Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 64


Bahagi 64

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa mga elder ng Simbahan, sa Kirtland, Ohio, ika-11 ng Setyembre 1831 (History of the Church, 1:211–214). Ang Propeta ay naghahandang lumipat sa Hiram, Ohio, upang muling gumawa ng pagsasalin ng Biblia, na naisantabi samantalang siya ay nasa Missouri. Isang pangkat ng mga kapatid na lalaki na inutusang maglakbay sa Sion (Missouri) ay masigasig na naghahanda sa paglisan sa Oktubre. Sa abalang panahong ito, ang paghahayag na ito ay natanggap.

1–11, Ang mga banal ay inutusang magpatawad sa isa’t isa, at kung hindi ay mananatili sa kanila ang mas malaking kasalanan; 12–22, Ang hindi nagsisisi ay ihaharap sa Simbahan; 23–25, Siya na nagbigay ng ikapu ay hindi masusunog sa pagparito ng Panginoon; 26–32, Ang mga Banal ay binalaan laban sa pagkakautang; 33–36, Ang mga mapanghimagsik ay ihihiwalay sa Sion; 37–40, Hahatulan ng Simbahan ang mga bansa; 41–43, Ang Sion ay mananagana.

1 Masdan, ganito ang wika ng Panginoon ninyong Diyos sa inyo, O kayong mga elder ng aking simbahan, makinig kayo at pakinggan, at tanggapin ang aking kalooban hinggil sa inyo.

2 Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, aking kalooban na madaig ninyo ang sanlibutan; dahil dito ako ay mahahabag sa inyo.

3 Mayroon sa inyo na nagkasala; subalit katotohanang sinasabi ko, sa isang pagkakataong ito, para sa aking sariling kaluwalhatian, at para sa kaligtasan ng mga kaluluwa, aking pinatawad kayo sa inyong mga kasalanan.

4 Ako ay magiging maawain sa inyo, sapagkat ibinigay ko sa inyo ang kaharian.

5 Ang mga susi ng mga hiwaga ng kaharian ay hindi kukunin mula sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., sa pamamagitan ng mga paraang aking itinakda, habang siya ay nabubuhay, yayamang sinusunod niya ang aking mga ordenansa.

6 May mga naghangad ng masama laban sa kanya nang walang kadahilanan;

7 Gayunpaman, siya ay nagkasala; subalit katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan sa mga yaong umaamin ng kanilang mga kasalanan sa aking harapan at humihingi ng kapatawaran, na hindi nagkasala tungo sa kamatayan.

8 Ang aking mga disipulo, noong unang panahon, ay naghangad ng masama laban sa isa’t isa at hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso; at dahil sa kasamaang ito sila ay pinahirapan at labis na pinarusahan.

9 Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.

10 Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.

11 At nararapat ninyong sabihin sa inyong mga puso—ang Diyos ang hahatol sa akin at sa iyo, at ikaw ay gagantimpalaan alinsunod sa iyong mga gawa.

12 At siya na hindi nagsisisi ng kanyang mga kasalanan, at hindi ipinagtatapat ang mga yaon, ay inyong ihaharap sa simbahan, at gawin sa kanya ang sinasabi ng banal na kasulatan sa inyo, sa pamamagitan ng kautusan o sa pamamagitan ng paghahayag.

13 At ito ang inyong gagawin upang ang Diyos ay maluwalhati—hindi dahil sa hindi kayo nagpapatawad, na walang pagkahabag, kundi nang kayo ay mabigyang-katwiran sa mga mata ng batas, nang hindi ninyo masaktan siya na inyong tagapagbigay ng batas—

14 Katotohanang sinasabi ko, sa kadahilanang ito inyong gagawin ang mga bagay na ito.

15 Masdan, ako, ang Panginoon, ay nagagalit sa kanya na aking tagapaglingkod na si Ezra Booth, gayon din sa aking tagapaglingkod na si Isaac Morley, sapagkat hindi nila sinunod ang batas, ni ang kautusan;

16 Sila ay naghangad ng kasamaan sa kanilang puso, at ako, ang Panginoon, ay nagkait ng aking Espiritu. Kanilang sinumpang masama ang bagay na hindi masama; gayunpaman aking pinatawad ang aking tagapaglingkod na si Isaac Morley.

17 At gayon din ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge, masdan, siya ay nagkasala, at si Satanas ay naghahangad na mawasak ang kanyang kaluluwa, subalit kung ang mga bagay na ito ay ipaaalam sa kanila, at sila ay magsisisi sa kasamaan, sila ay patatawarin.

18 At ngayon, katotohanang sinasabi ko na kinakailangan sa akin na ang aking tagapaglingkod na si Sidney Gilbert, pagkalipas ng ilang linggo, ay bumalik sa kanyang gawain, at sa kanyang tungkulin sa lupain ng Sion;

19 At yaong kanyang nakita at narinig ay maipaaalam sa aking mga disipulo, nang sila ay hindi masawi. At sa kadahilanang ito aking sinabi ang mga bagay na ito.

20 At muli, sinasabi ko sa inyo, na ang aking tagapaglingkod na si Isaac Morley ay hindi matutukso nang higit pa sa kanyang makakayanan, at magpayo ng mali sa inyong ikapapahamak, ako ay nagbigay ng kautusan na ang kanyang sakahan ay nararapat na ipagbili.

21 Hindi ko nais na ang aking tagapaglingkod na si Frederick G. Williams ay ipagbili ang kanyang sakahan, sapagkat ako, ang Panginoon, ay niloob na magpapanatili ng matatag na muog sa lupain ng Kirtland, sa loob ng limang taon, sa panahong iyon hindi ko lilipulin ang masasama, nang sa gayon ako ay makapagligtas ng ilan.

22 At matapos ang araw na yaon, ako, ang Panginoon, ay hindi pananagutin ang sinuman na patutungo nang may bukas na puso sa lupain ng Sion; sapagkat ako, ang Panginoon, ay hinihingi ang mga puso ng mga anak ng tao.

23 Masdan, ang panahong ito ay tinawag na ngayon hanggang sa pagparito ng Anak ng Tao, at katotohanan ito ay araw ng paghahain, at araw ng pagbabayad ng ika-sampung bahagi ng aking tao; sapagkat siya na nagbibigay ng ikapu ay hindi masusunog sa kanyang pagparito.

24 Sapagkat pagkatapos ng ngayon ay darating ang pagsunog—ang pangungusap na ito ay ayon sa pamamaraan ng Panginoon—sapagkat katotohanang sinasabi ko, bukas ang lahat ng palalo at sila na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami; at akin silang susunugin, sapagkat ako ang Panginoon ng mga Hukbo; at hindi ko paliligtasin ang sinumang mamamalagi sa Babilonia.

25 Dahil dito, kung naniniwala kayo sa akin, kayo ay gagawa habang ito ay tinatawag na ngayon.

26 At hindi nararapat na ang aking mga tagapaglingkod, na sina Newel K. Whitney at Sidney Gilbert, ay ipagbili ang kanilang tindahan at ang kanilang mga ari-arian dito; sapagkat hindi ito karunungan hanggang ang natitira ng simbahang ito, na nananatili sa lugar na ito, ay magsitungo sa lupain ng Sion.

27 Masdan, nasasaad sa aking batas, o ipinagbabawal, na magkaroon ng pagkakautang sa inyong mga kaaway;

28 Subalit masdan, hindi nasasaad kailanman na ang Panginoon ay hindi nararapat na kumuha ng isang bagay ayon sa kanyang kalooban, at magbayad ayon sa inaakala niyang mabuti.

29 Dahil dito, yayamang kayo ay mga kinatawan, kayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon; at anuman ang inyong gagawin alinsunod sa kalooban ng Panginoon ay gawain ng Panginoon.

30 At itinalaga niya kayo upang tustusan ang kanyang mga banal sa mga huling araw na ito, upang sila ay makakamit ng mana sa lupain ng Sion.

31 At masdan, ako, ang Panginoon, ay nagpapahayag sa inyo, at ang aking mga salita ay tiyak at hindi mabibigo, na kanilang makakamit ito.

32 Gayunman lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon.

33 Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.

34 Masdan, hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan; at ang may pagkukusa at ang masunurin ay kakainin ang taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.

35 At ang mapaghimagsik ay ihihiwalay sa lupain ng Sion, at itataboy, at hindi mamamana ang lupain.

36 Sapagkat, katotohanang sinasabi ko na ang mga mapanghimagsik ay hindi nagmula sa dugo ni Ephraim, samakatwid sila ay bubunutin.

37 Masdan, ako, ang Panginoon, ay nagtayo ng aking simbahan sa mga huling araw na ito na tulad ng isang hukom na nakaupo sa isang burol, o sa isang mataas na lugar, upang maghukom sa mga bansa.

38 Sapagkat ito ay mangyayari na ang mga naninirahan sa Sion ay maghuhukom sa lahat ng bagay na nauukol sa Sion.

39 At ang mga sinungaling at mapagkunwari ay susubukin nila, at sila na hindi mga apostol at propeta ay ibubunyag.

40 At maging ang obispo, na isang hukom, at ang kanyang mga tagapayo, kung sila ay hindi matapat sa kanilang pangangasiwaan ay parurusahan, at magtatalaga ng iba na kapalit nila.

41 Sapagkat, masdan, sinasabi ko sa inyo na ang Sion ay mananagana, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mapapasakanya;

42 At siya ang magiging sagisag sa mga tao, at may paroroon sa kanya na buhat sa bawat bansa sa silong ng langit.

43 At darating ang araw na ang mga bansa sa mundo ay mayayanig dahil sa kanya, at mangatatakot dahil sa kanyang mga bansang kakila-kilabot. Ang Panginoon ang nangusap nito. Amen.