2009
Ang Dakilang Plano ng Ating Diyos
Pebrero 2009


Ang Dakilang Plano ng Ating Diyos

Mula sa isang mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University noong Oktubre 30, 2007.

Larawan
Elder L. Tom Perry

Sa mabilis na takbo ng buhay sa mundo ngayon, napakaraming tao ang nakikipagsapalaran na lang sa buhay, nang walang sapat na plano at paghahanda. Kapag tinatanong ko ang ilang estudyante kung ano ang pangunahing kurso nila, ang sagot sa akin kadalasan ay, “Hindi pa ako nakapagpasiya. Saka na lang.” Nakita ko na ang mga pamilya at indibiduwal na nabaon sa utang dahil nabigo silang gumawa ng matinong planong pinansyal at namuhay nang lampas pa sa kaya nilang tustusan. Ang iba naman ay buhos na buhos ang sarili sa mga aktibidad, aralin, samahan, at athletics. Kahit totoo na mabuting makisali sa gayong mga organisasyon, ang paglahok sa mga ito ay dagling magpapataranta kapag hindi tayo nagplano. Sa kabiguang magplano, hindi tayo nakakatuon sa ating walang hanggang tadhana.

Makikita natin ang sukdulang halimbawa ng pagpaplano sa pagbaling sa mga banal na kasulatan. Sa Moises 1:39, ipinahayag ng Panginoon, “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” Ang Kanyang dakilang plano, na kinabibilangan ng nagbabayad-salang sakripisyo, ay bigyan ng imortalidad ang buong sangkatauhan. Sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng priesthood, ang mga mananangan at susunod sa Kanyang plano ay tatanggap ng buhay na walang hanggan, ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak (tingnan sa D at T 14:7). Sagana ang mga banal na kasulatan sa mga reperensya sa planong ito.

Ang kasaysayan ng proseso ng pagsunod sa planong iyon ay tunay na nagpapatotoo na ito ay kumpleto at hindi nagbabago. Buong ingat na itinuro ng Panginoon sa Kanyang mga anak ang plano ng ebanghelyo sa mga panahong tinatawag na mga dispensasyon, mga panahon kung kailan tumatawag “ang Panginoon ng kahit isa man lamang na tagapaglingkod na binigyang-karapatan sa mundo na nagtataglay ng mga susi ng banal na pagkasaserdote. …

“… Kapag nagsasaayos ang Panginoon ng isang dispensasyon, ang ebanghelyo ay muling ipinahahayag nang sa gayon ang mga tao ng dispensasyong iyon ay hindi kinakailangang umasa sa mga lumipas na dispensasyon upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan.”1

Bawat dispensasyon ay may natatanging aral na maisasama natin sa ating mga personal na plano sa paghahanda natin para sa ating walang hanggang tadhana.

Ang Dispensasyon ni Adan: Maging Katulad ng Ating Ama sa Langit

Sa unang dispensasyon, nilikha ng Panginoon sina Adan at Eva, inilagay sila sa lupa, at binigyan ng mga pagkakataong makapili (tingnan sa Moises 3:17). Inutusan silang huwag kainin ang bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, dahil sinabi sa kanila na itataboy sila palabas ng halamanan kung kakainin nila ito. Ngunit magiging mortal sila kapag kinain nila ang bunga. Kinain nila ang bunga.

Ang Pagkahulog ay hindi kapahamakan. Hindi iyon pagkakamali o aksidente. Iyon ay sadyang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Panginoon. Bunga ng Pagkahulog, napailalim tayo sa tukso at kalungkutan bilang kapalit ng pagkaunawa sa tunay na kagalakan. Kung hindi natin matitikman ang pait, hindi natin mauunawaan ang tamis kailanman (tingnan sa 2 Nephi 2:15). Kinailangang madisiplina at mapatino ang mortalidad para sa susunod na hakbang ng ating pagiging higit na katulad ng ating Ama.

Ano ang itinuturo sa atin ng unang dispensasyong ito? Tayo ay tunay na espirituwal na anak ng ating Ama sa Langit. Nang isilang tayo sa mortalidad, tumanggap tayo ng mga pisikal na katawang nilikha sa Kanyang wangis (tingnan sa Genesis 1:27). Pinangakuan tayo na kung tatanggapin natin ang mga kinakailangang ordenansa, tutupdin ang mga tipan, at susundin ang mga utos ng Diyos, papasok tayo sa kadakilaan at magiging katulad Niya.

Nalaman din natin na bilang mga anak ng isang Amang Walang Hanggan, maaari tayong makipag-ugnayan sa Kanya sa panalangin at tumanggap ng mga sagot sa pamamagitan ng inspirasyon at paghahayag. Dapat nating isama sa plano natin sa buhay ang palagian at regular na pakikipag-ugnayan sa ating Ama.

Ang mga Dispensasyon nina Enoc at Noe: Piliin ang Kabutihan sa Halip na Kasamaan

Ang ikalawang dispensasyon ay kilalang kay Enoc, na “lumakad … na kasama ng Dios” (Genesis 5:24). Siya ang nagtatag ng lungsod ng Sion, na naging makapangyarihang simbolo ng kabutihan na makakamtan sa lupa gayundin sa langit (tingnan sa Moises 7:18–21).

Kasunod ay ang dispensasyon ni Noe. Si Noe ay nabuhay sa panahon ng matinding kasamaan, at kahit sinabihan niya ang mga tao na magsisi, hindi nila dininig ang kanyang mga salita. Nang magbaha, tanging si Noe at ang kanyang pamilya ang nangaligtas (tingnan sa Genesis 7:23).

Itinuturo sa atin ng ikalawa at ikatlong dispensasyon ang malalaking aral ng ibubunga ng pagpili ng mabuti sa masama. Si Enoc at lahat ng kanyang kasama ay pinagpala nang husto dahil sa kanilang kabutihan. Natuklasan ng mga taong ayaw sumunod kay Noe na kapahamakan ang hantong ng makasalanan.

Itinuturo sa atin ng dalawang dispensasyong ito na hangarin ang mabuti at makabuluhan. Sa plano natin sa buhay, tiyak na ang magiging adhikain natin ay makamtan ang lahat ng kabutihang matatagpuan natin sa mundong ito. Marami tayong makikitang ganitong kabutihan sa araw-araw na pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan. Aakayin tayo nito sa buhay na walang hanggan.

Ang Dispensasyon ni Abraham: Gumawa at Tumupad ng mga Tipan

Ang sumunod na dispensasyon ay kay Abraham. Katulad nina Adan, Enoc, at Noe, si Abraham ay tumanggap ng banal na utos mula sa Panginoon. Ang Panginoon ay gumawa rin ng mga tipan—o nagbibigkis at matitibay na kasunduan—kay Abraham:

“Abraham, umalis ka sa iyong bansa, at sa iyong mga kamag-anak, at sa bahay ng iyong ama, patungo sa lupaing ipakikita ko sa iyo. …

“At gagawin ko mula sa iyo ang isang dakilang bansa, at ikaw ay pagpapalain ko nang hindi masusukat, at padadakilain ang iyong pangalan sa lahat ng bansa, at ikaw ay magiging isang pagpapala sa iyong mga binhi na susunod sa iyo, na sa kanilang mga kamay ay dadalhin nila ang pangangaral na ito at Pagkasaserdote sa lahat ng bansa;

“At aking pagpapalain sila sa pamamagitan ng iyong pangalan; sapagkat kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay tatawagin alinsunod sa iyong pangalan, at ibibilang sa iyong mga binhi, at magbabangon at papupurihan ka, bilang kanilang ama;

“At aking pagpapalain sila na magbibigay-puri sa iyo, at susumpain sila na susumpa sa iyo; at sa iyo (iyon ay, sa iyong Pagkasaserdote) at sa iyong mga binhi (iyon ay, ang iyong Pagkasaserdote), sapagkat ako ay nagbibigay sa iyo ng isang pangako na ang karapatang ito ay magpapatuloy sa iyo, at sa iyong mga binhi na susunod sa iyo (ibig sabihin, ang tunay na mga binhi, o ang mga binhi ng katawan) ay pagpapalain ang lahat ng mag-anak sa mundo, maging ng mga pagpapala ng Ebanghelyo, na mga pagpapala ng kaligtasan, maging ng buhay na walang hanggan” (Abraham 2:3, 9–11).

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay mga pinagtipanang tao. May mga kasunduan tayo ng Panginoon kung saan nangako Siya sa atin ng maraming pagpapala kung itatalaga natin ang ating sarili sa pagsunod sa Kanyang mga batas at kautusan. Dapat nating isama sa plano natin sa buhay ang paggawa at pagtupad ng mga tipan. Magagawa natin ito kahit paano sa pamumuhay nang marapat para magkaroon ng current temple recommend sa tuwina.

Ang Dispensasyon ni Moises: Sundin ang mga Propeta ng Panginoon

Si Moises ay isa sa mga pinakamakapangyarihang taong nabuhay sa mundo. Nakasabay niya sa paglakad at nakausap niya ang Diyos. Pinili siya ng Diyos upang iligtas ang Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto (tingnan sa Exodo 6:13). Nagkaroon siya ng pribilehiyong tanggapin para sa sangkatauhan ang dakilang batas na nasa Sampung Utos (tingnan sa Exodo 19; 20). Sa pamamagitan nito at ng iba pang mga aral mula sa Panginoon, si Moises ay naging epektibong lider.

Tayo rin ay maaaring maging epektibong mga lider. Kailangan sa pamumuno ang balanseng buhay. Binalangkas ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang mga responsibilidad na dapat nating isaalang-alang sa pagtatakda at pagbabalanse ng ating panahon para magtagumpay:

  • Responsibilidad sa ating mga pamilya.

  • Responsibilidad sa ating mga amo sa trabaho.

  • Responsibilidad sa gawain ng Panginoon.

  • Responsibilidad sa ating sarili. Ito ang lalong nakatawag sa aking pansin. Sinabi ni Pangulong Hinckley na kailangan tayong maglaan ng oras sa pahinga, ehersisyo, pag-aaral, pagmumuni, at pagsamba sa templo upang maging balanse ang ating buhay.2

Ang dispensasyon ni Moises ay tinuturuan at inihahanda tayong sundin ang pamumuno ng propeta at maging mas epektibong kasangkapan sa pagtatayo ng kaharian ng ating Ama sa Langit sa daigdig.

Ang Kalagitnaan ng Panahon: Lumiwanag na Gayon ang Iyong Ilaw

Siyempre ang pinadakilang dispensasyon ay ang kalagitnaan ng panahon, nang pumarito sa lupa ang Tagapagligtas. Si Jesucristo ang pinakamahalaga sa ating doktrina. Hindi lamang Siya walang-sala, mabait, at mapagmahal. Hindi lamang siya isang guro. Nagministeryo Siya sa lupa bilang tao, bagaman Siya ang Anak ng Diyos. Siya ay namatay, inilibing, at bumangon sa ikatlong araw upang magbayad-sala para sa buong sangkatauhan upang hindi magkaroon ng kapangyarihan ang kamatayan habampanahon. Dahil doon, lahat ay magagalak at magtatamasa ng imortalidad.

Kabilang sa maraming bagay na itinuro sa atin ng Tagapagligtas ay na tayo ang liwanag ng sanlibutan at dapat lumiwanag na gayon ang ating ilaw sa iba (tingnan sa Mateo 5:14–16). Mapalad tayong matanggap ang Kanyang ebanghelyo. Hayaang lumiwanag ang inyong ilaw nang makita ng iba ang inyong mabubuting gawa at naisin nilang makaalam pa tungkol sa walang hanggang plano ng Diyos.

Ang Dispensasyon ng Kaganapan ng Panahon: Magalak sa Kabuuan ng Ebanghelyo

Nabubuhay tayo sa kagila-gilalas na henerasyon ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon, kung kailan naipanumbalik na ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kabuuan nito (tingnan sa D at T 27:13). Nakikinabang din ang ating henerasyon sa lahat ng naunang dispensasyon na maaari nating pagsaligan ng ating buhay kapag naunawaan natin ang mga pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga anak.

Ang mga salita ng Panginoon, ayon sa pagkabigay sa atin ng Kanyang mga banal na propeta sa paglipas ng mga panahon, ang gumagabay sa atin sa planong binuo ng Panginoon para sa atin. Ang planong iyon ay kumpleto mula sa simula ng panahon hanggang sa magkaroon tayo ng pagkakataon, kung mamumuhay tayo nang marapat, na makapiling Siya sa darating na mga kawalang-hanggan.

Kayo ay mga anak sa pangako. Sana ay wala kayong planong maging karaniwan kundi plano ninyong magpakahusay. Walang puwang sa mundong ito ang mababang uri; kailangan nating sikaping maging perpekto. Magiging perpekto kayo sa napakaraming aspeto kapag hinangad ninyo at pinagsikapang abutin ang mga mithiing naitakda ninyo.

Mayaman ang inyong pamana; huwag matakot na mag-isip at kumilos ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo at magtamasa ng mga pagpapala nito habang ginagampanan ninyo ang layunin ng paglikha sa inyo bilang anak ng Diyos. Pagpalain kayo ng Diyos na magkaroon kayo ng hangaring magpatuloy at magkaroon ng kaligtasan sa ilalim ng dakilang planong ito na ibinigay Niya sa atin.

Mga Tala

  1. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Dispensasyon”; makukuha sa www.lds.org sa Gospel Library sa ilalim ng “Scriptures.”

  2. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Pagkagalak sa Pribilehiyong Maglingkod,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Hunyo 21, 2003, 23–25.

Adan

Enoc

Noe

Abraham

Moises

Jesucristo

Joseph Smith

Kanan: Kaanyuan ni Cristo, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.; ibaba, mula kaliwa: Sina Adan at Eva sa Halamanan, ni Lowell Bruce Bennett; Tinangay sa Langit ang Lungsod ng Sion, ni Del Parson; Pinagtawanan ang Pangangaral ni Noe, ni Harry Anderson

Mula kaliwa: Abraham sa Kapatagan ng Mamre, ni Grant Romney Clawson; Hinahati ni Moises ang Dagat na Pula, ni Robert Barrett; Liwanag at Katotohanan, ni Simon Dewey; Brother Joseph, ni David Lindsley; Si Cristo sa Getsemani, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.

Joseph Smith, ni Alvin Gittins

Ang pinadakilang dispensasyon ay ang kalagitnaan ng panahon, nang pumarito sa lupa ang Tagapagligtas. Si Jesucristo ang pinakamahalaga sa ating doktrina.

Ang Tagapagligtas ay namatay, inilibing, at bumangon sa ikatlong araw upang magbayad-sala para sa buong sangkatauhan upang hindi magkaroon ng kapangyarihan ang kamatayan habampanahon. Dahil sa ginawang iyon, lahat ay magagalak at magtatamasa ng imortalidad.

Nabubuhay tayo sa kagila-gilalas na henerasyon ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon, kung kailan naipanumbalik na ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kabuuan nito.