Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 65


Bahagi 65

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Hiram, Ohio, Oktubre 1831 (History of the Church, 1:218). Tinukoy ng Propeta ang paghahayag na ito bilang isang panalangin.

1–2, Ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay ipinagkatiwala sa tao sa mundo, at ang layunin ng ebanghelyo ay magwawagi; 3–6, Ang pangmilenyong kaharian ng langit ay paparito at makikiisa sa kaharian ng Diyos sa lupa.

1 Makinig, at narito, ang isang tinig na isinugo rito mula sa kaitaasan, na malakas at makapangyarihan, na umaabot hanggang sa mga dulo ng mundo, oo, na ang tinig ay sumasa tao—Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ang kanyang landas.

2 Ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay ipinagkatiwala sa tao sa mundo, at mula rito ang ebanghelyo ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo, gaya ng batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay ay lalaganap, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo.

3 Oo, isang tinig na sumisigaw—Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, ihanda ninyo ang hapunan ng Kordero, maghanda para sa Lalaking kasintahan.

4 Manalangin sa Panginoon, manawagan sa kanyang banal na pangalan, ipaalam ang kanyang mga kamangha-manghang gawa sa mga tao.

5 Manawagan sa Panginoon, upang ang kanyang kaharian ay lumaganap sa mundo, upang ang mga naninirahan dito ay matanggap ito, at maging handa para sa mga araw na darating, na kung kailan ang Anak ng Tao ay bababa mula sa langit, nadaramitan ng liwanag ng kanyang kaluwalhatian, upang salubungin ang kaharian ng Diyos na itinatag sa mundo.

6 Dahil dito, nawa ang kaharian ng Diyos ay lumaganap, upang ang kaharian ng langit ay dumating, upang kayo, O Diyos, ay luwalhatiin sa langit gayundin sa lupa, upang ang inyong mga kaaway ay malupig; sapagkat sa inyo ang karangalan, kapangyarihan at kaluwalhatian, magpakailanman at walang katapusan. Amen.