Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 6


Bahagi 6

Paghahayag na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Oliver Cowdery, sa Harmony, Pennsylvania, Abril 1829 (History of the Church, 1:32–35). Si Oliver Cowdery ay nagsimula sa kanyang gawain bilang tagasulat sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, ika-7 ng Abril 1829. Nakatanggap na siya ng isang pagpapatunay na mula sa langit tungkol sa katotohanan ng patotoo ng Propeta tungkol sa mga lamina na kung saan ay nakaukit ang tala ng Aklat ni Mormon. Ang Propeta ay nagtanong sa Panginoon sa pamamagitan ng Urim at Tummim at natanggap ang kasagutang ito.

1–6, Ang mga manggagawa sa bukid ng Panginoon ay magtatamo ng kaligtasan; 7–13, Wala nang ibang kaloob ang hihigit pa sa kaloob na kaligtasan; 14–27, Ang katibayan ng katotohanan ay ipinadarama sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu; 28–37, Umasa kay Cristo, at patuloy na gumawa ng kabutihan.

1 Isang dakila at kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap sa mga anak ng tao.

2 Masdan, ako ang Diyos; tumalima sa aking salita, na buhay at mabisa, mas matalas kaysa espadang may dalawang talim, sa paghahati ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto; samakatwid tumalima sa aking mga salita.

3 Masdan, ang bukid ay puti na upang anihin; samakatwid, sinuman ang may nais na maggapas, humawak siya ng kanyang panggapas nang buo niyang lakas, at maggapas habang may araw pa, upang siya ay makapag-ipon ng walang hanggang kaligtasan para sa kanyang kaluluwa sa kaharian ng Diyos.

4 Oo, sinuman ang hahawak ng kanyang panggapas at maggagapas, siya rin ay tinawag ng Diyos.

5 Samakatwid, kung ikaw ay hihingi sa akin ay makatatanggap ka; kung ikaw ay kakatok ay pagbubuksan ka.

6 Ngayon, yayamang ikaw ay humihingi, masdan, sinasabi ko sa iyo, sundin ang aking mga kautusan, at hangaring ihayag at itatag ang kapakanan ng Sion;

7 Huwag maghangad ng mga yaman kundi ng karunungan, at masdan, ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa iyo, at pagkatapos ikaw ay yayaman. Masdan, siya na may buhay na walang hanggan ay mayaman.

8 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, maging anuman ang naisin mo sa akin ito ay mapapasaiyo; at kung iyong nanaisin, ikaw ang magiging daan upang makagawa ng maraming kabutihan sa salinlahing ito.

9 Huwag mangaral ng anuman kundi pagsisisi sa salinlahing ito; sundin ang aking mga kautusan, at tumulong na itatag ang aking gawain, alinsunod sa aking mga kautusan, at ikaw ay pagpapalain.

10 Masdan ikaw ay may kaloob, at pinagpala ka dahil sa iyong kaloob. Tandaan na ito ay banal at nagmula sa itaas—

11 At kung ikaw ay magtatanong, malalaman mo ang mga dakila at kagila-gilalas na hiwaga; samakatwid gagamitin mo ang iyong kaloob, upang mapag-alaman mo ang mga hiwaga, upang makapagdala ka ng marami sa kaalaman ng katotohanan, oo, imulat sila sa kamalian ng kanilang mga gawa.

12 Huwag mong ipaalam ang iyong kaloob sa sinuman maliban sa mga yaong kasampalataya. Huwag lapastanganin ang mga bagay na banal.

13 Kung ikaw ay gagawa ng mabuti, oo, at patuloy na magiging matapat hanggang wakas, ikaw ay maliligtas sa kaharian ng Diyos, na siyang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos; sapagkat wala nang kaloob na mas dadakila pa sa kaloob na kaligtasan.

14 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, pinagpala ka dahil sa iyong ginawa; sapagkat ikaw ay nagtanong sa akin, at masdan, sa tuwing magtatanong ka ikaw ay makatatanggap ng tagubilin mula sa aking Espiritu. Kung hindi magkagayon, ikaw ay hindi makararating sa lugar na kinaroroonan mo sa ngayon.

15 Masdan, iyong nalalaman na ikaw ay nagtanong sa akin at aking nilinaw ang iyong pag-iisip; at ngayon ipinaaalam ko sa iyo ang mga bagay na ito upang iyong malaman na ikaw ay naliwanagan sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan;

16 Oo, sinasabi ko sa iyo, upang iyong malaman na wala nang iba pa kundi Diyos lamang ang nakaaalam ng iyong mga saloobin at hangarin ng iyong puso.

17 Sinasabi ko sa iyo ang mga bagay na ito bilang pagpapatunay sa iyo—na ang mga salita o ang bagay na iyong isinusulat ay totoo.

18 Samakatwid maging masigasig; umagapay sa aking tagapaglingkod na si Joseph, nang tapat, sa anumang mahirap na kalagayan na kanyang masusuungan dahil sa salita.

19 Pagpayuhan siya sa kanyang mga kamalian, at tumanggap din ng payo mula sa kanya. Maging mapagtiis; maging mahinahon; maging mapagtimpi; magkaroon ng pagtitiis, pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa kapwa-tao.

20 Masdan, ikaw ay si Oliver, at ako ay nakipag-usap sa iyo dahil sa iyong mga nais; samakatwid pahalagahan ang mga salitang ito sa iyong puso. Maging matapat at matiyaga sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at kita’y aking yayakapin sa bisig ng aking pagmamahal.

21 Masdan, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ang yaong naparito sa sariling akin, at ang sariling akin ay hindi ako tinanggap. Ako ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman, at ang kadiliman ay hindi ito naunawaan.

22 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, kung nagnanais ka ng karagdagang katibayan, ipako mo ang isipan sa gabing ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso, upang iyong malaman ang hinggil sa katotohanan ng mga bagay na ito.

23 Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?

24 At ngayon, masdan, ikaw ay nakatanggap ng isang katibayan; sapagkat kung sinabi ko sa iyo ang mga bagay na walang sinumang tao ang nakaaalam hindi nga ba’t nakatanggap ka ng katibayan?

25 At, masdan, pagkakalooban kita ng isang kaloob, kung nanaisin mo na tanggapin ito mula sa akin, na makapagsalin, maging tulad ng aking tagapaglingkod na si Joseph.

26 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na may mga talaang naglalaman ng marami sa aking ebanghelyo, na itinago dahil sa kasamaan ng mga tao;

27 At ngayon ipinag-uutos ko sa iyo, na kung ikaw ay may mabuting hangarin—isang hangaring mag-ipon ng kayamanan para sa iyong sarili sa langit—sa gayon ikaw ay tutulong sa pagdadala sa liwanag, sa pamamagitan ng iyong kaloob, sa mga yaong bahagi ng aking mga banal na kasulatan na itinago dahil sa kasamaan.

28 At ngayon, masdan, ibinibigay ko sa iyo, at gayon din sa aking tagapaglingkod na si Joseph, ang mga susi ng kaloob na ito, na magdadala sa liwanag sa ministeryong ito; at sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ang bawat salita ay mapagtitibay.

29 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, kung kanilang tatanggihan ang aking mga salita, at ang bahaging ito ng aking ebanghelyo at ministeryo pinagpala ka, dahil hindi nila magagawa sa iyo ang higit pa sa ginawa nila sa akin.

30 At kahit na kanilang gawin sa iyo ang kanilang ginawa sa akin, pinagpala ka, sapagkat ikaw ay makapananahanang kasama ko sa kaluwalhatian.

31 At kung hindi nila tatanggihan ang aking mga salita, na pagtitibayin ng mga patotoong ibibigay, pinagpala sila, at sa panahong iyon ikaw ay magkakaroon ng kagalakan sa bunga ng iyong mga gawa.

32 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, tulad ng aking sinabi sa aking mga disipulo, kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa aking pangalan, ukol sa isang bagay, masdan, ako ay naroroon sa gitna nila—maging ako ay nasa gitna ninyo.

33 Huwag matakot na gumawa ng mabuti, aking mga anak, sapagkat kung anuman ang inyong itinanim, iyon din ang inyong aanihin; samakatwid, kung kayo ay nagtanim ng kabutihan kayo rin ay aani ng kabutihan bilang inyong gantimpala.

34 Samakatwid, huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig.

35 Masdan, hindi ko kayo inuusig; humayo kayo sa inyong mga gawain at huwag na muling magkasala; isagawa nang mahinahon ang gawaing ipinag-uutos ko sa inyo.

36 Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.

37 Masdan ang sugat na tumagos sa aking tagiliran, at gayon din ang bakas ng mga pako sa aking mga kamay at paa; maging matapat, sundin ang aking mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian ng langit. Amen.