2009
Mga Henerasyon
Pebrero 2009


Mga Henerasyon

Bagong miyembro man kayo o matagal nang miyembro ng Simbahan ang inyong pamilya, masasabi sa inyo ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw sa Guadeloupe na ang pamumuhay ng ebanghelyo ay nagpapatatag sa pagdaan ng panahon.

Si Coralie “Coco” Gamiette, 12, ay maraming paboritong lugar na gusto niyang bisitahin, at isa sa mga ito ang isang talon. Ang tawag dito ay la Cascade aux Écrevisses. Dito nabinyagan ang marami sa mga unang miyembro ng Simbahan sa isla ng Guadeloupe sa West Indies.

Sabi ni Coco ang talon ay nagpapaalala sa kanya ng isang lugar sa Aklat ni Mormon, ang mga Tubig ng Mormon, na sinasabing “isang bukal ng dalisay na tubig” na may “kasukalan ng maliliit na puno” sa malapit. Doon nabinyagan ang 450 sa mga taong naniwala sa mga turo ni Alma. (Tingnan sa Mosias 18.)

Siyempre, sa Guadeloupe ngayon, tulad sa karamihan ng mga lugar sa Simbahan, ang mga binyag ay isinasagawa sa bautismuhan sa kapilya. Ngunit para kay Coco, ang la Cascade ay kasiya-siyang lugar pa rin para magpiknik, magtampisaw sa sapa, at umupo sa lilim ng puno para isipin ang pamana ng Simbahan sa kanyang sariling pamilya.

Mula sa France, Nagmamahal

Ang pamanang iyon ay nasa tila masalimuot na kuwentong nangyari mga 20 taon na ang nakararaan, sa lungsod ng Angoulême, France. Doon, ginabayan ang mga full-time missionary sa isang lalaking nagngangalang Michel Menardin, na nagmula sa Guadeloupe, isang bahagi ng France sa ibayong dagat, upang maglingkod sa militar. Tinanggap ni Michel ang ebanghelyo at nabinyagan at nakumpirma.

Noong taong iyon sa bayan ding iyon, nag-iwan ng isang polyeto ang mga misyonero sa isang buson. Naging interesado ang isang inang walang asawa, si Claudine, na may 19-anyos na anak na babae, si Delphine. Kapwa sila nagkaroon ng patotoo at nabinyagan din sila at nakumpirma.

Nagkakilala sina Michel at Claudine sa simbahan, nagpasiyang para sila sa isa’t isa, at nagpakasal. (Sila ang mga lolo’t lola ni Coco.) Nang dumalo sa kasal ang ina ni Michel na si Marthé, tumira siya sa Angoulême, nalaman ang tungkol sa Simbahan, at sumapi.

Kalaunan, si Delphine ay natawag na magmisyon sa Seattle, Washington. Habang naglilingkod, bumalik ang kanyang mga magulang at lola sa Guadeloupe. Pagkatapos ng kanyang misyon, dinalaw sila ni Delphine, at habang nasa Guadeloupe ay nakilala niya si Claude Gamiette, na kauuwi lang mula sa Florida Jacksonville Mission. Naglilingkod siya noon bilang tagapayo sa amain ni Delphine sa branch presidency. Nagdeyt ang dalawang kauuwi mula sa misyon at di nagtagal ay ikinasal. Sina Claude at Delphine ang mga magulang ni Coco. Ngayon, makalipas ang 14 na taon at may lima nang anak, si Claude, na ang sariling pamilya ay matagal nang miyembro ng Simbahan, ang naging pangulo ng Basse-Terre Guadeloupe District.

Kaya sa madaling salita, si Coco ang ikaapat na henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw. “Lumaki ako sa Simbahan,” wika niya. “Buong buhay ko nang narinig ang tungkol dito, nakadalo na ako sa Primary at ngayo’y sa Young Women, at narinig ko nang magpatotoo ang aking mga magulang at mga lolo’t lola at lolo’t lola ko sa tuhod. Noon ko pa alam na ang ebanghelyo ay totoo. Kapag nababasa ko sa Mosias ang mga pangakong ginawa ng mga naniniwala nang binyagan sila ni Alma, iyan ang nakita at nadama ko sa buong buhay ko.”

Naaalala pa ni Coco na sinasabi ng kanyang lola-sa-tuhod na ang isang pamilya ay higit pa sa isang ina at ama at kanilang mga anak. “Sabi niya sakop ng pamilya ang mga henerasyon, mula kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan,” sabi ni Coco. “Iyan ang nakikita ko sa pamilya ko.”

Paunti-unti, Araw-Araw

Sa isa pang panig ng isla, sa kabiserang lungsod ng Basse-Terre, ang Simbahan ay nagiging dalawang-henerasyong pamana para kay Luidgia Duflo, 13, at sa kanyang Ate Stella, 17, na sumapi sa Simbahan dalawang taon na ang nakararaan kasabay ng kanilang ate, kapatid na lalaki, at mga magulang. Naturuan daw sila ng ebanghelyo na igalang ang kanilang ina at ama. Natutuwa sila lalo na sa family home evening, na idinaraos nila sa apartment ng kanilang pamilya, na nasa itaas ng maliit na tindahan ng kanilang ama. Nagtitinda ito ng mga produktong pambahay, asukal, rekado, kendi, at pagkain ng hayop. Isa sa mga paborito nilang lugar para kausapin ito ay ang opisina nito sa likod ng tindahan, kung saan ang dingding ay natatakpan ng mga larawan ng iba’t ibang templo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

“Binibigyan siya nito ng pagkakataong gumawa ng kaunting gawaing misyonero kapag pumapasok ang mga tao roon tungkol sa negosyo at nais malaman kung ano ang lahat ng gusaling iyon,” paliwanag ni Stella. “Ngunit palagay ko ipinaaalala rin nito sa kanya araw-araw ang kanyang mga walang hanggang pangako at mithiin; ganito nga rin ang ginagawa nito sa amin. Dapat kaming maghandang pumunta sa templo, at palagi niyang ipinaaalala iyan sa amin.”

Maganda ang kinabukasang naghihintay sa pamilya Duflo. “Ang Simbahan ay patuloy na lalago sa Guadeloupe, at lalaganap ito,” sabi ni Stella. “Kailangan lang nating gawin ang ating tungkulin, nang paunti-unti, araw-araw, na nagtitiwala sa Panginoon sa lahat ng bagay at nagbabahagi ng ebanghelyo sa tuwina.”

Ang Seminary at si Goliath

Si Eole Montredon, 15, ay dumadalo sa seminary tuwing umaga bago pumasok sa eskuwela, kahit hindi pa siya miyembro ng Simbahan. “Sa maraming paraan,” wika niya, “parang buong buhay na akong miyembro ng Simbahan dahil lumaki ako sa Simbahan, at pamilyar na ako sa ebanghelyo.”

Gustung-gusto raw niyang dumalo sa seminary dahil “mabuti para sa aming mga kabataan ang sama-samang pag-aralan ang mga banal na kasulatan, kahit magbangon pa kami bago sumikat ang araw para pumaroon.” Ang seminary ay nagsisimula nang alas-6:00 n.u., kaya gumigising siya nang alas-5:00. “Iniisip ng ilang kaibigan ko na baliw ako, pero kapag ipinaliliwanag ko kung ano ang ginagawa namin, iniisip nilang tama ito. Bukod dito, nadarama ko ang Espiritu Santo kapag naroon ako. Magandang pakiramdam ito na buong araw kong naaalala.”

Isa sa mga paborito niyang kuwento sa Biblia ang David at Goliath. Nagbibigay raw sa kanya ng lakas ng loob ang malaman na tutulungan ng Panginoon ang maliliit na tao na labanan ang malalaking problema, dahil nahaharap siya sa isang hamon na para sa kanya ay tila sinlaki ni Goliath kung minsan. Hiwalay ang kanyang mga magulang, at kahit ang kanyang ina ay aktibong miyembrong gustung-gustong makita siyang maging Banal sa mga Huling Araw, ipinipilit ng ama ni Eole na maghintay siya. Kaya nga, bilang paggalang sa kanyang ama, naghihintay siya, buong tiyagang ipinamumuhay ang ebanghelyo, at ipinagdarasal na balang-araw ay magbago ang puso nito.

“Kung makapagpapaabot ako ng mensahe sa mga kabataan ng Simbahan,” sabi ni Eole, “ito ay ang dumalo sa seminary araw-araw at magsimba tuwing Linggo, dahil kapag lalo ninyo itong ginawa, lalo ninyong makikita kung gaano ito kaganda at gaano kayo pinatatatag nito.” Kahit hindi natatamasa ni Eole ang pamana ng maraming henerasyon sa Simbahan—hindi pa ngayon—alam niyang maaari siyang gumawa ngayon para mapasimulan ang pamanang iyon para sa darating na mga henerasyon. “Alam kong kailangan ko nang magsimula ngayon,” wika niya, “at kung mananatili akong tapat, mabubuting bagay ang mangyayari.”

Pagbabagong-Buhay sa Madaling-Araw

Sa isang klase ng seminary sa madaling-araw sa Abymes, kitang-kita ang hangaring maging matatag sa pagdaan ng panahon. Nag-uunahan ang mga miyembro ng klase sa paghahanap ng mga reperensya sa banal na kasulatan. Sabik silang lumalapit sa pisara para magdrowing ng mga larawan. Tuwing magtatanong ang guro, agad nagtataasan ng kamay ang mga gustong sumagot.

“Tinutulungan kami ng seminary na kilalanin pang maigi ang Diyos,” sabi ni Travis Devarre, 14. “Tinutulungan din kami nitong maghanda para makagawa ng gawaing misyonero ngayon at para sa full-time mission kalaunan. Natututo ka sa pag-aaral ng salita ng Diyos, at gising na gising ka na pagdating sa eskuwela, at puno ng mabubuting kaisipan ang utak mo. Binabago nito ang buhay mo.”

Isa sa mga kahulugan ng pagbabagong-buhay ay “muling maisilang sa espirituwal o magbalik-loob.” Maaari din itong mangahulugan ng “naipanumbalik sa mas mainam, mas mataas, mas marapat na kalagayan.” Ayon kay Travis binabago rin ng paglilingkod sa priesthood ang buhay niya. “Kami ng pamilya ko ay pinagpapala nito, dahil tinutulutan ako nitong matulungan ang mga nasa paligid ko, pati na ang aking pamilya. Ito ang nagpapaligaya sa puso ko.”

“Kung may tiwala tayo sa Ama sa Langit, pagpapalain tayo,” sabi ni Leslie Amoussouga, 15. “Alam natin na lagi Siyang naghahanda ng daan para sa atin. Kung hindi tayo mag-aalinlangan, kung sasampalataya tayo at susundin ang mga kautusan, pagliliwanagin Niya ang ating mga kaluluwa.” Sa madaling salita, tutulungan Niya tayong magbagong-buhay, sa bawat henerasyon.

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney

Ibabaw, mula itaas: Nasisiyahan ang mga estudyante sa seminary na sina Luidgia, Travis, Eole, at Leslie (kabilang pahina) na sama-samang pag-aralan ang ebanghelyo. Alam ni Coco (sa naunang pahina) na pinatatatag ng ebanghelyo ang kanyang pamilya.