Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 27


Bahagi 27

Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa Harmony, Pennsylvania, Agosto 1830 (History of the Church, 1:106–108). Sa paghahanda para sa isang pagpupulong sa simbahan kung saan ang sakramento ng tinapay at alak ay pangangasiwaan, si Joseph ay umalis upang kumuha ng alak. Siya ay pinagpakitaan ng isang makalangit na sugo at tinanggap ang paghahayag na ito, ang isang bahagi nito ay isinulat sa panahong iyon at ang natirang bahagi noong sumunod na Setyembre. Sa ngayon ay tubig ang siyang ginagamit sa halip na alak sa mga ordenansa ng sakramento ng Simbahan.

1–4, Ang mga simbolong gagamitin sa sakramento ay ipinagbigay-alam; 5–14, Si Cristo at ang kanyang mga tagapaglingkod mula sa lahat ng dispensasyon ay tatanggap ng sakramento; 15–18, Isuot ang buong baluti ng Diyos.

1 Makinig sa tinig ni Jesucristo, ang inyong Panginoon, inyong Diyos, at inyong Manunubos, na ang salita ay mabisa at makapangyarihan.

2 Sapagkat, masdan, sinasabi ko sa inyo, na hindi mahalaga kung anuman ang inyong kainin o kung anuman ang inyong inumin kapag kayo ay tumatanggap ng sakramento, kung ito ay gagawin ninyo na ang mga mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian—inaalaala sa Ama ang aking katawan na aking inialay para sa inyo, at ang aking dugo na ibinuhos para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.

3 Dahil dito, isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo, na huwag kayong bumili ng alak ni matapang na inumin ng inyong mga kaaway;

4 Dahil dito, hindi kayo kakain ng anuman maliban kung ito ay ginawang bago sa inyo; oo, sa kahariang ito ng aking Ama na itatayo sa mundo.

5 Masdan, ito ay karunungan sa akin; dahil dito, huwag manggilalas, sapagkat darating ang oras na ako ay iinom ng bunga ng puno ng ubas na kasama kayo sa mundo, at kasama si Moroni, na aking isinugo sa inyo upang ipahayag ang Aklat ni Mormon, na naglalaman ng kabuuan ng aking walang hanggang ebanghelyo, kung kanino ko ipinagkatiwala ang mga susi ng talaan ni Ephraim;

6 At gayon din si Elias, kung kanino ko ipinagkatiwala ang mga susi upang maisakatuparan ang pagpapanumbalik ng lahat ng bagay na winika ng bibig ng lahat ng banal na propeta mula pa sa simula ng daigdig, hinggil sa mga huling araw;

7 At gayon din si Juan na anak ni Zacarias, si Zacarias na kanyang (Elias) dinalaw at binigyan ng pangako na siya ay magkakaroon ng isang anak na lalaki, at ang kanyang magiging pangalan ay Juan, at siya ay mapupuspos ng diwa ni Elias;

8 Si Juan na isinugo ko sa inyo, aking mga tagapaglingkod, Joseph Smith, Jun., at Oliver Cowdery, upang ordenan kayo sa unang pagkasaserdote na inyong tinanggap, upang kayo ay matawag at maordenan maging tulad ni Aaron;

9 At gayon din si Elijah, kung kanino ko ipinagkatiwala ang mga susi ng kapangyarihan ng pagbabaling ng mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga puso ng mga anak sa mga ama, upang ang buong sangkatauhan ay hindi bagabagin ng isang sumpa;

10 At gayon din sina Jose at Jacob, at Isaac, at Abraham, na inyong mga ninuno, kung kanino ang mga pangako ay nanatili;

11 At gayon din si Miguel, o Adan, ang ama ng lahat, ang prinsipe ng lahat, ang matanda ng mga araw;

12 At gayon din sina Pedro, at Santiago, at Juan, na aking isinugo sa inyo, kung kanino ko kayo pinaordenan at pinagtibay upang maging mga apostol, at mga natatanging saksi sa aking pangalan, at may taglay ng mga susi ng inyong gawain at ng mga gayon ding bagay na aking ipinahayag sa kanila;

13 Kung kanino ko ipinagkatiwala ang mga susi ng aking kaharian, at dispensasyon ng ebanghelyo para sa huling panahon; at para sa kaganapan ng panahon, kung kailan ko sama-samang titipunin sa isa ang lahat ng bagay, maging ang mga nasa langit, at ang mga nasa lupa;

14 At gayon din silang lahat na ibinigay sa akin ng Ama mula sa sanlibutan.

15 Dahil dito, pasiglahin ang inyong mga puso at magalak, at bigkisan ang inyong mga balakang, at magsuot kayo ng aking buong baluti, upang inyong mapaglabanan ang araw ng kasamaan, matapos na maisagawa ang lahat, upang kayo ay makatindig.

16 Tumindig, samakatwid, na ang inyong mga balakang ay may bigkis ng katotohanan, na may baluti sa dibdib ng kabutihan, at ang inyong mga paa ay may panyapak ng paghahanda ng ebanghelyo ng kapayapaan, na ipinadala ko sa aking mga anghel upang ipagkatiwala sa inyo;

17 Taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya at sa pamamagitan nito ay masusubuhan ninyo ang lahat ng nag-aapoy na sibat ng masama;

18 At taglayin ninyo ang turbante ng kaligtasan, at ang espada ng aking Espiritu, na aking ibubuhos sa inyo, at ng aking salita na aking ihahayag sa inyo, at magsang-ayon sa nauukol sa lahat ng bagay na hinihingi ninyo sa akin, at maging matapat hanggang sa ako ay pumarito, at kayo ay dadalhin, na kung saan ako naroon kayo ay paroroon din. Amen.