2004
Nakuha Ba Ninyo ang Tamang Mensahe?
Mayo 2004


Nakuha Ba Ninyo ang Tamang Mensahe?

Dapat nating panatilihing maayos ang ating buhay nang sa gayon kapag tumanggap tayo ng mensahe … na nagsasabi ng ipagagawa ng Panginoon sa atin ay makatugon tayo.

Mahal kong mga kapatid at kaibigan, binabati ko kayo sa diwa ng pakikisama at pagmamahal. Tayo’y nabubuhay sa kahanga-hangang panahon ng palitan ng impormasyon. Napakaraming impormasyong ipinadadala sa e-mail, fax, mga cellphone, at iba pang paraan. Sa katunayan sobra ang dami ng mga mensahe. Sa dami nito’y baka may mahalagang mensahe tayong hindi makuha, at maaaring masama ang ibunga nito.

Halimbawa, noong panahon ng digmaan ang mga mensaheng hindi nakuha ng mga pinuno at sundalong nakikipaglaban ay nagbunga ng kalituhan at pagkamatay. Noong Unang Digmaang Pandaigdig, ang 308th Infantry ay inutusang lumaban sa pagtatangkang kunin at sakupin ang bahagi ng Argonne Forest anuman ang mangyari. Sa tindi ng labanan umatras ang suportang mga sundalo sa kaliwa’t kanan ng isang batalyon, kaya’t napaligiran ng mga kalaban at naiwang walang suporta ang batalyon. Dahil nawala ang komunikasyon ng headquarters sa kanila, tinawag silang Lost Battalion.

Nakipag-ugnayan ang batalyon sa headquarters sa pamamagitan ng mga kalapating tagahatid ng mga mensahe mula sa kinaroroonan ng batalyon patungo sa headquarters. Gayunman, paglipad pa lang ng mga kalapati’y binaril agad ito ng puwersa ng mga kalaban. Ang sariling artillery ng Lost Battalion, na di alam ang kanilang kinaroroonan, ay pinaputukan ang kinatatayuan nila at marami ang namatay. Naubusan ng pagkain at inumin ang batalyon, ngunit nanatili sila sa kanilang posisyon at hindi sumuko kahit maraming nasawi sa kanila . Sa wakas, isang kalapating tinawag na Cher Ami, bagama’t nabaril, ang nakarating sa headquarters hatid ang mensaheng tumutukoy sa kinaroroonan ng batalyon. Nailigtas ang mga nalabi sa batalyon dahil sa isang napakahalagang mensaheng naiparating.1

Masama ang ibinubunga kapag hindi natin nakukuha ang mahahalagang mensahe, lalo na kung ito’y mula sa Diyos. Sa kasaysayan ng daigdig ang Diyos ay nagpadala ng mga mensahe sa maraming paraan. Pinapastol ni Moises ang kawan ng biyenan niya sa ilang nang makita niya ang “isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punong kahoy.”2 Inusisa niya at inalam kung bakit hindi natutupok ang puno.3Nang tingnan ito ni Moises, “tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punong kahoy, at sinabi, Moises, Moises. At kaniyang sinabi, Narito ako.”4 Sinabi ng Diyos, “Hubarin mo ang … panyapak sa iyong mga paa, sapagka’t ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.”5 Pinili ng Diyos na kausapin si Moises mula sa nagniningas na puno. Sinabi Niya na may ipagagawa Siya kay Moises—lalo na ang paglalabas sa mga anak ni Israel mula sa Egipto sa “lupaing binubukalan ng gatas at pulot.”6

Minsan lang dumating ang salita ng Panginoon sa nagniningas na palumpong na hindi natutupok. Iba naman ang naranasan ni propetang Elias. Naghintay siya hanggang “ang Panginoon ay nagdaan, at bumuka ang mga bundok sa harap sa pamamagitan ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputol-putol ang mga bato sa harap ng Panginoon; nguni’t ang Panginoon ay wala sa hangin: at pagkatapos ng hangin ay isang lindol; nguni’t ang Panginoon ay wala sa lindol: at pagkatapos ng lindol ay apoy; nguni’t ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang marahang bulong na tinig.”7

Ang mga mensahe ay karaniwang naipapahayag sa marahan at bulong na tinig, na kumakausap sa ating lahat sa mga banal na kasulatan, makabagong propeta, at personal na paghahayag.

Kung minsan ayaw nating makarinig ng mga mensahe mula sa Diyos. Halimbawa, tinawag ng Panginoon si Jonas para pumunta sa Ninive at mangaral ng pagsisisi. Ngunit binalewala ni Jonas ang mensahe at tumakas patungong Joppe, at doo’y sumakay ng barko patungong Tarsis para takasan ang Panginoon. Gayunman, ang Panginoon ay nagpadala ng malakas na unos sa dagat. Natakot ang mga mandaragat, at para paglubagin ang kalooban ng Panginoon ay itinapon nila si Jonas sa dagat. Nilulon ng malaking isda si Jonas, at tatlong araw at tatlong gabi siyang nasa tiyan ng isda. Nanalangin si Jonas para mapatawad at maligtas, at iniluwa siya ng isda sa tuyong lupa. Nang muling dumating ang salita ng Panginoon kay Jonas, siya’y nakinig at yumaon upang mangaral ng pagsisisi sa mga tao ng Ninive.8

Maaaring kailangan ng ilan sa atin ang kagila-gilalas na karanasang gaya ng nagniningas na puno para magising. Sa gayong karanasan ang kahalagahan ng anuman—ng tao, sitwasyon, bagay—ay agad nauunawaan. Batid nating ito’y inspirasyon. Ang maunawaan sa pamamagitan ng inspirasyon ang tunay na kahulugan ng mga karaniwan at ordinaryong bagay sa buhay ay espesyal na kaloob. Hindi nauunawaan ng maraming tao ang inspirasyon dahil ang “dakilang kapangyarihan [ng Diyos] … [ay] tila maliit sa pang-unawa ng tao”9 o dahil sila’y “unti-unting hindi na nanggigilalas sa isang palatandaan o kababalaghan mula sa langit.”10

Natutuhan ko sa murang edad na maaaring dumating ang inspirasyon kahit kanino. Noong third year high school ako, nahirapan ako sa isang klaseng di ko maunawaan ang karamihan sa itinuturo. Isang araw tinanong ako ng titser. Hindi ko naunawaan ang tanong, at lalong hindi ko alam ang sagot. Mula sa kung saan ay sumagi sa isipan ko ang sagot, na binanggit ko sa titser. Iyon ang tamang sagot, pero alam kong hindi iyon galing sa akin.

Kaya paano natin makikilala ang inspirasyon kapag dumating ito? Sabi ni Enos, “At samantalang ako ay nasa gayong pagpupunyagi, masdan, ang tinig ng Panginoon ay sumaisip kong muli.”11 Hindi naman kailangang marinig ang tinig ng espiritu ng paghahayag, pero ito ay nagbibigay ng banal na patunay sa ating isipan at damdamin. Gaya ng sabi sa atin sa Doktrina at mga Tipan, “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso.”12 Talasan natin ang ating pakiramdam sa banal na tinig na iyon.

Ang una kong radyo ay yari sa kristal. Mahirap itong itapat sa alinmang istasyon ng radyo. Kinikiskis ko ang manipis na alambreng tumatanggap ng signal sa ibabaw ng magaspang na kristal para makita kung saan nakatapat ang dulo ng pin, isang maliit na tatsulok sa ibabaw ng kristal na tumatanggap ng signal. Malihis lang nang kaunti ang alinmang dulo ng pin na iyon ay nawawala na ang signal at iingay na ang tunog. Sa paglipas ng panahon, sa tiyaga at pagtitiis, malinaw na paningin, at matatag na kamay, mas madali kong natutuhang hanapin ang signal sa kristal.

Ganoon din ang inspirasyon. Dapat ay nakaayon tayo sa inspirasyong mula sa Diyos at huwag makinig sa ingay at impluwensya ng mundo. Dapat nating sikaping umayon. Karamihan sa atin ay kailangan ng matagal na panahon bago makaayon. Noong katatawag pa lang sa akin na maging General Authority, sinabi sa amin ni Pangulong Marion G. Romney, na noo’y mga edad 70 na, “Alam ko kung iniimpluwensyahan ako ng Espiritu at kung hindi.” Banal na kaloob ang makilalang ginagabayan ng Espiritu ang isang tao.

Hinggil sa makabagong komunikasyon, nakatulong ang radyong kristal sa pagsisimula ng makabagong paraan ng komunikasyon. Sa pagsulong ng teknolohiya, cellphone na ang gamit sa maraming komunikasyon sa ating panahon. Gayunman, paminsan-minsan ay napupunta tayo sa lugar na walang signal ang cellphone. Nangyayari ito kapag ang gumagamit ng cellphone ay nasa tunnel o kuweba, o may iba pang sagabal.

Gayon din sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ang marahang bulong na tinig, bagama’t marahan at pabulong, ay mabisa. Ito’y “bumubulong at tumatagos sa lahat ng bagay.”13 Pero gaya ng aking lumang radyong kristal, marahil naroon ang mensahe pero di natin ito natatanggap. Siguro’y may ilang bagay sa buhay na humahadlang sa atin para marinig ang mensahe dahil tayo’y “manhid.”14 Kadalasan tayo’y nasa lugar na patay sa espirituwal—mga lugar at sitwasyong hadlang sa mga banal na mensahe. Kabilang sa mga ito ang galit, pornograpiya, kasalanan, pagkamakasarili, at mga sitwasyong hindi angkop sa Espiritu.

Dumarating sa atin ang mga mensahe nang tuwiran mula sa banal na pinagmulan at sa pamamagitan ng mga pinuno sa Simbahan. Mahalaga rin ang mga mensaheng galing sa ating mga magulang at lolo’t lola. Maaaring ayaw natin ang mga mensahe ng ating magulang. Ngunit dahil sa karanasan at panahon, natatanto natin na ang mga inspiradong mensahe ng ating ama’t ina ay mensahe ng pagmamahal. Ang pagsunod sa payo ng ating mga magulang ay isang paraan ng pagsunod sa kautusang, “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.”15

Ang isang mensaheng nakakaligtaan ng napakarami sa ating panahon ay ang utos sa atin ng Panginoon na “[panatilihin ang ating] sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan.”16 Sinabi sa atin na maraming tinawag, “subalit iilan ang napili,” at ito’y dahil sa “ang kanilang mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito.”17

Ang pinakadakilang mensahe ng Tagapagligtas sa Sermon sa Bundok ay kasinghalaga ng “nagniningas na puno” sa ating lahat, “Sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran.”18 Kailangang tumagos ang mensaheng ito sa ating puso at kaluluwa. Sa pagtanggap natin ng mensaheng ito ay nagpapasiya tayo kung saan papanig sa buhay na ito. Ang regular na pagdalo sa templo ay tutulong sa atin na laging hangaring itatag ang kaharian ng Diyos. Ngayong 117 na ang templo sa mundo, kailanma’y hindi gayon kadami ang nakakapunta sa mga banal na bahay ng Panginoon.

Ang isa pang napakahalagang mensahe ay ang pagpapatibay at pangangalaga sa ating pamilya. Napakaraming pamilya ang nagkakawatak-watak. Walang patid ang bunga ng napakalungkot na kalakarang ito. Ang kaligayahan sa pag-aasawa ay nagsisimula sa mag-asawang nagsasama sa pag-ibig, kabaitan, at paggalang sa isa’t isa, na matwid at mapagpakumbaba sa harapan ng Panginoon. Nakasalalay ito sa katapatan sa lahat ng sinumpaan at tipan. Kapag nagkakawatak-watak ang pamilya sa anumang kadahilanan, kailangang pagsikapan nang husto ng mga magulang na itaguyod at tulungan ang inosenteng mga miyembro ng pamilya.

Ang isa pang mahalagang mensahe ay maging tapat tayo sa Panginoon, sa ating sarili, at sa lahat ng tao. Kailangan tayong magbayad ng tapat na ikapu, mamuhay nang ayon sa ating kita at mag-ipon para sa oras ng kagipitan. Ang pangungutang ay pagkaalipin dahil “ang nanghihiram [ay] alipin [ng] nagpapahiram.”19 Ang ilang pangungutang ay maaaring kailangan, tulad ng pagbili ng bahay at pag-aaral. Ang payo ng Panginoon ay “bayaran ang utang … [at] palayain ang iyong sarili sa pagkakautang.”20

Binibigyan tayo ng Diyos ng mga tagubilin o payo para masunod natin ang Kanyang kalooban. Kadalasa’y inihahanda tayo nito para sa isang tiyak na gawain. Ganito ang nangyari kay Moises sa mensahe sa nagniningas na puno. Dapat nating isaayos ang ating buhay nang sa gayon kapag tumanggap tayo ng mensaheng tulad ng sa nagniningas na palumpong na nagsasabi ng ipagagawa ng Panginoon sa atin ay makatugon tayo. Kailangan nating tiyakin na nasa lugar tayo para kilalanin at gawin ito.

Sa ating panahon ay dinadagsa tayo ng mga mensahe mula sa kung saan-saan, kapwa makamundo at espirituwal. Paano natin malalaman kung ano ang pinakamahalaga sa atin? Mungkahi kong tingnan natin ang pinagmulan ng mga mensahe at kung bakit ito ipinadala. Binigyan tayo ng Panginoon ng gabay sa pamamagitan ni propetang Alma: “Ano mang mabuti ay nagbubuhat sa Diyos; at ano mang masama ay nagbubuhat sa diyablo.”21 Sikapin nating maging karapat-dapat para hindi natin makaligtaan ang mahahalagang mensaheng mula sa Diyos. Sa huli’y taglay ng mga mensaheng ito ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Malaking pribilehiyo para sa akin ang makilala at makasama ang mahigit kalahati sa mga Pangulo ng Simbahan mula kay Propetang Joseph. Nakilala ko si Pangulong Heber J. Grant noong priest pa ako sa Aaronic Priesthood. Minahal ko siya tulad ng pagmamahal ko sa lahat ng Pangulo mula noon. Hinangad kong mamuhay nang naaayon sa kanilang mga payo.

Sa siyam na taong paglilingkod namin ni Pangulong Thomas S. Monson bilang mga tagapayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley, nalaman ko’t nadama nang lubusan at walang alinlangan na si Pangulong Hickley ang inspiradong Pangulo at propeta sa ating panahon. Pinatototohanan ko na nalaman at natanggap at patuloy na tatanggapin niya ang kaisipan at kalooban ng Panginoon para sa mga taong ito at sa buong mundo. Dapat nating hangarin at laging sundin ang mga mensahe ng propeta na nagmumula sa kasalukuyang Pangulo ng Simbahan. Nawa’y gawin natin ito, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Tingnan sa Buck Private McCollum, History and Rhymes of the Lost Battalion (1939).

  2. Exodo 3:2.

  3. Tingnan sa Exodo 3:3.

  4. Exodo 3:4.

  5. Exodo 3:5.

  6. Exodo 3:8.

  7. I Mga Hari 19:11–12.

  8. Tingnan sa Jonas 1–3.

  9. Eter 3:5.

  10. 3 Nephi 2:1.

  11. Enos 1:10.

  12. D at T 8:2.

  13. D at T 85:6.

  14. Tingnan sa 1 Nephi 17:45.

  15. Exodo 20:12.

  16. D at T 59:9.

  17. D at T 121:34–35.

  18. Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38; tingnan din sa Mateo 6:33.

  19. Mga Kawikaan 22:7.

  20. D at T 19:35.

  21. Alma 5:40.