Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 93


Bahagi 93

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, ika-6 ng Mayo 1833 (History of the Church, 1:343–346).

1–5, Lahat ng tapat ay makikita ang Panginoon; 6–18, Nagpatotoo si Juan na ang Anak ng Diyos ay nagdaan nang biyaya sa biyaya hanggang sa kanyang matanggap ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama; 19–20, Ang matatapat na tao, na nagdaan nang biyaya sa biyaya, ay tatanggap din ng kanyang kaganapan; 21–22, Yaong mga isinilang kay Cristo ay Simbahan ng Panganay; 23–28, Tumanggap si Cristo ng kabuuan ng lahat ng katotohanan, at ang tao sa pamamagitan ng pagsunod ay maaari ring matanggap yaon; 29–32, Ang tao ay kasama ng Diyos sa simula; 33–35, Ang mga elemento ay walang hanggan, at ang tao ay maaaring tumanggap ng ganap na kagalakan sa Pagkabuhay na mag-uli; 36–37, Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan; 38–40, Ang mga bata ay walang sala sa harapan ng Diyos dahil sa pagtubos ni Cristo; 41–53, Ang mga namumunong kapatid ay inutusang isaayos ang kanilang mga mag-anak.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon: Ito ay mangyayari na ang bawat kaluluwa na tatalikod sa kanyang mga kasalanan at lalapit sa akin, at mananawagan sa aking pangalan, at susunod sa aking tinig, at susunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at malalaman na ako na nga;

2 At ako ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig;

3 At na ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin, at ang Ama at ako ay isa—

4 Ang Ama dahil sa ibinigay niya sa akin ang kanyang kaganapan, at ang Anak dahil ako ay naparoon sa daigdig at ginawang laman ang aking katawan, at nanirahang kasama ng mga anak ng tao.

5 Ako ay naparoon sa daigdig at tinanggap ng aking Ama, at ang kanyang mga gawa ay malinaw na naipakita.

6 At nakita ni Juan at nagpatotoo sa kaganapan ng aking kaluwalhatian, at ang kabuuan ng talaan ni Juan ay ipahahayag pagkaraan nito.

7 At siya ay nagpatotoo, nagsasabing: Nakita ko ang kanyang kaluwalhatian, na siya ay nasa simula, bago pa itinatag ang daigdig;

8 Samakatwid, sa simula ang Salita, sapagkat siya ang Salita, maging ang sugo ng kaligtasan—

9 Ang ilaw at ang Manunubos ng sanlibutan; ang Espiritu ng katotohanan, na pumarito sa daigdig, sapagkat ang daigdig ay ginawa niya, at sa kanya ang buhay ng mga tao at ang ilaw ng mga tao.

10 Ang mga daigdig ay ginawa niya; ang mga tao ay ginawa niya; lahat ng bagay ay ginawa niya, at sa pamamagitan niya, at sa kanya.

11 At ako, si Juan, ay nagpapatotoo na napagmasdan ko ang kanyang kaluwalhatian, gaya ng kaluwalhatian ng Bugtong na Anak ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan, maging ang Espiritu ng katotohanan, na pumarito at nanirahan sa laman, at nanirahang kasama natin.

12 At ako, si Juan, ay nakita na hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit tumanggap nang biyaya sa biyaya;

13 At hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan;

14 At sa gayon siya tinawag na Anak ng Diyos, sapagkat hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula.

15 At ako, si Juan, ay nagpapatotoo, at narito, ang kalangitan ay nabuksan, at ang Espiritu Santo ay bumaba sa kanya na tulad ng isang kalapati, at dumapo sa kanya, at narinig ang isang tinig na nagmula sa langit na nagsasabing: Ito ang pinakamamahal kong Anak.

16 At ako, si Juan, ay nagpapatotoo na tinanggap niya ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama;

17 At tinanggap niya lahat ng kapangyarihan, maging sa langit at sa lupa, at ang kaluwalhatian ng Ama ay nasa kanya, sapagkat siya ay nanahan sa kanya.

18 At ito ay mangyayari na, na kung kayo ay tapat ay inyong tatanggapin ang kabuuan ng talaan ni Juan.

19 Ibinibigay ko sa inyo ang mga salitang ito upang maunawaan ninyo at malaman kung paano sumamba, at malaman kung ano ang sasambahin, upang kayo ay makarating sa Ama sa aking pangalan, sa takdang panahon ay tumanggap ng kanyang kaganapan.

20 Sapagkat kung inyong susundin ang aking mga kautusan ay tatanggapin ninyo ang kanyang kaganapan, at maluluwalhati sa akin kagaya ko sa Ama; samakatwid, sinasabi ko sa inyo, kayo ay makatatanggap nang biyaya sa biyaya.

21 At ngayon, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako sa simula ay kasama ng Ama, at ako ang Panganay;

22 At lahat ng yaong isisilang sa akin ay kabahagi ng yaon ding kaluwalhatian, at ang simbahan ng Panganay.

23 Kayo rin sa simula ay kasama ng Ama; na yaong Espiritu, maging ang Espiritu ng katotohanan;

24 At ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa;

25 At ano man ang humigit-kumulang kaysa rito ay espiritu ng yaong masama na isang sinungaling mula pa sa simula.

26 Ang Espiritu ng katotohanan ay sa Diyos. Ako ang Espiritu ng katotohanan, at si Juan ay nagpatotoo sa akin, sinasabing: Siya ay tumanggap ng kabuuan ng katotohanan, oo, maging ng lahat ng katotohanan;

27 At walang taong tatanggap ng kabuuan maliban kung siya ay sumusunod sa kanyang mga kautusan.

28 Siya na sumusunod sa kanyang mga kautusan ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay.

29 Ang tao rin sa simula ay kasama ng Diyos. Ang katalinuhan, o ang liwanag ng katotohanan, ay hindi nilikha o ginawa, ni maaaring gawin.

30 Lahat ng katotohanan ay nagsasarili sa yaong katayuan na pinaglagyan ng Diyos, upang kumilos sa kanyang sarili, gaya rin ng lahat ng katalinuhan; kung hindi ay walang pagkabuhay.

31 Masdan, narito ang kalayaan ng tao, at narito ang kaparusahan ng tao; sapagkat yaong mula sa simula ay malinaw na ipinahayag sa kanila, at hindi nila tinanggap ang liwanag.

32 At ang bawat tao na ang espiritu ay hindi tumanggap ng liwanag ay nasa ilalim ng kaparusahan.

33 Sapagkat ang tao ay espiritu. Ang mga elemento ay walang hanggan, at ang espiritu at elemento, hindi mapaghihiwalay ang kaugnayan, ay tatanggap ng ganap na kagalakan;

34 At kapag magkahiwalay, ang tao ay hindi makatatanggap ng ganap na kagalakan.

35 Ang mga elemento ang katawan ng Diyos; oo, ang tao ang katawan ng Diyos, maging mga templo; at ano mang templo ang marurumihan, wawasakin ng Diyos ang templong yaon.

36 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan, o, sa ibang salita, liwanag at katotohanan.

37 Ang liwanag at katotohanan ay tinatalikdan yaong masama.

38 Bawat espiritu ng tao ay walang kasalanan sa simula; at ang Diyos sapagkat tinubos ang tao mula sa pagkahulog, ang mga tao ay nagbalik muli sa kanilang kamusmusan na walang kasalanan sa harapan ng Diyos.

39 At yaong masama ay dumating at kinuha ang liwanag at katotohanan, sa pamamagitan ng pagsuway, mula sa mga anak ng tao, at dahil sa kaugalian ng kanilang mga ama.

40 Subalit ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan.

41 Subalit katotohanang sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na Frederick G. Williams, nagpatuloy ka sa ilalim ng ganitong kaparusahan;

42 Hindi mo tinuruan ang iyong mga anak ng liwanag at katotohanan, alinsunod sa mga kautusan; at yaong masama ay may kapangyarihan, sa ngayon, sa iyo, at ito ang dahilan ng iyong pagdurusa.

43 At ngayon isang kautusan ang ibinibigay ko sa iyo—kung ikaw ay maliligtas ay isasaayos mo ang iyong sambahayan, sapagkat maraming bagay na hindi wasto sa iyong sambahayan.

44 Katotohanan, sinasabi ko sa aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon, na sa ilang bagay ay hindi niya sinunod ang mga kautusan hinggil sa kanyang mga anak; samakatwid, una ay isaayos niya ang kanyang sambahayan.

45 Katotohanan, sinasabi ko sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., o sa ibang salita, tatawagin ko kayong mga kaibigan, sapagkat kayo ay aking mga kaibigan, at kayo ay makatatanggap ng mana kasama ko—

46 Tinawag ko kayong mga tagapaglingkod para sa kapakanan ng sanlibutan, at kayo ay kanilang mga tagapaglingkod para sa kapakanan ko—

47 At ngayon, katotohanang sinasabi ko kay Joseph Smith, Jun.—Hindi mo sinunod ang mga kautusan, at ikaw ay talagang kinakailangang kagalitan sa harapan ng Panginoon;

48 Ang iyong mag-anak ay talagang kinakailangang magsisi at talikuran ang ilang bagay, at magbigay ng higit pang matapat na pagtalima sa iyong mga sinasabi, o sila ay aalisin sa kanilang kinalalagyan.

49 Kung ano ang sinasabi ko sa isa ay sinasabi ko sa lahat; manalangin tuwina at nang huwag magkaroon ang masama ng kapangyarihan sa inyo, at alisin kayo sa inyong kinalalagyan.

50 Ang aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney rin, isang obispo ng aking simbahan, ay kinakailangang parusahan, at ayusin ang kanyang mag-anak, at tiyaking sila ay maging higit na masigasig at mapagmalasakit sa tahanan, at manalangin tuwina, o sila ay aalisin sa kanilang kinalalagyan.

51 Ngayon, sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, ang aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon ay magpatuloy sa kanyang paglalakbay, at magmadali, at ipahayag din ang kaaya-ayang taon ng Panginoon, at ang ebanghelyo ng kaligtasan, ayon sa ibibigay ko sa kanya na sasabihin; at sa pamamagitan ng inyong panalangin nang may pananampalataya lakip ang buong pagsang-ayon ay pagtitibayin ko siya.

52 At ang aking mga tagapaglingkod na sina Joseph Smith, Jun., at Frederick G. Williams ay magmadali rin, at ipagkakaloob din sa kanila maging naaayon sa panalangin na may pananampalataya; at yayamang sumusunod kayo sa aking mga sinasabi kayo ay hindi malilito sa daigdig na ito, ni sa daigdig na darating.

53 At, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na aking kalooban na kayo ay magmadali sa pagsasalin ng aking banal na kasulatan, at magtamo ng kaalaman ng kasaysayan, at ng mga bansa, at ng mga kaharian, at ng mga batas ng Diyos at tao, at lahat ng ito para sa kaligtasan ng Sion. Amen.