Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 4


Bahagi 4

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa kanyang ama, si Joseph Smith, Sen., sa Harmony, Pennsylvania, Pebrero 1829 (History of the Church, 1:28).

1–4, Magiting na paglilingkod ang nagliligtas sa mga mangangaral ng Panginoon; 5–6, Mga maka-diyos na katangian ang kinakailangan upang maging karapat-dapat sila sa ministeryo; 7, Mga bagay ng Diyos ay kailangang hangarin.

1 Ngayon masdan, isang kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap sa mga anak ng tao.

2 Samakatwid, O ikaw na humaharap sa paglilingkod sa Diyos, tiyaking pinaglilingkuran mo siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas, upang ikaw ay makatayong walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw.

3 Samakatwid, kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain;

4 Sapagkat masdan ang bukid ay puti na upang anihin; at narito, siya na humahawak sa kanyang panggapas nang buo niyang lakas, siya rin ay nag-iimbak nang hindi siya masawi, kundi nagdadala ng kaligtasan sa kanyang kaluluwa;

5 At pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, ang kinakailangan upang maging karapat-dapat siya sa gawain.

6 Alalahanin ang pananampalataya, karangalan, kaalaman, kahinahunan, tiyaga, kabaitang pangkapatid, kabanalan, pag-ibig sa kapwa-tao, kababaang-loob, sigasig.

7 Humingi, at ikaw ay tatanggap; kumatok, at ikaw ay pagbubuksan. Amen.