2004
Mga Ugat at Sanga
Mayo 2004


Mga Ugat at Sanga

Bilang buod, darating sa atin ang pinakadakilang mga pagpapala sa buhay kung ang pagmamahal natin kay Jesucristo ay malalim na nakaugat sa ating puso.

Tuwing dadaan tayo sa security check ng airport, hinihingan tayo ng I.D. na may larawan natin. Nauunawaan natin na kailangan ito at makakatulong kaya sumusunod tayo. Pero humihingi ako ng paumanhin kapag nagpapakita ako ng retratong katibayan ng tunay kong pagkatao. Kung may susuri sa retrato ko sa pasaporte at sasabihing kamukha ko ang nasa retrato, alam kong dapat na akong umuwi at mag-ayos. Pero may ibang dahilan kaya ako humihingi ng paumanhin. Walang makikita sa retrato ko tungkol sa mga ninuno at inanak ko. Mahalagang bahagi sila ng pagkatao ko. Marami ba kayong masasabi tungkol sa isang puno sa pagtingin lang sa larawan ng katawan nito? Wala! Mas maraming malalaman sa mga ugat at sanga ng puno. Gayon din naman sa ating personal na buhay o sa ating relihiyon.

Mga Personal na Pinagmulan

Talagang mahalaga ang mga personal na pinagmulan. Kami ni Sister Nelson ay may kilalang pamilya na ipinagmamalaking idispley ang mga angkang pinagmulan nila sa malalaking dibuhong nakapinta sa labas na dingding ng bahay nila. Makikita sa magandang gawang sining na iyon ang naiibang katangiang pagkakakilanlan sa kanilang mga angkan.

Kapag pumalibot ang magkakamag-anak sa isang bagong silang na sanggol, tiyak na maririnig mo ang mga punang tulad ng, “Pula ang buhok niya, tulad ng nanay niya,” o “May biloy siya sa pisngi, tulad ng tatay niya.”

Bawat isa sa atin ay may pinagmulang angkan. Bawat lalaki ay may minamanang katangian sa tatay niya. Bawat babae ay may minamanang katangian sa nanay niya.1 Bukod dito, bawat isa sa atin ay nagmana ng iba pang katangian na ginagawa tayong kakaiba.

Dahil mayroon tayong espiritu at katawang-tao,2 may mga espirituwal ding tayong pinagmulan na nanggaling pa sa ating kanunu-nunuan. Hinuhubog nito ang ating mga pinahahalagahan, paniniwala, at pananampalataya. Ginagabayan ng ating mga espirituwal na pinagmulan ang ating matibay na pangako sa mga adhikain at turo ng Panginoon.3

Likas sa mga bata na gayahin ang mga halimbawa ng kanilang mga magulang. Karaniwa’y namamana ng mga batang lalaki ang ugali at gawi ng kanilang ama; ang mga batang babae naman ay minimithing matulad sa kani lang ina. At kayong mga magulang, huwag kayong lubhang mabibigla kung, pagdating ng panahon, mas mahusay pa sa inyo ang inyong mga anak.

Dapat pasalamatan ang pisikal at espirituwal na pinagmulan natin. Sa buhay ko, nagpapasalamat ako sa aking Tagapaglikha pati na sa mahal na mga magulang at ninuno ko. Sinisikap ko silang igalang sa pagkilala at paglilingkod sa kanila sa templo.4 Responsibilidad ng mga magulang na ipaalam sa kanilang mga anak at apo ang kanilang pinagmulan. Nagkakaisa ang pamilya kapag sama-samang pinag-aaralan ang kanilang kasaysayan.

Mga Pinagmulan ng Ating Relihiyon

Kailangan din nating malaman ang mga pinagmulan ng ating relihiyon. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, bagama’t opisyal na inorganisa noong 1830, ay naipanumbalik na muli mula sa matagal na nitong pinagmulan. Ang mga katotohanan mula sa naunang mga dispensasyon ay natipon, lubos na ipinaliwanag, at nilinaw na.5 Para sa atin na mga magulang at guro, napakahusay ng maituturo mula sa Mga Saligan ng Pananampalataya. Isinulat ni Propetang Joseph Smith,6ang dokumentong ito ay tumutukoy sa maraming doktrinang pinagbatayan ng ating relihiyon. Binabanggit dito ang Panguluhang Diyos, tamang pagpili, Pagkahulog ni Adan, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ipinaliliwanag dito ang pinagbatayang mga alituntunin at ordenansa ng pananampalataya, pagsisisi, binyag, at pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo. Tinutukoy dito ang mga bagay tungkol sa awtoridad at organisasyon ng priesthood. Sinasabi rito na banal na kasulatan ang Banal na Biblia, ang Aklat ni Mormon at ang patuloy na paghahayag mula sa Diyos. At ipinahahayag nito ang katotohanan na magaganap ang pagtitipun-tipon ng Israel.7 Kaylaking bangan ng katotohanan ng mahalagang dokumentong ito sa pagtuturo natin ng mga pinagmulan ng ating relihiyon.

Kabilang sa iba pang naipahayag na doktrinang pinagmulan ng ating relihiyon ang Paglikha, Pagkabuhay na Mag-uli, batas ng ikapu, panalangin, at ganap na mga pagpapala ng templo. Sa pagtuturo ng mga doktrinang ito, natatanto natin kung gaano katibay ang ating saligan. Sa pamumuhay ng mga doktrinang ito, nagiging bahagi ng espirituwal na lakas natin ang pinagmulan ng ating relihiyon.

Dapat palakasin ng ating mga miyembro ang mga pinagmulan ng kanilang relihiyon. Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley na bawat miyembro ay kailangan ng isang kaibigan, isang tungkulin, at pangangalaga sa mabuting salita ng Diyos. Sa gayong mga ugat na susuporta sa kanila at kanilang mga anak, nagiging mga tagabunsod ang natatanging mga miyembrong ito na susundan ng kanilang sariling pamilya.

Sa kasamaang-palad, ilang miyembro ng matatapat na pamilya ang napapalayo dahil mahina ang kanilang ugat. Masakit sa loob ko ang malaman na may mga tumatalikod sa pananampalataya ng kanilang mga ninuno. Isang kaibigang bantog sa kanyang propesyon at matalinong anak ng isang tapat na mga ninuno ang hinayaang padilimin ng isang pagdududa sa doktrina ang kanyang pag-unawa sa kaganapan ng ebanghelyo at humadlang sa kanya sa pagpunta sa templo. Isa pang kakilalang mabait na miyembrong babae na kilalang matapat ang mga ninuno ang ngayo’y nagsasabing hindi na siya “aktibong” miyembro ng Simbahan.

Lubha na bang naging makabago ang mga taong ito na nalimutan na nila ang kanilang mga pinagmulan? Nalimutan na ba nila ang tunay na kahulugan ng Panunumbalik at naging kapalit nito? Nalimutan na ba nila ang kanilang minanang pananampalataya at angkan na inihayag sa mga basbas ng patriarch? Dahil sa kaunting pakinabang ngayon, kalilimutan at babalewalain ba nila ang buhay na walang hanggan? Di alintana ang mga pinagmulang nagpala sa kanila, hindi na nila tinatamasa ang espirituwal na sigla ng mga Banal na aktibo sa gawain ng Diyos na Maykapal.

Ang mararangal nilang ninuno ay “nadala sa kaalaman ng katotohanan, … alinsunod sa diwa ng paghahayag at ng propesiya, at ng kapangyarihan ng Diyos.” Ang kanilang mga ninuno ay “nagbalik-loob sa Panginoon [at] kailanman ay hindi nagsitalikod.”8Ano ang madarama ng mga ninunong ito sa pagtalikod ng kanilang mga inapo? Ang kanilang pagkabigo ay malamang na mauwi sa kalungkutan, sapagkat ang bungang nahiwalay sa ugat ay hindi mabubuhay.

Ibinigay ng Diyos ang taimtim na babalang ito:

“Matapos kayong busugin ng mabuting salita ng Diyos … , inyo bang tatanggihan ang mga salitang ito … ng mga propeta; at inyo bang tatanggihan ang lahat ng salitang sinabi hinggil kay Cristo, … at ang kapangyarihan ng Diyos, at ang kaloob na Espiritu Santo, … at hinahamak ang dakilang plano ng pagtubos, na inilaan para sa inyo?

“… Ang … pagkabuhay na mag-uli … ay dadalhin kayo upang tumayo nang may kahihiyan at kakila -kilabot na pag-uusig ng budhi sa harapan ng hukuman ng Diyos.”9

Sumasamo ako sa bawat isa sa atin na pakinggan ang sagradong babalang iyan.

Mga Sariling Bunga

Tulad ng malaking epekto ng ating mga ninuno sa ating pagkatao, mahalagang bahagi rin ng ating pagkatao ang ating mga anak. Ang mga sariling bungang iyon ay siyang bunga ng ating balakang.10 Itinuturo ng mga banal na kasulatan, “Sa kanilang mga bunga ay manga kikilala ninyo sila.”11 Noong kabataan namin, madalas kaming makakilala ni Sister Nelson ng mga kabataang nagsasabi na parang kilala na nila kami dahil kilala nila ang aming mga anak. Ngayon magiliw kaming binabati ng mga kakilala namin dahil kilala nila ang aming mga apo.

Mga Sanga ng Pananampalataya

Sa halos gayon ding paraan, nakikila ang ating relihiyon dahil sa bunga ng mga turo nito. Kamakailan ay nakipagkita ako sa mga opisyal ng gobyerno mula sa malayong lupain na lubos na humanga sa Simbahan at sa mga gawain nito sa buong mundo. Gusto nila ang mga turo natin tungkol sa pamilya at humingi ng mga kopya ng ating pagpapahayag sa mundo at mga gabay na aklat para sa family home evening. Gusto pa nilang makaalam tungkol sa ating programang pangkapakanan at tulong-pantao. Ibinigay namin ang hiling nila at matapos malaman kung ano ang ginagawa natin, itinanong naman kung bakit natin ginagawa ito. Inihambing ko sa isang puno ang paliwanag ko. “Naaakit kayo sa iba’t ibang bunga ng aming pananampalataya,” sabi ko. “Sagana at makapangyarihan ito. Ngunit hindi ninyo mananamnam ang bungang ito kung hindi ninyo kilala ang punong pinagmulan nito. At hindi ninyo mauunawaan ang punong ito kung hindi ninyo nauunawaan ang mga ugat nito. Sa aming relihiyon, hindi ninyo makakamtan ang bunga nang wala ang mga ugat.” Naunawaan nila ito.

Kabilang sa mga bunga ng nagsasangang puno ng ebanghelyo ang “pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, [at] pagtatapat.”12 Minsa’y sinabi ni Pangulong Harold B. Lee: “Ang magaganda at masasarap na bunga ay hindi tumutubo maliban kung ang mga ugat ng … puno ay naitanim sa mayaman, matabang lupa at maliban kung alaga sa tamang pagpungos, paglinang, at patubig. Gayundin na ang masarap na bunga ng dangal at kalinisang-puri, katapatan, pagtitimpi, integridad, at pagkamatapat ay hindi makikita sa isang taong namumuhay nang walang matibay na patotoo sa mga katotohanan ng ebanghelyo at sa buhay at misyon ng Panginoong Jesucristo.”13

Masarap ang mga bunga ng ebanghelyo sa mga sumusunod sa Panginoon. Nag-aaral tayo dahil alam natin na “ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan.”14 Ang pagpapala ng ikapu ay nagmumula sa pagbabayad ng ikapu.15 Inaani ang mga gantimpala ng Word of Wisdom sa pagsunod dito.16 Natututuhan natin sa pamumuhay ng ebanghelyo na ang pagdarasal, paggalang sa araw ng sabbath, at pakikibahagi sa sakrament ang mangangalaga sa atin mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Iwinawaksi natin ang pornograpiya at imoralidad dahil alam nating mapapasaatin lang ang kapayapaan ng pansariling kalinisang-puri kung mamumuhay tayo ayon sa mga batas ng ebanghelyo.

Ibinigay ng Panginoon ang pangako at utos na ito: “Kayo’y malilinis na sa pamamagitan ng salita na sa inyo’y aking sinalita… . Kayo’y manatili sa akin, at ako’y sa inyo… . Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga.”17 Sa madaling salita, darating ang pinakadakilang mga pagpapala sa buhay kung malalim na nakaugat sa ating puso ang pagmamahal natin kay Jesucristo.18

Patotoo

Ang pansariling pagkakakilanlan ay higit pa sa retrato sa pasaporte. May mga ugat at sanga rin tayo. Nakaugat sa bawat isa sa atin ang kabanalan. “[Tayong] lahat ay gawa ng … kamay ng [ating Tagapaglikha].”19 Tayo ay mga walang hanggang nilalang. Sa buhay bago tayo isinilang, tayong kalalakihan ay inorden na sa ating mga responsibilidad sa priesthood.20 Bago pa itatag ang daigdig, inihanda na ang kababaihan upang magkaanak at luwalhatiin ang Diyos.21

Naparito tayo sa mundo upang magtamo ng katawan at subukin.22 Dapat tayong bumuo ng mga pamilya at mabuklod sa mga banal na templo, na may masaya at mapagmahal na ugnayang tatagal magpasawalang-hanggan. Sa mga walang hanggang katotohanang ito, personal tayong nakaugat.

Ang mga sanga ng ating mga pamilya at ng ebanghelyo ay namumunga para mapaunlad ang ating buhay. Ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos—“na maisakatuparan ang kawalang kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao”—ay pasasaatin.23 Makakapiling natin Siya at ang ating mga pamilya magpakailanman. Igagawad ang mga pagpapalang iyon sa matatapat sa Kanyang sariling paraan at panahon.24

Ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Si Joseph Smith ay tagapaghayag at propeta ng huling dispensasyong ito. Ang Aklat ni Mormon ay totoo. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos na muling itinatag sa mundo. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang Kanyang buhay na propeta. Kung nakaugat sa mga katotohanang ito, ang bunga ng ating mga sanga ay mananatili.25 Pinatototohanan ko ito sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Bukod sa impormasyon sa minanang pagkatao o pag-uugali ng kanyang ina at ama, ang maliit na grupo ng mitochondrial DNA ay nagmumula sa ina para sa kapwa (mga) anak niyang lalaki at babae.

  2. Tingnan sa D at T 88:15.

  3. Tingnan sa Mga Taga Efeso 3:14–19; Mga Taga Colosas 2:6–7.

  4. Tingnan sa D at T 128:15.

  5. Tingnan sa D at T 128:18.

  6. Ang mga Saligan ng Pananampalataya ay kasama sa liham kay G. John Wentworth, patnugot at may-ari ng isang pahayagan sa Chicago; unang inilathala sa Times and Seasons, 1 Mar. 1842; tingnan sa Ensign, Hulyo 2000, 26–32.

  7. Binabanggit din sa dokumentong ito ang mga kaloob ng Espiritu na nagbibigay- liwanag sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan. Ibinabadya nito ang mga dakilang pangyayari sa mga huling araw, tulad ng panunumbalik ng sampung lipi, pagkatatag ng Sion, at pamumuno ni Jesucristo sa milenyo sa napanibagong lupa. Kabilang dito ang mga alituntunin ng kalayaan sa pagsamba, pagpaparaya, at pagsunod sa batas. At nagtatapos ito sa isang pagpapahayag tungkol sa ating pananaw sa buhay at personal na matataas na adhikain.

  8. Alma 23:6.

  9. Jacob 6:7–9.

  10. Tingnan halimbawa sa 2 Nephi 3:6–7.

  11. Mateo 7:20; 3 Nephi 14:20; tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:25.

  12. Mga Taga Galacia 5:22.

  13. Stand Ye in Holy Places (1974), 218–19.

  14. D at T 93:36.

  15. Tingnan sa Malakias 3:10; 3 Nephi 24:10.

  16. Tingnan sa D at T 89:18–21.

  17. Juan 15:3–5.

  18. Tingnan sa Mga Taga Efeso 3:17.

  19. Isaias 64:8.

  20. Tingnan sa Alma 13:1–5.

  21. Tingnan sa D at T 132:63.

  22. “Gaya ni Abraham” (D at T 101:4). Tingnan din sa Mga Hebreo 11:17.

  23. Moises 1:39.

  24. Tingnan sa D at T 88:68. Kapag may natamong anumang pagpapala mula sa Diyos, “ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito nakasalalay” (D at T 130:21).

  25. Tingnan sa Juan 15:16.