2009
Magiging Matibay Akong Kawing
Pebrero 2009


Oras ng Pagbabahagi

Magiging Matibay Akong Kawing

“Ang mag-anak ay inorden ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”).

Noong binatilyo pa si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), nanirahan sila ng kanyang pamilya sa isang bukid tuwing tag-init. Naranasan niya ito roon:

“May isang patay na puno na gusto kong bunutin. Itinali ko ang isang dulo ng kadena sa traktora at ang kabilang dulo sa puno. Nang umabante ang traktora, gumalaw nang kaunti ang puno, at naputol ang kadena.

“Tiningnan ko ang putol na kawing na iyon at nagtaka ako kung paano ito naputol. Nagpunta ako sa tindahan ng hardware at bumili ng pandugtong. Pinagdugtong ko itong muli, pero saliwa at pangit ang pagkadugtong. Hindi na nabalik sa dati ang kadena kahit kailan.”1

Isipin ninyo ang inyong sarili bilang bahagi ng isang kadena—isang kadena ng pamilya. Sabi ni Pangulong Hinckley hindi natin dapat hayaang maging pinakamahinang kawing tayo sa kadena ng ating pamilya.

Sina Adan at Eva ang unang pamilya sa daigdig. Sila ang nagpasimula ng kadena ng pamilya. Sinabi sa kanila ng Diyos na magkaanak sila. Nang magkaanak sina Adan at Eva, tinuruan nila ang mga ito ng ebanghelyo.

Tulad ng pagkatuto ng mga anak nina Adan at Eva sa kanilang mga magulang at pagkatapos ay maturuan ng mga ito ang sarili nilang mga anak, nais ng Ama sa Langit na matuto kayo sa inyong mga magulang. At kapag nagkaanak kayo, nais Niyang turuan ninyo sila. Magagawa ninyong halimbawa sina Adan at Eva at iba pang mabubuting pamilya sa mga banal na kasulatan para matuto kung paano tutulungan ang inyong pamilya na maging matitibay na kawing sa kadena ng pamilya.

Aktibidad

Pilasin ang pahina K4, at idikit sa makapal na papel. Gupitin ang bawat kawing sa tuwid at itim na mga guhit. Para magupit ang loob ng mga kawing, gupitin ang kawing sa putul-putol na linya. Isulat ang inyong pangalan sa isa sa mga kawing at ang pangalan ng inyong mga magulang, kapatid, lolo’t lola, tiya, tiyo, pinsan, o iba pang kamag-anak sa iba pang mga kawing. Pagdugtung-dugtungin ang mga kawing. Isabit ang inyong kadena kung saan nito maipaaalala sa inyo na kayo ay bahagi ng isang pamilya at maaari kayong maging matibay na kawing. Sa isang family home evening, papiliin ng isang pangalan sa isa sa mga kawing ang inyong mga kapamilya at magpasabi ng isang bagay na natutuhan nila mula sa taong iyon na nakatulong sa kanila na maging matibay.

Mga Ideya sa Oras ng Pagbabahagi

  1. Isulat ang sumusunod na mga reperensya sa mga banal na kasulatan sa labas ng anim na sobre, isang reperensya bawat sobre: Moises 3:24; Moises 5:1; Moises 5:2; Moises 5:4; Moises 5:5; Moises 5:12. Ihanda ang anim na wordstrip na ito: magpakasal, magtulungan, magkaanak, manalangin, sundin ang mga kautusan, turuan ang mga anak. Gupitin nang hiwa-hiwalay ang mga letra, pagsama-samahin ng paper clip ang mga letra ng bawat salita, at ipasok ang mga ito sa loob ng angkop na sobre. Maghanap ng mga larawan ng mga pamilya na nagpapakita ng bawat wordstrip. Idispley ang Gospel Art Picture Kit 119 (Tinuturuan nina Adan at Eva ang Kanilang mga Anak). Ikuwento nang maikli sina Adan at Eva, na binibigyang-diin na sa pamamagitan nila ay naitatag ng Ama sa Langit ang huwaran ng mga pamilya. Maghati sa anim na grupo, at bigyan ng isang sobre ang bawat grupo. Ipabasa ang banal na kasulatan sa mga bata, guluhin ang mga letra, at pagdikit-dikitin o iteyp ang mga ito. Simula sa Moises 3:24 at sunud-sunod na, sabihin sa bawat grupo na ipakita ang kanilang wordstrip at piliin ang katugmang larawan. Ipaligid ang mga larawan sa larawan nina Adan at Eva. Ipaliwanag na sa pamilya pinakamagandang matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo.

  2. Para maituro na pinagpapala ng Ama sa Langit ang matwid na mga pamilya, magdula-dulaan tungkol sa mga anak ni Helaman na pinoprotektahan sa digmaan. Magsama ng mga bahagi para sa tagakuwento, kay Helaman, at sa mga anak ni Helaman (tingnan sa Alma 53:10–23; 56; 57). Gumamit ng mga name tag o simpleng kasuotan kung gusto ninyo. Pinagpala rin ng Ama sa Langit ang ibang matwid na mga pamilya. Maghati sa dalawang grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga kuwento: pamilya ni Nephi (1 Nephi 17:7–13; 18:1–6) at mga pamilyang Jaredita (Genesis 11:1–9; Eter 1:33–43). Ipabasa ang kuwento sa bawat grupo. Gumanap bilang reporter (gumamit ng mikropono kung mayroon), at interbyuhin ang bawat grupo sa pamamagitan ng pagtatanong na maglalahad sa mga detalye ng bawat kuwento. Magpatotoo na pinagpapala ng Ama sa Langit ang matwid na mga pamilya.

Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Keep the Chain Unbroken,” sa Brigham Young University 1999–2000 Speeches (2000), 108–9.

Paglalarawan ni Thomas S. Child