2004
Palakasin ang Inyong mga Kapatid
Mayo 2004


Palakasin ang Inyong mga Kapatid

Nawa’y tularan ng bawat korum at ng bawat isa sa atin … ang halimbawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na “isama niya siya na mahina, … upang siya ay maging malakas din.”

Si Brother José de Souza Marques ang uri ng lider na tunay na nauunawaan ang prinsipyong itinuro ng Tagapagligtas na: “At kung sinuman sa inyo ang malakas sa Espiritu, isama niya siya na mahina, upang siya ay maliwanagan sa buong kaamuan, upang siya ay maging malakas din” (D at T 84:106).

Bilang miyembro ng branch presidency sa Fortaleza, Brazil, bumuo ng plano si Brother Marques kasama ang iba pang mga lider ng priesthood na mapaaktibong muli ang mga di-gaanong aktibong miyembro sa kaniyang branch. Isa sa mga di-gaanong aktibong iyon ang binatilyong nagngangalang Fernando Araujo. Kamakailan ay nakausap ko si Fernando, at ikinuwento niya sa akin ang karanasan niya:

“Napasali ako sa mga paligsahan sa surfing tuwing Linggo ng umaga at tumigil ako sa pagdalo sa mga miting sa Simbahan. Isang Linggo ng umaga kumatok sa pintuan namin si Brother Marques at itinanong sa nanay kong di-miyembro kung puwede akong kausapin. Nang sabihin nitong tulog ako, nakiusap siyang gisingin ako. Sabi niya sa akin, ‘Fernando, huli ka na sa simbahan!’ Di niya pinakinggan ang mga dahilan ko at walang abug-abog na tinangay niya ako patungong simbahan.

“Noong sumunod na Linggo gayon din ang nangyari, kaya sa ikatlong Linggo nagpasiya akong umalis nang maaga para takasan siya. Pagbukas ko ng gate namin naroon siya’t nakaupo sa kotse niya, nagbabasa ng mga banal na kasulatan. Pagkakita niya sa akin sabi niya, ‘Ayos! Maaga kang nagising. Ngayo’y maghahanap tayo ng isa pang binatilyo!’ Nakipagtalo ako na malaya akong pumili, pero sabi niya, ‘Mamaya na natin pag-usapan iyan.’

“Makaraan ang walong Linggo na hindi ko siya maiwasan, nagdesisyon akong matulog sa bahay ng isang kaibigan. Nasa aplaya ako kinaumagahan nang makita kong palapit sa akin ang isang lalaking nakaamerikana at kurbata. Nang malaman kong si Brother Marques iyon, lumusong ako sa dagat. Bigla ko na lang naramdaman na may humawak sa balikat ko. Si Brother Marques pala, na nasa tubig na hanggang dibdib niya! Hinawakan niya ako sa kamay at nagsabi, ‘Huli ka! Tara na.’ Nang sabihin kong wala akong isusuot, tumugon siya, ‘Mayroon sa kotse.’

“Noong araw na iyon habang papalayo kami sa karagatan, naantig ako ng taos na pagmamahal at pag-aalala sa akin ni Brother Marques. Tunay niyang naunawaan ang mga salita ng Tagapagligtas, ‘Aking hahanapin ang nawala, at ibabalik ang iniligaw, at tatalian ang nabalian, at palalakasin ang may sakit’ (Ezekiel 34:16). Hindi lang ako inihatid ni Brother Marques sa simbahan—siniguro pa ng korum na mananatili akong aktibo. Nagplano sila ng mga aktibidad na nagpadama sa aking kailangan ako at kinagigiliwan, tumanggap ako ng tungkulin, at naging kaibigan ko ang mga miyembro ng korum.”

Kasunod ng pagkaaktibo niyang muli, nagmisyon nang full-time si Brother Araujo at naglingkod bilang bishop, stake president, mission president, at regional representative. Ang balo niyang ina, tatlong kapatid na babae, at ilang pinsan ay nagpabinyag din.

Patungkol sa gawain ng mga korum ng Aaronic Priesthood sa kanyang ward, sinabi ni Brother Araujo, na muling naglingkod bilang bishop:

“Ang gawain namin sa pagpapaaktibong muli ay nakatuon sa lahat ng tatlong korum ng Aaronic Priesthood. May listahan kami ng bawat isa sa nawawalang mga tupa. Naghihiwa-hiwalay ang mga panguluhan ng mga korum, mga tagapayo at bishopric at lagi silang binibisita. Hindi lang mga miyembrong di-gaanong aktibo ang aming binibisita, kundi maging ang mga di-miyembro sa pamilya ng mga di-gaanong aktibo o nag-iisang miyembro.

“Inoorganisa ang mga aktibidad upang maabot ang lahat ng kabataang lalaki. Tinatalakay namin ang bawat binatilyo sa mga miting namin sa panguluhan ng korum at sa buwanang pakikipagmiting namin sa bishopric youth committee. Noong 2003 napaaktibo naming muli ang limang priest, isang teacher, at dalawang deacon, na ngayo’y aktibo sa kanilang korum. Napaaktibo rin namin ang ilang pamilya at natuwa sa pagpapala na makitang mabinyagan ang ilang di-miyembro.

Habang pinag-iisipan ko ang hangarin ng mga kapatid na ito sa priesthood na tuparin ang mga sagrado nilang tungkulin, na inuukol ang mas maraming oras sa pagsisilbi sa halip na mamahala, pumasok sa isipan ko ang mga salitang ito ng Tagapagligtas:

“Sapagka’t ako’y nagutom, at ako’y inyong pinakain; ako’y nauhaw, at ako’y inyong pinainom; ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;

“Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; ako’y nagkasakit, at inyo akong dinalaw; ako’y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan” (Mateo 25:35–36).

Ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglakad ng isa pang milya upang hanapin ang nawawala niyang tupa ay makikita sa buong banal na kasulatan. “Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon ay hindi iiwan ang siyam na pu’t siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan?” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 15:4). Alam ng Mabuting Pastor kapag nawala ang isa Niyang tupa: “At bilang niya ang kanyang mga tupa, at siya’y kilala nila” (1 Nephi 22:25), “at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan” (Juan 10:3). Siya ay “napasa ilang,” na kung minsan ay nangangahulugang “nakalilitong grupo o tumpok ng mga tao,” (Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ika-11 ed. [2003], Wilderness,” 1432), at hinanap Niya ang nawawala.

Hindi sinabi sa atin kung gaano katagal hinanap ng Mabuting Pastor ang nawawalang tupa o kung tumulong ang iba sa paghahanap, ngunit alam natin na “[kilala] nila ang kaniyang tinig” (Juan 10:4) at mahal Niya sila. Alam din natin na hindi Siya sumuko, na Kanyang “[hinanap] … ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan,” at pagbalik Niya, pasan na niya ang nawawalang tupa at ligtas sa Kanyang balikat. Tapos ay bumulalas Siya, “Makipagtuwa kayo sa akin, sapagka’t nasumpungan ko ang aking tupang nawala. Sinasabi ko sa inyo, na gayon din magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi” (Lucas 15:6–7).

Sa kabanata 34 ng Ezekiel mababasa natin ang nagbabalang tinig ng propeta:

“At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, …

“… Sa aba ng mga pastor ng Israel na pinakakain ang kanilang sarili! hindi baga dapat pakanin ng mga pastor ang mga tupa? …

“Ang aking mga tupa ay nagsisilaboy sa lahat ng bundok, at sa lahat na mataas na burol: oo, ang aking mga tupa ay nangalat sa buong ibabaw ng lupa; at walang magsiyasat o humanap sa kanila… .

“Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsala na dahil sa ang aking mga tupa ay naging samsam, at ang aking mga tupa ay naging pagkain sa lahat na hayop sa parang, sapagka’t walang pastor, o hinanap man ng aking mga pastor ang aking mga tupa; …

“… Aking aalisin ang aking mga tupa sa kanilang kamay” (talata 1–2, 6, 8, 10; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Lagi nang pinananagot ng Panginoon yaong mga pinagtiwalaan Niya ng Kanyang banal na priesthood, pati na mga ama, lider ng korum, at miyembro ng korum, para sa Kanyang mga tupa. Mga kapatid, kailangan nating hanapin ang ating mga tupa at huwag silang hayaang maging “pagkain sa lahat na hayop sa parang.”

Sa bahagi 20 ng Doktrina at mga Tipan ay itinuturo sa atin ng Tagapagligtas ang marami sa ating mga tungkulin bilang mga maytaglay ng priesthood at mga miyembro ng korum. Binibigyang-diin ng sumusunod na mga pandiwa at kataga ang nadarama Niyang mahigpit na pangangailangan: “mangalaga,” “mamuno,” “magpaliwanag,” “bumisita sa bahay ng bawat miyembro,” “manalangin,” “magpalakas,” “magbabala,” “magsugo,” “magturo,” “manghikayat,” “magbinyag,” at “mag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo” (talata 42, 44, 46–47, 53, 59, 81–82; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Nadama ko rin ang mahigpit na pangangailangang tumalima sa tinig ni Pangulong Hinckley nang sabihin niyang, “Magpasiya tayong lahat sa ating sarili na bumangon sa isang bagong oportunidad, isang bagong diwa ng responsibilidad, isang bagong pagbabalikat ng obligasyon na tulungan ang ating Ama sa Langit sa Kanyang maluwalhating gawaing isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak sa buong daigdig” (“Hanapin ang mga Tupa, Pakainin ang Kordero,” Liahona, Hulyo 1999, 24).

Nagpapasalamat ako sa halimbawa ng Mabuting Pastor na hindi sumuko hanggang ligtas Niyang maiuwi ang Kanyang nawawalang tupa, sa mga halimbawa ni Pangulong Thomas S. Monson, na habang naglilingkod bilang bishop ay iniwan ang kanyang mga tupa sa pangangalaga ng tagapayo at nagtungo sa West Temple Garage upang sagipin si Richard mula sa grease pit (tingnan sa “The Aaronic Priesthood Pathway,” Ensign, Nob. 1984, 41), kay Brother Marques, na sinagip si Fernando mula sa karagatan; sa tagapayo ng korum at iba’t ibang mga miyembro ng korum na kakilala ko, na kumakatok sa bintana ng silid ni Scott tuwing Linggo ng umaga sa loob ng anim na buwan, at pinakisamahan at minahal siya, hanggang makabalik sa kawan si Scott; at sa mga halimbawa ng marami sa inyo na lumakad ng isa pang milya hanggang sa matagpuan ninyo yaong nawala. May walang hanggang epekto ang inyong mga pagsisikap sa buhay ng mga miyembro ng inyong korum at kanilang mga inapo sa darating na mga henerasyon. Magiging buhay na mga patotoo sila ng pangakong ibinigay ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang: “Pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios na nasa inyo … At pagkahayag ng pangulong Pastor, ay magsisitanggap kayo ng di nasisirang putong ng kaluwalhatian” (I Pedro 5:2, 4), “upang ikaw ay makapagdala ng mga kaluluwa sa akin, upang ikaw ay makapagpahinga kasama nila sa kaharian ng aking Ama” (D at T 15:6), at “anong laki ng inyong kagalakan” (D at T 18:16).

Nawa’y tularan ng bawat korum at ng bawat isa sa atin, sa pakikipagtulungan sa mga konseho ng Simbahan, ang halimbawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na “isama niya siya na mahina, … upang siya ay maging malakas din” (D at T 84:106). Mapakumbaba akong nagpapatotoo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, na ang Aklat ni Mormon ay banal na kasulatan, na si Pangulong Gordon B. Hinckley ay tunay na propeta ng Diyos, na si Jesucristo ang Manunubos at Mabuting Pastor, at na Siya ay buhay. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.