Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 9


Bahagi 9

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Oliver Cowdery, sa Harmony, Pennsylvania, Abril 1829 (History of the Church, 1:37–38). Si Oliver ay pinaalalahanang maging matiyaga, at hinikayat na masiyahan na lamang sa pagsusulat, sa panahong iyon, sa dikta ng tagapagsalin, sa halip na magtangkang magsalin.

1–6, Iba pang mga sinaunang talaan ay isasalin din; 7–14, Ang Aklat ni Mormon ay isinalin sa pamamagitan ng pag-aaral at sa pamamagitan ng espirituwal na pagpapatibay.

1 Masdan, sinasabi ko sa iyo, aking anak, na dahil hindi ka nagsalin alinsunod sa yaong hiniling sa akin, at muling nagsimulang magsulat para sa aking tagapaglingkod, si Joseph Smith, Jun., samakatwid nais kong ikaw ay magpatuloy hanggang sa matapos mo ang talaang ito, na aking ipinagkatiwala sa kanya.

2 At pagkatapos, masdan, may iba pa akong mga talaan, na aking ibibigay sa iyo ang kapangyarihan upang ikaw ay makatulong na magsalin.

3 Maging matiyaga, aking anak, sapagkat ito ay karunungan sa akin, at hindi kinakailangang ikaw ay magsalin sa ngayon.

4 Masdan, ang gawain kung saan tinawag kang gumawa ay magsulat para sa aking tagapaglingkod na si Joseph.

5 At, masdan, ito ay dahil sa hindi ka nagpatuloy tulad ng iyong pinasimulan, nang ikaw ay magsimulang magsalin, kaya aking kinuha ang pribilehiyong ito sa iyo.

6 Huwag bumulung-bulong, aking anak, sapagkat karunungan sa akin na ikaw ay pakitunguhan ko sa ganitong pamamaraan.

7 Masdan, hindi mo naunawaan; inakala mo na aking ibibigay ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin.

8 Subalit, masdan, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.

9 Subalit kung ito ay hindi tama wala kang madaramang gayon, kundi ikaw ay magkakaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip na magiging dahilan upang makalimutan mo ang bagay na mali; samakatwid, hindi ka makasusulat ng yaong banal maliban kung ibigay ito sa iyo mula sa akin.

10 Ngayon, kung nalaman mo ito ikaw sana ay nakapagsalin; gayunman, hindi kinakailangang ikaw ay magsalin ngayon.

11 Masdan, iyon ay kinailangan noong ikaw ay magsimula; subalit natakot ka, at ang panahon ay lumipas na, at hindi na ito kinakailangan ngayon;

12 Sapagkat, hindi mo ba namamasdan na ibinigay ko sa aking tagapaglingkod na si Joseph ang sapat na lakas, kung kaya ito ay nagawa? At sinuman sa inyo ay hindi ko inusig.

13 Gawin ang bagay na ito na aking ipinag-uutos sa iyo, at ikaw ay uunlad. Maging matapat, at huwag magpadaig sa anumang tukso.

14 Manatiling matatag sa gawain kung saan kita tinawag, at isa mang buhok sa iyong ulo ay hindi malalagas, at ikaw ay dadakilain sa huling araw. Amen.