2004
Puso ng Isang Ina
Mayo 2004


“Puso ng Isang Ina”

Sa pagkakaroon ng puso ng isang ina, bawat babae, bata man o matanda, ay naghahanda para sa kanyang banal at walang hanggang misyon ng pagiging ina.

Madalas kong marinig ang tatay ko na inilalarawan ang nanay ko bilang isang babaeng may “puso ng isang ina,” at totoo naman. Daan-daan, marahil ay libu-libo pa ngang mga tao, ang nakadama ng impluwensiya ng kanyang pagiging ina, at nagpakadalubhasa siya sa papel na tagapangalaga. Ang kanyang patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at matibay na pagkakakilala sa sarili at layunin ang gumabay sa kanyang buhay.

Medyo may edad na siya nang makapag-asawa, ngunit noong dalaga pa siya’y ginawa niya ang lahat para umunlad. Bagama’t di-karaniwan sa panahong iyon, tapos siya ng kolehiyo at umasenso sa trabaho. Pagkatapos ng kasal, sunud-sunod na nagdatingan ang mga anak; at sa maikling panahon, lumaki ang kanyang pamilya. Lahat ng pinag-aralan niya, lahat ng likas niyang kakayahan at talino, lahat ng kanyang kasanayan, ay naipasa sa kanyang pamilyang walang hanggan. Bilang anak ng Diyos na tumutupad sa mga tipan, buong buhay siyang naghanda para maging ina.

Ano ang puso ng isang ina at paano nagkakaroon nito? Nalaman natin ang tungkol sa ganitong katangian sa mga banal na kasulatan. Sabi nga sa Mga Kawikaan: “Isang … babae [na may puso ng isang ina] sinong makakasumpong? sapagka’t ang kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi… . Siya’y gumagawang kusa ng kaniyang mga kamay… . Sa … kaniyang mga kamay ay nagtatanim siya ng ubasan… . Iginagawad niya ang kaniyang kamay sa dukha… . Kalakasan at kamahalan ay siyang kaniyang suot… . Binubuka niya ang kaniyang bibig na may karunungan; at ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila. Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan, at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran” (Mga Kawikaan 31:10, 13, 16, 20, 25–27). Ang babaeng may puso ng isang ina ay may patotoo ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at itinuturo niya ang alituntunin ng ebanghelyo nang buong katiyakan. Tumutupad siya sa mga sagradong tipan sa mga banal na templo. Buong puso siyang nagbabahagi ng mga talento at kasanayan. Nag-aaral siya hangga’t maaari, na pinaghuhusay ang kanyang isipan at espiritu sa hangaring ituro ang natutuhan niya sa susunod na mga henerasyon.

Kung siya’y may mga anak, siya’y “butihing magulang” (1 Nephi 1:1) na ipinamumuhay at itinuturo ang mga pamantayan ng pag-uugaling akma sa mga turo ng mga buhay na propeta. Tinuturuan niya ang kanyang mga anak “na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon” (D at T 68:28). Sa halip na pakinggan ang tinig at kasinungalingan ng mundo na hinaluan ng katotohanan, alam niyang ang mga pamantayan ng ebanghelyo ay batay sa mga katotohanang walang hanggan at di nagbabago. Naniniwala siya na ang pagkakaroon ng “tunay na pananagutan sa pag- aaruga sa kanyang mga anak” ay mahalaga, marangal, at “sagradong responsibilidad” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 1998, 24). Ang pag-aaruga at pagpapakain sa kanila sa pisikal ay kasingdangal ng pag-aaruga at pagpapakain sa kanila sa espirituwal. Hindi siya “[napa]pagod sa paggawa ng mabuti” at natutuwang maglingkod sa kanyang pamilya, dahil batid niyang “sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:33).

Ah, sana’y magkaroon ng patotoo ang bawat babae, bata man o matanda, ng kanyang potensyal sa walang hanggang pagiging ina kung tutuparin niya ang kanyang mga tipan sa lupa. “Bawat isa ay minamahal na espiritung anak … ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may … tadhana na tulad ng sa Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Bilang mga espiritung anak ng Diyos, ang kababaihan ay “tumanggap ng kanilang mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu at inihanda upang bumangon” (D at T 138:56) sa lupa. Kabilang sila sa “mga maharlika at dakila” (D at T 138:55) na “naghihiyawan sa kagalakan” (Job 38:7) sa pagkalikha ng daigdig dahil mabibigyan sila ng katawang-lupa at may oportunidad na “subukin” (Abraham 3:25) sa buhay na ito. Nais nilang makipagtulungan sa mabubuting lalaki para isakatuparan ang mga mithiing pangwalang-hanggan na hindi matatamong mag-isa ninuman.

Hindi sa daigdig nagsimula ang papel ng babae at hindi doon magwawakas. Ang babaeng nagpapahalaga sa pagiging ina sa mundo ay nagpapahalaga sa pagiging ina sa kabilang buhay, “sapagka’t kung saan naroon ang [kanyang] kayamanan, doon naman doroon ang [kanyang] puso” (Mateo 6:21). Sa pagkakaroon ng puso ng isang ina, bawat babae, bata man o matanda, ay naghahanda para sa kanyang banal at walang hanggang misyon ng pagiging ina. “Anumang alituntunin ng katalinuhan ang matamo [niya] sa buhay na ito, ito ay kasama [niyang] babangon sa pagkabuhay na mag-uli. At kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating” (D at T 130:18–19).

Nakakita na ako ng ilan sa mga tunay na may puso ng isang ina sa kababaihang hindi magkakaroon ng sariling mga anak sa daigdig na ito, ngunit batid nila na “lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon” at na sila’y “naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain” (D at T 64:32–33). Sa pagtupad nila sa mga tipan, namumuhunan sila sa isang maringal at bantog na hinaharap dahil alam nila na “sila na nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan” (Abraham 3:26).

Kamakailan ay nasa parke ako at may nakilala akong isang grupo ng kababaihang may puso ng isang ina. Sila’y batambata pa at tumutupad sa mga tipan. Matatalino sila at nagpakadalubhasa sa mga respetadong unibersidad. Ginamit nila ang napakaraming talino sa pagpaplano ng hapunan nang gabing iyon at nagtuturuan kung paano sisinupin ang bahay. Tinuruan nila ang mga dalawang-taong-gulang na bata na maging mabait sa isa’t isa. Inaaliw nila ang mga bata, inaalo kapag nasaktan, at pinupunasan ang mga luha. Tinanong ko ang isa sa mga ina kung paano niya masiglang ginagamit ang mga talento niya sa pagiging ina. Sagot niya’y, “Alam ko kung sino ako, at kung ano ang dapat kong gawin. Ang iba’y bunga na lang nito.” Ang batang inang iyon ay makapagpapatatag ng pananampalataya at pagkatao sa kasunod na henerasyon sa isang panalangin ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan, malakas na pagbabasa ng aklat, pag-awit, salu-salo ng pamilya. Siya’y kasama sa dakilang gawain. Alam niyang “ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon” at “maginhawa ang [babae] na pumuno ng [isang] lalagyan ng pana ng mga yaon” (Mga Awit 127:3, 5). Alam niya na ang impluwensiya ng araw-araw na matwid, matapat, at matiyagang pag-aalaga sa mga bata ay mas tumatagal, mas mabisa, mas maimpluwensiya kaysa anumang posisyon o institusyon sa mundo na likha ng tao. Naniniwala siya na, kung karapat-dapat, siya’y maaaring pagpalain tulad ni Rebeca noon na naging “ina ng yutayuta” (Genesis 24:60).

Alam ng kababaihang may puso ng isang ina at tumutupad sa mga tipan na dumating man kaagad o kahit huli na ang pagiging ina; mabigyan man sila ng “maraming” anak sa buhay na ito o hindi; dalaga man sila, may-asawa, o mag-isang bumabalikat sa responsibilidad ng pagiging magulang—sa mga banal na templo sila’y “[pinagka]kalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (D at T 38:32) at sa kaloob na iyon ay tinanggap nila ang pangakong biyaya at nahikayat, at tinanggap ang mga ito (Sa Mga Hebreo 11:13).

Bawat babae, bata man o matanda, na gumagawa at tumutupad ng mga sagradong tipan ay maaaring magkaroon ng puso ng isang ina. Walang hangganan ang magagawa ng babaeng may puso ng isang ina. Napagbago ng mabubuting babae ang takbo ng kasaysayan at patuloy na gagawin ito, at ang impluwensiya nila’y lalaganap at lalong lalago magpasawalang-hanggan. Malaki ang pasalamat ko sa Panginoon dahil ipinagkatiwala niya sa kababaihan ang banal na misyon ng pagiging ina. Gaya ni Inang Eva ako ay “natu[tu]wa” (Moises 5:11) na malaman ang mga bagay na ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.