Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 11


Bahagi 11

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa kanyang kapatid na si Hyrum Smith, sa Harmony, Pennsylvania, Mayo 1829 (History of the Church, 1:39–46). Ang paghahayag na ito ay natanggap sa pamamagitan ng Urim at Tummim bilang kasagutan sa panalangin at katanungan ni Joseph. Ang History of the Church ay nagpapahiwatig na ang paghahayag na ito ay natanggap pagkaraan ng pagpapanumbalik ng Pagkasaserdoteng Aaron.

1–6, Ang mga manggagawa sa ubasan ay magtatamo ng kaligtasan; 7–14, Maghangad ng karunungan, mangaral ng pagsisisi, magtiwala sa Espiritu; 15–22, Sundin ang mga kautusan, at pag-aralan ang salita ng Panginoon; 23–27, Huwag itatwa ang diwa ng paghahayag at ng propesiya; 28–30, Yaong tumatanggap kay Cristo ay nagiging mga anak ng Diyos.

1 Isang dakila at kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap sa mga anak ng tao.

2 Masdan, ako ang Diyos; tumalima sa aking salita, na buhay at mabisa, mas matalas kaysa espadang may dalawang talim, sa paghahati ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto; samakatwid tumalima sa aking salita.

3 Masdan, ang bukid ay puti na upang anihin; samakatwid, sinuman ang may nais na gumapas humawak siya ng kanyang panggapas nang buo niyang lakas, at gumapas habang may araw pa, upang siya ay makapag-ipon ng walang hanggang kaligtasan para sa kanyang kaluluwa sa kaharian ng Diyos.

4 Oo, sinuman ang hahawak sa kanyang panggapas at maggagapas, siya rin ay tinawag ng Diyos.

5 Samakatwid, kung ikaw ay hihingi sa akin ay makatatanggap ka; kung ikaw ay kakatok ay pagbubuksan ka.

6 Ngayon, yayamang ikaw ay humihingi, masdan, sinasabi ko sa iyo, sundin ang aking mga kautusan, at hangaring ipahayag at itatag ang kapakanan ng Sion.

7 Huwag maghangad ng mga yaman kundi ng karunungan; at, masdan, ang mga hiwaga ng Diyos ay malalahad sa iyo, at pagkatapos ikaw ay yayaman. Masdan, siya na may buhay na walang hanggan ay mayaman.

8 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, maging anuman ang naisin mo sa akin ito ay mapapasaiyo; at, kung iyong nanaisin, ikaw ang magiging daan upang magawa ang maraming kabutihan sa salinlahing ito.

9 Huwag magsabi ng anuman kundi pagsisisi sa salinlahing ito. Sundin ang aking mga kautusan, at tumulong na itatag ang aking gawain, alinsunod sa aking mga kautusan, at ikaw ay pagpapalain.

10 Masdan, ikaw ay may kaloob, o ikaw ay magkakaroon ng kaloob kung ikaw ay hihingi sa akin nang may pananampalataya, nang may matapat na puso, naniniwala sa kapangyarihan ni Jesucristo, o sa aking kapangyarihan na siyang nangungusap sa iyo;

11 Sapagkat, masdan, ako ang siyang nangungusap; masdan, ako ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman, at sa pamamagitan ng aking kapangyarihan ibinibigay ko ang mga salitang ito sa iyo.

12 At ngayon, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti—oo, ang gumawa ng makatarungan, lumakad nang may pagpapakumbaba, maghatol nang matwid; at ito ang aking Espiritu.

13 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan;

14 At pagkatapos ay iyong malalaman, o sa pamamagitan nito ay iyong malalaman, ang lahat ng bagay anuman ang naisin mo sa akin, na nauukol sa mga bagay ng kabutihan, nang may pananampalataya na naniniwala sa akin na ikaw ay makatatanggap.

15 Masdan, iniuutos ko sa iyo na hindi mo dapat akalain na ikaw ay tinawag upang mangaral hanggang sa ikaw ay tawagin.

16 Maghintay ka nang kaunti pang panahon, hanggang sa matanggap mo ang aking salita, ang aking bato, ang aking simbahan, at ang aking ebanghelyo, upang iyong malaman nang may katiyakan ang aking doktrina.

17 At pagkatapos, masdan, alinsunod sa iyong ninanais, oo, maging alinsunod sa iyong pananampalataya iyon ay mangyayari sa iyo.

18 Sundin ang aking mga kautusan; manahimik; magsumamo ng kaalaman sa aking Espiritu;

19 Oo, mangunyapit sa akin nang iyong buong puso, upang ikaw ay makatulong sa pagdadala sa liwanag ng mga yaong bagay na nabanggit—oo, ang pagsasalin ng aking gawain; maging matiyaga hanggang sa matapos mo ito.

20 Masdan, ito ang iyong gawain, ang sumunod sa aking mga kautusan, oo, nang buo mong kakayahan, pag-iisip at lakas.

21 Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao.

22 Subalit sa ngayon ikaw ay manahimik muna; pag-aralan ang aking salita na lumaganap na sa mga anak ng tao, at pag-aralan din ang aking salita na mapapasa mga anak ng tao, o yaong sa ngayon ay isinasalin, oo, hanggang sa iyong matanggap ang lahat ng aking ipagkakaloob sa mga anak ng tao sa salinlahing ito, at pagkatapos ang lahat ng bagay ay idaragdag dito.

23 Masdan ikaw si Hyrum, na aking anak; hanapin ang kaharian ng Diyos, at lahat ng bagay ay idaragdag alinsunod sa yaong makatarungan.

24 Magtayo sa aking bato, na aking ebanghelyo;

25 Huwag itatwa ang diwa ng paghahayag, ni ang diwa ng propesiya, sapagkat sa aba niya na magtatatwa sa mga bagay na ito;

26 Samakatwid, pahalagahan ito sa iyong puso hanggang sa panahon na sa aking karunungan ikaw ay hahayo.

27 Masdan, ako ay nangungusap sa lahat ng may mabuting hangarin, at humahawak sa kanyang panggapas upang gumapas.

28 Masdan, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ang buhay at ang ilaw ng sanlibutan.

29 Ako ang siya ring pumarito sa sariling akin at ang sariling akin ay hindi ako tinanggap;

30 Subalit katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na kasindami ng tatanggap sa akin, sa kanila ko ibibigay ang kakayahang maging mga anak ng Diyos, maging sa kanila na naniniwala sa aking pangalan. Amen.