Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 112


Bahagi 112

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Thomas B. Marsh, sa Kirtland, Ohio, ika-23 ng Hulyo 1837 (History of the Church, 2:499–501). Ang paghahayag ito ay naglalaman ng salita ng Panginoon kay Thomas B. Marsh hinggil sa Labindalawang Apostol ng Kordero. Itinala ng Propeta na ang paghahayag na ito ay natanggap sa araw na ang ebanghelyo ay unang naipangaral sa Inglatera. Si Thomas B. Marsh sa panahong ito ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.

1–10, Ipalalaganap ng Labindalawa ang ebanghelyo at magtataas ng babalang tinig sa lahat ng bansa at tao; 11–15, Papasanin nila ang kanilang krus, susunod kay Jesus, at pakakainin ang kanyang mga tupa; 16–20, Ang mga yaong tumatanggap sa Unang Panguluhan ay tumatanggap sa Panginoon; 21–29, Ang kadiliman ay bumabalot sa lupa, at ang yaong sumasampalataya lamang at nabinyagan ang maliligtas; 30–34, Hawak ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ang mga susi ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon.

1 Katotohanan ganito ang wika ng Panginoon sa iyo aking tagapaglingkod na Thomas: Aking narinig ang iyong mga panalangin; at ang iyong abuloy ay umakyat bilang isang bantayog sa harapan ko, sa kapakanan ng mga yaong iyong mga kapatid, na napiling magpatotoo sa aking pangalan at ipadala ito sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, at inordenan sa pamamagitan ng tulong ng aking mga tagapaglingkod,

2 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, may ilang bagay sa iyong puso at sa iyo na kung saan ako, ang Panginoon, ay hindi lubos na nalulugod.

3 Gayunman, yayamang ibinaba mo ang iyong sarili ikaw ay dadakilain; samakatwid, lahat ng iyong kasalanan ay pinatawad na.

4 Magalak ang iyong puso sa harapan ng aking mukha; at magpapatotoo ka sa aking pangalan, hindi lamang sa mga Gentil, kundi gayon din sa mga Judio; at iyong papalaganapin ang aking salita hanggang sa mga dulo ng mundo.

5 Makipaglaban ka, samakatwid, bawat umaga; at sa bawat araw paratingin ang iyong nagbababalang tinig; at pagsapit ng gabi huwag patulugin ang mga naninirahan sa mundo, dahil sa iyong mga salita.

6 Ipaalam ang iyong tirahan sa Sion, at huwag alisin ang iyong tirahan; sapagkat ako, ang Panginoon, ay may mahalagang gawaing ipagagawa sa iyo, sa pagpapahayag ng aking pangalan sa mga anak ng tao.

7 Samakatwid, bigkisan ang iyong balakang para sa gawain. Sapinan din ang iyong mga paa, sapagkat ikaw ay pinili, at ang iyong landas ay nasa mga bundok, at sa maraming bansa.

8 At sa pamamagitan ng iyong salita maraming mapagmataas ang ibababa, at sa pamamagitan ng iyong salita maraming mabababa ang itataas.

9 Ang iyong salita ay magiging isang pagsaway sa mga lumalabag; at sa iyong pagsaway itigil ang dila ng mapanirang-puri sa kanyang katampalasanan.

10 Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.

11 Batid ko ang iyong puso, at narinig ko ang iyong mga panalangin hinggil sa iyong mga kapatid. Huwag kumiling sa kanila sa pagmamahal nang higit sa marami pang iba, bagkus ang iyong pagmamahal sa kanila ay gaya ng sa iyong sarili; at ang iyong pag-ibig ay pasaganahin sa lahat ng tao, at sa lahat ng nagmamahal sa aking pangalan.

12 At manalangin para sa iyong mga kapatid na nasa Labindalawa. Paalalahanan sila nang lubos para sa kapakanan ng aking pangalan, at sila ay paalalahanan sa lahat ng kanilang kasalanan, at maging matapat ka sa harapan ko sa aking pangalan.

13 At matapos ng kanilang mga tukso, at maraming pagdurusa, masdan, ako, ang Panginoon, ay maaawa sa kanila, at kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso, at hindi patitigasin ang kanilang mga leeg laban sa akin, sila ay magbabalik-loob, at akin silang pagagalingin.

14 Ngayon, sinasabi ko sa iyo, at ang sinasabi ko sa iyo, ay sinasabi ko sa lahat ng Labindalawa: Bumangon at bigkisan ang iyong balakang, pasanin mo ang iyong krus, sumunod sa akin, at pakainin ang aking mga tupa.

15 Huwag dakilain ang iyong sarili; huwag maghimagsik laban sa aking tagapaglingkod na si Joseph; sapagkat katotohanang sinasabi ko sa iyo, ako ay sumasakanya, at ang aking kamay ay pasasa kanya; at ang mga susing ibinigay ko sa kanya, at gayon din sa bawat isa sa inyo, ay hindi makukuha mula sa kanya hanggang sa aking pagparito.

16 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ang aking tagapaglingkod na Thomas, ikaw ang taong aking pinili na humawak ng mga susi ng aking kaharian, na nauukol sa Labindalawa, sa ibang mga lugar sa lahat ng bansa—

17 Na ikaw ay aking maging tagapaglingkod na magbubukas ng pintuan ng kaharian sa lahat ng lugar na kung saan ang aking tagapaglingkod na si Joseph, at ang aking tagapaglingkod na si Sidney, at ang aking tagapaglingkod na si Hyrum, ay hindi makatutungo;

18 Sapagkat sa kanila aking ipinatong ang pasanin ng buong simbahan sa isang maikling panahon.

19 Dahil dito, saan ka man nila isugo, humayo ka, at ako ay mapasasaiyo; at saan mang lugar ka mangaral ng aking pangalan isang mapakikinabangang pintuan ang bubuksan sa iyo, nang kanilang matanggap ang aking salita.

20 At sinumang tumatanggap ng aking salita ay tumatanggap sa akin, at ang sinumang tumatanggap sa akin, tumatanggap sa yaong Unang Panguluhan, na aking isinugo, na aking ginawang mga tagapayo sa inyo para sa kapakanan ng aking pangalan.

21 At muli, sinasabi ko sa iyo, na sinuman ang iyong isusugo sa aking pangalan, sa pamamagitan ng tinig ng iyong mga kapatid, ang Labindalawa, na nararapat na itinagubilin at inatasan mo, ay magkakaroon ng kapangyarihang buksan ang pintuan ng aking kaharian sa alinmang bansa kung saan mo sila isugo—

22 Yayamang sila ay magpapakumbaba sa harapan ko, at mananatili sa aking salita, at makikinig sa tinig ng aking Espiritu.

23 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, nababalot ng kadiliman ang mundo, at salimuot na kadiliman ang mga nasa kaisipan ng mga tao, at ang lahat ng laman ay naging makasalanan sa harapan ko.

24 Masdan, ang paghihiganti ay madaling darating sa mga naninirahan sa mundo, isang araw ng poot, isang araw ng pagsunog, isang araw ng kapanglawan, ng pagtangis, ng pagdadalamhati, at ng pananangis; at gaya ng isang ipu-ipo ito ay darating sa balat ng lupa, wika ng Panginoon.

25 At sa aking bahay ito magsisimula, at mula sa aking bahay ito ay hahayo, wika ng Panginoon;

26 Una sa mga yaong nasa iyo, wika ng Panginoon, na nagkunwaring alam ang aking pangalan at hindi nakakikilala sa akin, at naglapastangan sa akin sa gitna ng aking sambahayan, wika ng Panginoon.

27 Samakatwid, tiyakin na hindi ninyo babagabagin ang inyong sarili tungkol sa mga gawain ng aking simbahan sa lugar na ito, wika ng Panginoon.

28 Bagkus padalisayin ang inyong mga puso sa harapan ko; at pagkatapos ay humayo sa buong daigdig, at mangaral ng aking ebanghelyo sa lahat ng nilikha na hindi pa nakatatanggap nito;

29 At siya na sumasampalataya at nabinyagan ay maliligtas, at siya na hindi sumasampalataya, at hindi nabinyagan, ay susumpain.

30 Sapagkat sa inyo, ang Labindalawa, at yaong Unang Panguluhan, na itinalagang kasama mo upang maging iyong mga tagapayo at iyong mga pinuno, ay ibinigay ang kapangyarihan ng pagkasaserdoteng ito, para sa mga huling araw at para sa huling panahon, na siyang dispensasyon ng kaganapan ng panahon.

31 Na yaong kapangyarihan ay taglay mo, na may kaugnayan sa lahat ng yaong nakatanggap ng dispensasyon sa alin mang panahon mula pa noong simula ng paglalang;

32 Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa iyo, ang mga susi ng dispensasyon, na inyong natanggap, ay nagmula sa mga ninuno, at huli sa lahat, ipinadala mula sa langit para sa iyo.

33 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, masdan napakahalaga ng inyong tungkulin. Linisin ang inyong mga puso at ang inyong mga kasuotan, at kung hindi ang dugo ng salinlahing ito ay hihingin sa inyong mga kamay.

34 Maging matapat hanggang sa pumarito ako, sapagkat ako ay madaling paparito; at ang aking gantimpala ay nasa akin upang bayaran ang bawat isa ayon sa kanyang gawa. Ako ang Alpha at Omega. Amen.