). Ang Liwanag ni Cristo ay isang kapangyarihang nagbibigay ng liwanag, kaalaman, at impluwensya na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Jesucristo. Ang impluwensyang ito ay nauuna sa pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Gagabayan nito ang mga taong handang matutuhan at ipamuhay ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang Espiritu Santo

Ang Personahe ng Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Siya ay personaheng espiritu at walang katawang may laman at mga buto (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:22). Siya ang Mang-aaliw na ipinangako ng Tagapagligtas na magtuturo sa Kanyang mga tagasunod ng lahat ng bagay at magpapaalala sa kanila ng mga itinuro ni Jesus (tingnan sa Juahn 14:26).

Ang Kapangyarihan ng Espiritu Santo

Ang patotoo na dumarating sa mga taos-pusong naghahanap ng katotohanan bago ang binyag ay mula sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang lahat ng tao ay maaaring makatanggap ng patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).

Ang Kaloob na Espiritu Santo

Ang kaloob na Espiritu Santo ay ang karapatang matanggap ang patuloy na patnubay ng Espiritu Santo kapag tayo ay karapat-dapat. Natanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo pagkatapos nating mabinyagan sa tubig. Ito ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng ordenansa ng kumpirmasyon.

Sinabi ni Propetang Joseph Smith: “May pagkakaiba ang Espiritu Santo sa kaloob na Espiritu Santo. Natanggap ni Cornelio ang Espiritu Santo bago siya nabinyagan, na siyang kapangyarihan ng Diyos na nagpatunay sa kanya na totoo ang Ebanghelyo, ngunit hindi niya natanggap ang kaloob na Espiritu Santo hanggang sa mabinyagan siya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 113).

Sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo, tayo ay napababanal—ginagawa tayong mas banal, mas kumpleto, mas buo, at mas higit na katulad ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtubos ni Cristo at sa nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo, tayo ay espirituwal na isisilang na muli kapag tinupad natin ang mga tipan na ginawa natin sa Diyos (tingnan sa Mosias 27:25–26).

Ang Banal na Espiritu ng Pangako

Ang Espiritu Santo ay tinutukoy rin bilang Banal na Espiritu ng Pangako (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:3). Sa tungkuling ito, pinagtitibay ng Espiritu Santo na ang mga ordenansa ng priesthood na natanggap natin at ang mga tipang ginawa natin ay katanggap-tanggap sa Diyos. Ang mga ibinuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako ay tatanggapin ang lahat ng mayroon ang Ama (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:51–60; Efeso 1:13–14; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Espiritu ng Pangako”).

Ang lahat ng ordenansa at tipan ay dapat mabuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako para magkaroon ng bisa pagkatapos ng buhay na ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:7, 18–19, 26). Ang pagbubuklod na ito ay nakabatay sa ating patuloy na pagiging matapat.

Mga Kaloob ng Espiritu

Binigyan tayo ng Panginoon ng mga kaloob ng Espiritu para pagpalain tayo at upang gamitin natin para pagpalain ang iba (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:8–9, 26). Halimbawa, ang mga misyonero na nag-aaral ng bagong wika ay maaaring makatanggap ng kaloob ng mga wika para matulungan silang maturuan ang ibang tao sa sariling wika ng mga ito.

Ang ilang mga kaloob ng Espiritu ay inilarawan sa Moroni 10:8–18, Doktrina at mga Tipan 46:11–33, at 1 Corinto 12:1–12. Iilan lamang ang mga ito sa maraming kaloob ng Espiritu. Pagpapalain tayo ng Panginoon ng iba pang mga kaloob ayon sa ating katapatan, pangangailangan, at pangangailangan ng ibang tao.

Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na masigasig na maghangad ng mga kaloob ng Espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:8; 1 Corinto 14:1, 12). Ang mga kaloob na ito ay dumarating sa pamamagitan ng panalangin, pananampalataya, at pagsisikap—at ayon sa kalooban ng Diyos.

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Basahin sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ang “Espiritu Santo,” “Ilaw, Liwanag ni Cristo,” at “Espiritu, Banal na.” Magsulat ng paglalarawan ng katangian at tungkuling ginagampanan ng Espiritu Santo.

Basahin ang Mga Gawa 4:1–33.

  • Paano naghangad sina Pedro at Juan ng mga espirituwal na kaloob?

  • Paano sinagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin?

  • Ano ang matututuhan mo mula sa karanasang ito tungkol sa sarili mong gawain?

Larawan
isang grupo na nananalangin

Ang Kapangyarihan ng Espiritu sa Pagbabalik-loob

Ang pagbabalik-loob ay nangyayari sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang iyong tungkulin ay tumulong na maihatid ang kapangyarihan ng Espiritu sa buhay ng isang tao. Nasa ibaba ang ilang mga mungkahi kung paano mo ito magagawa.

  • Hangaring mapasaiyo ang Espiritu sa pamamagitan ng panalangin, pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan, at pagtupad sa iyong mga tipan.

  • Magturo sa pamamagitan ng Espiritu tungkol sa Tagapagligtas at sa mensahe ng Pagpapanumbalik. Sundin ang patnubay ng Espiritu sa pag-aangkop ng inyong mensahe sa pangangailangan ng bawat tao.

  • Magpatotoo na alam mo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na totoo ang inyong itinuturo. Pagtitibayin ng Espiritu Santo sa iba ang mga bagay na pinatototohanan mo.

  • Anyayahan ang mga tao na kumilos, at suportahan sila sa pagtupad nila sa mga ipinangako nilang gagawin. Kapag tinutupad ng mga tao ang mga bagay na ipinangako nilang gagawin, higit nilang madarama ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Tingnan sa kabanata 11.

  • Mag-follow up sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga tao tungkol sa kanilang mga karanasan nang ginawa nila ang inyong paanyaya. Lalago ang kanilang pananampalataya habang sila ay nagsisisi, sumusunod sa mga kautusan, at tumutupad sa kanilang mga pangako. Tulungan silang matukoy ang pag-antig sa kanila ng Espiritu.

Larawan
Pangulong M. Russell Ballard

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Ang tunay na pagbabalik-loob ay dumarating sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. Kapag inantig ng Espiritu ang puso, ang puso ay nagbabago. Kapag nadama ng mga tao … ang pag-antig ng Espiritu sa kanila, o kapag nakita nila ang katibayan ng pagmamahal at awa ng Panginoon sa kanilang buhay, sila ay espirituwal na mapapasigla at mapapalakas at mas titibay ang kanilang pananampalataya sa Kanya. Kusang dumarating ang mga karanasang ito sa pagkilos ng Espiritu kapag ang tao ay handang sumubok sa salita [tingnan sa Alma 32:27]. Ito ang paraan para madama natin na ang ebanghelyo ay totoo” (“Now Is the Time,” Ensign, Nob. 2000, 75).

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ano ang itinuturo ng sumusunod na mga banal na kasulatan tungkol sa kapangyarihan ng Espiritu sa iyong gawain?

Ano ang magagawa mo para matanggap ang kapangyarihan ng Espiritu sa iyong gawain?

Larawan
mga misyonero na nananalangin

Manalangin nang May Pananampalataya kay Jesucristo

Upang matulungan ninyo ang ibang tao na magbalik-loob, kailangan ninyong magturo nang may kapangyarihan ng Espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:13–14, 17–22). Sinabi ng Panginoon: “Ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo. (Doktrina at mga Tipan 42:14).

Kapag kayo ay nanalangin para matulungan kayo sa inyong pagtuturo, dadalhin ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang inyong mga turo “sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1). Habang nagtuturo kayo sa pamamagitan ng Espiritu at tinatanggap ito ng ibang tao sa pamamagitan din ng Espiritu, “[mauunawaan ninyo] ang isa’t isa” at kayo ay “[pagtitibayin] at magkasamang magsasaya” (Doktrina at mga Tipan 50:22).

Paano Manalangin

Itinuro sa atin ni Jesus kung paano manalangin (tingnan sa Mateo 6:9–13; 3 Nephi 18:19). Manalangin nang taimtim at may tunay na layuning kumilos sa mga pahiwatig na matatanggap mo mula sa Espiritu Santo. Ang mabisang panalangin ay nangangailangan ng mapagkumbaba at patuloy na pagsisikap (tingnan sa Moroni 10:3–4; Doktrina at mga Tipan 8:10).

Gumamit ng mga salita na nagpapahayag ng pagmamahal at pagsamba sa Diyos. Sa wikang Ingles, gamitin ang mga salita sa banal na kasulatan tulad ng Thee, Thou, Thy, at Thine sa halip na gamitin ang mga panghalip na you, your, at yours.

Palaging magpasalamat. Ang kusang pagpapahayag ng pasasalamat ay tutulong sa iyo na malaman kung gaano kamaawain ang Diyos sa iyong buhay. Bubuksan nito ang iyong puso’t isipan para makatanggap ng inspirasyon.

Manalangin “nang buong lakas ng puso” na pagkalooban ka ng pag-ibig sa kapwa-tao (Moroni 7:48). Banggitin ang mga pangalan ng mga ipinagdarasal mo. Ipagdasal ang mga tinuturuan ninyo. Maghangad ng inspirasyon kung paano ninyo sila aanyayahan at tutulungan na lumapit kay Cristo.

Personal na Pag-aaral

Pag-aralan ang panalangin ng Panginoon sa Mateo 6:9–13. Itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod, at itala ang iyong mga impresyon sa iyong study journal.

  • Paaano naiimpluwensyahan ng iyong kasalukuyang tungkulin bilang misyonero ang iyong mga panalangin?

  • Sa paanong mga paraan mo ginagamit ang panalangin para pagpalain ang buhay ng ibang tao?

  • Paano ka nananalangin para makayanan mong paglabanan ang tukso?

  • Paano ka nananalangin para humingi ng tulong upang matugunan mo ang iyong mga espirituwal at temporal na pangangailangan?

  • Paano mo ibinibigay ang kaluwalhatian sa Diyos kapag nananalangin ka?

Kailan Mananalangin

Kailan ka dapat manalangin? Sinabi ng Panginoon, “Masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 90:24).

Sinabi ni Alma, “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan; oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi, mahiga sa Panginoon, upang mabantayan ka niya sa iyong pagtulog; at kapag ikaw ay bumangon sa umaga hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos” (Alma 37:37; tingnan din sa 34:17–27).

Inaanyayahan ka ng Panginoon na maglaan ng tahimik at pribadong panahon para manalangin: “ pumasok kayo sa inyong silid, at … manalangin kayo sa inyong Ama” (3 Nephi 13:6; tingnan din sa kabanata 7–13).

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Tuwing umaga … , dapat lumuhod ang mga misyonero at magsumamo sa Panginoon na kalagan ang kanilang mga dila at magsalita sa pamamagitan nito para mapagpala ang mga taong tuturuan nila. Kung gagawin nila ito, may bagong liwanag na darating sa kanilang buhay. Sisigla sila sa gawain. Malalaman nila na sila’y tunay na mga alagad ng Panginoon, na nagsasalita para sa Kanya” (“Missionary Service,” First Worldwide Leadership Training Meeting, Ene. 11, 2003, 20).

Pagtitiwala sa Diyos Kapag Nananalangin Tayo

Ang ibig sabihin ng pagsampalataya sa Diyos ay pagtitiwala sa Kanya. Kabilang dito ang pagtitiwala sa Kanyang kalooban at Kanyang panahon sa pagsagot sa iyong mga panalangin (tingnan sa Isaias 55:8–9). Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks:

“Gaano man kalakas ang ating pananampalataya, hindi ito magbubunga ng anumang taliwas sa kalooban Niya kung kanino tayo nananampalataya. Tandaan iyan kapag tila hindi nasasagot ang inyong mga dalangin sa paraan o sa panahong nais ninyo. Ang pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo ay laging ayon sa patakaran ng langit, sa kabutihan at kalooban at karunungan at sariling takdang panahon ng Panginoon. Kapag taglay natin ang ganyang pananampalataya at pagtitiwala sa Panginoon, may tunay na katiwasayan at kapanatagan sa ating buhay” (“The Atonement and Faith,” Liahona, Abr. 2008, 8).

Ukol sa mga panalanging tila hindi nasasagot, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Naramdaman ko iyan! Naramdaman ko ang takot at lungkot sa gayong mga sandali. Pero alam ko rin na hinding-hindi binabalewala ang ating mga dalangin. Laging pinahahalagahan ang ating pananampalataya. Alam ko na ang pag-unawa ng isang napakarunong na Ama sa Langit ay mas malawak kaysa atin. Alam man natin ang ating mga problema at sakit sa buhay, alam naman Niya ang imortal nating pag-unlad at potensyal. Kung ipagdarasal nating malaman ang Kanyang kalooban at magpapasakop dito [na] taglay ang tiyaga at tapang, magaganap ang pagpapagaling ng langit sa sarili Niyang paraan at panahon” (“Jesucristo—ang Dalubhasang Manggagamot,” Liahona, Nob. 2005, 86).

Larawan
Road to Emmaus [Daan Patungong Emaus], ni Greg Olsen

Matutong Tukuyin ang mga Pahiwatig ng Espiritu

Mahalaga para sa iyo at sa mga taong tinuturuan ninyo na matutong malaman kung kailan nakikipag-ugnayan sa inyo ang Espiritu. Ang Espiritu ay karaniwang nakikipag-ugnayan sa tahimik na paraan, sa pamamagitan ng iyong damdamin, puso, at isipan. Nalaman ni propetang Elijah na ang tinig ng Panginoon ay wala sa hangin, sa lindol, o sa apoy—ito ay “isang banayad at munting tinig” (1 Mga Hari 19:12). “Hindi ito tinig ng kulog,” at sa halip “ito ay tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan, sa wari’y isang bulong,” ngunit maaari itong “tumagos maging sa buong kaluluwa” (Helaman 5:30).

Ang pakikipag-ugnayan mula sa Espiritu ay maaaring magkakaiba para sa bawat tao. Ano man ang pakiramdam ng mga pakikipag-ugnayang ito, itinuro sa mga banal na kasulatan kung paano matutukoy ang mga ito. Halimbawa, ikaw ay pasisiglahin ng Espiritu at aakayin kang gumawa ng mabuti. Bibigyan Niya ng liwanag ang iyong isipan. Aakayin ka Niya na lumakad nang may pagpapakumbaba at maghatol nang matwid. (Tingnan ang Doktrina at mga Tipan 11:12–14 at ang kahon na “Personal na Pag-aaral” kalaunan sa bahaging ito.)

Para masagot ang tanong na “Paano natin matutukoy ang mga pahiwatig ng Espiritu?” binasa ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang Moroni 7:13, 16–17. Pagkatapos ay sinabi niya:

“Iyan ang pagsubok, matapos ang lahat. Hinihikayat ba nito ang isang tao na gumawa ng mabuti, bumangon, manindigan, gumawa ng tamang bagay, maging mabait, maging mapagbigay? Kung gayon ito ay nagmumula sa Espiritu ng Diyos. …

“… Kung ito ay nanghihikayat na gumawa ng mabuti, ito ay sa Diyos. Kung ito ay nanghihikayat na gumawa ng masama, ito ay sa diyablo. … At kung ginagawa mo ang tama at namumuhay ka nang tama, malalaman mo sa iyong puso kung ano ang sinasabi sa iyo ng Espiritu.

“Mababatid mo ang mga panghihikayat ng Espiritu sa pamamagitan ng mga bunga ng Espiritu—yaong nagbibigay-liwanag, yaong nagpapalakas, yaong positibo at sumasang-ayon at nagbibigay-inspirasyon at umaakay sa atin sa mas mabubuting kaisipan at salita at gawa ay sa Espiritu ng Diyos” (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 260–61).

Habang hinahangad at sinusunod mo ang patnubay ng Espiritu Santo, ang iyong kakayahang matukoy at maunawaan ang Kanyang mga pahiwatig ay mas bubuti sa paglipas ng panahon (tingnan sa 2 Nephi 28:30). Sa ilang paraan, ang pagkatuto na maunawaan ang paraan ng pakikipag-ugnayan ng Espiritu ay tulad ng pag-aaral ng isang bagong wika. Ito ay isang proseso na nangangailangan ng panahon at masigasig at matiyagang pagsisikap.

Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo nang may tunay na layunin ng puso. Kung ikaw ay abala sa ibang bagay, maaaring hindi mo mahiwatigan ang banayad na pagbulong sa Espiritu. O maaari Niyang ipagpaliban ang pakikipag-ugnayan sa iyo hanggang sa hilingin mo ang Kanyang impluwensya nang may pagpapakumbaba at kahandaang kumilos ayon sa Kanyang mga pahiwatig.

Ang mga tinig ng mundo ay inaagaw rin ang iyong atensyon. Madaling matabunan ng mga ito ang mga espirituwal na pahiwatig, maliban na lamang kung bibigyan mo ng puwang sa iyong puso ang Espiritu. Tandaan ang payong ito mula sa Panginoon: “Magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos” (Mga Awit 46:10; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:16).

Larawan
Elder David A. Bednar

“Ang Diyos ay gumagamit ng maraming paraan para maghatid ng paghahayag sa Kanyang mga anak na lalaki at babae, tulad ng mga ideya sa isipan at damdamin sa puso, mga panaginip, … at inspirasyon. Ang ilang paghahayag ay natatanggap kaagad at [malakas na nararamdaman]; ang ilan ay natutukoy nang unti-unti at marahan. Ang pagtanggap, pagtukoy, at pagtugon sa mga paghahayag mula sa Diyos ay mga espirituwal na kaloob na dapat nating asamin para sa tamang mga layunin” (David A. Bednar, “The Spirit of Revelation in the Work,” 2018 mission leadership seminar).

Personal na Pag-aaral

Pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa sumusunod na table. Isipin ang mga pagkakatong nakaranas ka ng anumang damdamin, kaisipan, o impresyon na inilarawan sa mga talatang ito. Habang ikaw ay nag-aaral at nagkakaroon ng mga karanasan, dagdagan pa ang listahang ito ng mga talata mula sa banal na kasulatan. Isipin kung paano mo magagamit ang mga alituntuning ito para matulungan ang ibang tao na madama at makilala ang Espiritu.

Doktrina at mga Tipan 6:23; 11:12–14; 88:3; Juan 14:26–27; Roma 15:13; Galacia 5:22–23

Nagbibigay ng damdamin ng pagmamahal, galak, kapayapaan, kapanatagan, pagtitiis, pagpapakumbaba, kahinahunan, pananampalataya, at pag-asa.

Alma 32:28; Doktrina at mga Tipan 6:14–15; 8:2–3; 1 Corinto 2:9–11

Nagbibigay ng liwanag at mga ideya sa isipan at pakiramdam sa puso.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–12

Tumutulong na magkaroon ng malaking epekto ang mga banal na kasulatan.

Alma 19:6

Pinapalitan ng liwanag ang kadiliman.

Mosias 5:2–5

Pinalalakas ang pagnanais na iwasan ang kasamaan at sundin ang mga kautusan.

Moroni 10:5; Doktrina at mga Tipan 21:9; 100:8; Juan 14:26; 15:26; 16:13

Nagtuturo ng katotohanan at ipinapaalala ang mga ito.

Doktrina at mga Tipan 45:57

Gumagabay at nagpoprotekta laban sa panlilinlang.

2 Nephi 31:18; Doktrina at mga Tipan 20:27; Juan 16:13–14

Niluluwalhati at pinatototohanan ang Diyos Ama at si Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 42:16; 84:85; 100:5–8; Lucas 12:11–12

Gumagabay sa mga salita ng mapagkumbabang mga guro.

Moroni 10:8–17; Doktrina at mga Tipan 46:8–26; 1 Corinto 12

Nagbibigay ng mga kaloob ng Espiritu.

Doktrina at mga Tipan 46:30; 50:29–30

Nagsasabi kung ano ang ipapanalangin.

2 Nephi 32:1–5; Doktrina at mga Tipan 28:15

Nagsasabi kung ano ang dapat gawin.

1 Nephi 10:22; Alma 18:35

Tumutulong sa mga matwid na magsalita nang may kapangyarihan at awtoridad.

2 Nephi 31:17; Alma 13:12; 3 Nephi 27:20

Nagpapabanal at naghahatid ng kapatawaran ng mga kasalanan.

1 Nephi 2:16–17; 2 Nephi 33:1; Alma 24:8

Dinadala ang katotohanan sa puso ng mga tagapakinig.

1 Nephi 18:1–3; Exodo 31:3–5

Pinapahusay ang mga kasanayan at kakayahan.

1 Nephi 7:15; 2 Nephi 28:1; 32:7; Alma 14:11; Mormon 3:16; Eter 12:2

Nag-uudyok na gumawa o hindi gumawa ng partikular na mga bagay.

Doktrina at mga Tipan 50:13–22

Pinagtitibay ang guro at mga mag-aaral.

Umasa sa Espiritu

Bilang lingkod ng Panginoon, gagawin mo ang Kanyang gawain ayon sa Kanyang paraan at sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “hindi maipangangaral ninuman ang Ebanghelyo kung wala ang Espiritu Santo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith389).

Magtiwala sa Espiritu na gagabayan ka Niya sa bawat aspekto ng iyong gawain. Bibigyan ka Niya ng liwanag at inspirasyon. Tutulungan ka Niya na makahanap ng mga taong matuturuan at bibigyan ng kapangyarihan ang iyong pagtuturo. Tutulungan ka Niya habang tinutulungan mo ang mga miyembro, nagbabalik na mga miyembro, at mga bagong miyembro na patatagin ang kanilang pananampalataya.

Ang ilang misyonero ay mayroong kumpiyansa sa kanilang sarili. Ang iba naman ay walang gayong kumpiyansa. Mapagkumbabang ibaling ang iyong kumpiyansa at pananampalataya kay Jesucristo, hindi sa iyong sarili. Umasa sa Espiritu sa halip na sa iyong sariling mga talento at kakayahan. Palalawakin ng Espiritu Santo ang iyong mga pagsisikap nang higit kaysa kaya mong gawin nang mag-isa.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Pag-aralan ang sumusunod na mga banal na kasulatan at isipin kung paano sinasagot ng mga ito ang mahahalagang tanong na dapat mong itanong araw-araw. Paano mo magagamit ang mga turo ng mga talatang ito sa inyong mga pagsisikap na maghanap ng mga matuturuan, mga pagpaplano, at sa personal na pag-aaral at pag-aaral ng magkompanyon? Paano mo magagamit ang mga talatang ito sa inyong mga pagsisikap na magturo, mag-anyaya sa mga tao na gumawa ng mga pangako, at mag-follow up sa mga ginawang pangako?

Saan ako dapat magpunta?

Ano ang dapat kong gawin?

Ano ang dapat kong sabihin?

Paano ko gagamitin ang mga banal na kasulatan sa aking pagtuturo?

Ilang Mahahalagang Babala

Kumpirmahin ang Iyong mga Pahiwatig Gamit ang Maaasahang mga Sanggunian

Kapag ikaw ay nagdasal para makatanggap ng inspirasyon, ikumpara ang iyong mga natatanggap na espirituwal na pahiwatig sa mga banal na kasulatan at mga turo ng mga buhay na propeta. Ang mga impresyon mula sa Espiritu ay naaayon sa mga ito.

Maghangad ng Paghahayag para sa Nasasakupan ng Iyong Tungkulin

Tiyakin na ang natatanggap mong pahiwatig ay naaayon sa iyong tungkulin. Maliban kung ikaw tinawag ng isang taong may wastong awtoridad, hindi ka bibigyan ng Espiritu ng mga pahiwatig na payuhan o itama ang ibang tao. Halimbawa, hindi ka makatatanggap ng paghahayag para sabihan ang bishop kung paano niya dapat gampanan ang kanyang tungkulin.

Larawan
Isang Kaloob na Liwanag

Tukuyin ang Tunay na Impluwensya ng Espiritu

Ibinigay ni Pangulong Howard W. Hunter ang payo na ito: “Hayaan ninyong bigyan ko kayo ng isang babala. … Kung hindi tayo mag-iingat … , maaaring masimulan nating gamitin ang tunay na impluwensiya ng Espiritu ng Panginoon sa di karapat-dapat at mapandayang paraan. Nag-aalala ako kapag parang itinuturing na pagtataglay ng Espiritu ang matinding damdamin o malayang pagdaloy ng luha. Totoong ang Espiritu ng Panginoon ay makapagdudulot ng matitinding damdamin, kasama na ang mga pagluha, ngunit hindi dapat ipagkamali ang panlabas na manipestasyong iyon sa presensya mismo ng Espiritu” (The Teachings of Howard W. Hunter [1997], 184).

Huwag Tangkaing Pilitin ang mga Espirituwal na Bagay

Hindi maaaring pilitin ang mga espirituwal na bagay. Maaari kang maglinang ng saloobin at kapaligiran na nag-aanyaya sa Espiritu, at maaari mong ihanda ang iyong sarili, ngunit hindi mo maaaring diktahan kung paano o kailan darating ang inspirasyon. Matiyagang maghintay at magtiwala na matatanggap mo ang kailangan mo sa tamang panahon.

Panatilihing Sagrado ang mga Espirituwal na Karanasan

Bilang misyonero, maaaring kang makaranas ng mas maraming espirituwal na karanasan kaysa sa naranasan mo dati. Ang mga karanasang ito ay sagrado at karaniwang para pasiglahin, turuan, at itama ka.

Marami sa mga karanasang ito ay mainam na panatilihing pribado. Magbahagi lamang kapag ipinahiwatig ng Espiritu na ang pagbabahagi nito ay makatutulong para pagpalain ang ibang tao (tingnan sa Alma 12:9; Doktrina at mga Tipan 63:64; 84:73).

Gamitin ang Iyong Pinakamahusay na Paghatol sa Ilang Pagkakataon

Kung minsan, nais nating magabayan ng Espiritu sa lahat ng bagay. Gayunman, madalas nais ng Panginoon na kumilos tayo gamit ang ating pinakamahusay na paghatol (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 60:5; 61:22; 62:5). Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks:

“Ang naising maakay ng Panginoon ay isang kalakasan, ngunit kailangan itong samahan ng pagkaunawa na tayo ang pinagdedesisyon ng ating Ama sa Langit sa maraming pagkakataon sa ating mga personal na pagpili. Ang personal na pagdedesisyon ay isa sa mga pinagmumulan ng paglago na dapat nating maranasan sa mortalidad. Ang mga taong sinusubukang ipasa ang lahat ng desisyon sa Panginoon at humihingi ng paghahayag sa bawat pagpili ay mararanasan kalaunan na kapag humingi sila ng patnubay ay hindi nila matatanggap ito. Halimbawa, malamang na mangyari ito sa napakaraming sitwasyon na magaan lang naman ang pagpapasiyahan o parehong katanggap-tanggap ang pagpipilian.

“Dapat nating pag-aralan ang mga bagay sa ating isipan, gamit ang katalinuhang ibinigay sa atin ng Tagapaglikha. Pagkatapos manalangin tayo na magabayan at kumilos ayon sa natanggap natin. Kung hindi tayo makatanggap ng gabay, kailangang kumilos tayo ayon sa pinakamahusay nating paghatol. Ang mga taong pilit na humihingi ng patnubay sa pamamagitan ng paghahayag ukol sa mga bagay na pinili ng Panginoon na hindi tayo bigyan ng gabay ay maaaring makalikha ng sagot mula sa sarili nilang kathang-isip o kagustuhan, o maaaring makatanggap pa sila ng sagot mula sa maling paghahayag” (“Our Strengths Can Become Our Downfall,” Ensign, Okt. 1994, 13–14).

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ang pag-asa sa Espiritu ay napakahalaga kaya binalaan tayo ng Panginoon na huwag ikaila o pigilan ang Espiritu. Ano ang matututuhan mo mula sa sumusunod na mga talata?


Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay

Personal na Pag-aaral

  • Hatiin ang isang pahina sa dalawang column. Pangalanan ang isang column na “Ano ang Ginawa ng Panginoon” at ang isang column naman na “Ano ang Ginawa ni Lehi o Nephi.” Basahin ang kwento tungkol sa Liahona at sa nabaling busog (1 Nephi 16:9–31) o ang kwento ng paggawa ni Nephi ng sasakyang-dagat (1 Nephi 17:7–16; 18:1–6). Ilista ang mga pangyayari sa kwento sa angkop na column. Isipin kung anong kwento ang makapagtuturo sa iyo tungkol sa katangian ng inspirasyon.

  • Tingnan ang iyong journal at maghanap ng mga pagkakataong ginabayan ka ng Espiritu o nagamit mo ang isang kaloob ng Espiritu. Isipin kung kailan, saan, at bakit nangyari ang mga karanasang ito. Paano naipamalas ang kamay ng Panginoon? Ano ang naramdaman mo? Ang pag-alaala sa mga karanasang ito ay makatutulong sa iyo na mabatid ang Espiritu.

  • Pag-aralan ang Alma 33:1–12 at Alma 34:17–31. Anong mga tanong ang sinagot nina Alma at Amulek? (Rebyuhin ang Alma 33:1–2.) Paano nila sinagot ang mga tanong na ito? Anong mga pangako ang sinabi nila?

  • Nangako ang Panginoon na gagabayan tayo ng Espiritu sa maraming mahahalagang bagay. Habang binabasa mo ang sumusunod na mga talata, tukuyin ang mga aspekto ng iyong gawain na nangangailangan ng patnubay ng Espiritu. Ano ang kahulugan ng mga alituntunin sa sumusunod na mga banal na kasulatan sa iyong personal na pag-aaral at pag-aaral ninyo ng iyong kompanyon? para sa mga district meeting, zone conference, serbisyo sa binyag, at iba pang mga miting?

    Panalangin

    Pangangasiwa sa mga miting

Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange

  • Pag-usapan ang mga panalangin ninyo bilang magkompanyon. Ginagabayan ba ang mga ito ng Espiritu Santo? Paano kayo nakatanggap ng sagot sa inyong mga panalangin bilang magkompanyon? Kapag nananalangin kayo bilang magkompanyon:

    • Naniniwala ba kayo na ibibigay sa inyo ng Diyos ang mga hinihiling ninyo sa kabutihan at ayon sa Kanyang kalooban?

    • Kinikilala ba ninyo at pinasasalamatan ang mga sagot sa inyong mga panalangin?

    • Nananalangin ba kayo para sa ibang tao na binabanggit ang kanilang pangalan at iniisip ang kanilang mga pangangailangan?

    • Ipinapanalangin ba ninyo ang isa’t isa at hinihiling na patnubayan kayo ng Espiritu?

    • Nababatid ba ninyo ang sagot sa inyong mga panalangin?

    • Nananalangin ba kayo na may determinasyong kumilos ayon sa mga pahiwatig na inyong matatanggap?

  • Talakayin kung paano ninyo mas masigasig na hahangarin ang patnubay ng Espiritu.

  • Talakayin ang iba’t ibang paraan na ginagamit ng mga tao para ilarawan ang impluwensya ng Espiritu Santo. Itala sa inyong study journal ang mga komento ng mga taong tinuturuan ninyo tungkol sa kanilang mga karanasan sa Espiritu. Paano ninyo matutulungan ang iba na matukoy ang sagradong impuwensyang ito?

District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council

  • Kung angkop, sabihin sa mga misyonero na magbahagi ng kwento o karanasang narinig nila sa isang testimony meeting, pagtuturo, o iba pang sitwasyon kamakailan. Ang mga espirituwal na kwento at karanasan na ibinabahagi ng ibang tao ay makatutulong sa inyo na magkaroon ng pananampalataya at malaman na ang impluwensya ng Espiritu ay nararanasan nang madalas ng maraming tao.

  • Sabihan ang mga misyonero na magbigay ng mga mensahe tungkol sa misyon at kapangyarihan ng Espiritu Santo.

  • Talakayin kung paanong ang pagpapahayag ng pasasalamat ay nakatulong sa iyo na makita ang maliliit ngunit mahahalagang paraan na pinagpapala ka ng Panginoon (tingnan sa Eter 3:5; Doktrina at mga Tipan 59:21). Talakayin ang mga paraan sa pagpapahayag ng pasasalamat.

  • Isiping hilingin sa isang bagong miyembro na magbigay ng mensahe tungkol sa kung paano siya naimpluwensyahan ng Espiritu noong inaaral niya ang tungkol sa Simbahan. Sabihin sa taong ito na magbahagi lamang ng mga karanasang sa palagay niya ay naaangkop.

Mga Mission Leader at mga Mission Counselor

  • Maaari mong hilingin sa mga misyonero na magsama ng angkop na espirituwal na karanasan sa kanilang lingguhang liham sa iyo.

  • Sa mga interbyu o sa pakikipag-usap mo sa mga misyonero, kumustahin paminsan-minsan ang kanilang mga panalangin sa umaga at sa gabi. Kung kailangan, payuhan sila kung paano nila gagawing mas makabuluhan ang kanilang mga panalangin.

  • Tanungin ang mga misyonero kung paano nila tinutulungan ang mga tinuturuan nila na madama at mabatid ang Espiritu.