2004
Sapagka’t Ako’y Nagutom, at Ako’y Inyong Pinakain
Mayo 2004


“Sapagka’t Ako’y Nagutom, at Ako’y Inyong Pinakain”

Saanman may pangangailangang dulot ng anumang kadahilanan, naparoon ang mga kinatawan ng Simbahan… . Personal kong nasaksihan ang pagiging epektibo ng ating tulong-pantao.

Noong 1936, 68 taon na ang nakalipas, binanggit sa akin ng isa sa mga sekretarya ng Korum ng Labindalawa ang sinabi ng isang miyembro ng Labindalawa. Sabi niya, sa darating na pangkalahatang kumperensya ay ibabalita ang isang programang mas kikilalaning mas kapuri-puri kaysa pagdating ng ating mga tagabunsod sa lambak na ito.

Ngayon, ang totoo, hindi ninyo dapat sabihin ang anumang kumpidensyal sa inyong sekretarya at hindi rin niya dapat sabihin sa iba ang anumang kumpidensyal na impormasyong ibinigay sa kanya.

Subalit, nangyari iyan noon pa. Hindi na ito nangyayari ngayon. At dapat kong idagdag, kailanman ay hindi nagawa ng mahuhusay kong sekretarya ang magbigay ng kumpidensyal na impormasyon sa iba.

Tulad ng batid ninyong mga nakakaalam sa kasaysayan, ibinalita noon ang tungkol sa Church security plan, na ang pangalan kinalaunan ay tinawag na Church welfare program.

Pinag-isipan ko noong panahong iyon kung paano naging mas mahalaga sa paningin ninuman ang anumang ginawa ng Simbahan kaysa sa makasaysayang pagtitipon ng mga miyembro sa kanluraning lambak ng Estados Unidos. Iyon ay paglalakbay ng napakaraming tao na sa palagay ko’y kapuri-puri. Subalit natuklasan ko ang isang kawili-wiling bagay nitong bandang huli.

Tumatanggap kami ng mga kilalang panauhin sa Tanggapan ng Unang Panguluhan. Kabilang dito ang mga pinuno ng pamahalaan at embahador ng mga bansa. Nitong mga nakaraang linggo, panauhin namin ang mayor ng isa sa mga kilalang lungsod sa daigdig. Bisita rin namin kamakailan ang pangalawang pangulo at ang mga embahador ng Ecuador, Lithuania, Belarus, at iba pa. Sa mga pag-uusap namin walang isa man sa kanila ang bumanggit sa dakilang paglalakbay ng ating mga ninunong pioneer. Ngunit lahat sila ay isa-isang pumuri sa ating programang pangkapakanan at pagtulong sa mga tao.

Kaya sa pagsasalita ko sa malaking miting na ito ng priesthood, nais kong banggitin nang bahagya ang mga pagsisikap natin para sa kapakanan ng mga nangangailangan, mga miyembro man sila ng Simbahan o hindi, sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nang pasimulan ang makabagong programang pangkapakanan, ito’y nilayon upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga miyembro. Sa sumunod na mga taon, libu-libo na ang napaglingkuran. Binigyan sila ng mga bishop at Relief Society president ng pagkain at damit at iba pang panustos para sa mga nangangailangan. Di mabilang na mga miyembro ng Simbahan ang nagboluntaryo upang matugunan ang pangangailangan. May gumagana na tayong 113 storehouse, 63 farm, 105 cannery, at sentro ng imbakan ng pagkain, 18 food processing at distribution plant, at marami pang ibang pasilidad.

Hindi lamang mga pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan ang natugunan, kundi natulungan din ang pangangailangan ng marami pang iba. Dito mismo sa komunidad ng Salt Lake City maraming gutom ang pinakakain araw-araw ng mga ahensyang hindi LDS gamit ang panustos pangkapakanan ng LDS.

Dito sa lungsod na ito, at sa iba pang lugar, mayroon tayong magagandang tindahan na walang naniningil, walang babayaran, kung saan binibigyan ng pagkain, damit at iba pa ang mga nagigipit. Naniniwala ako na wala nang mas mainam na gatas, karne, at harinang matatagpuan sa estante ng anumang tindahan kaysa sa mga ipinamamahagi mula sa mga bishops’ storehouse.

Ang mga alituntunin sa pagpapatakbo ng mga gusaling ito ay talagang gayon na noon pa mang una.

Ang mga nangangailangan ay inaasahang gagawin ang abot-kaya nila para tustusan ang sarili. At ang mga pamilya ay inaasahang tutulong sa pangangalaga sa kapamilyang kapus-palad. Pagkatapos nito ay makakahingi na sila ng tulong sa Simbahan.

Pinaniniwalaan at pinahahalagahan natin ang mga salita ng ating Panginoon:

“Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan:

“Sapagka’t ako’y nagutom, at ako’y inyong pinakain; ako’y nauhaw, at ako’y inyong pinainom: ako’y naging taga ibang bayan, at ako’y inyong pinatuloy:

“Naging hubad, at inyo akong pinaramtan: ako’y nagkasakit, at inyo akong dinalaw; ako’y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan” (Mateo 25:34–36).

Ito ang paraan ng Panginoon sa pangangalaga sa mga nangangailangan na ipinahayag Niyang “laging nangasa inyo” (tingnan sa Mateo 26:11).

Ang mga may kakayahan ay boluntaryong gumagawa para tulungan ang mga walang kakayahan. Noong isang taon 563,000 araw ang ambag na trabaho sa mga pasilidad na pangkapakanan. Katumbas ito ng walong oras na pagtatrabaho ng isang tao sa isang araw sa loob ng 1,542 taon.

Ang bagong isyu ng Church News ang nagbalita tungkol sa grupo ng mga magsasaka sa isang maliit na komunidad sa Idaho. Maaari ko bang basahin sandali ang ulat na ito?

“Alas-sais na ng umaga sa pagtatapos ng Oktubre, at nagyeyelo na sa tubuhan ng Rupert, Idaho.

“Ang mahahabang kamay ng mga makinang ‘rotor beeter’ ay singhaba ng labindalawang hanay, na pumutol sa dulo ng mga tubo. Sa likod nito, kinalaykay ng mga tagaani ang lupa at hinalukay ang mga tubo, at hinakot ang mga ito sa naghihintay na trak.

“… Ito ang Rupert, Idaho Welfare Farm, at ang mga nagtatrabaho rito ay mga boluntaryo … “Kung minsan mahigit 60 makina ang sabay-sabay na umaandar— … lahat ay pag-aari ng mga tagaritong magsasaka.”

Maghapon ang trabaho rito.

“[Pagsapit ng] ikapito ng gabi … lubog na ang araw, madilim at malamig na sa sakahan. Umuuwi na ang mga magsasaka, pagod at masaya.

“Maayos nilang natapos ang isang araw.

“Naani na nila ang mga tubo ng Panginoon” (Neil K. Newell, “A Harvest in Idaho,” Church News, Mar. 20, 2004, p. 16).

Patuloy ang gayong kahanga-hangang boluntaryong paglilingkod upang tiyaking mabigyan ng suplay ang mga kamalig ng Panginoon.

Sa simula pa lang, binago na ng programa ang layuning tulungan ang nangangailangan at sinakop nito ang panghihikayat ng kahandaan ng mga pamilya ng Simbahan sa kagipitan. Walang nakakaalam kung kailan darating ang sakuna—o karamdaman, kawalan ng trabaho o pagkabaldado na sanhi ng aksidente.

Nitong nakaraang taon, tinulungan ng programa ang mga pamilya na mag-imbak ng 18 milyong libra ng mga pangunahing pagkain para sa oras ng kagipitan. Sana’y huwag dumating ang oras na iyon. Ngunit ang naimbak na mabuti at masustansyang pangunahing pagkain ay nagdudulot ng kapayapaan sa isipan, at ng kasiyahan sa pagsunod sa payo.

Ngayo’y may dagdag pang mithiin ang programa. Nagsimula ito ilang taon na ang nakararaan nang magdulot ng gutom at kamatayan sa di mabilang na tao ang tagtuyot sa Africa. Ang mga miyembro ng Simbahan ay inanyayahang mag-ambag sa tulong-pantaong ito upang matugunan ang mga pangangailangan ng naghihikahos na mga taong ito. Marami at bukas-palad ang inyong kontribusyon. Nagpapatuloy ang gawain dahil mabigat pa ang pangangailangan sa maraming lugar. Ang bilang ng mga taong natulungan ay isang himala. Milyun-milyong libra ng pagkain, gamot, kumot, tolda, damit, at iba pang bagay ang humadlang sa gutom at kalungkutan sa iba’t ibang panig ng daigdig. Humukay ng mga balon, nagtanim ng maaani, nagligtas ng mga buhay. Bibigyan ko kayo ng halimbawa.

Si Neil Darlington ay chemical engineer na nagtrabaho sa isang malaking kumpanyang pang-industriya sa Ghana. Di nagtagal siya’y nagretiro.

Silang mag-asawa ay tinawag para magmisyon. Ipinadala sila sa Ghana. Sabi ni Brother Darlington, “Sa mga lugar na may taggutom, sakit, at kaguluhan, naroon kami bilang mga kinatawan ng Simbahan, tumutulong sa mga naghihikahos, nagugutom, at nagigipit.”

Sa maliliit na nayon, humukay sila ng mga bagong balon at inayos ang mga luma. Tayong may sagana at malinis na tubig ay mahihirapang unawain ang kalagayan ng mga taong wala nito.

Mailalarawan ba ninyo ang ginagawa ng mag-asawang ito, na tapat na mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw? Hinalukay nila ang tigang na lupa. Umabot ang paghalukay nila sa tubig sa ilalim, at sumibol ang tubig sa lupa at umagos sa tuyong lupa. Tuwang-tuwa sila. May mga naluha. May tubig nang maiinom, maipanghuhugas, maipandidilig para tumubo ang mga tanim. Wala nang higit pang mahalaga sa tuyong lupa kundi tubig. Kaygandang tingnan ng tubig na sumisibol mula sa bagong balon.

Sa isang okasyon, nang magtipun-tipon ang mga pinuno ng tribo at matatanda ng nayon para pasalamatan sila, itinanong ni Brother Darlington kung maaari silang umawit ni Sister Darlington para sa kanila. Tinitigan nila ang mga mata ng maiitim na lalaki at babaeng ito sa kanilang harapan at umawit ng “Ako ay Anak ng Diyos” para ipahayag ang kanilang kapatiran.

Ang mag-asawang ito, sa kanilang pagsisikap, ay nakapaglaan ng tubig para sa tinatayang 190,000 katao sa malalayong nayon at refugee camp. Pag-isipan ninyo, kung gusto ninyo, ang himala ng katuparang ito.

At ngayon, talaga namang libu-libong gaya nila, na mga mag-asawa, ang sa halip na maglibang nang walang katuturan ay naglingkod, at naglilingkod, sa napakaraming paraan at lugar. Sila’y gumawa at patuloy na gumagawa sa mga naghihikahos na pook ng Amerika. Nagtrabaho sila, at nagtatrabaho pa, sa India at Indonesia, sa Thailand at Cambodia, sa Russia at mga bansa sa Baltic. Kaya nga lumalaganap ang gawain.

Kasama ang iba pa, kamakailan ay nagbigay ng mga wheelchair ang Simbahan sa mga 42,000 kataong may kapansanan. Isipin ninyo ang kahalagahan nito sa mga taong gumagapang para makakilos. Sa tulong ng mababait na doktror, at narses, nagbigay ng neo-natal resuscitation training sa halos 19,000 propesyonal sa taong 2003 pa lamang. Libu-libong buhay ng mga sanggol ang maliligtas dahil dito.

Noong nakaraang taon, mga 2,700 katao ang ginamot sa mga problema sa mata, at 300 lokal na manggagamot ang sinanay sa panggagamot sa mata. Literal na nakakita ang mga bulag.

Kung saan may mapangwasak na mga pagbaha, mapaminsalang mga lindol, patuloy na taggutom, saanman may pangangailangang dulot ng anumang kadahilanan, naparoon ang mga kinatawan ng Simbahan. Mga 98 milyong dolyar na halaga ng pera at iba pang bagay, ang naipamahagi nitong nakaraang taon, na nagpaabot ng gayong tulong sa kabuuang 643 milyong dolyar sa loob lang ng 18 taon.

Personal kong nasaksihan ang pagiging epektibo ng ating tulong-pantao. Sa paglalakbay sa daigdig, nakita ko ang mga tumanggap ng inyong mga kawanggawa. Noong 1998, binisita ko ang mga pook sa Central America, na sinalanta ng Bagyong Mitch. Dito’y mabilis na inorganisa ang pamamahagi ng pagkain at damit, at ang paglilinis at muling pagtatayo ng nangawasak na mga bahay at napinsalang buhay ay isang himala sa atin.

Wala nang panahon para patuloy na ikuwento ang naitulong ng mga kahanga-hanga at mahalagang programang ito. Sa ating pagtulong hindi natin tinatanong kung miyembro sila ng Simbahan. Dahil alam natin na bawat anak ng tao ay anak ng Diyos na nararapat tulungan sa oras ng pangangailangan. Nagawa natin ang lahat nang hindi ipinaaalam kung sino tayo. Hindi tayo naghahangad ng papuri o pasasalamat. Sapat na ang kaalaman na kapag tinulungan natin ang isa sa pinakamaliit sa mga anak ng ating Ama, ginawa rin natin ito sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak (tingnan sa Mateo 25:40).

Patuloy tayong tutulong sa gawaing ito. Laging may pangangailangan. Ang gutom at kakulangan at sakuna ay lalagi sa atin. At laging may mga taong naaantig ng liwanag ng ebanghelyo ang puso na handang maglingkod at gumawa at magpasigla sa mga nangangailangan sa ibabaw ng lupa.

Sa gayunding pagsisikap itinatag natin ang Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon. Ito’y naitatag dahil sa inyong bukas-palad na mga kontribusyon. Gumagana ito ngayon sa 23 bansa. Pinauutang ang mga karapat-dapat na kalalakihan at kababaihan para makapag-aral. Kung hindi, sila ay di na makakaahon sa hirap na nakamulatan ng kanilang mga magulang at ninuno sa maraming henerasyon. Mahigit 10,000 kabataan ang tinutulungan sa kasalukuyan, at ipinahihiwatig ng karanasan sa ngayon na dahil sa training kaya sila kumikita ng tatlo hanggang apat na beses kaysa rati.

Ginagabayan ng Espiritu ng Panginoon ang gawaing ito. Ang gawaing pangkapakanang ito ay sekular na gawain, na naipapahayag sa bigas at beans, sa kumot at tolda, sa damit at gamot, sa trabaho at edukasyon para sa mas magandang trabaho. Ngunit ang tinatawag na sekular na gawaing ito ay isa lamang panlabas na pagpapakita ng panloob na espiritu—ang Espiritu ng Panginoon na nagsabing, Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38).

Nawa’y pagyamanin ng langit ang magandang programang ito, at pagpalain ang lahat ng naglilingkod dito, ang mapakumbaba kong dalangin sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.