Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 21


Bahagi 21

Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa Fayette, New York, ika-6 ng Abril 1830 (History of the Church, 1:74–79). Ang paghahayag na ito ay ibinigay sa pagkakatatag ng Simbahan, sa petsang nabanggit, sa tahanan ni Peter Whitmer, Sr. Anim na kalalakihan, na dati nang nabinyagan, ang nakilahok. Sa pamamagitan ng buong pagkakaisang pagboto ang mga taong ito ay nagpahayag ng kanilang pagnanais at matibay na hangaring magtatag, alinsunod sa kautusan ng Diyos (tingnan sa bahagi 20). Sila rin ay bumoto na tanggapin at itaguyod sina Joseph Smith, Jr., at Oliver Cowdery bilang mga namumunong pinuno ng Simbahan. Sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, inordenan ni Joseph si Oliver bilang elder ng Simbahan, at inordenan din ni Oliver si Joseph. Pagkaraang pangasiwaan ang sakramento, sina Joseph at Oliver ay nagpatong ng mga kamay sa bawat dumalo para sa pagbibigay ng Espiritu Santo at para sa pagpapatibay sa bawat isa bilang kasapi ng Simbahan.

1–3, Si Joseph Smith ay tinawag na tagakita, tagapagsalin, propeta, apostol, at elder; 4–8, Ang kanyang salita ang papatnubay sa kapakanan ng Sion; 9–12, Ang mga Banal ay maniniwala sa kanyang mga salita habang siya ay nangungusap sa pamamagitan ng Mang-aaliw.

1 Masdan, may talaang iingatan sa inyo; at sa mga ito ikaw ay tatawaging tagakita, tagapagsalin, propeta, isang apostol ni Jesucristo, elder ng simbahan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos Ama, at ng biyaya ng inyong Panginoong Jesucristo,

2 Na pinupukaw ng Espiritu Santo upang itatag ang saligan niyaon, at itayo ito sa pinakabanal na pananampalataya.

3 Kung aling simbahan ay itinatag at itinayo sa taon ng inyong Panginoon labingwalong daan at tatlumpu, sa ikaapat na buwan, at sa ikaanim na araw ng buwan na tinatawag na Abril.

4 Dahil dito, nangangahulugang ang simbahan, kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko;

5 Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.

6 Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan.

7 Sapagkat sinabi ng Panginoong Diyos: Siya ay aking pinukaw upang isulong ang kapakanan ng Sion sa malakas na kapangyarihan para sa kabutihan, at ang kanyang pagsusumigasig ay nalalaman ko, at ang kanyang mga panalangin ay narinig ko.

8 Oo, ang kanyang pagtangis para sa Sion ay nakita ko, at gagawin ko na hindi na siya magdadalamhati pa; sapagkat ang mga araw ng kanyang kagalakan ay sumapit na sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan, at ang mga pagpapakita ng aking mga pagpapala sa kanyang mga gawa.

9 Sapagkat, masdan, aking pagpapalain ang lahat ng yaong gumagawa sa aking ubasan ng dakilang pagpapala, at sila ay maniniwala sa kanyang mga salita, na ibinigay sa kanya mula sa akin sa pamamagitan ng Mang-aaliw, na nagpapatunay na si Jesus ay ipinako sa krus ng mga makasalanang tao para sa mga kasalanan ng sanlibutan, oo, para sa kapatawaran ng mga kasalanan sa nagsisising puso.

10 Dahil dito aking minarapat na siya ay ordenan mo, Oliver Cowdery aking apostol;

11 Ito na isang ordenansa sa iyo, na ikaw ay isang elder sa ilalim ng kanyang kamay, siya na una sa iyo, nang ikaw ay maging elder sa simbahang ito ni Cristo, na nagtataglay ng aking pangalan—

12 At ang unang mangangaral ng simbahang ito sa simbahan, at sa sanlibutan, oo, sa mga Gentil; oo, at yaon ang sinabi ng Panginoong Diyos, narito, narito! sa mga Judio rin. Amen.