Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 62


Bahagi 62

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa pampang ng Ilog ng Missouri sa Chariton, Missouri, ika-13 ng Agosto 1831 (History of the Church, 1:205–206). Sa araw na ito ang Propeta at ang kanyang pangkat, na nasa kanilang paglalakbay mula Independence patungong Kirtland, ay nasalubong ang ilang elder na naglalakbay patungo sa lupain ng Sion, at, pagkaraan ng masayang pagbabatian, ay tinanggap ang paghahayag na ito.

1–3, Ang mga patotoo ay nakatala sa langit; 4–9, Ang mga elder ay kailangang maglakbay at mangaral alinsunod sa pasiya at habang ginagabayan ng Espiritu.

1 Masdan, at makinig, O kayong mga elder ng aking simbahan, wika ng Panginoon ninyong Diyos, maging si Jesucristo, ang inyong tagapamagitan, na nakaaalam ng kahinaan ng tao at kung paano masasaklolohan sila na natutukso.

2 At katotohanang ang aking mga mata ay nasa kanila na hindi pa nakatutungo sa lupain ng Sion; kaya nga ang inyong misyon ay hindi pa tapos.

3 Gayunman, kayo ay pinagpala, sapagkat ang patotoo na inyong sinabi ay nakatala sa langit upang tingnan ng mga anghel; at sila ay nagagalak sa inyo, at pinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan.

4 At ngayon ipagpatuloy ang inyong paglalakbay. Tipunin ninyo ang inyong sarili sa lupain ng Sion; at magpulong at sama-samang magalak, at mag-alay ng sakramento sa Kataas-taasan.

5 At pagkatapos ay makababalik na kayo upang magpatotoo, oo, maging magkakasama, o dala-dalawa, kung inaakala ninyong mabuti, hindi ito mahalaga sa akin; maging matapat lamang, at ipahayag ang mabubuting balita sa mga naninirahan sa lupa, o sa mga kongregasyon ng masasama.

6 Masdan, ako, ang Panginoon, ay dinala kayong magkakasama upang ang pangako ay matupad, na ang matatapat sa inyo ay mapangalagaan at magalak na magkakasama sa lupain ng Missouri. Ako, ang Panginoon, ay nangangako sa matatapat at hindi makapagsisinungaling.

7 Ako, ang Panginoon, ay nakahanda, kung sinuman sa inyo ang nagnanais na sumakay sa kabayo, o sa mula, o sa karwahe, tatanggapin niya ang pagpapalang ito, kung tinanggap niya ito sa kamay ng Panginoon, na may mapagpasalamat na puso sa lahat ng bagay.

8 Ang mga ito ay maiiwan sa inyo upang gawin ang naaayon sa pasiya at sa mga paggabay ng Espiritu.

9 Masdan, ang kaharian ay sa inyo. At masdan, at narito; ako ay nasa matatapat tuwina. Maging gayon nga. Amen.