2009
Pag-iimbak ng Pagkain ng Pamilya sa Tahanan: Isang Bagong Mensahe
Marso 2009


Pag-iimbak ng Pagkain ng Pamilya sa Tahanan: Isang Bagong Mensahe

Tingnan kung luma na ang mga ideya ninyo tungkol sa pag-iimbak ng pagkain sa tahanan. Baka kailangan na ninyong itapon ang ilan dito.

Bilang isang ina na mag-isang nagtataguyod sa pamilya at nagtatrabaho sa isang law firm sa Phoenix, Arizona, USA, nahirapang humanap ng oras at lugar si Evelyn Jeffries na kailangan para sa pag-iimbak ng pagkain sa tahanan. Kahit na nakadalo siya sa mga aktibidad at miting tungkol sa pag-iimbak ng pagkain at nagsikap sundin ang payo ng propeta, gaya ng maraming miyembro ng Simbahan, nahirapan siyang wariin kung ano ang magagawa niya sa daan-daang librang trigo na sinabihan siyang kailangang iimbak para sa kanilang mag-ina.

Nang magmungkahi ng ibang paraan ang isang miyembrong babae sa kanyang ward, natuklasan ni Sister Jeffries ang susi sa matagumpay na pag-iimbak ng pagkain sa tahanan: patuloy at unti-unting dagdagan ang kanyang suplay ng pagkain.

Nang makaipon ng partikular na halaga sa kanyang badyet para sa pag-iimbak ng pagkain sa tahanan, bumili siya ng ilang ekstrang bagay mula sa groseri bawat linggo. Bumili rin siya ng isang pangunahing pagkain gaya ng mga butil at beans sa home storage center ng Simbahan bawat buwan.

Maraming taon pagkaraan, noong Oktubre 2002, nakintal kay Sister Jeffries nang imungkahi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na gumamit ng mas simpleng paraan ang mga miyembro ng Simbahan sa pag-iimbak ng pagkain sa tahanan.

“Makapagsisimula tayo sa simpleng paraan,” paliwanag ni Pangulong Hinckley. “Simulan natin sa isang linggong imbak na pagkain at unti-unting dagdagan ito para sa isang buwan, at pagkatapos ay para sa tatlong buwan.”1

Napuna ni Sister Jeffries na “ang maganda sa sistemang ito ay ang kaangkupan nito sa mga pamilyang nagsisimula pa lang mag-imbak, gayundin sa mga nakatira sa maliliit na bahay at apartment, na napakasikip. Malinaw na natanto ni Pangulong Hinckley na kailangan ang pagbabago at pag-aakma upang lahat tayo ay makinabang sa inspiradong programa ng Panginoon.”

Isang Bagong Paraan

Sa tema ng mensahe ni Pangulong Hinckley, nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na muling suriing mabuti ang paraan nila sa pag-asa sa sarili, na humahanap ng mga paraan na mapatibay ang mga konsepto ng pag-iimbak ng pagkain sa tahanan at kahandaang pinansyal. Dahil dito, inilathala ng Simbahan ang polyetong Ihanda ang Bawat Kinakailangang Bagay: Pag-iimbak ng Pagkain ng Pamilya sa Tahanan, na nagbabalangkas sa mga bagong gabay para sa kahandaan sa tahanan na nagbibigay sa mga miyembro ng Simbahan ng pinasimpleng apat-na-hakbang na paraan sa pag-iimbak nila sa tahanan.

Ito ang mga sumusunod:

  1. Unti-unting mag-imbak ng kaunting suplay ng pagkain na karaniwang bahagi ng inyong kinakain sa araw-araw, hanggang makapag-imbak kayo ng sapat para sa tatlong buwan.

  2. Mag-imbak ng inuming tubig.

  3. Mag-ipon ng reserbang pondo sa pamamagitan ng pagtatabi ng maliit na halaga linggu-linggo, at unti-unting dagdagan ito hanggang sa lumaki.

  4. Kapag nagawa na ng mga pamilya ang unang tatlong layunin, pinapayuhan silang dagdagan pa ang kanilang mga pagsisikap, kung tutulutan ng sitwasyon, hanggang magkaroon ng pangmatagalang suplay ng pangunahing pagkain tulad ng mga butil, gulay na butil, at iba pang mga pangunahing pagkain.

Sa mga bagong gabay, sinabi ni Presiding Bishop H. David Burton, “Layunin nating magkaroon ng simple, mura, at maisasagawang programang tutulong sa mga tao na umasa sa sarili. Tiwala kami na sa pagpapakilala sa iilan at simpleng mga hakbang na ito ay higit tayong magtatagumpay sa paglipas ng panahon.”

Gabay 1: Unti-unting mag-imbak ng inyong tatlong-buwang suplay.

Magsimula sa kaunti at gawin ang abot-kaya ninyo. Magsimula sa pagbili ng ilang ekstrang bagay na idaragdag sa inyong imbakan bawat linggo. Magpursiging mag-imbak ng isang-linggong suplay; pagkatapos gawin itong isang-buwang suplay, pagkatapos ay tatlong-buwang suplay. Sa dahan-dahang pagdaragdag sa inyong suplay, maiiwasan ninyong maghirap at makapagsisimula kayong umasa sa sarili.

Nalaman ng pamilyang Lugo ng Valencia, Venezuela, na malaki ang pakinabang sa bagong paraang ito ng pagsisimula sa kaunti at patuloy na pagdaragdag doon. Matapos makinig sa pangkalahatang kumperensya, nagkaroon ng inspirasyon si Brother Omar Lugo, isang miyembro ng Simbahan sa Falcón Venezuela District, na simulan ang sarili niyang pag-iimbak ng pagkain sa tahanan. Nag-usap-usap sila sa pamilya, at nagkasundo silang sundin ang payo ng propeta.

Nagsimula silang magtabi ng pagkain, tubig, at pera, nang paunti-unti. Noong una halos hindi mapansin ang kaibhan. Ngunit paglaon natuklasan ng mga Lugo na marami na silang reserba. Ilang buwan matapos nilang simulan ang pag-iimbak sa tahanan, maraming manggagawa sa Venezuela ang nanganib na mawalan ng trabaho dahil sa welga. Kasama si Brother Lugo sa nawalan ng trabaho kalaunan.

Sa maikling panahon namuhay ang kanyang pamilya sa kanilang ipon. Pitong buwan pagkaraan umasa na lang ang pamilyang Lugo sa pagkaing inimbak nila. Halos dalawang taon bago muling nakapagtrabaho si Brother Lugo, ngunit nalagpasan ng kanyang pamilya ang mahihirap na hamon ng kawalan ng trabaho. Unti-unti nilang pinalaki ang kanilang reserba, at pagsapit ng taghirap, handa sila at pinagpala ng Panginoon.

Gaya ng pamilyang Lugo, pagpapalain din ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang pagsunod sa payo ng Unang Panguluhan sa unti-unti nilang pag-iimbak ng pagkain sa tahanan. “Hinihiling namin na maging matalino kayo sa pag-iimbak ng pagkain at tubig at mag-impok,” paliwanag ng Unang Panguluhan. “Huwag magmalabis; hindi praktikal, halimbawa, ang mangutang para lamang agad makapag-imbak ng pagkain.” Bagkus, nagpapahiwatig ito ng simple at tuluy-tuloy na paraan. “Sa mahusay na pagpaplano, sa loob ng ilang panahon, makapag-iimbak kayo, ng mga kinakailangang bagay sa tahanan at makapag-iipon kayo ng reserbang pondo.”2

Gabay 2: Mag-imbak ng inuming tubig.

Sa oras ng pangangailangan, ang pagkakaroon ng tubig na maiinom ang sagot sa pagitan ng buhay at kamatayan—o kahit man lang sa pagitan ng kapayapaan at pag-aalala. Tanungin na lang ninyo ang pamilyang Kawai, mga miyembro ng São Paulo Brazil Stake. Dalawampung taon na silang nag-iimbak ng pagkain at tubig. Kahit walang gaanong lugar sa maliit nilang apartment, nagpasiya ang mga Kawai na gawing priyoridad ang pag-iimbak ng pagkain sa tahanan.

Ikinuwento ni Sister Kawai ang isang karanasan na sulit ang naging pasiya nila. “Nasa ospital ako dahil kapapanganak ko pa lang nang malaman ko na may problema sa mga tubo ng tubig sa lungsod,” paliwanag ni Sister Kawai. “Daan-daang libong katao ang nawalan ng tubig. Pero hindi ako nag-alalang makauwi. Payapa ang isipan ko batid na may tubig na maiinom ang pamilya ko.”

Gabay 3: Magtabi ng kaunting pera.

Nagmula sa Unang Panguluhan ang payong ito: “Hinihikayat namin kayo saanmang sulok ng mundo kayo nakatira na paghandaan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagsasaayos ng inyong kabuhayan. Hinihimok naming maging matipid kayo sa inyong paggastos. … Regular na magtabi ng maliit na halaga upang unti-unting makapagtabi ng reserbang pondo.”3

Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2007 pinagtibay ni Bishop Keith B. McMullin, Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric, ang tuntuning ito, na pinapayuhan ang mga miyembro ng Simbahan na “mag-ipon ng kaunting pera, kahit kaunting barya lang linggu-linggo. Sa simpleng paraang ito di magtatagal ay magkakaroon sila ng reserba sa loob ng ilang buwan.”4

Sa unti-unting pagtatabi ng reserbang pondo, magiging handa tayo para sa di-inaasahang mga pagsubok at magkakaroon ng ibayong kapanatagan at kapayapaan sa ating puso.

Gabay 4: Kung maaari, unti-unting magtabi ng pangmatagalang suplay.

“Para sa mga pangmatagalang pangangailangan,” paliwanag sa polyetong Ihanda ang Bawat Kinakailangang Bagay, “unti-unting mag-imbak ng suplay na pagkaing tatagal at magagamit ninyo para mabuhay, tulad ng trigo, bigas, at beans.”5

Mas madaling mag-imbak ng pangmatagalang suplay kaysa akala ng ilan. Nakagawa si Dr. Oscar Pike at ang kanyang mga kasamahan sa Brigham Young University Department of Nutrition, Dietetics, and Food Science ng ilang detalyadong pag-aaral tungkol sa pangmatagalang pag-iimbak ng pagkain. Nakakagulat ang natuklasan nila: ang pagkaing wastong nakapakete at inimbak sa low-moisture ay nananatili ang kalidad ng lasa at sustansya mula 20 hanggang 30 taon o mahigit pa matapos mailagay sa taguan—mas matagal kaysa inakala noon.

Ibig sabihin niyan maaaring iimbak nang matagalan ng mga miyembro ng Simbahan ang ilang pagkain nang hindi inaalalang regular na kainin at palitan ang pagkain. Tiwala sila na naroon ang suplay nila para panatilihin silang buhay kung wala na silang makain.

Ngayon Na ang Panahon para Magsimula

“Marahil dati-rati maaaring nakakatakot at baka ilegal pa nga sa ilang lugar ang pag-iimbak ng suplay na pagkain para sa isang taon,” sabi ni Dennis Lifferth, managing director ng Church Welfare Services. “Pero hinihiling ng bagong paraang ito na gawin natin ang ating makakaya, kahit ang tanging magagawa lang natin ay magtabi ng isa o dalawang de-lata bawat linggo. Kung hilingan tayo ng propeta na gawin ang isang bagay, makakakita tayo ng paraan para sundin ang utos at kamtin ang mga pagpapala.”

“Ang bagong programang ito ay kayang sundin ng lahat,” paliwanag ni Bishop Burton. “Ang unang hakbang ay magsimula. Ang ikalawa ay magpatuloy. Hindi mahalaga kung gaano kabilis natin itong magagawa bagkus ay magsimula tayo at magpatuloy ayon sa ating mga kakayahan.”

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Sa Kalalakihan ng Priesthood,” Liahona at Ensign, Nob. 2002, 58.

  2. Ihanda ang Bawat Kinakailangang Bagay: Pag-iimbak ng Pagkain ng Pamilya sa Tahanan (2007), 1.

  3. Ihanda ang Bawat Kinakailangang Bagay: Kabuhayan ng Pamilya (2007), 1.

  4. Keith B. McMullin, “Mag-imbak,” Liahona at Ensign, Mayo 2007, 53.

  5. Ihanda ang Bawat Kinakailangang Bagay: Pag-iimbak ng Pagkain ng Pamilya sa Tahanan, 2.

Mga paglalarawan ni Welden C. Andersen

Ibaba kaliwa: larawang kuha ni David Newman; ibaba kanan: Brigham Young, ni John Willard Clawson

Noong 1936 nagsimula ang programang pangkapakanan ng Simbahan sa pamamahala ng Unang Panguluhan. Mula kaliwa: David O. McKay (Pangalawang Tagapayo), Heber J. Grant (Pangulo), at J. Reuben Clark Jr. (Unang Tagapayo).