2004
Maniwala!
Mayo 2004


Maniwala!

Maniwala sa inyong sarili. Maniwalang hindi kayo kailanman mag-iisa. Maniwalang gagabayan kayo tuwina.

Ilang buwan na ang nakalilipas, naanyayahan akong magsalita sa mga kabataang babae sa stake na kinalakihan ko. Natuwa at nasabik ako sa pagkakataong ito. Sumama sa akin ang nanay ko, at medyo maaga kaming dumating. Idinaos ang miting sa gusali kung saan ako nagsimba hanggang sa umalis ako para mag-aral sa kolehiyo. Matagal na rin akong di nakabalik doon, at hindi ko inaasahan ang nangyari nang pumasok ako sa pintuan. Nagbalik ang maraming alaala at nagsimula akong umiyak. Tumingin sa akin ang nanay ko at sinabing, “Elaine, huwag ka ngang umiyak.” Pero naiyak pa rin ako nang makita ko ang opisina sa itaas ng magandang hagdanang marmol kung saan naglingkod ang tatay ko bilang bishop. Nang marating ko na ang itaas ng hagdanan, bukas ang pintuan ng opisina ng bishop. Pumasok ako sa loob at nakita kong ginawa itong maliit na silid-aralan, at muling nagbalik sa akin ang mga alaala. Naaalala kong nakaupo si itay sa likod ng mesa at ako naman na maliit pa noon ay nakaupo sa silyang nasa harapan nito habang nagbabayad ng ikapu at bilang dalagita na iniinterbyu at tumatanggap ng mga basbas ng priesthood. Mahal ko ang gusaling iyon dahil sa mga espirituwal na karanasan at damdaming nadama ko roon.

Noong maliit ako’y madalas akong sumama sa tatay kong bishop sa simbahan at hinihintay siya hanggang matapos ang mga miting o interbyu niya. Panay ang libot ko. Alam ko ang bawat sulok at bahagi ng gusaling iyon. Isa sa mga paborito kong silid ang tower room. Ito’y malaking silid sa itaas ng matarik na hagdan. Doo’y may larawan ng Tagapagligtas, na nakasabit sa ibabaw ng malaking fireplace. Lagi akong nagaganyak pumunta sa silid na iyon. Inaakyat ko ang hagdan at tahimik na pumapasok. Uupo ako sa silya at mamasdan ang larawan ng Tagapagligtas at mananalangin sa Ama sa Langit. Mga simpleng dalangin ito. Pero sa tuwing magdarasal ako, parang napupuspos ako ng kakaibang damdamin, at alam kong naririnig Niya ang musmos kong mga dalangin. Doon ako nagsimulang maniwala.

Nangako ang Panginoon na kung tayo’y “masigasig na maghanap manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, … lahat ng bagay … ay magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti” (D at T 90:24; idinagdag ang pagbibigay-diin). Hindi ibig sabihin na magiging perpekto ang lahat o hindi na tayo daranas ng pagsubok, kundi ang ibig sabihin nito’y magiging ayos ang lahat kung tayo’y “magtitiyaga hanggang wakas.” Nasa atin ang pagkakataong “maging uliran ng mga nagsisisampalataya” (1 Kay Timoteo 4:12), at ipinangako ng Tagapagligtas na “lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya” (Marcos 9:23). Kaya, maniwala sa inyong sarili. Maniwalang hindi kayo kailanman mag-iisa. Maniwalang gagabayan kayo tuwina.

Maniwala sa Inyong Sarili

Sinabi ni Elder David B. Haight ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa inyo: “Naniniwala kami sa inyo, ang inyong mga magulang at kapatid ay naniniwala sa inyo, at inaasahan ng Diyos na gagawin ninyo ang lahat ng magagawa ninyo. Dapat maniwala kayo sa inyong sarili. Huwag kayong susuko kahit nahihirapan kayo, sapagkat kayo ay nagtatatag ng saligan ng isang dakilang gawain, at ang dakilang gawaing iyon ay ang buhay ninyo” (“A Time for Preparation,” Ensign, Nob. 1991, 38).

Sinabi sa atin ni Pangulong Hinckley, “Naniniwala ako sa sarili ko. Hindi ito pagyayabang. Ngunit naniniwala ako sa kakayahan ko at sa kakayahan ninyong gumawa ng mabuti, mag-ambag sa lipunang kinabibilangan natin, lumago at umunlad, at gawin ang mga bagay na inaakala nating imposible ngayon… . Naniniwala ako sa prinsipyong may magagawa akong kaibhan sa daigdig na ito. Maaaring napakaliit nito. Ngunit may kabutihang maidaragdag ito” (“I Believe,” Tambuli, Mar. 1993, 8).

Isa kayo sa mga dakilang henerasyon ng mga kabataang nabuhay sa mundong ito. Bago kayo naparito sa lupa kayo’y tinuruan ng inyong Ama. Inilaan kayong isilang sa mundo dahil sa espesyal na layunin. May mga bagay kayong gagawin sa lupa na kayo lang ang mahusay na makagagawa. May tadhana kayong isasakatuparan.

Ang inyong mabuting halimbawa bilang isa sa mga naniniwala ay malaki ang kaibhang magagawa sa mundo, kung kaya’t “huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain” (D at T 64:33).

Maniwalang Hindi Kayo Kailanman Mag-iisa

Habang nagsisikap kayong maging uliran ng nagsisisampalataya, maaaring madama ninyo na nag-iisa kayo. Madarama ninyong kayo lang ang nagsisikap nang husto na magpakabuti at magpakalinis. Madarama ninyong kayo lang ang nagsisikap na magpakahinhin sa inyong paggalaw, pananalita, at anyo. Ngunit hindi kayo nag-iisa. Libu-libo pang kabataang tulad ninyo sa buong mundo ang nagsisikap maging halimbawa ng nagsisisampalataya.

Sina Carmelita at Rosario, dalawang kabataan sa Jalapa, Mexico ay kabilang sa mga nagsisisampalatayang iyon. Sila lang ang miyembro ng Simbahan sa pamilya nila at namumuhay silang mag-isa. Nang bisitahin ko ang maliit nilang bahay, sinabi nilang alam nilang mahal na mahal sila ng Ama sa Langit dahil ipinadala Niya ang mga misyonero para ituro sa kanila ang ebanghelyo. Kahit nahihirapan sila, umaasa sila bawat araw sa mapagmahal na pagkalinga at patnubay ng kanilang Ama sa Langit.

Kina Carmelita at Rosario at sa bawat isa sa inyo, pinatototohanan ko na hindi kayo nag-iisa. Ipinangako ng Panginoon: “Ako ay nagpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).

Maniwalang Gagabayan Kayo

Sa masigasig na pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan at pagdarasal sa tuwina, gagabayan kayo ng Panginoon. Isang kabataang babae ang nakinig sa salita ng mga propeta habang binabasa sa kanya ng mga misyonero ang mga talata mula sa Aklat ni Mormon. Hindi pa naisalin sa wika niya ang Aklat ni Mormon, pero nang isalin ng mga misyonero ang mga salita para sa kanya, naniwala siya at nabinyagan. Naging halimbawa siya ng mga nagsisisampalataya sa Mongolia.

Kalaunan tinawag siyang magmisyon sa Salt Lake City. Tuwang-tuwa siya. Natuto siya ng wikang Ingles, at bumili ng sarili niyang banal na kasulatan. Nang bumisita siya sa amin, mapitagan siyang nagbasa mula sa kanyang mga banal na kasulatan. Mahal niya ang mga ito. Napansin kong halos lahat ng pahina ay may salungguhit na dilaw. Sabi ko, “Sister Sarantsetseg, parang mga Laminang Ginto ang mga banal na kasulatan mo.” Sumagot siya, “ginuguhitan ko lang ang mga bagay na gusto ko.”

Akma sa buhay nating lahat ang nasa mga banal na kasulatan. Sinasagot ng mga banal na kasulatan ang ating mga tanong, nagbibigay ito ng halimbawa ng mga taong huwaran at magigiting, at tumutulong ang mga ito upang maunawaan natin kung paano harapin ang mga hamon at pagsubok. Kadalasan ang mga banal na kasulatang binabasa ninyo ang magiging sagot sa inyong mga dalangin.

Noong halos kaedad ninyo ako, nagkasakit nang malubha ang tatay ko. Akala namin trangkaso lang, pero habang tumatagal ay lalo itong lumala. Noon ko lang nalaman ang ibig sabihin ng “manalangin tuwina” (2 Nephi 32:9). Lagi akong nagdarasal sa puso ko at naghahanap ng lugar kung saan ako mapag-iisa at maibubuhos ang aking kaluluwa sa Ama sa Langit upang hilingin na pagalingin ang tatay ko. Pagkalipas ng ilang linggong pagkakasakit, namatay ang tatay ko. Nabigla ako at natakot. Ano ang gagawin ng pamilya ko ngayong wala na si Itay na mahal na mahal namin? Paano kaming magpapatuloy? Inisip kong hindi dininig ni sinagot ng Ama sa Langit ang taimtim na mga dalangin ko. Nasubok ang pananampalataya ko. Tinanong ko ang Ama sa Langit—“Ama sa Langit, talaga bang nariyan kayo?”

Sa loob ng maraming buwan, nanalangin ako para sa tulong at gabay. Nanalangin ako para sa pamilya ko, at nanalangin akong maunawaan kung bakit hindi pinagaling ang tatay ko. Matagal-tagal ding tila walang sagot mula sa langit, ngunit patuloy naming idinalangin ng pamilya ko na aliwin at gabayan kami. Patuloy rin akong nagdasal. Isang araw, pagkalipas ng ilang buwan, habang nakaupo ako sa sakrament miting, dumating ang sagot sa pamamagitan ng banal na kasulatan. Sinabi ng tagapagsalita, “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kanyang ituturo ang iyong mga landas” (Mga Kawikaan 3:5–6). Napayapa ako, at parang ako lang ang tao sa kapilya. Iyon ang sagot sa akin. Dininig ng Ama sa Langit ang mga panalangin ko!

Matagal nang nangyari ang karanasang iyon, ngunit tandang-tanda ko pa rin ito, at nagpapatotoo ako na ginabayan Niya ang aking landas. Alam ko na kapag naniniwala at nagtitiwala tayo sa Kanya, “lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti.”

Ngayon ang panawagan sa bawat isa sa inyo ay tulad din ng panawagan ni Apostol Pablo sa kanyang batang kaibigang si Timoteo: “Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya” (1 Kay Timoteo 4:12). Gagawin ba ninyo iyan? Ipapakita ba ninyo sa mundo at sa Panginoon na naniniwala kayo sa pamamagitan ng inyong pananamit, pananalita, paggalang sa inyong katawan, sa mismong kadalisayan ng inyong buhay? Kailangan ng mundo ng mga kabataang babae na nagsisisampalataya.

Maniwala sa Tagapagligtas. Mahal Niya kayo, at pinatototohanan ko na hindi Niya kayo iiwang nag-iisa. Ipinangako niya:

Ako’y kapiling, kung kaya’t huwag mangamba,

Ako’y inyong Diyos na tutulong sa t’wina.

Itataguyod at lakas ay iaalay.

Kamay ko ang s’yang sa inyo’y maggagabay.

(“Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47; tingnan din sa Isaias 41:10; 43:2–5).

Naniniwala ako na kaya ng bawat isa sa inyo na baguhin ang mundo. Maniwala sa inyong sarili. Maniwalang hindi kayo nag-iisa. Maniwalang gagabayan kayo. sa pangalan ni Jesucristo, amen.