2004
Pamumuhay Ayon sa Simple at Payak na mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa Pamilya
Mayo 2004


Pamumuhay Ayon sa Simple at Payak na mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa Pamilya

Ang payak at simpleng mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo … ay dapat maitatag sa ating mga tahanan upang matiyak ang kaligayahan ng ating pamilya.

Sa pangkalahatang pulong ng Relief Society noong Setyembre ng 1998, ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Naniniwala ako na halos lahat ng problema natin ay nag-uugat sa tahanan. Kung may dapat mang paghusayin, kung may dapat mang baguhin, kung dapat mang balikan ang luma at sagradong mga pinahahalagahan, dapat itong magsimula sa tahanan. Dito natututuhan ang katotohanan, nalilinang ang integridad, naituturo ang disiplina sa sarili, at napangangalagaan ang pagmamahal” (“Walking in the Light of the Lord,” Liahona, Ene. 1999, p. 117).

Kabilang sa luma at sagradong mga pinahahalagahan na dapat nating ibalik ay ang payak at simpleng mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga ito ay dapat maitatag sa ating mga tahanan upang matiyak ang kaligayahan ng ating pamilya.

Ipinahayag ni Pangulong Wilford Woodruff: “Kayraming alituntuning nakalaan ang Panginoon para sa atin, at ang pinakadakilang mga alituntunin niya para sa atin ay ang pinakasimple at payak. Ang unang mga alituntunin ng ebanghelyo na naghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan ang pinakasimple datapwa’t wala nang iba pang mas maluwalhati o mahalaga sa atin kaysa rito” (“Remarks,” Deseret News, 1 Abr. 1857, 27).

Dahil nga sa kapayakan at kasimplihan ng mga alituntuning ito kaya madalas ay hindi ito isinasaalang-alang kapag may problemang kinakaharap ang pamilya. Kung minsan iniisip natin na kapag mas mabigat ang problema, dapat ay mas mahirap at kumplikado ang solusyon. Ang ideyang iyan ang nagtutulak sa atin, halimbawa, na humingi ng tulong sa mga tao o institusyon maliban sa tahanan gayong ang totoo’y darating ang pinakamabisang solusyon sa pamumuhay ng dakilang mga alituntunin ng ebanghelyo sa ating tahanan sa mga mumunti nating kilos at tungkulin sa buhay sa araw-araw. Ipinaaalala sa atin ng mga banal na kasulatan “na sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).

Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ipinahayag ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahal, awa, gawa, at mga kapaki-pakinabang na gawain” (Liahona, Okt. 1998, 24).

Sa pagsusuri ng mga alituntuning ito, makikita natin na karamihan dito ay magkakaugnay at magkakatugma at ang kapangyarihang nagbibigay-daan upang mailakip ito sa ating buhay ay nagmumula sa nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Manunubos at Tagapagligtas na si Jesucristo.

Sa sandaling ipamuhay ang mga alituntuning ito, magsisilbi itong liwanag na tatanglaw sa bawat miyembro ng pamilya at unti-unti tayong hihikayating ipamuhay ang iba pang kaugnay na mga pinahahalagahan at alituntuning magpapatatag sa samahan ng pamilya. Alam natin na “siya na tumatanggap ng liwanag at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag pa nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24).

Kung magtatagumpay tayo sa pagtatatag at pagsuporta sa ating pamilya, sa pamumuhay ng mga alituntuning ito, makikita natin ang mabisang impluwensya nito sa mga sitwasyong umaapekto sa ating tahanan sa araw-araw. Anumang sama ng loob bunga ng di pagkakasundo sa pagsasama ay maghihilom. Mapapatawad ang mga pagkakamali. Mapapalitan ng kapakumbabaan, habag, at pagmamahal ang kayabangan at pagkamakasarili.

Ang mga alituntuning pipiliin nating ipamuhay ang magpapasiya sa magiging impluwensya natin sa pakikitungo sa iba. Kapag sinusunod natin ang isang alituntunin, nababanaag sa atin at nadarama ng iba ang impluwensya nito.

Higit kailanman, kapag nakikita natin ngayon na inaatake ng mga puwersa ng kasamaan ang pamilya—tulad noong panahon ng propetang si Mormon, nang “ang kapangyarihan ng yaong masama ay nakapangyari sa ibabaw ng buong lupain” (Mormon 1:19) —kailangan nating mga magulang na ipamuhay ang mga alituntuning ito upang mabanaag at madama ng ating mga anak ang impluwensyang ito.

Nais kong ipakita kung paano maipamumuhay ang mga alituntuning ito, na kabahagi ng proseso na magbibigay-bisa sa Pagbabayad-sala sa buhay ng mga tao at pamilya. Ang prosesong ito ay nagsisimula sa unang alituntunin ng ebanghelyo, ang pananampalataya.

Sa daigdig na pabagu-bago ang mga pinahahalagahan kung saan “[tinatawag na] mabuti [ang] masama at masama [ang] mabuti” (tingnan sa Isaias 5:20), pinupuspos tayo ng mga salita ni Mormon ng pag-asa at tiwala sa pagtuturo sa atin na si Jesucristo ay “inaangkin ang lahat ng yaong may pananampalataya sa kanya; at sila na may pananampalataya sa kanya ay kakapit sa bawat mabuting bagay” (Moroni 7:28).

Ang pananampalatayang iyan na nagpapakapit sa atin sa bawat mabuting bagay ay dumarating sa pakikinig sa salita ng Diyos (Mga Taga Roma 10:17), at ang salitang ito ay naririnig nang mas makapangyarihan sa mga leksyon sa family home evening at sa pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya. Walang ibang mas mainam na lugar para magpatatag ng pananampalataya kaysa sa tahanan, kung saan napatutunayan at naipamumuhay ang mga leksyon sa araw-araw.

Sa tahanan natututuhan ng isang tao na malapit ang kaugnayan ng pananampalataya sa Pagbabayad-sala, “ito ang layunin ng huling haing ito, upang madala ang mga sisidlan ng awa, na nangingibabaw sa katarungan, at nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi” (Alma 34:15).

Kung walang epekto ang Pagbabayad-sala sa ating buhay, imposible tayong magkaroon ng uri ng pananampalatayang kailangan para magsisi, kaya hindi tayo masasaklaw ng kahanga-hangang plano ng awa dahil “siya lamang na may pananampalataya tungo sa pagsisisi ang madadala sa dakila at walang hanggang plano ng pagtubos” (Alma 34:16).

Ang pagsisisi, ang pagbabagong iyan sa ating puso, bunga ng pagmamahal sa Panginoon, na naglalayo sa atin sa kasalanan at nagpapasakop sa Kanyang kalooban, ay “maaaring magkabisa at tanggapin ng Diyos” “tanging sa pamamagitan lamang ng pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsisi, Pagsisisi,” p. 142).

Sa sandaling tanggapin ng Diyos ang pagsisisi, ang prosesong inilalarawan natin ang nag-aakay sa ating makibahagi sa mga ordenansa at tipang kaugnay nito, tulad ng binyag at kumpirmasyon. Napapanibago ang mga tipang ito kapag regular at marapat tayong nakikibahagi ng sakrament, at pagkatapos ay patatawarin tayo sa ating mga kasalanan.

Matapos mapatawad sa mga kasalanan at magpunyaging panatilihin ito sa pagsunod sa mga utos, tulad ng inilarawan sa aklat ni Moroni, tatanggap tayo ng kaamuan at mapagpakumbabang puso, na dadalawin ng Espiritu Santo, kung aling Mang-aaliw ay pupunuin tayo ng pag-asa at ganap na pag-ibig, pag-ibig na mapananatili natin sa matiyagang panalangin (tingnan sa Moroni 8:26).

Ang taong nagtatamo ng kaamuan at mapagpakumbabang puso at nasisiyahang makapiling ang Espiritu Santo ay hindi nanaising saktan ang iba, ni hindi siya maaapektuhan ng pananakit ng iba. Mamahalin niya at igagalang ang kanyang asawa at mga anak at pakikisamahang mabuti ang lahat ng kahalubilo niya. Ipamumuhay niya ang mga alituntuning sinusunod niya sa tahanan sa kanyang pamumuno sa Simbahan, na ipinakikitang iisa ang pagkatao niya sa sarili niyang tahanan at sa pakikisama niya sa mga miyembro ng Simbahan.

Ang mga alituntuning tulad ng pananampalataya, pagsisisi, pagmamahal, pagpapatawad, at panalangin, na naipamuhay sa prosesong ipinaliwanag ko, ay nagiging pinakamahusay na panlaban sa kasalanan, na makikita sa pamilya sa iba’t ibang paraan, tulad ng imoralidad, kapalaluan, inggit, pagtatalu-talo, pang-aabuso, at iba pang mga gawing umaapekto sa samahan ng pamilya at nagbubunga ng pasakit, panlilinlang, at pagwawatak-watak nito.

Ang desisyong ipamuhay ito at ang pagkakataong simulan ang proseso nito kung kailan ito kailanganin ay sa pagpili lang natin nakasalalay. Ito ay simpleng prosesong abot-kaya ng lahat. Batay ito sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo na matagumpay na naisagawa at patuloy na isinasagawa ng nagtitiwala sa Panginoon.

Katungkulan nating patuloy itong ituro sa daigdig na laging higit na nangangailangan nito, sapagkat:

“Nag-utos ba siya sa sino man na hindi sila makababahagi ng kanyang kaligtasan? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; kundi malaya niya itong ibinibigay sa lahat ng tao, at inuutusan niya ang kanyang mga tao na nararapat nilang hikayatin ang lahat ng tao na magsisi” (2 Nephi 26:27).

Pinatototohanan ko sa inyo ang mga alituntuning ito. Pinatototohanan ko na ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na maipamuhay natin ito. Alam ko ito dahil pinagsisikapan namin ng pamilya ko na mamuhay alinsunod dito. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.