Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 17: Pangalagaan at Protektahan ang Pamilya


Kabanata 17

Pangalagaan at Protektahan ang Pamilya

“Ang tahanan ay tila pangkaraniwan kung minsan dahil sa mga karaniwang ginagawa rito, gayon pa man ang tagumpay nito ang dapat nating pakahangarin sa buhay.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Si Howard W. Hunter ay lumaki sa mapagmahal at masikap na pamilya, kung saan natutuhan niya sa kanyang mga magulang na ang pagbubuo ng masayang pamilya ay kadalasang nangangailangan ng sakripisyo. Ilang taon bago siya nag-asawa, may isinakripisyo siya na alam niyang kailangan para sa kapakanan ng kanyang magiging pamilya.

Naging mahilig na sa musika si Howard noong bata pa siya. Una niyang natutuhang tumugtog ng piyano at biyolin at pagkatapos ay tinuruan niya ang sarili na tumugtog ng marami pang instrumento. Noong tinedyer siya, bumuo siya ng sariling banda, ang Hunter’s Croonaders, na tumutugtog sa mga sayawan at iba pang okasyon sa iba’t ibang lugar sa Boise, Idaho. Noong siya ay 19 anyos na, ang banda nila ang napiling tumugtog sa dalawang-buwang paglalakbay-dagat sa Asia.1

Isang taon pagkauwi ni Howard mula sa paglalakbay, lumipat siya sa Southern California, kung saan patuloy siyang tumugtog kasama ang iba’t ibang banda. Sa California nakilala niya rin si Claire Jeffs, na niyaya niyang pakasal noong tagsibol ng 1931. Apat na araw bago sila ikinasal, tumugtog si Howard kasama ng banda niya at pagkatapos ay iniligpit na ang kanyang mga instrumento at hindi na muling tumugtog. Ang pagtugtog sa mga sayawan at party “ay mapanghalina sa ilang aspeto,” sabi niya, “at malaki ang kinikita ko,” ngunit dama niya na may mga bahagi ito na hindi akma sa klase ng buhay na nakikinita niya para sa kanyang pamilya. “Nawala sa akin ang isang bagay na nagpapasaya sa akin, [ngunit] hindi ko kailanman pinagsisihan ang desisyon ko,” sabi niya ilang taon pagkaraan.2

Sina Howard at Claire ay biniyayaan ng tatlong anak na lalaki, sina Howard William (Billy), John, at Richard. Namatay si Billy noong sanggol pa lang, na labis nilang ikinalungkot. Nang lumaki na sina John at Richard, naging mas malapit sa isa’t isa ang pamilya Hunter. Puno ang iskedyul ni Howard sa kanyang trabaho bilang abugado at sa mga tungkulin sa Simbahan, ngunit inuna nila ni Claire ang kanilang pamilya. Hindi pa man itinatakda ng Simbahan ang Lunes ng gabi para sa family home evening, inilaan na ng mga Hunter ang gabing iyan para sa pagtuturo ng ebanghelyo, pagkukuwentuhan, paglalaro, at pamamasyal nang sama-sama. Ang mga anak ay kadalasang binibigyan ng kani-kanyang tungkulin sa mga lesson.

Si Howard at ang kanyang mga anak ay pareho ng mga hilig, gaya ng mga model train. Bumuo sila ng mga tren gamit ang mga pira-pirasong materyal at gumawa ng mabusising mga riles na nakakabit sa tabla. Paggunita niya, “Isa sa mga paborito naming libangan ang pumunta sa mga daang-bakal … malapit sa Alhambra station ng Southern Pacific Railroad para makakuha ng mga ideya sa gagawin naming mga switchyard at kagamitan.”3

Kalaunan ay naragdagan pa ng 18 apo ang pamilya nina Pangulo at Sister Hunter. Bukod pa sa matagalang pagbisita sa kanyang mga anak at apo, marami sa mga pagbisita ni Pangulong Hunter ang “saglit lang,” habang hinihintay ang susunod na biyahe kapag napaparaan siya sa California sa mga tungkulin niya sa Simbahan. Dahil madalas isama ni John ang kanyang mga anak sa airport para makita ang kanilang lolo sa mga paghihintay na ito, kung minsan ay tinatawag nila itong “lolo na nakatira sa airport.”4

Larawan
mga magulang na nakikipaglaro sa mga anak.

Ang pamilya ay “nakahihigit kaysa anupamang interes sa buhay.”

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Ang pamilya ang pinakamahalagang yunit sa lipunan, sa Simbahan, at sa kawalang-hanggan.

Ang pamilya ang pinakamahalagang yunit sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan at, dahil doon, nakahihigit ito sa anupamang interes sa buhay.5

Ang Simbahan ay may responsibilidad—at awtoridad—na pangalagaan at protektahan ang pamilya bilang pundasyon ng lipunan. Ang huwaran para sa buhay-pamilya, na pinasimulan bago pa itinatag ang daigdig, ay naglalaan ng pagkakataon na maisilang ang mga bata at maaruga ng isang ama at ina na mag-asawa, na legal na kasal. Ang pagiging magulang ay isang sagradong obligasyon at pribilehiyo, na ang mga anak ay tinatanggap bilang isang “mana na mula sa Panginoon” (Mga Awit 127:3).

Napagtatanto na ngayon ng isang balisang lipunan na pagkakawatak-watak ng pamilya ang sanhi ng mga kapahamakan sa mundo na ipinropesiya ng mga propeta. Ang mga pagpupulong at talakayan ng mundo ay magtatagumpay lamang kapag binigyang-kahulugan nila ang pamilya ayon sa pagkahayag ng Panginoon dito. “Malibang itayo ng Panginoon ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo” (Mga Awit 127:1).6

Kapag nagmamalasakit tayo sa kapakanan ng mga indibiduwal at pamilya, mahalagang alalahanin na ang pangunahing yunit ng Simbahan ay ang pamilya. Gayunman, sa pagtutuon sa pamilya, dapat nating alalahanin na sa mundong ating tinitirhan ang mga pamilya ay hindi lamang limitado sa tradisyonal na pagsasama ng ama, ina, at mga anak. Ang mga pamilya sa Simbahan ngayon ay binubuo rin ng [mga mag-asawang lalaki at babae] na walang anak, nag-iisang mga magulang na may mga anak, at mga nag-iisa sa buhay. … Bawat isa sa mga pamilyang ito ay kailangang mapangalagaan ng priesthood. Kadalasan ang mga maaaring nangangailangan ng pinakamaingat na pangangalaga ay yaong mga pamilyang hindi tradisyonal. Kailangan ang mapagmahal at dedikadong mga home teacher sa bawat tahanan. Walang dapat kaligtaan.7

Larawan
malaking bilang ng pamilya

Si Pangulong Hunter kasama ang kanyang mga anak, apo, at kanilang mga pamilya noong Oktubre 2, 1994, ang araw na sinang-ayunan siya bilang Pangulo ng Simbahan

2

Ang mga magulang ay magkatuwang sa pamumuno sa tahanan at may mahigpit na obligasyong protektahan at mahalin ang kanilang mga anak.

Ang mga responsibilidad ng mga magulang ay napakahalaga. Ang mga bunga ng ating mga pagsisikap ay magkakaroon ng walang-hanggang epekto sa atin at sa mga batang lalaki at babaeng pinalalaki natin. Sinumang nagiging magulang ay may mahigpit na obligasyong protektahan at mahalin ang [kanilang] mga anak at tulungan silang makabalik sa kanilang Ama sa Langit. Dapat maunawaan ng lahat ng magulang na ang Panginoon ay hindi pawawalan ng kasalanan ang mga nagpapabaya sa mga responsibilidad na ito.8

Ang mga ama at ina ay may malaking responsibilidad sa mga anak na ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga. … Sa Aklat ng Mga Kawikaan makikita natin ang payong ito sa mga magulang:

“Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” (Mga Kawikaan 22:6.)

Ang pinakaepektibong pagtuturong maibibigay sa isang bata ay ang halimbawa ng mga magulang. Kailangang magpakita ng halimbawa ang mga magulang na tutularan ng mga kabataan. Matinding lakas ang nagmumula sa tahanan kung saan itinuturo ang mabubuting alituntunin, may pagmamahal at paggalang sa isa’t isa, naging impluwensya ang panalangin sa buhay ng pamilya, at may paggalang sa mga bagay na nauukol sa Diyos.9

Ang epektibong pamumuno sa pamilya ay … nangangailangan ng maraming panahon at atensyon. Ang pagtuturo at pamamahala sa pamilya ay hindi dapat ipaubaya … sa lipunan, sa paaralan, o maging sa Simbahan.10

Ang isang taong mayhawak ng priesthood ay itinuturing ang pamilya bilang inorden ng Diyos. Ang inyong pamumuno sa pamilya ang pinakamahalaga at pinakasagrado ninyong responsibilidad. …

Ang lalaking nagtataglay ng priesthood ay nangunguna sa kanyang pamilya sa pakikibahagi sa Simbahan upang malaman nila ang ebanghelyo at maprotektahan sila ng mga tipan at ordinansa. Kung nais ninyong matamasa ang mga pagpapala ng Panginoon, kailangan ninyong ilagay sa ayos ang inyong sariling pamamahay. Katuwang ang inyong asawa, tinitiyak ninyo ang espirituwal na kapaligiran ng inyong tahanan. Ang unang obligasyon ninyo ay isaayos ang inyong sariling espirituwal na buhay sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at araw-araw na panalangin. Ingatan at igalang ang inyong priesthood at mga tipan sa templo; hikayatin ang inyong pamilya na gawin din iyon.11

Ang lalaking nagtataglay ng priesthood ay mapitagan sa mga ina. Ang mga ina ay binigyan ng isang sagradong pribilehiyo na “magsilang ng mga kaluluwa ng tao; sapagkat dito ang gawain ng … Ama ay nagpatuloy, upang siya ay luwalhatiin” (D at T 132:63).

… Hindi maisasagawa ng priesthood ang tadhana nito, ni maisasakatuparan ang mga layunin ng Diyos, nang wala ang ating mga kabiyak. Ang mga ina ay may gawaing hindi magagawa ng priesthood. Para sa kaloob na ito ng buhay, dapat mahalin nang walang hanggan ng priesthood ang ina ng kanilang mga anak.

[Mga Kapatid,] pahalagahan ang natatangi at itinalaga ng Diyos na tungkulin ng inyong asawa bilang ina sa Israel at ang kanyang pambihirang kakayahang magsilang at mag-aruga ng mga anak. Inutusan tayo ng Panginoon na magpakarami at kalatan ang lupa at palakihin ang ating mga anak at apo sa liwanag at katotohanan (tingnan sa Moises 2:28; D at T 93:40). Kahati kayo, bilang mapagmahal na asawa, sa pag-aalaga sa mga anak. Tulungan siyang ayusin at panatilihing malinis ang inyong tahanan. Tumulong sa pagtuturo, pagsasanay, at pagdisiplina ng inyong mga anak.

Dapat ninyong ipakita palagi sa inyong asawa’t mga anak ang inyong pagpipitagan at paggalang sa kanya. Tunay ngang ang isa sa pinakamagagandang bagay na magagawa ng isang ama sa kanyang mga anak ay ang mahalin ang kanilang ina.12

Ang lalaking mayhawak ng priesthood ay tinatanggap ang kanyang asawa bilang katuwang sa pamununo sa tahanan at pamilya nang may lubos na kaalaman at pakikibahagi sa lahat ng desisyong kaugnay nito. Kailangan ay may isang namumuno sa Simbahan at sa tahanan (tingnan sa D at T 107:21). Sa banal na pagtatalaga, ang responsibilidad na mamuno sa tahanan ay nakaatang sa mayhawak ng priesthood (tingnan sa Moises 4:22). Layon ng Panginoon na ang babae ay maging katuwang ng lalaki (ang ibig sabihin ng katuwang ay kapantay)—ibig sabihin, isang asawang may pantay na karapatan at mahalaga sa lubos na pagsasamahan. Ang matwid na pamumuno ay nangangailangan ng magkatuwang na responsibilidad sa pagitan ng lalaki at babaeng mag-asawa; magkasama kayong kumikilos nang may kaalaman at pakikibahagi sa lahat ng bagay na nauukol sa pamilya. Kapag sinarili ng lalaki ang pamamahala sa pamilya o hindi niya inalintana ang damdamin at payo ng kanyang asawa, hind siya makatwirang mamuno.13

Hinihikayat namin kayo, mga kapatid, na alalahanin na ang priesthood ay isang awtoridad na ginagamit lamang sa kabutihan. Kamtin ang paggalang at tiwala ng inyong mga anak sa pamamagitan ng inyong mapagmahal na ugnayan sa kanila. Ang isang mabuting ama ay pinoprotektahan ang kanyang mga anak sa pag-uukol ng kanyang panahon at presensya sa mga aktibidad at responsibilidad nila sa lipunan, sa kanilang pag-aaral, at sa espirituwal. Ang magiliw na pagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa mga anak ay responsibilidad din ng ama na katulad ng ina. Sabihin sa mga anak ninyo na mahal ninyo sila.14

3

Ang ating tahanan ay dapat maging isang lugar na may pagmamahalan, panalangin, at pagtuturo ng ebanghelyo.

Kailangan talaga nating magkaroon ng pagmamahalan at integridad at matatag na mga tuntunin sa ating tahanan. Kailangan nating magkaroon ng walang-maliw na katapatan sa ating asawa at mga anak at ng moralidad. Kailangan tayong magtagumpay sa mga bagay na pinakamahalaga sa susunod na henerasyon.

Walang alinlangan na ang tahanang iyon ay napakatatag at napakaganda kung saan matatagpuan natin na bawat taong naroon ay sensitibo sa damdamin ng iba, nagsisikap na maglingkod sa iba, nagsisikap na ipamuhay sa tahanan ang mga tuntuning ipinapakita natin sa mga pampublikong lugar. Kailangan nating pagsikapan pang lalo na ipamuhay ang ebanghelyo sa ating pamilya. Marapat ibigay sa ating tahanan ang ating lubos na katapatan. May karapatan ang isang anak na madama na siya ay ligtas sa kanyang tahanan, na doon ay protektado siya laban sa mga panganib at kasamaan ng mundo. Ang pagkakaisa at integridad ng pamilya ay mahalaga upang matugunan ang pangangailangang ito. Kailangan ng isang anak ng mga magulang na masaya sa ugnayan nila sa isa’t isa, na masayang nagpupunyaging magkaroon ng huwarang pamilya, na nagmamahal sa kanilang mga anak nang tapat at hindi makasarili, at nakatuon sa tagumpay ng pamilya.15

Nang unang ipabatid ang mga family home evening bilang isang opisyal na programa ng Simbahan, sinabi ng Unang Panguluhan, “Kung susundin ng mga Banal ang payong ito [na magdaos ng family home evening], nangangako kami na malalaking pagpapala ang darating. Ang pagmamahalan sa tahanan at pagsunod sa mga magulang ay mag-iibayo. Lalakas ang pananampalataya sa puso ng mga kabataan ng Israel, at magtatamo sila ng lakas na labanan ang masasamang impluwensya at tukso sa kanilang paligid.” Pinagtitibay naming muli ang mga ipinangakong pagpapala sa mga taong tapat na nagdaraos ng mga family home evening.

Dapat ilaan ang mga Lunes ng gabi para sa family home evening. Dapat siguruhin ng mga lokal na lider na sarado ang mga gusali at pasilidad ng Simbahan, na walang aktibidad na nakaplano ang ward o stake sa mga Lunes ng gabi, at na dapat iwasan ang iba pang gambala sa mga family home evening.

Ang dapat maging pangunahing tuon ng family home evening ay ang magkasama-sama ang mga pamilya para pag-aralan ang ebanghelyo. Ipinapaalala namin sa lahat na pinayuhan na ng Panginoon ang mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang ebanghelyo, pagdarasal, at paggalang sa Araw ng Sabbath. Ang mga banal na kasulatan ang pinakamahalagang sanggunian sa pagtuturo ng ebanghelyo.16

Manalangin kasama ang pamilya tuwing gabi at umaga. Napakalaking pagpapala para sa mga anak na mapakinggan ang kanilang mga magulang na nagdarasal sa Panginoon para sa kanilang kapakanan. Walang dudang ang mga anak na naimpluwensiyahan ng ganitong mabubuting magulang ay mas mapoprotektahan laban sa mga impluwensya ng kaaway.17

Para mas maunawaan ng mga magulang at mga anak ang isa’t isa, isang plano ang ginawa ng Simbahan na kilala bilang “Pagpupulong ng Pamilya.” Ang pulong na ito ay idinaraos at pinangangasiwaan ng mga magulang at dinadaluhan ng lahat ng miyembro ng pamilya. Pinatitibay nito ang ugnayan ng pamilya, tinitiyak sa mga anak na sila ay “kabilang,” at ipinadarama sa kanila na interesado ang mga magulang sa kanilang mga problema. Ang pulong na ito ng pamilya ay nagtuturo ng paggalang sa isa’t isa, nag-aalis ng pagkamakasarili, at nagbibigay-diin sa Golden Rule [tingnan sa Mateo 7:12] sa tahanan at sa pamumuhay nang marangal. Ang pagsamba at panalangin ng pamilya ay itinuturo, kasabay ng mga aral tungkol sa kabaitan at katapatan. Ang problema ng pamilya ay karaniwang halos pamilyar na kaya ang tunay na bigat at kahulugan nito ay hindi napagtutuunan kaagad, ngunit kapag ang pamilya ay matatag at nagkakaisa sa pagsisikap na maglingkod sa Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan, marami sa ating mga problema sa panahong ito ang maglalaho.18

[Mga kapatid,] seryosohin ang responsibilidad ninyong ituro ang ebanghelyo sa inyong pamilya sa pamamagitan ng regular na pagdaraos ng family home evening, panalangin ng pamilya, oras ng debosyonal at pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at iba pang mga pagkakataong makapagturo. Mas bigyang-diin ang paghahandang maglingkod sa misyon at makasal sa templo. Bilang patriarch sa tahanan, gamitin ang inyong priesthood sa pagsasagawa ng angkop na mga ordenansa para sa inyong pamilya at sa pagbabasbas sa inyong asawa at mga anak. Maliban sa sarili ninyong kaligtasan, mga kapatid, wala nang ibang mas mahalaga sa inyo kaysa sa kaligtasan ng inyong asawa at mga anak.19

Larawan
mag-asawang naglalakad kasama ang binatilyong anak

“Kailangan tayong maging madasalin at … hayaan nating madama ng ating mga anak ang ating pagmamahal at malasakit.”

4

Ang matagumpay na magulang ay yaong nagmahal, nagsakripisyo, nagmalasakit, nagturo, at tumugon sa mga pangangailangan ng anak.

Ang mga General Authority ay may pribilehiyong makausap at makilala ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo na patuloy na namuhay nang mabuti at pinalaki ang kanilang pamilya sa impluwensya ng ebanghelyo. Ang mga Banal na ito ay nagtamasa ng malalaking pagpapala at kapanatagan na maaaring nagmula sa paglingon, bilang mga magulang, lolo’t lola, at kanunu-nunuan, sa maraming taon at matagumpay na pagpapalaki sa mga anak. Tiyak na gugustuhin din ito ng bawat isa sa atin.

Gayunman, marami sa Simbahan at sa mundo na nababagabag at nag-iisip na nagkamali sila dahil ang ilan sa kanilang mga anak na lalaki at babae ay nalihis ng landas o lumayo mula sa kawan. …

… Nauunawaan namin na ginagawang lahat ng matatapat na magulang ang lahat ng kanilang makakaya, subalit halos lahat ay nakagawa ng mga pagkakamali. Hindi pumapasok ang isang tao sa pagiging magulang nang hindi natatanto kapagdaka na maraming pagkakamaling mangyayari habang isinasakatuparan ito. Walang alinlangang alam ng ating Ama sa Langit, kapag ipinagkakatiwala niya ang kanyang mga espiritung anak sa pangangalaga ng mga bata pa at walang karanasang mga magulang, na magkakamali sila sa pagpapasiya. …

… Magkakaiba ang bawat isa sa atin. Magkakaiba ang bawat anak. Tulad ng ang bawat isa sa atin ay nagsisimula sa iba’t ibang yugto sa takbo ng buhay, at iba’t iba ang ating mga kalakasan at kahinaan at talento, bawat anak ay biniyayaan din ng sarili niyang mga katangian. Huwag nating ipalagay na hahatulan ng Panginoon ang tagumpay ng isang tao na katulad ng paghatol Niya sa iba. Bilang mga magulang madalas nating akalain na, kung ang ating anak ay hindi naging lubos na mahusay sa lahat ng paraan, bigo na tayo. Mag-ingat tayo sa paghusga. …

Ang matagumpay na magulang ay yaong nagmahal, nagsakripisyo, nagmalasakit, nagturo, at tumugon sa mga pangangailangan ng anak. Kung nagawa na ninyo ang lahat ng ito at suwail o matigas ang ulo o makamundo pa rin ang inyong anak, magkagayunman, nagampanan pa rin ninyo ang inyong tungkulin bilang magulang. Maaaring may mga anak na isinilang sa mundo na magiging malaking hamon sa sinumang magulang sa anumang kalagayan. Gayundin, marahil ay mayroon ding iba na magpapala sa buhay, at magiging kagalakan, ng sinumang ama o ina.

Ang inaalala ko ngayon ay na may mga magulang na maaaring malupit na hinuhusgahan ang kanilang sarili at hinahayaan itong wasakin ang kanilang buhay, samantalang ang totoo ay nagawa na nila ang kanilang makakaya at dapat silang patuloy na manampalataya.20

Ang isang ama o ina [na ang anak ay naligaw ng landas] ay hindi nag-iisa. Alam ng una nating mga magulang ang sakit at pagdurusa na makitang tinatanggihan ng ilan sa kanilang mga anak ang mga turo ng buhay na walang hanggan. (Tingnan sa Moises 5:27.) Pagkaraan ng ilang siglo nalaman ni Jacob ang inggit at hinanakit ng kanyang nakatatandang mga anak sa pinakamamahal niyang si Joseph. (Tingnan sa Gen. 37:1–8.) Ang dakilang propetang si Alma, na may anak na nagngangalang Alma, ay taimtim na nanalangin sa Panginoon dahil sa mapaghimagsik na anak at walang dudang lubhang nag-alala at nabalisa sa pagtatalu-talo at kasamaang dulot ng kanyang anak sa mga nasa Simbahan. (Tingnan sa Mosias 27:14.) Ang ating Ama sa Langit ay nawalan din ng marami sa Kanyang mga espiritung anak; alam niya ang nadarama ng puso ninyo. …

… Huwag mawalan ng pag-asa sa isang batang lalaki o babae na naligaw ng landas. Maraming tila lubusan nang naligaw ang bumalik. Dapat tayong maging madasalin at, kung maaari, ipaalam sa ating mga anak ang ating pagmamahal at pag-aalala. …

… Dapat ninyong malaman na kikilalanin ng ating Ama sa Langit ang pagmamahal at sakripisyo, ang pagkabahala at pag-aalala, kahit hindi nagtagumpay ang ating matinding pagsisikap. Ang puso ng mga magulang ay kadalasang nababagbag, subalit kailangan nilang matanto na sa huli ay nakaatang ang responsibilidad sa mga anak matapos silang maturuan ng mga magulang ng mga tamang alituntunin.

… Anuman ang kalungkutan, anuman ang pag-aalala, anuman ang sakit at dalamhati, maghanap ng paraan para maging kapaki-pakinabang ito—marahil sa pagtulong sa iba na maiwasan ang gayon ding mga problema, o marahil sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas malawak na pang-unawa sa damdamin ng iba na nahihirapan sa gayunding paraan. Tiyak na magkakaroon tayo ng mas malalim na pang-unawa sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit kapag nalaman natin sa wakas, sa pamamagitan ng panalangin, na nauunawaan niya tayo at nais niyang harapin natin ang hinaharap. …

Hindi natin dapat hayaang linlangin tayo ni Satanas sa pagpapaisip sa atin na wala nang pag-asa. Pahalagahan natin ang mga nagawa nating maganda at mabuti; talikuran at iwaksi sa ating buhay ang mga bagay na mali; umasa sa Panginoon para sa kapatawaran, lakas, at kapanatagan; at pagkatapos ay sumulong.21

5

Ang ating tahanan ay dapat maging banal na lugar kung saan maaaring ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo at makakatahan ang Espiritu ng Panginoon.

Sana’y huwag kayong panghinaan ng loob sa hangarin ninyong palakihin ang inyong pamilya sa kabutihan. Alalahanin na iniutos ito ng Panginoon, “Subalit ang aking mga disipulo ay tatayo sa mga banal na lugar, at hindi matitinag” (D at T 45:32).

Bagama’t ang pakahulugan dito ng ilan ay ang templo, na totoo naman, ito ay sumasagisag din sa ating tahanan. Kung masigasig ninyong inaakay ang inyong pamilya sa kabutihan, hinihikayat silang makibahagi sa araw-araw na pagdarasal ng pamilya, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, family home evening, at pagmamahal at suporta sa isa’t isa sa pagsunod sa mga turo ng ebanghelyo, matatanggap ninyo ang ipinangakong mga pagpapala ng Panginoon sa pagpapalaki ng isang mabuting angkan.

Sa patuloy na pagsama ng mundo, napakahalaga na bawat isa sa atin ay “[tumayo] sa mga banal na lugar” at mangako na maging tunay at tapat sa mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo.22

Para magkaroon ng kaligayahan sa pamilya, kailangang igalang at mahalin ng mga magulang ang isa’t isa. Ang mga lalaki, na siyang maytaglay ng priesthood, ay dapat igalang nang husto ang kanilang kabiyak sa harap ng kanilang mga anak, at ang mga babae ay dapat mahalin at suportahan ang kanilang asawa. Bunga nito, mamahalin ng mga anak ang kanilang mga magulang at ang isa’t isa. Ang tahanan kung gayon ay magiging banal na lugar kung saan higit na maipamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo at makatatahan ang Espiritu ng Panginoon. Ang magtagumpay bilang isang ama o ina ay higit pa sa pagtaas ng katungkulan sa pamumuno, sa negosyo, sa pamahalaan, o sa mga gawain sa mundo. Ang tahanan ay tila pangkaraniwan kung minsan dahil sa mga karaniwang ginagawa rito, subalit ang tagumpay nito ang dapat nating pakahangarin sa buhay.23

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Kapag nirepaso ninyo ang mga turo ni Pangulong Hunter sa bahagi 1, isipin ang kahalagahan ng pamilya. Ano ang responsibilidad ng Simbahan sa pamilya? Paano natin mapapangalagaan at mapapatatag ang ating mga pamilya?

  • Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa pagtutuwang ng mga magulang sa pamumuno sa tahanan (tingnan sa bahagi 2). Paano matutulungan ng mga turong ito ang mga ama at ina? Paano magkakaisa ang mga magulang sa pagpapalaki sa kanilang mga anak? Isipin kung paano ninyo mapag-iibayo ang “espirituwal na kapaligiran” ng inyong tahanan.

  • Sa bahagi 3, nagpayo si Pangulong Hunter tungkol sa pagbubuo ng isang matatag na pamilya. Paano tayo magkakaroon ng higit na “pagkakaisa at integridad sa pamilya”? Paano napagpala ng family home evening ang inyong pamilya? Paano napagpala ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal bilang pamilya ang inyong pamilya?

  • Paano makakatulong ang mga turo ni Pangulong Hunter sa bahagi 4 sa mga magulang ng isang anak na naligaw ng landas? Paano ito magagawang kapaki-pakinabang ng mga magulang na nagdurusa at nalulungkot? Ano ang magagawa ng mga magulang, lolo’t lola, lider ng mga kabataan, at ng iba pa para matulungan ang mga anak na naliligaw ng landas?

  • Matapos basahin ang bahagi 5, pag-isipan ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa pagsisikap nating gawing “banal na lugar” ang ating tahanan. Ano ang ilang hamon na kinakaharap natin sa paggawa nito? Paano natin pagsisikapang gawing banal na lugar ang ating mga tahanan?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Exodo 20:12; Deuteronomio 6:4–7; Mga Awit 127:3–5; Mga Taga Efeso 6:1–4; Enos 1:1–3; Mosias 4:14–15; Alma 56:45–48; 3 Nephi 18:21; D at T 68:25–28; 93:40; 121:41–46

Tulong sa Pagtuturo

Pagtambal-tambalin ang mga miyembro ng klase at pagplanuhin sila kung paano nila ituturo ang isang bahagi ng kabanata sa isang family home evening. Paano natin maiaangkop ang mga turo sa mga bata at kabataan? Anyayahan ang ilan sa magkakatambal na ibahagi ang kanilang mga plano sa klase.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Eleanor Knowles, Howard W. Hunter (1994),46–48.

  2. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 81.

  3. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 109.

  4. Sa Knowles, Howard W. Hunter, 252; tingnan din sa 251.

  5. “Being a Righteous Husband and Father,” Ensign, Nob. 1994, 50.

  6. “Exceeding Great and Precious Promises,” Ensign, Nob. 1994, 9.

  7. The Teachings of Howard W. Hunter, inedit ni Clyde J. Williams (1997), 144.

  8. “Parents’ Concern for Children,” Ensign, Nob. 1983, 65.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1960, 125.

  10. “Being a Righteous Husband and Father,” 50.

  11. “Being a Righteous Husband and Father,” 50, 51.

  12. “Being a Righteous Husband and Father,” 50.

  13. “Being a Righteous Husband and Father,” 50–51.

  14. “Being a Righteous Husband and Father,” 51.

  15. “Standing As Witnesses of God,” Ensign, Mayo 1990, 61–62.

  16. Liham ng Unang Panguluhan, Ago. 30, 1994 (Howard W. Hunter, Gordon B. Hinckley, at Thomas S. Monson).

  17. Sa Mike Cannon, “‘Be More Fully Converted,’ Prophet Says,” Church News, Set. 24, 1994, 4; tingnan din sa The Teachings of Howard W. Hunter, 37.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1960, 125-26.

  19. “Being a Righteous Husband and Father,” 51.

  20. “Parents’ Concern for Children,” 63, 64–65.

  21. “Parents’ Concern for Children,” 64, 65.

  22. The Teachings of Howard W. Hunter, 155.

  23. The Teachings of Howard W. Hunter, 156.