2009
Pagtatagumpay Bilang Bagong Binyag
Pebrero 2009


Pagtatagumpay Bilang Bagong Binyag

Sa ating pakikipagkaibigan sa iba, paglilingkod, at pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan, lalakas ang ating pagtitiwala.

Ang umaga ng taglamig noong una akong dumalo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay di-pangkaraniwan ang liwanag at lamig. Habang papalapit ako sa meetinghouse, wala akong ideya kung paano babaguhin ng pagsapi sa Simbahan ang buhay ko. Mabuti na lang, may mga bagay na magagawa ang mga binyagang tulad ko upang maging matatag sa ebanghelyo. Kailangan nating makipagkaibigan, maglingkod sa Simbahan, at “magpakabusog sa mga salita ni Cristo” (2 Nephi 32:3).

Pakikipagkaibigan

Lahat ng miyembro ng Simbahan, lalo na ang mga bagong binyag, ay kailangan ng mga kaibigang gagabay sa kanila. Narito ang ilang paraan na makagagawa ng kaibhan ang pakikipagkaibigan.

Matutulungan ng mga miyembro ang mga bagong binyag. Bago ako nabinyagan, isang mabait na miyembrong babae ang lumapit mula sa pinakadulo ng meetinghouse dahil gusto lang niya akong makilala. Naantig ang puso ko na sinadya niyang ipadama sa akin na napakahalaga ko. Gayundin ang ginawa ng marami pang iba. Kapag natanto ng mga bagong binyag kung gaano sila kamahal ng mga miyembro ng Simbahan, mapupuspos ng pagmamahal ang kanilang puso.

Ang mga guro sa mga klase sa Simbahan ay may malasakit din sa atin. Malaking inspirasyon sa akin ang aking guro sa Gospel Essentials. Madalas ay dama kong parang tuwirang nakikipag-usap sa akin ang Tagapagligtas sa mga araling ito, at pinasisigla ako at hinihikayat na magpatuloy.

Gayundin, sinusubaybayan at pinagpapala ng mga home at visiting teacher ang mga miyembro ng Simbahan. Tanggapin sila sa inyong tahanan, at pasalamatan sila at ang Panginoon sa kanilang paglilingkod. Tulad ng itinuro ni Elder David B. Haight (1906–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Mapagpapala ng [pasasalamat] ang ating puso at isipan at kaluluwa kung saan nais nating magpatuloy na gawin ang mga bagay na ipinagagawa sa atin.”1

Pagpapalain ang mga nabinyagan kapag sila rin ay tumulong sa iba. Isang araw bumili ako ng greeting card na may larawan ng isang malaking mata sa harapan. Nakalagay sa loob, “Salamat sa pagbabantay mo sa akin!” Ipinadala ko ang card sa isang miyembrong babae sa ward na naging mabait sa akin. Nang gawin ko ito, nadama ko ang init ng pagmamahal ng isang Kristiyano para sa kanya.

Sa huli, kailangan nating patatagin ang relasyon natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Mangyayari ito kapag tayo ay naglilingkod sa iba, nagpapasalamat, at nananalangin. Pagtitibayin ng Espiritu na karapat-dapat tayo sa dakilang sakripisyong ginawa ng Tagapagligtas para sa atin.

Paglilingkod sa Simbahan

Karaniwan pagkatapos ng binyag, hihilingan ang mga bagong miyembro na gumanap sa mas malaking tungkulin sa paglilingkod sa kanilang ward o branch. Ang bishop o branch president ang magbibigay ng tungkulin. Maaaring mahirapan ang ilan sa panahong ito.

Nang tanggapin ko ang unang tungkuling ibinigay sa akin—Relief Society secretary—naisip ko, “Paano ako nabigyan ng ganito kahalagang responsibilidad?” Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, kung paano: “May mga sandaling madarama ninyo na kayo’y nadadaig. Isa sa mga paraan ng pagsalakay sa inyo ay sa damdaming kayo’y may kakulangan. … Ngunit makakaya ninyo ang higit pa sa likas ninyong kakayahan, at hindi kayo nag-iisa.”2

Pagkaraan, sinabi ng Relief Society president na makikita sa mga mungkahi ko sa isang miting ng panguluhan na ako ay inspirado. Nalilito, sumagot ako ng, “Talaga?” Magiliw niyang muling tiniyak sa akin na tumutugon ako sa Espiritu. Ang pagkilala sa kamay ng Diyos na gumagabay sa ating ginagawa ay hindi madali sa una, ngunit kapag sinunod natin ang mga utos at masigasig tayong gumawa, malalaman natin na dinaragdagan Niya ang kakayahan ng mga taong tinatawag Niya.

Pagpapakabusog sa mga Salita ni Cristo

Marahil ang pinakamainam na paraan para matuklasan na mahal tayo ng Panginoon at tutulungan tayo ay sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na inaanyayahan ng Panginoon ang “lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya” (2 Nephi 26:33).

Maaaring mamangha ang ilang bagong miyembro sa kaalaman at patotoo ng iba. Ngunit alalahanin, nagtuturo ang Panginoon “ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Bawat isa sa atin ay kailangang matuto sa buhay. Kahit si Jesus ay “hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan; at sa gayon siya tinawag na Anak ng Diyos, sapagkat hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula” (D at T 93:13–14).

Pinag-ibayo ng kaalamang iyan ang pagpipitagan at paggalang ko sa Kanya. Talagang alam Niya ang pasakit, tukso, hirap, at kalungkutang naranasan ko (tingnan sa Alma 7:11). Malalapitan ko Siya nang may lubos na tiwala. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang pagmamahal, pag-unawa, at habag ng Tagapagligtas para sa atin, saan man tayo naroon, ay sakdal at walang hanggan.

Sa ating pakikipagkaibigan sa iba, paglilingkod, at pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan, lalakas ang ating pagtitiwala at magiging tapat tayong mga Banal sa mga Huling Araw na siyang hangad natin.

Mga Tala

  1. David B. Haight, “Hindi Baga [Sampu] ang Nagsilinis?” Liahona at Ensign, Nob. 2002, 26.

  2. Henry B. Eyring, “Manindigan sa Iyong Tungkulin,” Liahona at Ensign, Nob. 2002, 76.

Mga paglalarawan nina Matthew Reier, John Luke, at Frank Helmrich