Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 33


Bahagi 33

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kina Ezra Thayre at Northrop Sweet, sa Fayette, New York, Oktubre 1830 (History of the Church, 1:126–127). Sa pagtatala ng paghahayag na ito, pinatotohanan ng Propeta na “ang Panginoon ay laging handang turuan ang yaong masisigasig na naghahangad ng kaalaman nang may pananampalataya” (History of the Church, 1:126).

1–4, Ang mga manggagawa ay tinawag na magpahayag ng ebanghelyo sa ikalabing-isang oras; 5–6, Ang Simbahan ay itinatag, at ang mga hinirang ay titipunin; 7–10, Magsisi, sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na; 11–15, Ang Simbahan ay itinayo sa bato ng ebanghelyo; 16–18, Maghanda para sa pagparito ng Kasintahang lalaki.

1 Masdan, sinasabi ko sa inyo, aking mga tagapaglingkod na Ezra at Northrop, buksan ang inyong mga tainga at makinig sa tinig ng Panginoon ninyong Diyos, kung kaninong salita ay buhay at makapangyarihan, mas matalas pa kaysa espadang may dalawang talim, sa paghahati ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto, kaluluwa at espiritu; at taga-unawa ng mga saloobin at layunin ng puso.

2 Sapagkat katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay tinawag upang itaas ang inyong mga tinig tulad ng tunog ng pakakak, upang ipahayag ang ebanghelyo sa liko at balakyot na salinlahi.

3 Sapagkat masdan, ang bukid ay puti na upang anihin; at ito na ang ikalabing-isang oras, at ang huling pagkakataong ako ay tatawag ng mga manggagawa sa aking ubasan.

4 At ang aking ubasan ay lubusang nabulok; at wala nang gumagawa ng kabutihan maliban sa iilan; at sila ay nagkamali sa maraming pagkakataon dahil sa mga huwad na pagkasaserdote, lahat ay may masamang pag-iisip.

5 At katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ang simbahang ito ay aking itinatag at tinawag mula sa ilang.

6 At sa gayon ko titipunin ang aking hinirang mula sa apat na sulok ng mundo, maging kasindami ng maniniwala sa akin, at makikinig sa aking tinig.

7 Oo, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ang bukid ay puti na upang anihin; kaya nga, humawak sa inyong panggapas, at maggapas nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip, at lakas.

8 Ibuka ang inyong mga bibig at ang mga ito ay mapupuno, at kayo ay matutulad maging kay Nephi noong sinauna, na naglakbay mula sa Jerusalem patungong ilang.

9 Oo, ibuka ang inyong mga bibig at huwag mangimi, at kayo ay makapagdadala ng bungkos sa inyong mga likod, sapagkat narito, ako ay kasama ninyo.

10 Oo, ibuka ang inyong mga bibig at ang mga ito ay mapupuno, nagsasabing: Magsisi, magsisi, at ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, at tuwirin ang kanyang landas; sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na;

11 Oo, magsisi at magpabinyag, bawat isa sa inyo, para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan; oo, magpabinyag maging sa pamamagitan ng tubig, at pagkatapos ay sasapit ang pagbibinyag ng apoy at ng Espiritu Santo.

12 Masdan, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ito ang aking ebanghelyo; at tandaan na sila ay kailangang magkaroon ng pananampalataya sa akin o hindi sila maliligtas;

13 At sa ibabaw ng batong ito itatayo ko ang aking simbahan; oo, sa ibabaw ng batong ito kayo ay itinatag, at kung kayo ay magpapatuloy, ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo.

14 At inyong aalalahanin ang mga saligan ng simbahan at tipan upang tuparin ang mga ito.

15 At sinuman ang may pananampalataya ay papagtibayin ninyo sa aking simbahan, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, at aking ipagkakaloob ang kaloob na Espiritu Santo sa kanila.

16 At ang Aklat ni Mormon at ang mga banal na kasulatan ay ibinigay ko para sa inyong ikatututo; at ang kapangyarihan ng aking Espiritu ay nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay.

17 Dahil dito, maging matapat, nananalangin tuwina, taglay ang inyong mga ilawan na tinabasan at nagniningas, at may langis na dala kayo, upang kayo ay maging handa sa pagparito ng Kasintahang lalaki—

18 Sapagkat masdan, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ako ay madaling paparito. Maging gayon nga. Amen.